III: The Stranger

1503 Words
Takang-taka pa rin akong nakatingin doon sa lalaking nakaitim na hoodie na bigla na lang sumulpot at sinuntok si Kevin. Nakatulala lang ako sa kinatatayuan ko habang pinagmamasdan sila. Mayamaya'y itinaas ng lalaki ang kamay niya sa ere. "Void," maawtoridad na sambit ng lalaki. Matapos no'n ay biglang nagkulay indigo ang paligid. Parang naging makulimlim na madaling araw sa isang iglap lang. Pakiramdam ko ay napako naman ako sa kinatatayuan ko dahil lalo na akong nagulantang sa mga nangyayari. "Corinnaya's scythe," pag-alingawngaw ng boses na iyon ng lalaking nakaitim na hoodie. Sa isang iglap ay may kulay lilang liwanag na lumitaw sa kamay niya at mula roon ay lumabas ang isang napakalaking kalawit! Parang kalawit ni Kamatayan! Lalo akong natulala sa nasaksihan ko. Sino ba talaga ang lalaking 'to? Bakit puro kababalaghan ang mga ginagawa niya? Itinutok niya ang kalawit niya kay Kevin. Sa taranta ko ay walang anu-ano'y bigla akong napatakbo sa kanyang harapan at idinipa ko ang mga braso ko upang iharang ang sarili ko kay Kevin. "Huwag mo siyang sasaktan! H-huwag mong sasaktan ang boyfriend ko!" Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ngayon ng lakas ng loob para gawin 'to gayong kulang na lang ay lumabas ang puso ko mula sa dibdib ko at nagpapawis na rin ako nang butil-butil at malamig dahil sa labis na kaba. Basta ang alam ko lang, ayaw kong masaktan ng nilalang na ito si Kevin. Sa pagkakataong ito, buong-tapang akong nakatitig sa mukha ng misteryosong nilalang na nakaitim na hoodie. Kulay abo ang mga mata niya at may mga buhok siya sa noo na halos abot na sa mga mata niya. Maputla ang pagkaputi ng balat niya at kulay rosas ang labi niya. Nakatitig din siya sa'kin ngayon na mukhang takang-taka sa akin. Habang ako naman ay kinakabahan nang sobra at nanginginig na ang mga tuhod. "Ano sa tingin mong ginagawa mo?!" galit na tanong sa akin ng lalaki. "E-eh ikaw? Sino ka ba? Ano ba 'yang ginagawa mo?" buong-tapang ko namang tanong. "Puwede ba? Umalis ka diyan kung ayaw mong madamay. Isa pa, bakit nakakagalaw ka dito sa loob ng void?" Napakunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niya. Nakakagalaw sa void? Nagulat ako nang bigla akong itulak sa gilid ng lalaking nakaitim na hoodie. Sa lakas ng pagkakatulak niya ay napaupo na lang ako sa lupa. Halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ko ang malaki't kakaibang pagbabago kay Kevin. Isa na siyang halimaw na mala-higante ang taas. Parang singtaas siya ng isang two-storey building. May mapupula't lumiliwanag na mga mata, may mahahaba't matutulis na mga kuko, may malaking pangangatawan, at gayon din ang halos nakaluwa na sa laking mga pangil. Halos hindi ko na makilala si Kevin sa anyo niyang 'yan. Napatakip na lamang ako ng bibig habang nanginginig ang buong katawan at umagos na rin ang mga luha ko dahil sa nakikita ko. Hindi ko na rin maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Pinaghalong labis na takot at pagkalito sa mga pangyayari ngayon ang namamayani sa sarili ko. Bumubuga si Kevin ng kulay itim na bolang apoy nang sunod-sunod. Mabilis naman itong iniilagan ng lalaking nakaitim na hoodie sa pamamagitan ng pagtakbo-takbo sa iba't ibang direksyon na parang isang ninja. Tumalon ng napakataas ang lalaki, lampas ng kaunti kay Kevin habang pinaiikot-ikot niya sa kanyang kamay ang napakalaking kalawit na iyon na para bang napakagaan lamang nito para sa kanya. "Flame of the Raging Hell!" sigaw no'ng lalaki sabay tutok niya kay Kevin ng kanyang kalawit. At mula ro'n ay may lumabas na kulay lilang apoy at tinamaan nito si Kevin. Sumabog ito na nagdulot ng pagbalot ng usok sa paligid. "Dancing Blades of Hell!" sigaw ulit no'ng lalaki sabay wasiwas ng kanyang kalawit na mas malaki pa sa kanya, paharap papunta sa direksyon kung nasaan si Kevin. Tapos ay may nagtalsikang malalaki at maliliwanag na pa-arkong blades papunta kay Kevin. At dahil dito, naghati-hati ang katawan ni Kevin sabay sumabog siya kaya't nabalot na naman ng usok ang paligid. Tulala at naguguluhan ako sa buong pangyayari na nasaksihan ko. Pakiramdam ko nahihirapan ang utak ko na iproseso ang lahat. Kaya wala na akong nagawa kundi ang manood na lang. Ilang sandali lang ay nawala na rin ang mga usok. Halos lumuwa ang mga mata ko nang masilayan ko si Kevin. Nakabulagta na siya sa lupa. Normal nang muli ang hitsura niya ngunit punit-punit na ang suot niyang school uniform. Nanlambot ang buong katawan ko nang makita ko ang kalagayan niya ngayon. At kahit nanlalambot din ang mga tuhod ko ay agad akong napatakbo sa kanyang kinaroroonan. Umupo ako sa tabi niya at dahan-dahang iniangat ang ulo niya at ipinatong sa kandungan ko. " K-Kevin?..." halos maluha-luha kong pagbanggit sa pangalan niya. "Gumising ka, please? Huwag mo kong iwan. Kevin..." pagsusumamo ko habang hawak ang pisngi niya. Puro lapnos ang buong katawan niya na para bang binuhusan siya ng kumukulong kung ano. Dito na ako bumigay at humagulgol ng iyak at saka niyakap ang walang buhay niyang katawan. Wala akong tigil sa pag-iyak at halos ayaw ko nang bitiwan pa ang bangkay ni Kevin habang nanunumbalik sa isipan ko ang mga masasayang sandali habang magkasama kami. Wala na ang lalaking mahal ko. Ang pinangarap kong makasama sa habang panahon. Pero nangyari 'to. Bakit? Bakit? Tapos ay napansin kong bumalik nang muli sa dati ang paligid. Hapon na pala at palubog na ang araw. Nasilayan kong naglalakad papalayo ang misteryosong lalaki na nakaitim na hoodie. Siya ang may kasalanan nito. Napagtiim ko ang aking panga at napagkuyom ko ang aking palad. Dahan-dahan kong inilapag ang ulo ni Kevin sa lupa saka tumayo at tumakbo papalapit doon sa lalaki. "Hoy, ikaw!" sigaw ko. Pero hindi siya huminto na para bang wala siyang narinig. Lalong nagpuyos ang damdamin ko. "Sandali lang!" sigaw ko ulit. Sa pagkakataong ito ay huminto na siya. "Ano 'yong nangyari kanina?! Bakit mo ginawa 'yon, ha?! Sino ka ba?! Anong klaseng nilalang ka? Bakit may kapangyarihan ka?!" Nagngangalit ang boses ko nang magsalita ako. Nagtaas-baba naman ang dibdib ko dahil sa mabigat kong paghinga. Pagkatapos ay bigla na naman akong napaiyak. "Bakit mo siya pinatay? Bakit?..." sambit ko nang maluha-luha. Hinarap na ako ng lalaking naka-hoodie. Wala akong makitang bahid ng pagsisisi, awa o kahit anong emosyon. Wala. "Dahil kailangan," malamig na sagot niya. "P-pero...bakit?" tanong ko habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan naming dalawa bago siya nagsalita. "Hindi mo maiintindihan." Lalo akong nainis sa kanya, "Ipaintindi mo sa'kin! Nakita ko na rin naman lahat, eh. Mahalaga para sa'kin ang taong pinatay mo!" Napapapikit siya sandali at mukhang naiinis na rin siya sa'kin, "Hindi na tao ang isang 'yon. Nakita mo naman, hindi ba?" Bigla akong natigilan sa sinabi niya dahil na-realize kong may punto siya base na rin sa nasaksihan ko kanina. Napakunot ang noo ko sa sinabi niya, "Kung gano'n, anong nangyari kay Kevin? Bakit siya nagkagano'n?" Bumuntonghininga ang lalaki, "Unholy spirits. At dahil do'n naging unholy creature siya." Nakakunot-noo lang akong nakatitig at nakaawang ang bibig sa kanya habang pinipilit kong intindihin ang mga sinabi niya. Bumuntonghininga siya, "Kita mo na? Bakit pa 'ko magpapaliwanag sa'yo? Alam ko namang hindi mo rin maiintindihan," malamig niyang tugon. Tapos ay tumalikod na siyang muli at nagpatuloy sa paglalakad. Naiwan naman akong tulala at litong-lito dahil sa mga pinagsasabi niya. Unholy spirit? Unholy creatures? Alam kong hindi ito kapani-paniwala para sa mga ordinaryong taong gaya ko. Pero may parte sa isip ko na naniniwala sa sinabi niya dahil na rin sa mga nasaksihan ko kanina. Napabuntonghininga ako nang malalim. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari ngayon. Ang hirap isiksik sa isip ko na nakasaksi ako ng isang kakaibang nilalang na nakikipaglaban gamit ang isang kakaibang armas na may kapangyarihan. At nang dahil din dito, nawala sa'kin ang lalaking mahal ko ng gano'n na lang. Ang hirap talaga! Napahilamos na lang ako gamit ang mga palad ko habang hilam pa rin sa luha ang mga mata ko. Pakiramdam ko masisiraan na 'ko ng ulo. Sana nananaginip na lang ako! Nang iyuko ko ang aking ulo ay may napansin akong bagay sa harap ko. Isang kulay itim at hugis kuwadradong bagay. Dahil curious ako kung ano 'yon, yumuko ako upang pulutin ito. Isa pala itong card case na may flip cover. At sa cover nito, may naka-print sa gitna na isang tigre sa kaliwa, may dragon sa kanan, tapos may espada sa gitna nila. Tapos sa likod ng mga ito ay isang pentagram. Kulay silver din ang naka-print na design? Or logo siguro. "Ang weird," bulong ko habang patuloy na sinisipat ang bagay na napulot ko. Bago ko ito buklatin, tumingin muna ako sa gawi kung nasaan 'yong lalaking naka-hoodie. Tapos ay binuklat ko na nga ito nang makita kong wala na siya. Napataas ang kilay ko nang makita kong may ID sa loob. Parang isang school ID. Binasa ko naman kung saang school ito galing. Napakunot naman ang noo ko nang makita ko ang pangalan ng school na nakasulat. "Underworld...University?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD