XXXI: Escape

2466 Words
Nakatitig lang ako sa misteryosong lalaki na bigla na lang nagpakita sa’kin. Nakasuot siya ng uniform pero hindi iyan ang school uniform namin. At nang tanungin ko siya kung sino ba siya ay may nakita akong bahid ng lungkot sa mga mata niya. At nang napagtanto ko ‘yon ay parang may kaunting kirot akong naramdaman sa dibdib ko na hindi ko maintindihan. “Ito pala ang nagagawa ng realistic illusion na ‘to. Ang ipalimot sa biktima ang realidad niya.” Bulong niya sa sarili niya pero nakakunot lang ang noo ko habang tahimik na nakatitig sa kanya. Pagkatapos ay napansin ko ang isa niyang tenga. “’Yong hikaw na suot mo. Kaparehas ng sa’kin,” sambit ko. “Dahil sa’kin ‘yan galing.” Napataas ang mga kilay ko, “H-Ha? Pero paano? Magkakilala ba talaga tayo?” “Hey.” Napatingin kami sa biglang nagsalita. “Who the hell are you? And why are you pestering my girl?” “Kevin!” Pinapasadahan ni Kevin ng tingin ang misteryosong lalaki mula paa hanggang ulo habang pinanlilisikan ng mata. Itong lalaki naman ay seryoso lang na nakatingin kay Kevin. Lalapit na sana sa’kin si Kevin nang humarang ‘yong lalaki sa pagitan namin. “What the—get lost!” bulyaw ni Kevin sa lalaki habang pinandidilatan ng mata. Hinawakan akong muli no’ng lalaki sa braso ko. “Pasensya na. Pero akin na siya ngayon.” Pagkasabi no’n no’ng lalaki ay bigla niya akong itinakbo papalayo mula kay Kevin. Sa bilis ng pangyayari ay hindi na ako nakaangal pa at nagpatangay na ako nang kusa. At habang tumatakbo kami papalayo ay pakiramdam ko’y bumagal ang takbo ng oras. “Aika.” Natinag ako nang tawagin niya ang pangalan ko. “Hindi ito ang tunay na realidad mo. Kailangan mo nang gumising.” Naguluhan ako bigla sa sinabi niya, “Anong ibig mong sabihin?” “Nakakulong ka sa isang panaginip o ilusyon. Kapag hindi ka pa nagising, mamamatay tayo pareho rito sa loob ng panaginip mo.” Nandilat ang mga mata ko, “P-Paano mo nasabing nasa loob lang tayo ng isang panaginip?” “Iyong mga taong nakasalamuha mo rito, wala na sila. Hindi na sila nag-e-exist sa tunay mong realidad. Ginagamit ng Unholy ang masasakit mong alaala at babaligtarin niya ‘yon sa isang panaginip. At kapag hindi ka pa nagising, tuluyan na tayong makakain ng Unholy at mamamatay,” paliwanag niya. Patuloy pa rin kami sa pagtakbo at hindi na ako nag-abala pang tanungin siya kung saan ba kami pupunta. Masyado nang abala ang isip ko para intindihin ang lahat. “Kung gano’n. Anong kailangan kong gawin para gumising?” tanong ko. Pagkatapos ay huminto kami sa pagtakbo. Binitiwan niya ang braso ko sabay humarap sa’kin. “Alalahanin mo kung sino ako.” Tumingin ako sa kanyang mga mata. ‘Yong iris ng kanyang mata ay kulay pula—gaya ng mamahaling bato na tinatawag na ruby. Pakiramdam ko talaga ay pamilyar siya sa’kin. Para bang magkakilala talaga kaming dalawa. Pero paano ba ‘to? Paano ko ba siya aalalahanin kung sa tuwing sinusubukan kong isipin kung sino siya ay wala talaga akong maalala? Para namang may sariling isip ang mga kamay ko dahil kusa ko na lamang itong inangat at dahan-dahang sinapo ang mukha ng lalaking nasa harapan ko. Naramdaman ko naman na parang may katiting na boltahe akong naramdaman nang sandaling lumapat ang mga palad ko sa kanyang mukha. At sa isang iglap ay may mga alaalang nag-flash sa isipan ko na parang isang dream sequence. Sa gulat ko ay napabitiw ako bigla. Nandilat ang mga mata ko, “Jerome.” Napatingin naman ako sa paligid ko at napansin kong dahan-dahang naglalaho na parang isang natutunaw na yelo ang paligid. Nagulat naman ako nang makita kong naging uniform na ng university ang suot ko. Mukhang nagising na nga ako. Nabigla naman kami pareho nang dumagundong ang paligid na para bang may lindol. “Anong nangyayari?” taranta kong tanong. “Dahil nagising ka na, unti-unti nang naglalaho ang ilusyon na ginawa ng Unholy.” Napansin namin na biglang naglaho ang sahig at naging kadiliman ito at bigla na lang kaming nahulog mula sa kawalan. “Jerome!” tawag ko sa kanya habang nahuhulog kami pareho sa walang hanggang kadiliman. Inilahad niya ang kanyang kamay at pilit na inaabot ang kamay kong pilit din siyang inaabot. Masyadong malakas ang puwersa ng hangin habang kami ay nahuhulog kaya’t nahihirapan kaming abutin ang isa’t isa. At nang tuluyan na maabot ni Jerome ang kamay ko ay hinila niya ako papunta sa kanya. Hawak niya ako sa bewang habang ako naman ay mahigpit lang na nakakapit sa kanyang damit. Napatingin kami pareho sa ibaba at napataas ang kilay ko nang may mapansin ko ro’n. “Sila Gunner ba ‘yon?” tanong ko. “Oo.” Nando’n silang apat at nakikipaglaban sa Unholy. Ilang sandali naman ay unti-unti na rin kaming nakababa ni Jerome. Nang sandaling lumapat ang mga paa namin sa lupa ay nagbitiw na kami at tiningala ang isang higanteng Unholy na nasa harapan namin ngayon. “Kakaiba ang hitsura niya,” sambit ko. Meron siyang payat at mahahabang binti at malaking mga paa na may mga matutulis na kukuko. Mga payat at mahahabang braso at ang mga kuko rin niya sa kamay ay mahahaba at matutulis din. Malaki at malapad ang kanyang bibig na puno ng matutulis na ngipin at meron din siyang mahabang mga pangil. Nanlilisik naman ang mga mata niyang lumiliwanag na kulay pula. Kakaiba nang kaunti kaysa sa karaniwang Unholy na nakikita namin sa earth. “Aika! Jerome!” tawag nila sa’min nang makita nila kami. “Mukhang malapit nang maging Chaos ang isang ‘to,” sambit ni Jerome. “Chaos? ‘Yong mas mataas na level sa Unholy?” tanong ko. “Oo. Iyon na nga. Ibig sabihin lang nito, matagal na niyang ginagawa ito na kumain ng mga nilalang sa loob ng tren kaya’t malapit na siyang mag-evolve sa pagiging isang Chaos,” paliwanag ni Klein. Napatingala pa ako sa bandang ulunan ng Unholy. Nandilat ang mga mata ko nang makita kong may isang higanteng bilog do’n na parang bula at makikita mong laman nito ang lahat ng nilalang na nakasakay sa tren kanina at lahat sila ay walang malay. “Bihag pa niya ‘yong mga nilalang na nakasakay natin sa tren!” sambit ko. “Oo. Kaya kailangan natin magtulungan na matalo ang halimaw na ‘to habang nililigtas ang mga bihag niya,” sambit naman ni Xavier. “May naisip na ako.” Napatingin kaming lahat kay Klein nang magsalita siya. “Gunner, Aika, at Xavier. Kayo ang bahalang magligtas sa mga nilalang na bihag ng Unholy. Kami naman nina Ryker at Jerome ang bahala sa Unholy na ‘to,” paliwanag niya. Nagtinginan kaming lahat sabay tango. “Aika, Xavier. Tara na,” aya sa’min ni Gunner. Pagkatapos ay tumakbo na kami ni Xavier habang kasunod ni Gunner. “Ganito, kaming dalawa ni Aika ang aakyat sa higanteng bula na ‘yon. Ako ang mag-a-assist sa kanya na ilabas ang mga nilalang na ‘yon nang ligtas. Habang ikaw naman, Xavier ay mananatili rito sa baba para i-distract ‘yong Unholy kung sakali,” paliwanag ni Gunner ng plano niya habang tumatakbo kami papalapit sa bula. “Sige,” pagsang-ayon naman namin ni Xavier. Dala-dala na nina Gunner at Xavier ang kanilang mga artillery. Kaya naman tinawag ko na rin ang akin. “Hades Sword.” Pagkatapos ay lumitaw na ito sa aking kamay. “Aalalayan kita. Kaya mo bang hiwain ang bula na ‘yon nang walang nasasaktan o madadamay?” tanong sa’kin ni Gunner. Nag-isip ako sandali. Alam kong hindi pa ako gaanong bihasa sa paggamit ng artillery ko. Pero hindi ito ang oras para pagduduhan ko ang sarili ko. “Oo! Kaya ko,” sagot ko. Paglingon naman namin sa aming likuran ay nandilat ang mga mata namin nang matuon ang atensyon ng Unholy sa amin. Bigla namang huminto sa pagtakbo si Xavier at pumihit paharap kung nasaan ang Unholy. “Sige na, mauna na kayo. Ako na bahala rito,” sambit niya. Nagpatuloy na nga kami sa pagtakbo ni Gunner. At habang tumatakbo ay palingon-lingon pa rin ako kay Xavier para tingnan ang sitwasyon niya. Itinaas niya ang artillery niya, “Crash of Earth Bound!” Pagkatapos ay buong lakas niya ‘yong hinampas sa lupa. Dumagundong ang buong paligid at nagbitak-bitak ang lupa papunta mismo sa Unholy na naging sanhi ng pagtalsik nito. At tuluyan na rin kaming nakarating sa higanteng bula. ‘Yong bula ay may mga parang branches na gawa sa slime na nakakonekta sa bula at sa pader. Itinutok ni Gunner ang artillery niya sa tuktok ng bula, “Meteor Bullet.” Pagkatapos ay nagpaputok siya at tinamaan ang branch na nagkokonekta sa tuktok ng bula at sa kisame. Nagulat naman kami nang marinig namin ang napakalas at malagong na ungol ng Unholy na umalingawngaw sa buong paligid. Tumingin sa’kin si Gunner, “Bilisan natin. Nagagalit ang Unholy dahil pinapakialaman natin ang mga pagkain niya.” Umatras ako ng ilang hakbang mula sa bula. Inilahad ni Gunner ang kamay niya sa’kin, “Ngayon na!” Pagkatapos ay tumakbo ako nang matulin para makabuwelo ng talon. Paglapit ko kay Gunner ay humawak ako sa kamay niya at puwersahan niya akong inangat para mataas ang maabot ng talon ko, sakto sa bula. At nang nasa ere na ako at katapat ko na ang higanteng bula, itinaas ko na ang espada ko para hiwain ito. Nang sa isang iglap ay bigla na lamang akong tumalsik at napadikit ako sa isang branch ng bula. “Aika!” sigaw ng mga kasama ko. Nasaktan ako pero agad din naman akong nakakilos. Napakadikit pala talaga nitong bula na ‘to. “Strike of Blazing Bullets!” Pagkatapos ay pinaulanan ni Gunner ng umaapoy na mga bala ang Unholy na umatake sa’kin. Napaatras at napadaing ang Unholy at nagbutas-butas ang mga parteng tinamaan nito. Nakita kong pinagtutulungan na rin nina Jerome, Klein, at Ryker ang Unholy para i-distract itong muli. Dahan-dahan naman akong dumapa at gumapang na lang ako sa branch paakyat sa bula. “Delikado. Nagre-recover nang mabilis ang Unholy.” Narinig ko si Gunner nang sabihin niya ‘yon kaya’t tumingin ako sandali sa Unholy. At Nakita ko nga na unti-unting naghihilom ang mga butas nito sa katawan. Lalo ko pang binilisan ang paggapang papunta sa higanteng bula kahit mahirap dahil sobrang madikit ang ginagapangan ko. Napakapit ako bigla nang mahigpit nang biglang dumagundong ang paligid. Ang mga dagundong ay dulot ng mga pag-atake ng mga kasamahan ko at ng Unholy. Kailangan ko nang bilisan. Paminsan-minsan ay pinalilipat-lipat ko ang atensyon ko sa Unholy at sa ginagapangan ko. Naputol ni Jerome ang kaliwang braso ng Unholy. Samantalang si Klein naman ang nakaputol sa kanan. Umalingawngaw ang ungol ng Unholy sa buong lugar. Ilang sandali pa ay narating ko na rin ang higanteng bula. Tumigil muna ako sandali para tingnan ang mga nilalang na nasa loob nito. Transparent naman kasi ito kaya kitang-kita ang mga nasa loob. Sinipat ko ang paligid ng bula para maghanap ng tamang posisyon na hihiwain ko para mailabas ko ang mga nilalang na nasa loob. Napatingala ako sa tuktok ng bula at naisip kong doon ito hiwain dahil walang madadamay kung hihiwain ko ito mula ro’n. Dahil madikit nga ito, inakyat ko hanggang sa tuktok nitong bula. At nang nasa tuktok na ako ay dahan-dahan akong tumayo rito. Hinawakan ko sa grip ang aking espada gamit ang pareho kong kamay at tinutok ko ang dulo ng blade nito sa bula. Pagkatapos ay sinaksak ko na ang bula at bigla itong nagliwanag na kulay asul bago ito tuluyang mawasak. Nang masira ang bula ay niluwa na nito ang mga nilalang. Hindi naman sila nahulog bigla dahil may mga madikit na branches na nakabalot sa mga katawan nila na nakakapit sa mismong bula. At nang tuluyan nang makalabas ang lahat ay bigla na lang nalusaw ang bula kaya’t nawala ako sa balance at nahulog ako. At habang nahuhulog ako ay nablangko bigla ang utak ko. Hindi ko alam kung anong gagawin para mag-landing ako nang maayos sa lupa. Nakatulala na lang ako sa kawalang habang patuloy na nahuhulog. Mayamaya lang ay bumagsak na rin ako pero hindi ako nasaktan dahil may sumalo sa’kin. Umangat ako ng tingin sa kanya. “Jerome.” Sakto lang ang pagsalo niya sa’kin. ‘Yong isang braso niya ay nasa likod ko, at ang isa ay nasa alak-alakan ko. Pagkatapos ay dahan-dahan niya akong ibinaba. Tumigin ako sa mga nilalang na inilaglag ng madikit na branches ng bula. Isa-isa na silang tinutulungan nina Gunner at Ryker. Tinatanggal nila ang mga slime na nakapulupot sa mga katawan nila. “Kumusta sila?” tanong ko. “Ayos naman sila. Wala lang silang malay sa ngayon. Pero ligtas na sila,” sagot ni Gunner. Nabigla naman kami nang biglang umalingawngaw na naman ang malagong na ungol ng Unholy. Nasa lupa na ito at mukhang naghihikahos na. Putol na ang mga braso at binti niya, pero pilit pa rin itong lumalaban. “Wonder Ice.” Nang banggitin ‘yon ni Klein ay tinukod niya ang kanyang sceptre sa katawan ng Unholy at naging yelo ang buong katawan nito. “Crash of Earth Bound!” Pagkatapos ay inangat ni Xavier ang kanyang Warhammer at buong puwersang inihampas sa mismong ulo ng Unholy. Sabay sa pagdagundong ng paligid ay parang nabasag nang pira-piraso ang Unholy, pagkatapos ay tuluyan na itong naglaho na parang bula. Mayamaya lang ay nagbago na ang hitsura ng paligid. Bumalik na sa normal ang lahat. Nasa Chloris Train na kaming muli at umaandar pa ito nang parang walang nangyari. Nasa mga puwesto na rin nila ang lahat ng sakay at dahan-dahan silang nagising at para bang wala silang alam sa nangyari. Nagsiupo naman kami sa kanya-kanyang puwesto namin sa tren at prenteng sumandal sa upuan sabay buntonghininga nang malalim. Nagtagumpay kaming matalo ang Unholy Spirit ng Chloris Train. --- Attention passengers, the train has now arrived at Ekaton Ena Railway Station. Nang marinig ko ‘yon ay dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. Napagtanto ko naman na nakatulog pala ako habang nakasandal sa balikat ni Jerome. Habang siya naman ay natutulog din habang nakasandal ang ulo sa headrest ng sandalan. Napansin ko ring isa-isa nang nagigising ang mga kasama ko. Pare-pareho pala kaming nakatulog. “Nasa Ekaton Ena na tayo,” sambit ni Gunner pagkatapos ay humikab muna siya bago tumayo at damputin ang gamit niya. Nagsitayuan na rin kaming lahat bitbit ang mga bag namin at bumaba ng tren. Nasa platform na kami ngayon ng Ekaton Ena Railway Station. Namangha naman ako nang makita ko kung gaano kakulay ang paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD