XL: Ijiraq

3209 Words
Nagtipon kaming lahat dito sa mesa para mag-almusal muna kahit papaano. Madaling araw pa lang naman. Mga ala singko. Habang abala silang maghanda ng pagkain, nakatulala lang kami ni Jerome dito sa harap ng mesa. Pakiramdam ko lumilipad ang utak ko. "Oh, anong nangyari sa inyong tatlo? Hindi ba kayo nakatulog nang maayos at ganyan ang mga hitsura niyo?" usisa ni Gunner pag-upo niya sa isang bakanteng puwesto. Nagtaka naman ako nang sinabi niyang 'tatlo' tapos ay napansin ko si Ryker na nakatulala rin gaya namin ni Jerome. "Paano naman kasi ako makakatulog nang maayos? Eh ang ingay ng dalawang 'yan kagabi," reklamo ni Ryker. "Paano naman kasi ako makakatulog? Eh panay ang reklamo ni Jerome tungkol sa suot niya," reklamo ko naman. "Hindi ako makatulog nang maayos dahil hindi ako komportable na may suot na b*a," reklamo naman niya. Paano ba naman kasi? Nagigising ako bawat kibot ni Jerome tungkol sa suot na b*a ng katawan ko. Hindi raw siya komportable. Eh hindi ko naman puwedeng tanggalin 'yon dahil katawan ko pa rin 'yon. "Oh siya, magsikain na tayo at pagkatapos nito aakyat na tayo agad sa Mt. Chioni," sambit ni Klein. Kape at pancake ang almusal namin na pinagsasaluhan namin ngayon. "Sa tingin ko, ang kapangyarihan ng telescope na 'yon at pagpalitin o ilipat ang kaluluwa ng sumilip doon mula sa nilalang na matapatan ng lens nito," sambit ni Gunner. Narining ko ang pagbuntonghininga ni Jerome at napansin kong hinihila na naman niya 'yong strap ng b*a na suot niya. "Ano ba? Sinabi nang huwag mong hilahin 'yan," saway ko sa kanya. Sinunod naman niya ako pero halatang-halata sa mukha niya ang pagkairita at pagkayamot. Sandali lang ay tapos na rin kaming kumain. Nagsipaghanda na kami agad para sa pag-alis namin. Habang ang iba ay abala sa pagbibihis nila sa kanilang uniform, ako naman ay nakatayo lang na parang estatwa rito sa sulok habang nakatalikod sa lahat. Hindi ko alam kung paano ba ako magbibihis. Huhubarin ko 'tong damit na suot ni Jerome ngayon? Hindi na nga kami nakapagbihis kagabi dahil sa sitwasyon naming 'to. Napansin ko naman si Jerome sa gilid ng mata ko at agad ko siyang nilingon. Nandilat ang mga mata ko nang makita kong huhubarin niya ang butones ng suot niyang damit! "'Wag!" sigaw ko sabay pigil sa mga kamay niya. Napatingin tuloy silang lahat sa'min. "Anong balak mong gawin?" tanong ko. "Ano pa ba? E 'di magbibihis," sagot niya. Bumuntonghininga ako, "Hindi puwede. Alam mo naman, 'di ba?" Bumuntonghininga rin siya, "Pero marumi na 'tong suot nating damit. Kahapon pa natin 'to suot nang umakyat tayo sa bundok." "Alam ko. Pero magtiis muna tayo sa ngayon hangga't hindi pa tayo nakakabalik sa sarili nating katawan. Isa pa, papatungan naman natin ng winter jacket itong uniform natin, eh," paliwanag ko. Bumuntonghininga na lang si Jerome sabay iling at kinuha na niya ang winter clothes ko. Gaya ng iba, nagsuot na naman kami ng mga damit-panlamig namin gaya ng winter jacket, mittens, bonnet, at winter boots. Kinuha ko naman 'yong puting scarf ko sa bag at binalot ko 'yon sa leeg ni Jerome. Nagulat at nagtaka naman siya sa ginawa ko. "Madali akong lamigin. Kaya isuot mo 'yan," sambit ko sa kanya. Tapos nagsakbit lang kami ng messenger bag sa mga katawan namin na ang laman ay mga importanteng bagay gaya ng first aid kit at tubig. Pag-alis namin sa apartment, nakasakay na kami agad ng karwahe. Kulay indigo pa lang ang langit habang nasa biyahe kami. Nakadungaw lang ako sa bintana habang pinagmamasdan ko ang paligid ng bawat madaanan namin. Gawa sa bricks halos lahat ng gusali rito. 'Yong parang nasa fairy-tales? Wala pa rin masyadong mga nasa labas kundi 'yong mga manggagawa pa lang halos. Mayamaya lang ay naramdaman kong parang may sumandal sa'kin. Dahan-dahan naman akong umayos ng upo at nakita kong si Jerome 'yon. Nakatulog siya habang nabiyahe kami. Pinagmasdan ko naman siya sandali. Naaawa ako sa kanya at napuyat siya nang dahil lang hindi siya komportable sa b*a na suot niya. Makalipas ng ilang minuto ay huminto na rin ang karwahe. Ginising ko na si Jerome bago kami magsibabaan. Bago pa lang sumisikat ang araw at nakarating na rin kami rito sa paanan ng bundok Chioni. "Tara na't hanapin na natin ang artifact na 'yon," sambit ni Jerome at nauna na siyang maglakad na tila nagmamadali, tapos ay nakasunod lang kami sa kanya. --- Habang umaakyat kami ng bundok ay humihinto rin kami sa mga puno kapag napapagod kami pero sandali lang kami nagpapahinga at lalakad kami ulit. Ayaw naming mag-aksaya ng panahon, lalo na si Jerome. Mukhang hindi na niya matagalan sa loob ng katawan ko. Sa bagay, ako rin naman. Hindi ako sanay sa katawan ng isang lalaki. Parang mas mabigat nang bahagya ang katawan niya kaysa sa'kin. Dahil siguro mas massive ang mga buto at muscles niya kaysa sa'kin. Bukod sa tubig ay may baon din kaming tinapay pantawid gutom. Kinain namin 'yon habang nasa kalagitnaan ng pag-akyat. Pahinga lang nang kaunti tapos lakad ulit. Mayamaya lang ay napansin ko naman ang paghingal ni Jerome. "Okay ka lang?" tanong ko sa kanya. "Mahina ang resistance at stamina ng katawan mo kaysa sa'kin," sagot niya at halata mo ang hirap niya sa paghinga sa kanyang pagsasalita. Nakakaramdam na rin ako nang kaunting pagod pero kinakaya ko pa. Mukhang malakas nga ang katawang 'to ni Jerome. "Huwag kayong mag-alala. Malapit na tayo sa tuktok," sambit ni Klein. Ilang oras na rin kaming naglalakad paakyat at napansin kong kulay orange na ang langit. "Kailangan nating makarating sa tuktok bago pa lumubog ang araw," ani naman ni Jerome. Ilang minutong lakad pa ay sa wakas, nakarating na rin kami rito sa tuktok. "Sa wakas! Nandito na rin tayo," bunyi ni Ryker. Nagpunta kaagad ako sa gilid ng bangin kung saan nahulog 'yong telescope. "Dito. Dito nahulog 'yong telescope," sambit ko habang nakatingin dito. Nagpuntahan naman sila rito at nakisilip na rin. "Mukhang may kalaliman ang bangin na 'to ah," sambit ni Xavier. "Kailangan na nating bumaba bago pa tuluyang lumubog ang araw," sabad naman ni Jerome. "Pero paano natin bababain 'to?" tanong ko. Mayamaya lang ay nakaramdam kami ng pagyanig. Kaya naman napalingon kaming lahat sa likuran namin. "Ugh, mga Unholy na naman," reklamo ni Ryker. "Magiging sagabal lang ang mga 'to sa pagbaba natin sa bangin para makuha ang artifact," inis na sabi naman ni Jerome. Pagkatapos ay pumunta na siya sa unahan namin para salubungin ang grupo ng mga Unholy na nagmamartsa papunta rito. "Corrinaya Scythe." Nang banggitin niya 'yon ay bumakas ang pagtataka sa kanyang mukha dahil walang lumalabas na kahit ano sa kamay niya. At nang mapatingin siya sa'kin ay napaikom ang mga labi ko. Mukhang nakalimutan niyang hindi niya matatawag ang artillery niya habang nasa katawan ko siya. Napabuntonghininga siya, "H-Hades Sword." Pagbanggit niya no'n ay lumitaw ang artillery na 'yon sa kanyang kamay. "Puwede ko bang tawagin ang artillery mo?" tanong ko naman sa kanya. "Huwag na. Baka hindi mo magamit nang maayos at mapahamak ka pa," sagot niya. "Hayaan mo na muna kami rito. Diyan ka lang," bilin pa niya sa'kin bago tuluyang tumakbo ro'n para salubungin ang mga Unholy kasama ang iba pa naming kasamahan dala rin ang mga artillery nila. Mula rito sa kinatatayuan ko ay pinapanood ko lang sila na makipaglaban do'n. At mukhang advantage para kina Klein at Ryker ang lugar na 'to dahil mahangin dito at gawa sa yelo ang paligid. Ang bilis kumilos ni Jerome—mula sa pagtakbo niya, hangga't sa pagbuwelo niya ng talon, at paghiwa niya sa mga Unholy para mahati ang mga 'to sa dalawa at magpira-piraso ang mga 'to at madurog. Nakakamangha lang na kahit hindi niya artillery ang gamit niya pero nagagawa pa rin niya nang maayos. At dahil katawan ko ang gamit niya, parang ang cool ko panoorin habang nakikipaglaban do'n. Mayamaya naman ay may malakas na hangin na biglang sumalubong sa'kin. Malamig ang hangin na parang yelo at malakas ito na parang liliparin ako. Napataas tuloy ako ng mga braso ko para gawing panangga sa malakas na hangin. At nang humupa ito ay tiningnan ko kaagad ang pinanggalingan ng hangin na 'yon. Napatitig ako sa nakita ko—isa itong babae. Naglalakad ito papunta sa'kin. Nakasuot ito ng kulay puting dress na may mahabang manggas at ang palda rin nito ay abot din sa kanyang bukong-bukong. Mahaba ang tuwid niyang buhok na kulay itim, maputla ang kanyang balat, payat ang kanyang katawan, matutulis ang mga kuko, at ang mga mata niya ay malalaki at kulay pula. Nanlilisik din ang mga 'to. Tuluyan namang lumubog ang araw at nagpakita na ang mga bituin sa langit. "Hindi kaya siya ang..." bulong ko habang nakatitig pa rin sa kakaibang babae. "Ijiraq?" patuloy ko. Nang tuluyan itong makalapit sa'kin ay bigla niyang inilahad ang isa niyang kamay na tinatago niya sa kanyang likuran. "Heto ang hinahanap mo, hindi ba?" tanong niya. Nandilat ang mga mata ko nang makita ko na 'yong telescope 'yon na nahulog ko kagabi sa bangin. "O-Oo, 'yan nga," sagot ko. "Ibibigay ko sa'yo ang bagay na 'to sa isang kondisyon." Napakunot ang noo ko, "Ano naman 'yon?" "Sumama ka sa'kin kapalit ng bagay na 'to." Napanganga naman ako sa sinabi niya, "Ha?" "Aika!" Napalingon ako sa tumawag sa'kin at nakita ko si Jerome na tumatakbo papunta rito. Nang malapit na siya ay bigla siyang nilingon ng Ijiraq at kinumpas nito ang kanyang kamay. Bigla na lang humangin nang malakas papunta kay Jerome at tumalsik ito. Napasadsad tuloy siya sa lupa. "Jerome!" "Sasama ka sa'kin o papatayin ko ang kasama mong 'yon?" tanong sa'kin ng Ijiraq at nakita kong nanlilisik lalo ang mga mata niya. Natataranta na ako ngayon. Hindi ko alam kung anong puwede kong gawin. Ayaw ko namang tawagin ang artillery ni Jerome dahil baka hindi ko 'yon magamit nang maayos. Ikinumpas muli ng Ijiraq ang kanyang kamay papunta naman sa'kin. Biglang nanikip ang paghinga ko na para bang may sumasakal sa'kin kaya naman napahawak ko sa leeg ko. "Sasama ka sa'kin o hindi?!" galit na tanong ng Ijiraq at habang iniikom niya ang kanyang kamay ay lalong naninikip ang paghinga ko. Napansin kong nakatayo na si Jerome at susugod siya ulit dito pero napansin siya ng Ijiraq at muli nitong kinumpas ang isa niyang kamay sa gawi naman ni Jerome at naglabas na naman siya ng malakas na bugso ng hangin. Pero sa pagkakataong ito, hindi nagpatinag si Jerome. Pilit niyang pinangsasangga sa hangin ang espadang hawak niya at sinisikap niyang huwag magpadala sa hangin. Sa bilis naman ng pangyayari bigla na lang may tumamang palaso sa braso no'ng Ijiraq kaya't nagambala ito at nawala bigla ang pagkakasakal niya sa'kin gamit ang hangin. Huminga ako nang mabilis at malalim habang inuubo-ubo pa pagkatapos no'n. Habang 'yong Ijiraq naman ay dumadaing sa sakit dahil sa tumamang palaso sa kanyang braso. Mula pala ang palaso na 'yon kay Ryker. Habang dumadaing sa sakit ang Ijiraq ay nabitiwan niya ang telescope. Kaya't sinamantala ko na ang pagkakataon at agad kong hinablot ang telescope. Nang mapansin ako ng Ijiraq ay aatakihin na sana niya ako nang biglang may tumamang bala ng b***l sa kanyang kamay na nagmula naman kay Gunner. Napahiyaw muli ang Ijiraq sa sakit. Sinamantala naman ni Jerome ang pagkakataong ito. Agad siyang tumakbo papunta sa Ijiraq at walang habas na sinaksak ito sa dibdib gamit ang espada. At nang hugutin ni Jerome ang espada ay biglang nagkaroon ng bitak ang balat ng Ijiraq hangga't sa kumalat ito sa kanyang katawan. Parang nabasag naman ang kanyang balat at nang tuluyang matanggal ang mga ito ay nagulat kami nang ang Ijiraq ay magbago ng anyo at ito'y naging si Iliana. Walang malay si Iliana nang tuluyan siyang bumagsak sa lupa. Agad naman siyang nilapitan ng mga kasama ko. "Si Iliana ang Ijiraq?" tanong ni Ryker na tila hindi makapaniwala. "Mukhang buhay pa siya. Dalhin na natin siya pababa ng bundok at ihatid sa kanila," sambit naman ni Gunner. "Iyong telescope?" tanong naman ni Jerome. "Nasa akin," sagot ko sabay taas ng telescope na hawak ko. "Magpalit muna tayo ng katawan bago tayo bumaba ng bundok," sambit ni Jerome. Sumilip kaagad ako sa eyepiece ng telescope at tinutok ang lens nito sa katawan ko kung nasaan si Jerome. Mayamaya lang ay nabalot na naman ng liwanag ang paligid kaya't napapikit ako dahil parang mabubulag ako sa sobrang pagkasilaw. Nang maramdaman ko na parang wala na 'yong liwanag, dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko. Unti-unti kong inangat ang ulo ko at labis naman akong natuwa nang makita ko si Jerome sa harap ko. Nakabalik na kami sa normal! "Sa wakas!" pagbunyi ko. Bumuntonghininga si Jerome, "Salamat naman. Mabuti pang itago na muna natin ito at huwag basta gamitin. Delikado ang bagay na 'to." Agad niyang sinilid sa loob ng dala niyang messenger bag ang telescope. Nakita ko namang binuhat ni Gunner sa kanyang likod ang walang malay na si Iliana. "Tara na. Kailangan na nating makababa bago lumalim ang gabi," sambit ni Gunner. Nauna na silang maglakad pababa. At nang mapalingon ako sandali sa likuran ko ay namangha ako sa aking nakita. Isang meteor shower. Napahinto tuloy ako sandali para panoorin ang pagdaan ng libo-libong bulalakaw sa langit na para bang mga bituing nahuhulog mula sa langit. "Ang ganda..." mangha kong sambit habang titig na titig dito. "Nyx meteor shower." Napalingon naman ako sa tabi ko nang may nagsalita. "Jerome. Alam mo 'yan?" usisa ko. Tumango siya, "Nabanggit sa'min 'yan ni Dyson. Sabi niya, susuwertihin daw ang kung sino mang makakita niyan." "'Yon lang ang sinabi niya?" tanong ko. Tumingin siya sa'kin nang nakakunot ang noo, "Oo. Bakit?" "Ah, wala. Nabanggit din kasi sa'kin 'yan ni Eleni. Good health din daw ang ibig sabihin niyan," kuwento ko. Hindi ko na binanggit pa 'yong dinagdag ni Eleni— na makakatuluyan mo raw ang kasama mong manood nito. "Tapos na. Sumunod na tayo sa kanila," sambit ni Jerome tapos ay nauna na siyang maglakad para habulin ang mga kasama namin. Sandali lang 'yong meteor shower at sumunod na rin ako agad sa kanila. --- Nandito na kami ngayon sa bahay nila Eleni. Tulog na si Dyson kaya't si Eleni na lang ang humarap sa'min. Nandito kami sa silid ni Iliana. At wala pa rin siyang malay hanggang ngayon. "Paano pong nangyari na si Iliana ang Ijiraq?" usisa ni Klein. "Hindi naman talaga si Iliana ang tunay na Ijiraq. Sa kanya lang ipinasa ang sumpa ng dating Ijiraq noong inutusan ko siyang mangahoy sa kakahuyan ilang taon nang nakakaraan. At ang sabi para maputol ang sumpa at bumalik siya sa pagiging normal na nisse, kailangan niyang makapag-asawa sa edad na isang daan," kuwento ni Eleni. Kaya pala pinipilit niya akong sumama sa kanya kanina. Akala niya, ako talaga si Jerome. Hindi niya alam nagkapalit kami ng katawan no'ng mga oras na 'yon. Mayamaya lang ay napansin naming unti-unti nang namulat ang mga mata ni Iliana. "Iliana, anak!" pag-aalala ni Eleni sabay yakap sa anak. "Naku, mabuti't gising ka na," sambit pa ni Eleni habang hinahaplos ang buhok ng kanyang anak. Bigla namang napatitig si Eleni sa mga mata ng kanyang anak. "Hindi na itim ang mga mata mo. Normal nang muli ang mga kulay nito!" bunyi niya. Napatingin tuloy kami kay Iliana. Oo nga. Hindi na itim ang mga 'to gaya noong nakaraan. Kulay dilaw na mga mata niya ngayon. "Talaga, Nay? Ibig sabihin, wala na ang sumpa ng Ijiraq!" masayang sabi naman ni Iliana. "Oo, anak. Salamat sa kanila," panatag na sabi naman ni Eleni sabay yakap sa anak. Masaya naman kami para sa kanila nang malaman namin 'yon. --- Alas dyes na ng gabi nang makauwi na kami rito sa apartment namin. At pagdating pa lang namin ay pinuntahan kami agad ni Mr. Smith. "Magaling, mga bata! Nakuha niyo ang vintage telescope ni Persephone," masayang sabi ni Mr. Smith habang hawak nito ang telescope. "Malinaw pa kaya ang lens nito?" usisa nito habang sinisipat ang telescope. Agad naman kaming nataranta nang silipin ni Mr. Smith ang eyepiece nito at pinigilan namin siya. "Mr. Smith, huwag!" sabay-sabay naming pagpigil sa kanya. "Huwag niyo basta sisilipin ang eyepiece ng telescope na 'yan tapos itututok niyo ang lens sa ibang nilalang," babala ni Ryker kay Mr. Smith. "Bakit?" tanong nito. "Baka magaya kayo kina Aika at Jerome na nagkapalit ng katawan dahil do'n," sagot naman ni Xavier. "Gano'n ba?" sambit ni Mr. Smith sabay tawa. "Aika, alam mo na ba kung saan ang susunod na artifact?" tanong naman niya. Lumapit naman ako kay Mr. Smith at hinawakan ang telescope. Matapos nitong lumiwanag ng kulay pink ay may nakita akong vision kaagad. "Parang kaharian sa ibabaw ng mga ulap?" sambit ko. "Ah, sky castles 'yon. Lupain sa himpapawid, ang Ground Epta. Mukhang 'yon ang susunod niyong destinasyon," sagot ni Mr. Smith. Bigla naman akong nakaramdam ng bahagyang pagkahilo. "Excuse me. Mag-CR lang ako," paalam ko. Pagkatapos ay nagpunta na akong banyo at nagsara ro'n. Humarap ako sa salamin at tinuon ko ang mga kamay ko sa gilid ng lababo. Hindi ko talaga mapigilang mahilo kapag nahahawakan ko ang mga spellbound artifact at makakita ng visions. Bumuntonghininga ako tapos ay binuksan ko ang gripo at sinahod ko ang mga kamay ko sa tubig. Inihilamos ko ito sa mukha ko at naghugas na rin ako ng kamay. Paglabas ko naman ng banyo ay nakita kong naghahanda na ang mga kasama ko para matulog. "Nakaalis na si Mr. Smith?" tanong ko. Tapos ay nagpunta na ako sa kama ko at hinagilap ang towel ko at nagpunas. "Oo. Alam mo naman, busy 'yon," sambit ni Ryker. Nilibot ko ang paningin ko at napansin kong wala si Jerome. "Teka, nasaan si Jerome?" tanong ko. "Lumabas eh. Nagpapahangin yata," sagot ni Ryker. Naisip ko namang silipin si Jerome sa may balcony. Nasa second floor kasi kami ng apartment. Nakita ko nga siyang nakatayo ro'n at nakasandal sa railings. "Jerome, magtatagal ka pa ba diyan?" tanong ko. Hindi niya ako sinagot kaagad bagkus ay nilingon lang niya ako. "Matutulog na kasi kami at isasara na itong pinto," sambit ko pa. "May ibibigay ako sa'yo." Nabigla ako sa sinabi niya. Kaya naman nilapitan ko siya para linawin 'yong narinig ko. "Ano 'yon? May ibibigay ka kamo?" tanong ko. May dinukot siya sa bulsa ng jacket niya. Tapos ay para namang lumukso ang puso ko nang bigla niyang kunin ang isa kong kamay. Nandilat naman ang mga mata ko nang makita kong sinuotan niya ako ng singsing. Natigilan ako at natulala habang pinagsasalin-salin ang paningin ko sa kanya at sa singsing. Binitiwan na niya ang kamay ko pero nakaangat pa rin ito habang tinitingnan ko ang singsing na sinuot niya rito. Silver ito na may maliit na bato sa gitna na kulay pula. "Pinabibigay ni Mr. Smith," sambit niya. Natauhan na ako nang dahil sa sinabi niya. "P-Para saan daw 'to?" tanong ko. "Proteksyon mo raw para sa mga Olympian Unholy ni Hera. Baka matunugan nilang isa kang demigoddess, at dumagdag pa sila sa problema," sagot ni Jerome. Tumango-tango lang ako bilang tugon. "Pumasok na tayo," sambit ni Jerome. Tapos ay nauna na siyang pumasok sa loob. Hindi pa rin nawawala ang malakas na pagtibok ng puso ko kaya't napahawak tuloy ako sa dibdib ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD