May isang babae na nakaupo sa gilid ng kama habang hinahaplos niya nang marahan ang buhok ng isang lalaking nakahiga sa kama. Mukhang natutulog ang lalaki kahit hindi ko kita pareho ang mga mukha nila.
Mayamaya lang ay may mga luhang umagos sa pisngi no’ng babae habang nakatingin siya ro’n sa lalaki.
“Aika.”
Nang may marining akong tumatawag sa’kin ay dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko.
“Aika, gising na.”
Nang luminaw na nang tuluyan ang paningin ko ay tumambad sa’kin ang mukha ni Jerome. Nakatayo siya sa gilid ng kama ko habang nakatingin sa’kin.
Napaginipan ko na naman sila. Sila ‘yong madalas kong mapaginipan noon bago ko pa makilala si Jerome. Nawiwirduhan talaga ako sa tuwing sila ang nasa panaginip ko.
Pero nang masanay ako ay binabaliwala ko na lang din. Sa tingin ko random na panaginip lang ‘yon.
Bumangon ako at umupo. Namumungay pa ang mga mata ko habang tinitingnan ang paligid. Napansin ko kasing sobrang tahimik yata ngayon samantalang nangingibabaw palagi ang mga boses nina Ryker at Xavier.
Tuluyan nang nagising ang diwa ko nang mapansin kong wala na ang mga kasama namin.
“Teka, nasaan na sila?” tanong ko kay Jerome.
“Nauna na silang umalis para pumunta sa unang barnyard na pupuntahan nila,” sagot nito.
“Saan naman ‘yon?” usisa ko pa.
“Ang alam ko, may barnyard din ang may-ari ng cabin na ‘to. At ‘yon ang una nilang pupuntahan. Kaya bumangon ka na diyan at susunod tayo sa kanila.”
Tumango naman ako bilang sagot at agad na bumaba sa kama. Kinuha ko ang uniform ko na naka-hanger at nakasabit sa dingding. Pagkatapos ay pumasok na ako sa banyo at nagsara.
Naghihilamos lang ako at sipilyo tuwing umaga dahil sa gabi ako naliligo bago matulog. Kailangan kasi palagi ng mabilisang kilos. Kaya iyon lang talaga ang ginawa ko saka nagbihis ng uniform ko.
Matapos kong magsuklay ng buhok ay lumabas na ako ng banyo. Pagkatapos ay nadatnan ko si Jerome na nakaupo ro’n sa dining area.
“Okay na ako. Puwede na tayo lumakad.” Nang marinig niya ako ay tumingin siya sa’kin tapos ay tumayo na siya.
Naglakad na ako papunta sa pinto at naunang lumabas. Mayamaya lang ay naramdaman kong may kumulbit sa balikat ko. Kaya naman lumingon ako sa likuran ko at nakita kong may isang toasted bread na inaabot sa’kin si Jerome.
“Kumain ka muna. Iyan na lang natira sa’yo pagkatapos nilang mag-almusal,” sambit niya.
Inabot ko ang toasted bread na binibigay niya sa’kin at kinagatan ko na ito.
“Hinayaan mong maubusan ako ng pagkain?” tanong ko kay Jerome.
Tumingin naman siya sa’kin at parang nagulat siya sa naging tanong ko.
“Sila lang ba talaga ang umubos ng pagkain?” tanong ko pa sa kanya habang pinaniningkitan ko siyang mata.
“Alam kong malakas kang kumain, ano,” sambit ko pa sabay kagat sa tinapay.
“Ikaw ha. Ipagpapalit mo ang master mo sa pagkain?” biro ko sa kanya.
Tinaasan niya ako ng kilay. Pero mayamaya lang ay nakita kong ngumisi siya at tumawa nang kaunti. Nabigla naman ako nang bahagya sa naging reaksyon niyang ‘yon.
At nang nasa unahan ko na siya ay napangiti ako nang hindi sinasadya.
---
Habang binabaybay namin ang isang pathway ay hindi ko maiwasang igala ang paningin ko. Relaxing at maganda ang paligid. Kulay berde ang mga d**o, may mga bulaklak at puno kahit saan. Magkakalayo talaga ang mga cabin sa isa’t isa. Katulad ito ng isang village sa countryside ng Switzerland.
Tiningala at tinanaw ko rin ‘yong bundok ro’n na berdeng-berde ang kulay dahil sa mga puno na may kalayuan nang kaunti mula rito.
“Ang tahimik sa lugar na ‘to. Parang walang nakatira,” sambit ko habang patuloy lang kami ni Jerome sa paglalakad.
Tanging huni lang ng ibon at mga kulisap ang maririnig, pati pagaspas ng hangin. Maganda rin ang klima rito. Hindi mainit, pero hindi rin malamig. Sakto lang.
“Mas gusto ko ang ganitong lugar,” sambit naman ni Jerome.
“Payapa at mukhang malayo mula sa g**o,” dagdag pa niya sabay tumingala siya sa langit.
Napahinto naman kami sa paglalakad nang matanaw namin ang mga kasama naming papalapit dito.
Paglapit naman nila rito ay agad namin silang inusisa.
“Anong balita?” tanong sa kanila ni Jerome.
“Wala kaming kahit anong nakita sa barnyard ni Mang Gael,” sagot ni Xavier.
“Pero nabanggit ni Mang Gael na may isang antique na bagay nga siyang ibinenta kahapon,” sambit naman ni Klein.
“May binenta raw siyang isang antique porcelain jar dala ng pangangailangan,” sabad naman ni Gunner.
“Sinabi ba niya kung kanino niya binenta?” usisa ni Jerome.
“May lalaking bumili ng jar na ‘yon na tindero raw ng antique items sa bayan. Hanapin natin. Ang pangalan daw no’ng lalaki ay Ernesh,” sagot ni Klein.
“Sige. Bumaba na tayo sa downtown,” sambit naman ni Gunner. Pagkatapos ay lumakad na kami.
Ilang minuto lang ay nasa dulo na kami ng village at doon ay nakasakay na kami ng kalesa. Nag-request kami sa kutsero na dalhin niya kami sa downtown kung saan may mga nagbebenta ng antique items.
“Sigurado ba kayo na ‘yon na nga ‘yong artifact na hinahanap natin?” tanong ko.
Nakasakay kami ngayon sa kalesa papuntang downtown.
“Pina-describe ko kay Mang Gael at mukhang tugma naman sa hinahanap natin,” sagot ni Klein.
“I-check na rin natin para sigurado,” sambit naman ni Gunner.
Mayamaya lang ay huminto na ang kalesa.
“Nandito na tayo sa antique market,” sambit bigla no’ng kutsero.
Matapos bayaran ni Gunner ‘yong kutsero ay bumaba na kami ng kalesa. Namangha naman kami nang makitang marami na agad tao rito kahit wala pang tanghali.
Naglakad-lakad na kami habang pinagmamasdan ang paligid. Kaliwa’t kanan ang mga nagbebenta ng mga antique na bagay.
Mga kagamitang kalimitang binebenta ay mga alahas, gamit sa bahay, figurines, at weapons.
“Excuse me. Kilala niyo po ba si Ernesh?” Narinig kong tanong ni Gunner sa isang tindera.
“Ah, si Ernesh? Doon ang puwesto niya,” sagot naman no’ng tinderang elf sabay turo ng tindahan sa dulo.
“Salamat po,” sambit namin sa kanya bago kami lumakad ulit.
Ito nga ang tindahan sa pinakadulo. May mga naka-display na mga tinda sa harap ng tindahan nito pero mukhang walang kahit sinong nandito.
“Ta-bi po!” tawag ng mga kasama ko.
‘Ta-bi po’ ang gamit nila rito na katumbas ng ‘Tao po’ sa earth.
Mayamaya lang ay may lumabas na rin mula sa tindahan. Isang kurtinang kulay itim lang ang nagsisilbing pinto ng tindahan niya.
“Excuse me. Kayo po ba si Ernesh?” tanong namin.
“Oo, ako nga,” sagot nito.
Nagulat ako dahil medyo bata-bata pa pala ‘yong Ernesh. Mga matanda lang nang kaunti kay Gunner.
“Anong kailangan nila?” tanong nito.
“Uhm, may hinahanap po kasi kaming antique item at sabi ng pinagtanungan namin ay sa inyo raw namin ‘yon mahahanap,” sagot ni Gunner.
“Ah, gano’n ba. Siya, pasok kayo,” sambit no’ng Ernesh at sumunod nga kami ng pasok.
Pagpasok namin ay nakita naming puno ng iba’t ibang items ang shop niya at lahat iyon ay mukhang antique na— armors, weapons, alahas, mga libro at scrolls, at kung anu-ano pa.
Nililibot namin ang paligid at isa-isang tinitingnan ang mga paninda niya.
“Ano bang hinahanap nila?” tanong sa’min ni Ernesh.
“Antique porcelain jar,” sagot ni Klein.
“Ah, porcelain jar. Meron nga ako rito. Check niyo na lang kung ‘yon nga ang hinahanap niyo. Sumunod kayo sa’kin.”
Pagkatapos ay sinundan nga namin si Ernesh hanggang sa kabilang section ng shop niya. At nakita nga namin ang lahat ng iba’t ibang klase ng antique jar collections niya—iba-iba ng size, kulay, hugis, at disenyo.
Tiningnan nga namin lahat ng display sa shelves. Ang hitsura no’n ay white porcelain jar na may gold linings at may carved designs na kulay ginto rin. At syempre, may Greek letters na tatak.
“Mukhang mga estudyante kayo ah. Aanhin niyo naman ang isang antique jar?” usisa bigla ni Ernesh.
“Research project lang po namin,” sagot namin.
“Research project, huh?” sambit no’ng Ernesh habang nando’n lang siya sa unahan ng aisle at pinapanood kami habang nagtitingin.
“Meron pa akong taguan ng mga antique jars ko.”
Napahinto kami at natuon ang atensyon kay Ernesh nang sabihin niya ‘yon.
“Mukhang may idea kasi ako kung ano ‘yong hinahanap niyo.”
Nagtataka kaming nagtinginan sa isa’t isa matapos niya ‘yong sabihin.
Bigla namang naglakad si Jerome papalapit kay Ernesh.
“Mukhang hindi ka isang ordinaryong merchant,” sambit ni Jerome dito na kinabigla namin.
Naramdaman naman namin ang bigat ng tensyon sa palitan ng titig nina Jerome at Ernesh.
“Anong ibig mong sabihin, Jerome?” tanong bigla ni Gunner.
“Spellbound artifacts ni Persephone ang hinahanap niyo, ‘di ba?”
Nagulantang kaming lahat sa naging tanong na ‘yon ni Ernesh. Pagkatapos ay tinawag naming lahat ang aming mga artillery at pumuwesto para sa pag-atake.
Mayamaya ay umalingawngaw sa paligid ang malagong na tawa ni Ernesh na nakakapanindig-balahibong pakinggan.
“Sigurado kayong dito kayo magsasagawa ng atake? Baka nakakalimutan niyong nasa gitna ng maraming nilalang ang lugar na ‘to? Maraming madadamay,” banta sa’min ni Ernesh.
Alam naman namin ‘yon. Kaya nga naka-standby lang kami rito hawak ang mga artillery namin kung sakaling si Ernesh ang unang aatake.
Teka, sino nga ba siya? Bakit alam niya ang tungkol sa hinahanap namin?
“Sino ka at bakit alam mo ang tungkol sa spellbound artifacts ni Persephone?” tanong ni Klein.
Ngumisi si Ernesh at sa isang iglap ay nagbago ang paligid. Napunta kami sa isang madilim na lugar. Pero sa unahan namin ay isang parang labyrinth. Gawa ang mga pader nito sa kulay grey na semento.
Nawala naman si Ernesh at iyon din ang pinagtataka namin.
“Nasaan tayo?” tanong namin sa isa’t isa.
“Nandito kayo ngayon sa loob ng aking void.”
Nabigla kami nang biglang may nagsalita at umaalingawngaw ang boses nito sa paligid. At alam naming boses ‘yon ni Ernesh.
“Void?” pagtataka namin.
“Meron bang ganitong klaseng void? Madilim ang paligid?” tanong ni Ryker.
Pag gumagawa kasi kami ng void, kulay indigo ang paligid.
“Sa tingin ko isang specialized Unholy si Ernesh. Natatandaan niyo ‘yong nandoon sa Chloris Train?” sambit naman ni Klein.
“Oo nga. Sa tingin ko, void din ‘yon na kagagawan ng isang Unholy kaya madilim,” sambit ni Xavier.
“Ano ba ang mga specialized na Unholy?” tanong ko.
Wala pa kasi ako sa lesson na ‘to. At ngayon ko lang narinig ang tungkol diyan.
“Specialized Unholy ang tawag ng university sa mga Unholy spirits na nakakapag-isip at nakakakilos na parang isang karaniwang night-crawler. Limited lang ang information tungkol sa kanila dahil bibihira lang ang may makaharap sa kanila,” paliwanag ni Gunner.
“Specialized Unholy ang tawag niyo sa’min, pero Olympian Unholy talaga ang tawag sa amin. Dahil personal kaming nilikha at hinulma ng diyosang si Hera upang hanapin ang anak ni Persephone,” sambit muli ng boses ni Ernesh.
“Anak ni Persephone? Hindi ba’t patay na siya?” sambit naman ni Klein.
“Oo. Ngunit may kakayahan siyang mabuhay muli kada ikalimampung taon dahil siya ang diyosa ng mga espirito at witchcraft. Kaya naman nagkalat kami ngayon upang hanapin siya. Pati na rin ang spellbound artifacts ni Persephone dahil iyon ang susi upang hindi na mabuhay pa ang anak nito,” paliwanag naman ni Ernesh.
“Kailangan naming kolektahin lahat ng spellbound artifacts ni Persephone at sabay-sabay na wasakin ang mga ito upang hindi na mabuhay pang muli ang anak ni Persephone kapag nahanap na namin siya at pinatay,” dagdag pa nito.
“Sa tingin ko, ‘yong anak din ni Persephone ang susi sa pagpuksa sa mga Unholy kaya ganoon na lang ang sigasig nilang hanapin ito at patayin,” bulong sa’min ni Klein.
“Kailangan natin itong ipaalam kay Mr. Smith para alam natin kung anong gagawin,” sambit naman ni Ryker.
“Oo. Pero bago ‘yon, kailangan muna nating makalabas mula sa void ng Olympian Unholy na ‘yan,” sambit ni Klein.
“Sa tingin ko, kailangan muna nating makumpleto ang lahat ng spellbound artifacts dahil ito ang magtuturo sa’tin kung nasaan ang anak ni Persephone. At alam ‘yon ni Mr. Smith kaya pinagawa niya sa’tin ang misyon na ‘to,” sambit naman ni Jerome.
“Mukhang tama si Jerome,” saad naman ni Klein.
“Ngayon, upang makalabas kayo sa aking void. Kailangan niyong mahanap ang exit ng labyrinth na ginawa ko,” salita muli ni Ernesh.
Napatingin naman kaming lahat sa entrance ng labyrinth na mismong nasa harap namin.
“Iyon ay kung makakalabas kayo ng buhay?” sambit muli ni Ernesh sabay halakhak na parang demonyo na umalingawngaw sa buong paligid.