XLI: Ground Epta

2118 Words
Nagtipon na kaming lahat dito sa dining area para mag-almusal. Ngayong araw din ang alis namin. "Dalawa na ang nahahanap natin. Malaking bagay na rin," sambit ni Gunner. "Oo nga. Miss ko na ang university at ang greenhouse dome natin," ani naman ni Xavier habang nagpapalaman ng jam sa tinapay niya. "Miss ko na ang mga girls ko ro'n at 'yong kama ko sa dorm," sabad naman ni Ryker sabay buntonghininga. "Miss ko na rin 'yong kusina ko ro'n," giit naman ni Gunner. "Miss ko na 'yong koleksyon ko ng kape. Mauubos na 'yong baon kong kape sa paglalakbay nating 'to at ayaw ko nang bumili," sambit naman ni Klein. "Eh paano? Sobrang adik mo sa kape. Tatlong beses ka yatang nagkakape sa isang araw," ani Gunner. Nilahad ni Klein ang palad niya pantay sa balikat niya. "Limang beses, Gunner," saad niya. "Oh, kita mo na?" tugon ni Gunner sabay iling. "Paano nga pala tayo pupunta sa Ground Epta? Hindi ba lupain daw 'yon sa himpapawid?" tanong ko naman. "Sasakay ulit tayo ng Chloris Train. Nabiyahe kahit saan ang tren na 'yon, 'di ba? May railway na papunta ro'n," sagot ni Klein. Napataas ang mga kilay ko, "Talaga?" "Ilang oras naman ang biyahe?" tanong ko. "Hmm. Mga tatlong oras mahigit siguro," sagot ni Klein. "Tatlong oras mahigit? Dapat pala magbaon ako ng pagkain kung gano'n," sabad naman ni Xavier. "Oo, magbaon ka ulit ng kay raming pagkain ha? Tapos panisin mo ulit sa bag mo ha?" sarkastikong tugon ni Ryker dito. "Oo, alam ko! Hindi na ako magbabaon ng madaling mapanis." "Kita mo 'to. Akala ko naman sasabihin mong uuntian mo na ang pagbabaon," dismayadong tugon naman ni Ryker sabay iling. Napatingin naman ako sa singsing na suot ko. 'Yong pinabigay ni Mr. Smith. Proteksyon ko raw mula sa mga Olympian Unholy. Naisip ko tuloy, ilan kaya sila? Kasama kaya sila sa mapupuksa kapag nakumpleto na namin ang misyon namin? Napakunot naman ang noo ko nang may napansin ako sa bandang tabi ko. Nang tumingin ako, si Jerome pala 'yon. Inaabutan ako ng table napkin. Kinunotan ko siya ng noo. Pero nakatingin lang siya sa'kin habang inaabot niya sa'kin ang table napkin. "Sa mukha mo. May bahid ng jam," sambit niya bigla. Nang mapagtanto ko 'yon ay agad kong kinuha 'yong table napkin na inaabot niya sa'kin at pinunas sa mukha ko, lalo na sa paligid ng bibig ko. "S-Salamat," sambit ko na tila nahihiya. Medyo nakakahiya na siya pa nakapansin no'n. --- Lumabas na kami ng apartment dala ang mga gamit namin. Pagkatapos ay nakasakay na rin kami ng karwahe. Sinabi namin sa kutsero na dalhin kami sa Ground Ekaton Railway Station. Tahimik lang kami habang nabiyahe. Mayamaya ay bigla akong nagsalita. "Ilan kaya 'yong mga Olympian Unholy na 'yon?" Pagkatapos ay pinagdaop ko ang mga palad ko habang nakatingin sa mga ito. "Noong huling punta sa'tin ni Mr. Smith, nabanggit niya kung ilan sila," sambit bigla ni Gunner kaya't napatingin ako sa kanya. "Talaga?" tanong ko. Tumango si Klein, "Oo. Ang sabi niya, apat ang mga Olympian Unholy ni Hera na mga in-assign niya para hanapin si Melinoe kada magre-reincarnate siya. Tinatala na pitong beses lang puwedeng mag-reincarnate si Melinoe kada mapapatay siya. At tatlong beses na siyang namamatay. Kaya kung pakalat-kalat na silang muli ngayon, ibig sabihin lang niyan, buhay nang muli si Melinoe." May kakahayan daw mag-reincarnate si Melinoe kada limampung taon sa tuwing namamatay siya dahil siya ang diyosa ng mga patay at espirito. At kapag may pumapatay sa kanya, pitong beses lang siya maaaring mag-reincarnate. At kapag nakumpleto na lahat ng spellbound artifacts at nawasak nila 'yon nang sabay-sabay, mawawala ang chances niyang mag-reincarnate kaya hindi na siya muli pang mabubuhay kapag may pumatay sa kanya—at 'yon daw ang plano ni Hera. "Kaya ang tanong, nasaan kaya si Melinoe ngayon?" sambit ni Gunner. "Kaya nga kailangan nating makumpleto ang mga spellbound artifact ni Persephone dahil 'yon ang magtuturo sa'tin ng eksaktong lokasyon ni Melinoe," sabad naman ni Xavier. "Malamang si Melinoe ngayon ay nagtatago kung saan para protektahan ang kaligtasan niya. Kaya dapat nating maunahan si Hera at mga kampon niya," diin ni Gunner. "Si Hades, ang diyos ng Underworld. Nasaan na siya ngayon?" usisa ko naman. Nagtinginan muna silang lahat bago ako sagutin. "Patay na rin si Hades. Noon kasi nang malaman niyang patay na si Persephone, parang nawalan na rin siya ng gana mabuhay. Kaya hinayaan na niya ang sarili niyang mamatay noong Unholy War. At ngayon, sinasabing nakalibing silang dalawa ni Persephone sa kaila-ilaliman ng Mt. Olympus," kuwento ni Klein. "Hindi ba't may kapatid si Melinoe? Nasaan na siya ngayon?" usisa ko nang bigla kong maalala na may nabanggit silang gano'n noon. "Si Zagreus, kuya ni Melinoe. Sa pagkakaalala ko, nawawala raw siya mula noong matapos ang Unholy War. At hanggang ngayon, wala pa ring balita sa kanya o kung may nakakaalam na buhay pa ba siya," sagot ni Gunner. "Pero sabi sa mga theory, nasa palagid lang daw si Zagreus at hinahanap din ang kapatid niya. Ngunit nagtatago lang din siya upang hindi rin siya mahuli ni Hera hangga't hindi pa niya natatagpuan ang kapatid niya," kuwento naman ni Xavier. "Ang delikado rin sa misyon na 'to ay para na rin nating kinakalaban ang isa sa mga diyos ng Olympus. Nang mapuno nga si Hera sa asawa niyang si Zeus, tapos nalaman pa niyang may pagkunsinti pa mula sa mga diyos na sina Poseidon at Apollo. Lumaki nang lumaki ang mga lamat nila sa isa't isa hanggang sa magkawatak-watak na rin ang twelve gods ng Olympus at nauwi sa giyera," kuwento ni Klein. "Nadamay pa ang Underworld kaya nasa ganitong sitwasyon tayo ngayon," sabad naman ni Ryker sabay tawa nang pagak. "Tapos may isa pang demigoddess rito na hindi natin alam kung sino ang mga tunay na pinagmulan." Napatingin ako kay Klein nang sabihin niya 'yon. "Baka kasi isipin ni Hera na anak ka rin ni Zeus sa isang tao. Kaya baka makadagdag 'yon sa problema natin," dagdag niya. "Eh 'yong mga nasa Elysium Royal Palace. Hindi ba mga demigods din sila? Kaninong bloodline sila nagmula?" tanong ko. "Ah, 'yong nasa royal palace? Galing sila sa bloodline ng mga minor gods and goddesses na nagkaanak sa mga mortal. 'Yong minor deities na 'yon ay mga anak ng Titan gods. Nagmula sila sa mga anak ni Oceanus na isang Titan god," paliwanag ni Klein. Tumango-tango lang ako bilang sagot. Sa dami ng diyos, parang lalong naging komplikado ang lahat. Pero magpo-focus lang ako ngayon sa misyon namin—ang makumpleto ang artifacts at masugpo na lahat ng Unholy sa mundo. Mayamaya lang ay naramdaman ko nang huminto ang karwahe. "Mukhang nandito na tayo sa railway station," sambit ni Gunner. Pagkatapos namin magbayad ay bumaba na rin kami agad. Ang railway station ay kamukha lang din halos ng nasa Ground Miden, pero white at blue ang mga kulay sa paligid. Pagpasok namin sa loob, meron kaming mga ibang nilalang na nakasabay. Medyo marami-rami rin. Dumeretso agad kami sa counter kung saan bumibili ng ticket. Pagkakuha naming lahat ay sinundan ko lang ang mga kasamahan ko kung saan sila pupunta. Nang pumasok sila sa isang elevator ay sumunod din ako. Mukhang vintage din ang hitsura ng elevator. Gawa sa tanso ang frame ng buong elevator at transparent lang na salamin ang dingding. Tapos parang orasan lang 'yong floor number indicator 'yong nasa bandang itaas ng pinto ng elevator. Pagkatapos ay gear drives ang gamit dito para umakyat-baba. Nakita ko naman 'yong floor number indicator na nakalagay sa 10. Ibig sabihin, sa tenth floor kami papunta at 'yon din ang pinakataas na floor. Mabilis din naman ang ganitong elevator dahil saglit lang ay huminto na rin ito. Pagkatapos ay kusang bumukas ang pinto ng elevator. Paglabas namin ay nakita kong isang platform din ito at may railway. "Iyan ang sky railway na dinadaanan ng Chloris Train papuntang Ground Epta," sambit bigla ni Klein sabay turo rito. Mangha naman akong nakatingin dito. At nang makita kong lumakad na ang mga kasama ko ay sumunod na rin ako. Nagpunta kami sa gilid ng platform para hintayin ang pagdaan ng tren. "Anong oras kaya darating ang tren?" tanong ko. "Hmm. Siguro wala pang thirty minutes, nandito na 'yon," sagot naman ni Gunner. Napatingin naman ako kay Jerome at nakita kong nakapamulsa lang siya habang nakatingin sa sahig. "Huwag ka na lang umupo sa tabi ng bintana," bulong ko sa kanya. Mukhang nagulat naman siya nang bahagya dahil do'n kaya bigla siyang napatingin sa'kin. Pero agad din siyang umiwas ng tingin at ibinalik sa sahig ang kanyang atensyon. "Attention, passengers. Chloris Train has now arrived at Ground Ekaton Railway Station." Bigla namin 'yong narinig bilang announcement. At mayamaya lang ay dumating na nga ang tren. Nang huminto ito sa tapat ng platform ay sumakay na kami agad pagbukas pa lang ng pinto nito, kasabay ng ibang nilalang. Nagpunta kami sa gitnang row, at nang magkatabi kami ni Jerome ay ako ang pumuwesto sa tabi ng bintana. Nasa unahan naman namin sina Ryker at Xavier, samantalang nasa likuran namin sina Gunner at Klein. Ilang sandali lang ay umandar na rin ang tren. Nakatanghod lang ako sa bintana habang umaandar ang tren. Mayamaya lang ay napakunot ang noo ko nang mapansin ko si Jerome sa reflection ng transparent glass ng bintana ng tren na nakatingin sa’kin kaya bigla akong napalingon sa kanya. Para namang lumukso ang puso ko nang makita kong nakatingin nga siya sa'kin. "Bakit?" tanong ko sa kanya. Habang nakatingin pa rin siya sa'kin ay umayos siya nang upo bago magsalita. "May weird akong nararamdaman sa tuwing nakatingin ako sa'yo." Napakunot naman ang noo ko, "Weird? Paanong weird?" Umiwas siya ng tingin, "Paano ko ba ipapaliwanag? Basta parang tumitibok nang mabilis ang puso ko tapos kumikirot siya nang kaunti," sabay hawak niya sa dibdib niya. Napanganga naman ako dahil sa sagot niya at parang nagdulot 'yon ng kiliti sa sikmura ko. "Hindi ko alam kung normal ba itong nararamdaman ng isang familiar sa kanyang master. Sabihin ko kaya ito kay Mr. Smith para ipa-check up niya ako sa doctor?" sambit ni Jerome at kitang-kita mo ang bahid ng pagiging inosente sa kanyang mga mata. Napabuntonghininga naman ako dahil do'n. "Sa tingin ko, normal lang 'yan. Baka nag-a-adjust pa ang katawan mo dahil sa pagtibok ng frozen heart mo," palusot ko sa kanya. Pero malay natin. Baka nga dahil 'yon doon. "Sa bagay. May punto ka. Baka nga normal lang 'to dahil dugo mo ang nagpatibok nito," tugon naman ni Jerome. Mayamaya lang ay napansin kong parang bumagal yata bigla ang takbo ng tren. Pinakiramdaman ko lang ito hanggang sa bigla itong bumilis na para bang nasa roller coaster kami. Napakapit tuloy ako nang mahigpit sa hawakan sa upuang nasa unahan ko. "Hala, anong nangyayari?" taranta kong tanong. Pakiramdam ko parang bumubulusok kami pababa. Nakita kong nakakakapit din si Jerome sa armrest ng kanyang upuan. Nang makita ko naman na may dumaan na attendant sa tabi namin ay tinawag ko ito. Nagtaka naman ako dahil parang wala lang sa kanya ang nangyayari. "Sandali." Pagkatapos ay tumingin ito sa'kin. "Anong nangyayari? Bakit biglang bumilis ang takbo ng tren?" tanong ko. "Ah, normal lang po ito, Ma'am. 'Wag po kayong mag-alala," sagot nito nang may ngiti pa. Sabay umalis na rin ito. Nakakapit pa rin kami sa mga kinakapitan namin dahil hindi pa rin bumabalik sa normal ang bilis ng takbo ng tren. Halos mahuhulog na kami sa inuupuan namin dahil sa mabilis na pagbulusok ng tren. Pakiramdam ko nga parang mas bumibilis pa. Lalo tuloy humigpit ang mga kapit namin sa mga hawakan sa upuan. Ilang sandali pa ay bigla nang naging normal ang takbo ng tren kaya naman nakahinga na kami nang maluwag. Hanggang sa bumagal na nang tuluyan ang takbo nito, at tuluyang huminto. Napabuntonghininga ako nang malalim pagkatapos no'n. Pakiramdam ko parang hihiwalay ang kaluluwa ko mula sa katawan ko at babaliktad ang sikmura ko kanina. "Attention, passengers. Chloris Train has now arrived at Ground Epta Railway Station." Napakunot ang noo ko sabay tingin kay Jerome nang marinig namin ang announcement na 'yon. Bakas din ang pagtataka sa kanyang mukha. "Teka, nasa Ground Epta na tayo agad? Akala ko ba 2 to 3 hours ang biyahe? Bakit parang limang minuto lang ata ang lumipas?" pagtataka ni Ryker na nakaupo lang sa unahan namin. "Dumaan po kasi tayo sa shortcut." Napatingin kami sa biglang nagsalita. Iyong train attendant pala. "Shortcut?" sabay-sabay naming tanong. Tumango siya sabay ngiti. Pagkatapos ay agad na kaming nagsitayuan kahit bakas pa ang bahagyang pagkahilo dahil sa nangyari kanina. Paglabas namin ng tren ay agad kaming lumabas ng railway station. At namangha kami sa aming nadatnan dito sa Ground Epta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD