Isang mahangin at payapang umaga. Pero ang langit ay makulimlim. Nakatayo lang ako sa gitna ng isang lupaing walang laman.
Habang may kaharap naman akong isang lalaki. Hindi ko alam kung bakit kami naririto o kung magkakilala ba kami.
Makikita ko na sana ang mukha niya.
Nang bigla akong nagising dahil naramdaman ko ang sikat ng araw na sumalubong sa mga mata ko. Dahan-dahan akong dumilat at naniningkit pa ang mga ito dahil sa antok.
"My gosh. That dream was so weird. A guy wearing a black hoodie," bulong ko sa sarili ko habang nag-iinat pa sa kama.
Yes, siya 'yong lalaking palaging present sa mga weird kong panaginip.
Ang weird na part kasi sa mga dreams ko about that guy, may times na parang magkakilala kami. Sa tuwing makikita ko na ang mukha niya, bigla na lang akong magigising.
O kaya naman minsan, may babae siyang kausap at pilit na inaabot. Kapag maabot na niya 'yong babae, bigla na lang ako magigising.
Kinusot-kusot ko ang mga mata ko at kinurap-kurap din. Pagkatapos ay bumuntonghininga ako. Bumaba na rin ako sa kama ko at dumeretso na CR para maghilamos bago ako bumaba to eat breakfast para makapag-ready na rin ako for school.
---
Gaya nang nakagawian, nasa school na ako ngayon. Katatapos lang ng class namin sa first subject.
"Aika."
Napalingon ako sa tumawag sa'kin. Si Mica pala na seatmate ko lang.
Lumingon lang ako sa kanya sandali at ibinalik kong muli ang atensyon ko sa ginagawa ko.
"Ano ba 'yang dino-drawing mo?" usisa ni Mica habang nakatingin sa ginagawa ko.
"Lalaking naka-hoodie? Hala, sino 'yan, Aika? Pinagtataksilan mo ba si Kevin?" usisa pa niya.
Inikutan ko lang siya ng mata, "Syempre hindi, 'no! 'Wag ka ngang O.A. diyan. Napaginipan ko lang 'yan kagabi. Tingnan mo nga. Hindi ko malagyan ng mukha kasi hindi ko naman 'yan kilala," sambit ko.
I'm sketching that guy na nasa panaginip ko kahit hindi ako kagalingan mag-drawing. Alam kong napaginipan ko na siya before. Pero noon, minsan lang. But now, napapadalas na yata.
"Wait, parang familiar 'yan," sambit ni Mica.
Nakakunot-noo akong tumingin sa kanya, "Familiar? What do you mean?" pagtataka ko.
"Don't you remember? May naikuwento ka sa aming ganyan noon ni Sarrah. I think that was two years ago? Nanaginip ka ng isang lalaking naka-black hoodie, duh?" paliwanag niya.
Bumuntonghininga ako, "Yeah, like I know, 'no. Akala ko naman sasabihin mo sa'kin na may kakilala kang kamukha niya."
"Sarrah! Tingnan mo, oh. Napaginipan ulit ni Aika si black hooded guy," pagtawag ni Mica ng atensyon ni Sarrah mula sa kabilang silya.
"Uhh, Sarrah? Hello? Are you there?" pagtawag pa sa kanya ni Mica nang mapansin naming parang hindi niya kami naririnig.
"Sarrah? You okay?" tanong ko.
Sa wakas ay lumingon na rin siya. "O-oo naman," sagot niya.
Napansin kong parang wala siya sa sarili niya. "Sarrah, may problema ba?" usisa ko.
"Alam mo kasi, Aika...si Kevin," panimula niya na halata ang pag-aalinlangan.
Nagpanting naman ang mga tenga ko nang marinig ko ang pangalan ng boyfriend ko. "Bakit? Anong meron kay Kevin?" usisa ko.
"Nakita ko kasi siya kanina sa tabi ng classroom niya. Kausap niya si Charisse," sagot niya.
Parang may bumara sa dibdib ko dahil sa narinig ko. Bakit pa kailangang kausapin ni Kevin ang ex-girlfriend niya?
Huminga ako nang malalim. Kailangan ko siyang kausapin mamaya. I want to know his side. I have trust on him that he will tell me the truth.
Habang nagkaklase kami ay hindi matahimik ang isip ko dahil sa nalaman ko. Wala tuloy akong naintindihan sa mga tinuro sa klase ngayon. Hindi ko na mahintay ang uwian para makausap ko na si Kevin.
For almost two months of our relationship, hindi pa naman kami nag-aaway ng seryoso. Konting tampuhan lang na naaayos din namin agad.
Ayaw ko namang mag-away kami nang seryoso. Nakakainis lang naman kasi pag ex na ang kasali. Ibang usapan na.
----
After several hours, finally. Uwian na rin. Agad na akong tumayo at nagmadaling lumabas ng classroom. Hindi ko na nahintay pa sina Mica at Sarrah pero alam kong naiintindihan nila 'yon.
Dumeretso ako agad sa classroom ni Kevin para puntahan siya. Pero pagdating ko ay wala na siya ro'n.
Pumunta naman ako sa classroom ng Charisse na 'yon. Pero pagdating ko naman ay wala na rin siya ro'n.
Lalong bumigat ang nararamdaman ko dahil dito. Ayaw kong paghinalaan si Kevin na baka nagkita sila ngayon.
Nagmadali akong tumakbo papalabas ng building. Hindi ko alam kung saan ko hahanapin si Kevin pero bahala na.
Huminto ako at kinuha ang phone sa bulsa ko. Hinanap ko agad ang number ni Kevin at tinawagan ito.
Pero nagulat ako nang unattended ito. Pakiramdam ko umakyat ang lahat ng dugo sa ulo ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko kaya naman naglakad-lakad na lang ako.
Hanggang sa makarating ako sa bench lane ng school. Nandilat naman ang mga mata ko nang makita ko ro'n si Kevin...kasama si Charisse.
At parang bumigat ang mga paa ko dahil sa nakita ko. Magkayakap sila ng ex niya. Parang huminto ang mundo ko. Bumigat ang paghinga ko na para bang may nakabara sa dibdib ko.
Nakaramdam na rin ako ng pag-init ng mga mata ko. At nang makita ako ni Kevin ay halata ang pagkagulat sa mukha niya.
Kahit nanlalambot ako at parang hindi makagalaw, kusa nang humakbang ang mga paa ko at tumakbo papalayo kasabay ng pagpatak ng mga namuong luha sa aking mga mata. Masakit para sa'kin ang nakita ko.
Patuloy lang ako sa pagtakbo. Alam kong nakalabas na 'ko ng school pero wala akong pakialam. Basta ang alam ko lang, gusto kong makalayo. Ayaw ko munang makita si Kevin.
Nang makaramdam naman ako ng pagod ay agad na rin akong huminto. Ngunit ang pag-iyak ko ay patuloy pa rin. Halos hinahabol ko na ang paghinga ko dahil hinahapo na 'ko dulot ng pagtakbo at pag-iyak.
"Aika!"
Alam ko kung kanino galing ang boses na 'yon pero ayaw ko siyang lingunin.
"Aika, mag-usap tayo. Let me explain. Nagkakamali ka ng iniisip," sambit niya.
Kahit naiinis ako ay hinarap ko siya matapos kong magpunas ng luha gamit ang mga kamay ko.
"Mali? Oo, mali ang nakita kong 'yon, Kevin! Magkayakap kayo ng ex mo, for Pete's sake!" pag-aamok ko. Mabuti na lamang at walang tao sa paligid.
"Okay. Sorry about that. But believe me, wala lang 'yong yakap na 'yon para sa'kin," paliwanag niya. Hindi pa rin ako umiimik at nakatitig pa rin ako sa kanya habang iniisip ko kung maniniwala ba 'ko sa sinasabi niya.
"Okay, ganito. Charisse wants us to be back together. She's begging me to be with her again. Pero ayaw ko. Sinabi kong ayaw ko at hindi puwede dahil may mahal na 'kong iba. It's my girlfriend, and it's you Aika," sambit niya nang may lambing habang nakatingin sa mga mata ko sabay hawak niya sa mga balikat ko.
Nakikita ko ang sincerity sa mga mata niya at ramdam ko 'yon sa mga salita niya. Kahit papaano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman ko.
"Pero bakit magkayakap kayo?" tanong ko nang may garalgal na boses.
"Siya ang yumakap sa'kin. Nagulat lang din ako sa ginawa niya tapos saktong dumating ka." Tapos ay dahan-dahan niya 'kong inilapit sa kanya at niyakap ako.
"I'm so sorry about that, babe. Hindi na 'yon mauulit pa, I promise. Isa pa, huling pag-uusap na namin 'yon ni Charisse so there's nothing to worry about anymore," malambing pa niyang sambit sabay hagod niya sa likod ko.
Pagkalipas ng ilang sandali ay naglayo na kami ni Kevin. At nang magtama ang mga mata namin ay napansin kong parang may nag-iba.
"Kevin? Okay ka lang?" tanong ko sa kanya. Pero hindi siya umimik. Seryoso lang siyang nakatitig sa'kin at nanlilisik ang mga mata niya.
"K-Kevin?"
Sa 'di malamang dahilan ay bigla na akong kinabahan. Para na kasing may kakaiba rito kay Kevin.
Dahan-dahan niyang iniangat ang mga kamay niya at nagulat ako nang ilagay niya ito sa leeg ko na ikinataranta ko.
"Kevin! Ano bang ginagawa mo?!"
Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakasakal niya sa'kin. Halos manlaki ang mga mata ko at kinakapos na ako ng hininga.
"K-Kevin..."
Pilit akong kumakawala pero masyado siyang malakas at hindi ko kaya. Napapasinghap na 'ko dahil unti-unti na 'kong nauubusan ng hangin at pakiramdam ko'y malalagutan na 'ko ng hininga.
Mapapapikit na sana ako nang biglang may isang mabilis at malakas na suntok ang tumama sa mukha ni Kevin. Kaya naman nabitiwan na niya 'ko at siya namang talsik niya at bulagta sa kalsada.
Huminga kaagad ako nang mabilis at malalim dahil sa kakapusan ng hangin sa akin kanina dulot ng pagkakasakal sa'kin ni Kevin.
Bakit niya ginawa 'yon? Kanina lang maayos naman kaming nag-uusap. Tapos biglang parang gusto na niya 'kong patayin? Ano bang nangyayari sa kanya?
Tumingin ako sa kinaroroonan ni Kevin. Bumangon siya na para bang walang nangyari. Mukhang mabilis siyang naka-recover mula sa suntok na 'yon.
Napako na rin ang paningin ko kay Kevin na kakaiba na ang ikinikilos. Nagbago ang kulay ng mga mata niya dahil ito'y nagliliwanag na kulay pula na at nanlilisik na para bang handa siyang pumatay ng kahit sino.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Lalapitan ko ba siya? Tatawagin ang pangalan niya? Ano? Natataranta na ang isip ko. Hindi ko na talaga alam!
Lalo kong ikinagulat ang unti-unting pagbabago sa kanyang anyo. Nagiging kulay maputlang lila ang kanyang balat! Ano na ba talagang nangyayari?!
Napatingin naman ako sa gawi kung saan nanggaling 'yong malakas na suntok na nakapagpatilapon kay Kevin.
Napakunot ang noo ko, "'Yong lalaking nakaitim na hoodie?" pagtataka ko.