XXXII: Ground Ekaton Ena

2210 Words
Naglalakad-lakad kami ngayon sa isang syudad at galing pa kami sa railway station. Habang naglalakad naman ay hindi ko maiwasang igala ang paningin ko. Nakakamangha kasi ang pagiging colorful ng paligid. Para bang ang sigla ng lugar na 'to. May mga puno sa tabi ng kalsada, sa bandang sidewalk kung saan kami naglalakad ngayon. Tapos ‘yong mga gusali ay gawa sa mga hollow block bricks. Para bang countryside ang style ng lugar na ‘to. ‘Yong mga taga-rito naman ay karaniwan lang ang hitsura, pinagkaiba nga lang ay kulay pale blue ang mga balat nila at mahahaba’t patulis ang kanilang mga tenga. “Saan na tayo pupunta? Gusto ko nang magpahinga,” reklamo bigla ni Ryker. “Hahanap tayo ng sakayan ng kalesa. Tapos maghahanap tayo ng murang wooden cabin,” sagot naman ni Klein. “Saan naman tayo makakahanap ng murang wooden cabin?” usisa muli ni Ryker. “Itatanong natin sa kutsero. Siguradong doon nila tayo ibababa,” sagot ni Klein. “Oh, ang daming nakaparadang kalesa ro’n oh,” sambit bigla ni Xavier sabay turo sa ‘di kalayuan. Pagkatapos ay nagtinginan nga kami sa gawing tinuturo ni Xavier at sabay-sabay kaming nagtungo roon. “Excuse me. Puwede niyo po ba kaming dalhin sa mumurahing wooden cabin na puwede naming tuluyan?” pakiusap ni Klein sa mga kutserong nakatambay dito. “Murang wooden cabin? May alam ako.” Napatingin kami sa sumagot sa amin. Isang kutserong elf na medyo may edad na. “Puwede niyo po ba kaming dalhin do’n?” tanong muli ni Klein. “Oo naman. Tara,” pagpayag naman ng kutserong elf. Pagkatapos ay pumuwesto na ito sa charioteer seat sa bandang likuran ng kabayo. Pagkatapos ay pumasok na rin kami sa loob. Kulay itim ang kanyang kalesa at hugis pahaba ito. May pahabang upuan ito sa magkabilang panig at meron ding bintana na puwede mong dungawan habang nasa biyahe. Tatlo kami sa isang upuan kaya okupado na namin ang buong kalesa. Mayamaya lang ay tumakbo na rin ito. “Mukhang hindi kayo taga rito ah. Mga turista ba kayo?” usisa bigla ng kutsero na nasa bandang unahan namin. Nagtinginan muna kaming lahat bago sumagot, “Opo.” “Ganoon ba? Pero bakit parang school uniform yata ang mga suot niyo?” Napataas ang mga kilay namin sabay tingin sa mga sarili namin. At doon namin napagtanto na may punto si manong. “Opo. Pero nasa field trip po kami para sa isang school research,” sagot ni Klein. “Ah. Underworld University, tama ba?” Nabigla kami sa naging tanong ng kutsero. “Alam niyo po ang school namin?” tanong naman ni Ryker. “Oo. Nais sana diyang pumasok ng anak ko. Pero hindi ako pumayag.” “Bakit naman po?” tanong ko. “Alam ko kasi na ang mga estudyante sa paaralang ‘yan ay hinahasa upang maging mga protector ng Elysium at lumaban sa mga Unholy. Natatakot ako na baka mapahamak ang anak ko dahil do’n,” kuwento niya. Natahimik kami sa naging sagot ni manong. Sa bagay, may punto siya. At naiintindihan ko ‘yon dahil magulang siya na nag-aalala para sa anak niya. Napaisip tuloy ako. Ano kayang dahilan nina Ryker, Xavier, Klein, at Gunner kung bakit pumasok sila sa university? “Bakit po ba gustong pumasok ng anak niyo sa Underworld University?” Nabigla kaming lahat nang biglang magsalita si Jerome. Nagsalin-salin ang mga tingin namin sa kanilang dalawa habang hinihintay ang magiging sagot ni manong kutsero. At mayamaya lang ay sumagot ito. “Dahil nais ng anak ko na ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang ina. Namatay ang kanyang ina dahil pinatay ito ng isang Unholy. Pero natatakot ako na baka matulad siya sa kanyang ina. Kami na lang dalawa pati sa buhay ngayon. Ayaw ko na pati siya ay mawala rin sa’kin.” Nalungkot naman kami sa naging kuwento ni manong kutsero. Ganoon pala ang kuwento ng buhay niya. Buong biyahe ay tahimik na lang kami. Hanggang sa naramdaman na lang namin na huminto na ang kalesa. “Narito na tayo.” Pagkasabi no’n noong kutsero ay bumaba na ito ng kalesa kaya’t nagsibabaan na rin kami. Bumungad sa amin ang isang maliit na wooden cabin at nag-iisa lang itong nakatayo sa lupaing tinitirikan nito at may katabi itong malaking puno. Napansin ko naman na sobrang magkakalayo ang mga wooden cabin dito. Tapos halos walang kahit sinong nasa paligid. Sobrang tahimik. Pero hindi na rin nakapagtataka dahil nasa tabi ng bundok ang lugar na ‘to. Pero maganda ang lugar. Maganda ang tanawin na tipong nakaka-relax sa pakiramdam. “Pumasok na tayo,” sambit no’ng kutsero. Pagkatapos ay nauna itong maglakad sa’min at sumunod lang kami. Tipikal na wooden cabin lang ang hitsura nito. At nang makapasok na kami sa loob ay nilibot namin ang aming paningin. Maliit lang ang space pero maaliwalas at maganda ang interior. Walang kuwarto dahil nandoon sa bandang dulo ang mga kama. Tatlong twin-sized bed na gawa sa kahoy at kulay puti ang beddings. Sa kaliwang parte ay isang mini kitchen kung nasaan ang lababo at lutuan. Dito naman sa bandang kanan ay dining area—isang round table na four-seater. ‘Yong mga kasama ko naman ay lumibot sa paligid para i-check ang lahat. May isang pinto naman na binuksan si Gunner at nakita naming banyo pala ito. “Puwede na ba sa inyo ito, mga bata? Ito na ang pinakamurang cabin. Kung gusto niyo nang mas maganda at mas malaki rito—“ “Ayos lang po. Saglit lang naman po kami rito. Isa pa, kailangan naming budget-in nang maayos ang allowance na binigay sa’min ng university para sa trip na ‘to,” sagot bigla ni Gunner. “Oo nga, manong. Saka, kahit maliit ang cabin, maganda naman at maaliwalas,” sambit naman ni Ryker. “Sino po ang may-ari nito?” tanong naman ni Klein. “Ako rin ang may-ari ng cabin na ‘to.” Nagulat kami sa naging sagot nito, “Talaga po?” Natawa siya nang kaunti, “Oo. Bukod sa pagiging kutsero, pinaparenta ko rin ang cabin na ‘to sa mga turista kapag gusto nila ng mura lang.” “Ano nga po palang pangalan niyo?” tanong naman ni Xavier. Oo nga pala. Kanina pa namin kasama si manong kutsero pero hindi pa namin siya kilala. “Ako si Gael,” sagot nito. “Nice to meet you po, Mang Gael,” sambit namin. Ngumiti ito sa’min, “O siya. Maiwan ko na kayo ha? Bibyahe pa ako. Kapag may kailangan kayo sa akin, tawagan niyo ako sa teleponong iyan,” bilin niya sabay turo no’ng telepono sa isang sulok na katabi ng pinto. Vintage rotary telephone ang hitsura nito. Kulay black and gold ito na may wire pa. Tapos iniikot pa ‘yong numero nito bago ka makatawag, at ‘yong magkabilang dulo ng mismong phone ay mukhang scoop. “Sige po. Salamat,” sambit namin pagkatapos ay umalis na si Mang Gael. Nagtakbuhan na kaming lahat papalapit sa tatlong kama na magkakahanay dito sa dulong bahagi ng cabin. Pinagbababa na nila ang mga bag nila at sumalampak sa kama. “Hay salamat! Makakapagpahinga na rin,” sambit ni Ryker sabay higa sa kama. “Oh paano? Tabi-tabi na lang tayo sa kama. Tatlo lang ‘to eh,” dagdag pa niya. Napataas naman ang kilay ko, “Ano? Paano naman ako? Saan ako matutulog?” “Ha? E ‘di sa kama,” sagot ni Ryker. “Sira ka ba? Katabi kayo?” taas-kilay kong tanong. “Wala eh. Anong magagawa natin. Twin-sized naman ang mga kama so, kasya ang dalawang tao. Sakto lang sa’tin,” katwiran pa ni Ryker. “Hindi ang ibig kong sabihin…” Pagkatapos ay sumilay ako sandali kay Jerome na nakaupo na ro’n sa isang kama. “May katabi akong lalaki?” tanong ko na tila hindi makapaniwala. “Hala!” Nabigla kami nang biglang sumigaw si Xavier kaya’t napatingin kami sa kanya. “Panis na ‘yong baon ko na binili ko sa Miden Railway Station,” pagmamaktol nito matapos kunin sa bag niya ang baong pagkain. “Ayan kasi ang napapala ng matakaw na tulad mo,” pang-aasar naman sa kanya ni Ryker. Tumigin sa’kin muli si Ryker, “So, Aika. Anong gusto mo? Isa sa inyo ni Jerome ang matutulog sa sahig?” Napaisip ako sandali, “H-Hindi naman sa gano’n.” “Oh, ‘di ba? Hayaan mo na. Tandem mo naman siya at familiar. Buti nga si Jerome, babae ang katabi. Eh ako? Isang mabaho at maingay na werewolf ang katabi,” ingit pa ni Ryker. “Pero kung ayaw mong katabi si Jerome, puwede namang ako na lang—“ “Anong sabi mo? Mabaho at maingay?” inis na sabad naman ni Xavier sabay hampas ng unan sa mukha ni Ryker. Pagkatapos ay nagbangayan na nga ang dalawa habang naghahampasan ng unan. Napailing na lang ako sabay buntonghininga. “Guys, sandali. Mag-meeting muna tayo.” Natuon naman kay Klein ang atensyon namin nang magsalita siya. Pagkatapos ay nagtipon kami sa dining area at may old scrolls na nilatag si Klein sa mesa. “Bale ito ang hitsura ng mga nawawalang spellbound artifacts,” panimula nito habang tinuturo ang isang scroll kung nasaan ang mga larawan ng artifacts. “Telescope, dagger, porcelain jar, feather pen, music box, at necklace. Mga karaniwang kagamitan na nilagyan ni Persephone ng spells. At ang palatandaan ng mga ito ay may Greek letters na nakaukit sa mga ito,” paliwanag ni Klein. “Ano kayang artifact ang makikita natin dito?” usisa ni Gunner. “’Yon ang kailangan nating alamin. At kung saan ba natin ‘yon makukuha,” sagot ni Klein. “Aika, wala ka pa bang ibang clue na nakita sa vision mo no’n?” tanong naman sa’kin ni Ryker. Napaisip ako para alalahanin pa kung anong nakita ko sa vision ko noong araw na ‘yon. “Parang isang farm ang nakita ko. Maliit na farm na merong windmill at lumang farm house,” sagot ko. “Sige. Maghanap tayo ng farms dito sa Ground Ekaton Ena,” sambit ni Gunner. “Oo. At magtanong-tanong na rin tayo kung saan ang mga farm dito,” sabad naman ni Klein. “Pero puwede bang kumain na muna tayo? Nagugutom na ako eh. Isa pa, tanghali na oh,” reklamo ni Xavier. “Sige. Mamimili muna ako ng lulutuin. Maghintay lang kayo rito,” sambit ni Gunner. “Pero, sinong sasama sa’kin?” tanong niya bigla. “Ako na lang. Maghahanap din ako ng mabibilhan ng kape,” sagot ni Klein. “Sige. Tara.” Pagkatapos ay umalis na nang magkasama sina Klein at Gunner. “Oh pa’no. Matutulog na muna ako. Gisingin niyo na lang ako pagkakain na,” bilin ni Ryker sabay higa nang prente sa kama. “Ako rin. Itutulog ko na lang muna ‘tong gutom ko,” sambit din ni Xavier sabay higa nang prente sa kama kabilang kama. “Teka, bakit diyan ka matutulog sa kama nina Klein at Gunner?” tanong ko. “Okay lang ‘yan. Wala pa naman sila eh. Sige, pakigising na lang ako mamaya,” sagot ni Xavier sabay hikab pagkatapos ay natulog na rin siya. Napatingin ako sa gawing kama kung nasaan si Jerome. Prente lang siyang nakaupo ro’n habang nakasandal sa headboard ng kama at nagbabasa ng isang libro na maliit pero may kakapalan. Nakabibingi ang katahimikang bumalot sa paligid. Hindi tuloy ako makagalaw sa kinatatayuan ko ngayon. “Aika.” Natinag ako sa kinatatayuan ko nang tawagin niya ang pangalan ko. “Magpahinga ka na,” sambit niya. Kahit nag-aalinlangan ay lumapit na ako sa kama namin. “Ayos lang ba ‘yon sa’yo?” tanong ko. “Ang alin?” Patuloy pa rin siya sa pagbabasa niya. Bumuntonghininga ako, “N-Na magkasama tayo sa iisang higaan.” Natahimik kami sandali pagkatapos ay umangat ng tingin sa’kin si Jerome at nagsalita. “Bakit naman hindi?” Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. So, okay lang sa kanya? “K-Kasi…” Sasagot pa sana ako pero biglang nablangko ang utak ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko kasi parang hindi rin naman nila maiintindihan. “W-Wala. Hindi bale na,” tanging nasabi ko na lang. Ibig bang sabihin nito, dito sa mundo nila okay lang na magkatabi ang babae’t lalaki na hindi naman magkaano-ano? Napapapikit ako sabay buntonghininga. Bahala na nga. Binalik na ni Jerome ang tingin niya sa kanyang binabasa, “Kung iniisip mo na baka may gawin ako sa’yo o ano man, nagkakamali ka.” “Hi-hindi naman sa gano’n…” Pagkatapos ay umupo na ako sa gilid ng kama at dahan-dahang humiga. Nakatalikod ako mula kay Jerome. “Ikaw? Hindi ka ba magpapahinga?” tanong ko. “Hindi puwedeng lahat tayo ay tulog.” “Hindi ka ba napagod kanina?” “Hindi,” sagot niya. “Pero kung gusto mong magpahinga, matulog ka na rin,” sambit ko. Pagkatapos ay dinalaw na rin ako nang antok dahil siguro sa pagod. Unti-unti nang bumibigay ang talukap ng mga mata ko. At bago tuluyang pumikit ang mga mata ko, naramdaman kong may naglagay ng kumot sa ibabang bahagi ng katawan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD