XXIV: Juniors' Final Phase Exam

2093 Words
Tapos na ang one hour break kaya naman bumalik na kami sa mga puwesto namin. Isa-isa na ring nagsisibalikan ang ibang estudyante. "Wala pa ba sina Klein at Gunner?" tanong ko. "Nasa university hospital pa siguro silang dalawa," sagot ni Ryker. "Gano'n ba. Sana okay na si Klein." "Magiging okay lang si Klein. Saka hayaan na muna natin sila. Para na rin makapagpahinga sila," sabad naman ni Xavier habang kumakain ng isang pack ng chips at may hawak pa siyang maliit na bote ng softdrink. "Kain ka pa rin nang kain. Turn na natin, aba," sambit ni Ryker habang nakatingin kay Xavier at pinandidilatan ito ng mata. "Grabe. Excited lang? Matagal-tagal pa naman tayo. Magsisimula pa lang naman ang battle exams ng Junior level. Kaya relax lang," tugon naman ni Xavier sabay tawa nang kaunti. Napansin ko naman si Jerome na nakaupo sa kanan ko. Hinihimas niya ang sentido niya habang nakakunot-noo at nakatingin lang siya sa unahan. "Jerome, okay ka lang?" tanong ko. "Nahihilo ako," sagot niya. "Bakit? Masama ba pakiramdam mo?" Umiling lang siya bilang sagot. Pero hindi ko na siya inusisa pa ulit. At nang wala nang estudyanteng pumapasok ng coliseum, umakyat na ng arena si Ms. Merlot. "Welcome back sa ating Annual Battle Exams! At ang maglalaban-laban ngayon ay ang mga Junior students!" --- Habang nanonood kami ng mga laban ng Junior students ay kumakain lang kami rito ng chips at drinks na binili ni Xavier kaninang break. Samantalang si Jerome naman ay mukhang mahimbing ang tulog. Hindi ko naman maiwasang mag-alala dahil sa sinabi niya kaninang nahihilo siya. Lumipas ang mahigit tatlong oras ay sa wakas, may dalawa na ring nanalo sa exams. Umakyat na ng arena si Ms. Merlot para i-announce ang winners at kung sino ang makakatapat nina Xavier at Ryker. "At ang winners ng Junior level, semi-final phase, Liam Johnson ng Class 2-B, at Harley Scott ng Class 2-D!" anunsyo ni Ms. Merlot. "Sa wakas. Turn na rin natin. Nakakainip na rin eh," sambit ni Xavier sabay inat ng mga braso niya pataas. "Wow. Ang ganda rin ng Harley Scott na 'yon ah. Single kaya siya?" sambit naman ni Ryker habang titig na titig siya ro'n sa isang babaeng nasa arena. Binatukan naman siya ni Xavier kaya naman napadaing siya sa sakit. "Gunggong ka ba? Kalaban natin 'yan. Mamaya mo na siya pormahan pagkatapos ng laban kung gusto mo," pangaral sa kanya ni Xavier habang si Ryker naman ay hinihimas lang ang batok niya. "At ang maglalaban..." sambit ni Ms. Merlot sabay tingin sa higanteng LED screen. "Liam Johnson laban kay Xavier de Sauvetere ng Section X!" "Mauuna na ako," sambit ni Xavier sabay tayo. "Good luck!" sabay naming sambit ni Ryker bago tuluyang bumaba si Xavier papuntang arena. "'Yong makakalaban ni Xavier. Tao siya na may buntot ng alakdan?" usisa ko. Normal naman ang physical features ng lalaking makakalaban ni Xavier. Pero meron siyang malaking buntot ng alakdan sa likod niya. "Oo. Ang tawag sa ganyang nilalang ay aqrabuamelu. Kalahating tao, kalahating alakdan. At may lason na taglay ang dulo ng buntot niya. Kaya dapat mag-ingat si Xavier," sagot ni Ryker. Nagharap na sa gitna ng arena sina Liam at Xavier. "Liam Johnson ng Class 2-B laban kay Xavier de Sauvetere ng Section X, simulan na!" Matapos 'yon sabihin ni Ms. Merlot ay agad siyang umalis ng arena. May biglang lumitaw na malaking weapon na pabilog sa kamay ni Liam. "Isang ring sword ang divine artillery ng Liam na 'yon," sambit ni Ryker. Ang ring sword ay isang weapon na malaking blade na pabilog. Para siyang espada na pinormang bilog. "Nerthus Warhammer." Pagkasabi no'n ni Xavier ay lumitaw ang malaking Warhammer sa kanyang kamay matapos ang kulay dilaw na liwanag. Gawa ang buong weapon sa bakal at may mga disenyong nakaukit dito. Four feet ang laki nito at ang hammer head nito ay may kalakihan din. Bigla na lamang hinagis ni Liam ang ring sword niya kay Xavier. Halata naman sa mukha ni Xavier ang gulat pero nasangga naman niya ito kaagad. Pero laking gulat naming lahat nang biglang maglaho na parang bula ang divine artillery ni Liam. Halata rin ang pagkalito sa mukha ni Xavier kaya naman alam kong hindi 'yon dahil sa Nerthus Warhammer niya. Mayamaya'y lumitaw ito mula sa kawalan papunta kay Xavier na agad naman niyang nasangga. Paulit-ulit lang na ganoon. Mawawala't lilitaw ang ring sword habang inaatake nito si Xavier. Sunod-sunod din ang pag-atake nito at mukhang hindi na rin makakilos si Xavier mula sa kinatatayuan niya. Hindi niya kasi malaman kung saan susunod na lilitaw ang artillery ng kalaban dahil nalitaw ito sa magkakaibang direksyon. "Tingnan natin ngayon ang galing ng isang Section X student at ng kanyang Artillery of God," pang-aasar naman ni Liam. "Xavier!" pag-aalala ko sa kanya. "Ano nang gagawin niya?" bulong ko naman. "Kada matatamaan ni Xavier ang artillery na 'yon ng kalaban, naglalaho ito at bigla muling lilitaw para umatake sa ibang direksyon," sambit naman ni Ryker at bakas na rin ang pag-aalala sa kanyang mukha. Matapos pa ng ilang sandaling pag-atake ay ibinaba ni Xavier nang dahan-dahan ang artillery niya. Bumakas naman ang pagtataka sa mukha ni Liam dahil do'n. At sa sandaling 'yon, hindi na lumitaw pa ang ring sword ng kalaban. Biglang tumakbo naman si Xavier nang kay bilis papunta sa kalaban na parang kidlat. At nang malapit na siya kay Liam ay inangat niya sa ere ang kanyang artillery hudyat ng pag-atake. Nandilat ang mga mata namin habang pigil-hininga nang makita namin ang buntot ni Liam na nag-extend mula sa ibaba hanggang sa likod ni Xavier. Lalo pa kaming napanganga nang makita namin ang ring sword mula naman sa kabilang side ni Xavier na lumilipad papunta sa kanya! Papalapit na ang dulo ng buntot ni Liam sa likod ni Xavier pati na rin ang ring sword. Pero biglang yumuko nang mabilis si Xavier kaya't ang ring sword ay nahiwa ang buntot ni Liam dahilan para umalingawngaw ang malakas niyang sigaw sa buong coliseum. Naputol ang dulo ng buntot ni Liam o ang stinger nito. At may kulay itim na dugo na lumalabas mula rito. Dumadaing pa rin si Liam sa sakit tapos ay nagsalita siya. "P-paano mo nagawa 'yon?" galit na tanong nito kay Xavier. "Habang inaatake ako ng ring sword mo, sinaulo ko na ang pattern nito. Naglalaho ito kapag tinatamaan siya ng artillery ko tapos ay lilitaw naman ito mula sa ibang direksyon para atakihin ako," paliwanag si Xavier. "At sa taranta mo dahil sa pag-atake ko, hindi mo napansin na hinintay ko lang magtapat ang artillery mo at ang stinger mo bago ako umilag," dagdag pa niya sabay ngisi kaya naman lalong nagngitngit sa inis si Liam. Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa paligid. Nang biglang umupo si Liam sa lupa at tinaas ang kanyang mga kamay sa ere. "Si Liam Johnson ay nagpapakita na ng kagustuhang sumuko sa laban. Kaya naman dinedeklara na na si Xavier de Sauvetere ng Section X ang nanalo sa labang ito!" Pagkasabi no'n ni Ms. Merlot ay isang masigabong palakpakan ang bumalot sa buong coliseum. Napangiti rin kami ni Ryker nang malapad sabay nag-appear din kaming dalawa. Napatingin naman sa'min si Xavier tapos ay ningitian niya kami sabay kaway. Pagkatapos ay umakyat na rito si Xavier para bumalik sa upuan niya. "Hanep 'yong ginawa mo, pare! Napasuko mo ang kalaban! Iba ka!" masayang sambit ni Ryker sabay akbay nito sa leeg ni Xavier habang kinukutusan sa tuktok. "Wala na rin naman kasi siyang magagawa dahil sa ulo ko na ang pattern niya," tugon naman ni Xavier. "At sa final phase ng Junior battle exams, Harley Scott ng Class 2-D laban kay Ryker Nikolaev ng Section X!" "Oh, ako na pala. Sige, mamaya na lang!" sambit ni Ryker sabay tayo tapos ay nagmadali na siyang bumaba papuntang arena. "Isang mermaid ang makakalaban ni Ryker," sambit bigla ni Xavier. "Talaga? Kalahi siya ni Klein?" Tumango si Xavier, "Uhm-hmm. Gano'n na nga." "Sa bagay. Pang mermaid nga ang ganda niya." Slim ang katawan ng babae at may katangkaran din ito. Maputi at makinis ang balat niya. Mahaba ang buhok niya na hanggang bewang na kulay blue na bahagyang kulot sa dulo, at kulay blue green naman ang bilugan niyang mga mata. Basta sa sobrang ganda niya, iisipin mong diyosa siya ng karagatan. "Oo. Maganda nga siya. Kaya nauulol na naman 'yong isa," natatawang sambit ni Xavier. Napatingin naman ako kay Ryker na kaharap na ngayon si Harley sa arena. Titig na titig nga siya rito na mukhang namamangha sa kagandahang taglay nito. "Harley Scott ng Class 2-D laban kay Ryker Nikolaev ng Section X, simulan na!" Pagkababa ni Ms. Merlot sa arena ay inilabas kaagad ni Harley ang kanyang divine artillery. At ito'y isang mace. Isa itong weapon na parang baton pero ang dulo nito ay isang malaking bilog na bakal na merong bakal na spikes. "Sandali lang. Bago tayo magsimula, may hihingin muna akong pabor sa'yo." Nabigla kaming lahat sa sinabing 'yon ni Ryker, lalo na si Harley. "Sige. Ano 'yon?" tanong naman ni Harley. "Ms. Harley Scott, nais ko sana na pagkatapos ng laban natin. Mag-date tayong dalawa." Nandilat ang mga mata namin sa naging proposal na 'yon ni Ryker sa kalaban niya. "Walang'ya ka, Ryker," sambit ni Xavier na tila ubos na ang pasensya sa kaibigan sabay sapo niya sa kanyang mukha. Ako naman ay napangiwi na lang sa inasal ni Ryker. At mukhang hindi rin naman makapaniwala si Harley sa naging alok nito. Mayamaya ay ngumiti si Harley. "Sige ba. Pero kailangan mo muna akong matalo," sagot nito. Napangisi naman si Ryker sabay tawag nito sa kanyang artillery, "Aeolus' Bow and Arrow." Pagkatapos ay lumitaw ang artillery niya sa kanyang kamay pagkatapos ng isang liwanag na kulay blue. Kasunod din nito ang paglitaw ng siyam na fox's tail niya sa likod. Mabalahibo at kulay puti ang kanyang mga buntot. Lumalabas lang ang nine tails ni Ryker sa tuwing nakikipaglaban ito dahil hudyat daw ito na siya ay naka-battle mode. Napatingin naman ako sa gawi ni Jerome. At mukhang mahimbing pa rin siyang natutulog. "Okay pa kaya siya?" bulong ko. "May nangyari ba kay Jerome?" Napatingin naman ako kay Xavier nang magsalita siya. "Hindi ko alam. Pero kanina kasi ang huli niyang sabi nahihilo raw siya. Kaya nag-aalala ako," sagot ko. "Naku, bakit kaya? Hawakan mo nga." Pinandilatan ko siya ng mata, "Ha? Bakit naman?" "Hawakan mo siya sa noo kung normal ba temperature niya. Saka check mo na rin pulso niya." Tumango na lang ako bago ko gawin ang sinabi ni Xavier. Inilapat ko ang palad ko sa noo ni Jerome. Mukhang normal naman ang init niya. Sunod kong nilagay ang dalawang daliri ko sa pulsuhan niya. Mukhang normal din naman ang pulso niya. "Normal naman lahat," sambit ko. "Gano'n ba? Subukan mo siyang gisingin." Nabigla naman kami ni Xavier nang marinig namin ang 'woah' ng lahat ng nandito sa coliseum kaya naman napatingin kami sa arena para makita kung ano nang nangyayari. Nababalutan na ng makapal na usok si Harley sa puwesto niya. At nang unti-unting maglaho ang usok ay nakita naming nakaupo na siya sa lupa. "Hala, ano nang nangyari?" tanong ko. "Hindi ko rin alam. Pero mukhang lamang si Ryker," sambit naman ni Xavier. "Paano ba 'yan, Harley?" nakangising sambit ni Ryker sa kalaban. Tapos ay naglakad siya papalapit dito. Pero nang magtagpo ang kanilang paningin ay biglang napahinto si Ryker. Para siyang naestatwa sa kinatatayuan niya. Napanganga naman kaming lahat nang makita naming biglang nagbago ang hitsura ni Harley. Kung kanina ay napakaganda nito, ngayon ay mukhang naging halimaw ang hitsura nito. Naging kulay dark blue ang kanyang balat. Naging kulay puti naman ang mga mata niya. Lumaki rin ang bibig niya na may mga matutulis na ngipin. Parang zombie na ang hitsura niya. "Bakit gano'n? Anong nangyari kay Harley?" tanong ko. "Si Harley ay isang uri ng mermaid na tinatawag na sea nymph. Hindi gaya sa mga mermaid na may normal na hitsura, ang mga sea nymph ay ganyan talaga ang natural na hitsura. At 'yong pagiging maganda nila ay balat-kayo lang," paliwanag ni Xavier. "Nine-tailed fox, inuutusan kita. Kusa ka nang sumuko sa laban natin." Nagulat kami sa utos na 'yon ni Harley kay Ryker na parang estatwang tulala lang do'n. "Masusunod, aking reyna." Lalo naman kaming nagulat sa naging tugon na 'yon ni Ryker. "Ryker! Ano bang nangyayari sa'yo?" sigaw ko. Pagkatapos ay tumingin sa'kin si Harley sabay ngisi. "Sa tingin ko, nasa ilalim siya ng hypnosis ni Harley. Delikado 'to para kay Ryker," pag-aalala ni Xavier. Ano nang gagawin mo, Ryker?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD