Nakahawak lang ako sa isang kamay ni Jerome habang pinagmamasdan siya. Iniisip ko rin kung may magagawa ba ako para sa kanya o ano.
Mayamaya ay may bigla akong naisip.
Naalala ko 'yong mga pagkakataon na napapahamak si Jerome. At naisip ko rin kung ano 'yong common sa mga 'yon.
At may bigla akong napagtanto. Tama. 'Yong dugo ko. Ilang beses na nitong nililigtas ang buhay ni Jerome. Siguro dahil na rin 'yon sa blood contract.
Napatingin ako sa palad ko. Susubukan ko naman sa pagkakataong 'to. Baka sakaling mailigtas nito si Jerome.
May nakita akong kutsilyo na nasa ibabaw ng side table ng hospital bed ni Jerome. Kasama ito ng mga prutas na naroon.
Kinuha ko ito at itinapat sa palad ko. Pagkatapos ay bigla ko itong hiniwa. Napaiktad naman ako dahil sa sakit. At nang makita kong may dugo na, ibinuka ko kaagad ang bibig ni Jerome at ipinatak do'n ang dugo ko sa palad.
Matapos ng ilang patak at wala nang dugo na napatak ay isinara ko na ang bibig niya para tuluyan na niyang malunok ang dugo ko.
Ako naman ay kinuha ang panyo sa bulsa ko at itinali ito sa kamay ko para matakpan ang sugat ko pansamantala.
Mayamaya lang ay dumilat bigla ang mga mata niya pagkatapos ay nagtaas-baba ang dibdib niya dahil mukhang bumigat ang paghinga niya.
"Jerome?"
Nakatingin lang ako sa kanya para obserbahan kung anong susunod na mangyayari sa kanya.
Mayamaya naman ay naging normal din ang paghinga niya. Tapos ay tumingin siya sa'kin.
"Aika," sambit niya.
Nandilat ang mga mata ko, "Jerome!"
Pagkatapos ay dahan-dahan siyang umupo. At dahil naman sa tuwa ko, parang kusang kumilos ang katawan ko at nayakap ko siya.
"Akala ko hindi ka na magigising..."
Nang mapagtanto ko ang nagawa ko ay agad akong lumayo sa kanya. At napansin kong mukhang nagulat siya na naguguluhan dahil sa ginawa ko.
"S-Sorry...natuwa lang ako kasi nagtagumpay 'yong ginawa ko," paliwanag ko. Pero nakaramdam ako ng labis na hiya dahil sa nagawa ko. Pakiramdam ko gusto kong lumubog ngayon sa lupa dahil sa kahihiyan.
Nabigla naman ako nang kunin niya 'yong isa kong kamay na may sugat at may tali ng panyo.
"Nakaligtas na naman ako dahil sa dugo mo?" sambit niya habang tinitingnan ang palad ko.
Bumuntonghininga ako, "M-Mukhang gano'n na nga."
Natahimik siya sandali bago magsalita muli, "Paano ba 'yan?"
Pagkatapos ay bumuntonghininga siya, "Mukhang nakasalalay na sa'yo ang buhay ko."
Napataas ang kilay ko dahil sa sinabing 'yon ni Jerome. Natulala ako at pakiramdam ko parang may mga paru-paro sa sikmura ko ngayon.
"Jerome!"
Napalingon ako sa biglang nagsalita. Paglingon ko sa likod ko ay si Ryker pala 'yon. At kasama rin niya sina Xavier, Gunner at Klein.
"Akala namin mamamatay ka na!" pag-aalala ni Ryker sabay lapit kay Jerome na medyo kinagulat naman nito.
"Oh, Aika. Anong nangyari sa kamay mo? Bakit may sugat?" tanong naman sa'kin ni Xavier nang makita niya ang isang kamay kong may tali ng panyo.
"Ah, eto ba?" sambit ko pagkatapos ay tumingin ako kay Jerome.
"Ah...okay," sagot nilang lahat. Mukhang understood na sa kanila ang bagay na 'yon.
"Kung kaya mo na, puwede ka na namin ipa-discharge kay Mr. Smith," sambit ni Gunner kay Jerome.
"Discharged na ba si Klein?" tanong ko.
"Oo. Puwede na akong lumabas," sagot ni Klein.
"Sige. Pakisabi kay Mr. Smith na ipa-discharge na rin ako para makabalik na tayong lahat sa klase," sambit ni Jerome.
Pagkatapos ay isang ngiti ang gumuhit sa aming mga labi.
"Hoy, Lolo. Maghahanda ka ng maraming pagkain mamaya pag-uwi natin sa dome ha?" ani naman ni Ryker kay Gunner.
"Oo nga. Celebration dahil naipanalo nating lahat ang battle exams!" sambit naman ni Xavier na mukhang excited.
"Oo na, oo na. Magluluto ako ng maraming pagkain. Pero ngayon lang, syempre," sagot naman ni Gunner.
---
Kinaumagahan ay inayos na rin kaagad ni Mr. Smith ang discharge papers ni Jerome dito sa university hospital, at ilang minuto lang ang ginugol niya rito para mag-asikaso.
Pagkatapos ay dumeretso na kami agad sa greenhouse dome na siyang classroom din namin. Pagpasok namin ay sa study area kami dumeretso at nagsiupuan kami sa couch.
"Sige, magluluto na ako," paalam ni Gunner bago siya tuluyang magpunta sa kusina.
"Kakain na kayo?" tanong ni Mr. Smith.
"Opo, Mr. Smith. Maghahanda kami ng isang salu-salo para sa pagkapanalo namin sa annual battle exams," sagot naman ni Xavier.
"Gano'n ba," tugon naman ni Mr. Smith tapos ay umayos siya ng upo.
"Kung gano'n, dito muna ako. Hihintayin kong matapos si Gunner magluto," sambit pa niya.
"Makikikain lang kayo, eh," sambit naman ni Ryker.
"Oh, bakit? Adviser niyo 'ko," tugon naman ni Mr. Smith.
"Si Mr. Smith naman 'di mabiro," ani naman ni Ryker sabay tawa.
"Pero congratulation again to all of you. Nakita kong malaki ang in-improve niyo sa nagdaang panahon," papuri ni Mr. Smith sa buong klase.
"Mr. Smith, si Peter? Anong mangyayari sa kanya dahil sa ginawa niya kay Jerome?" usisa ko naman.
"Oh, regarding that matter. Peterson was suspended for one week. Bawal talaga ang ginawa niyang 'yon. Hindi niya dapat hinaluan ng toxic poison ang sleeping potion na ginamit niya kay Jerome sa laban. Paano na lang kung wala ka at ang dugo mo?" paliwanag ni Mr. Smith.
Napatingin naman ako kay Jerome sandali pero parang wala lang para sa kanya 'yong nangyari.
"Jerome, okay ka na ba talaga?" tanong naman sa kanya ni Mr. Smith.
Tumango lang si Jerome bilang sagot.
"Regarding naman sa performance ni Aika no'ng exams, maganda ang pinakita mo for a newbie. Though, medyo kinabahan din ako sa parts na akala ko matatalo ka ng forest fairy na 'yon."
"Salamat, Mr. Smith."
"And I commend you of how you've used the first skill of your divine artillery," dagdag pa ni Mr. Smith.
"Ah, palagi ko po kasing binabasa 'yong libro tungkol sa Artillery of Gods. At 'yon pa lang po ang kaya kong gawin sa ngayon."
"Yeah, that every Artillery of God has four skills. First skill as the most basic one, and the fourth and last skill as the most powerful and deadly one."
"Opo. Deadly para sa vessel," ani ko.
Nalaman ko sa librong 'yon na kapag ginamit ng vessel ang fourth skill ay magagamit ang lahat ng mana niya sa katawan hanggang maubos ito na magiging sanhi ng pagkamatay niya.
Sa ngayon, isang skill pa lang ang kaya ko. Tapos silang apat, tig-dalawa ang kaya nila. Habang si Jerome naman ay kaa-unlock pa lang niya sa third skill ng divine artillery niya.
Sa level na 'yon, puwede nang magamit ni Jerome ang last skill ng Corinnaya's Scythe. Pero magiging kapalit no'n ang buhay niya.
"Hindi ko alam kung gaano kataas ang level ng acquired mana mo dahil hindi ka pa naman nakakalaban nang one on one sa mga unholy. Pero, I can sense na may kataasan ang natural mana mo," sambit ni Mr. Smith.
Napataas ang kilay ko, "Paano niyo po nasabi?"
"Remember? Nakagawa ka ng void noon kahit new student ka pa lang dito at wala pang kahit anong taglay na divine artillery."
Napagtanto ko naman bigla ang sinabi ni Mr. Smith nang maalala ko 'yon.
"I think dahil na rin 'yon sa pagiging demigoddess mo," ani muli ni Mr. Smith.
"Hoy patulong naman para ilabas at ihain ang mga pagkain na 'to!"
Narinig namin si Gunner na sumigaw mula sa kusina.
"Sige, wait lang!" sagot naman ni Ryker.
"Tara, tulungan natin si Lolo. Baka sumakit katawan no'n," aya naman ni Ryker kina Xavier.
Pagtayo ni Ryker ay nagsitayuan na rin sina Xavier, Klein, at Jerome. Pagkatapos ay magkakasama silang nagpunta sa kusina.
"Mr. Smith," tawag ko naman sa adviser namin. Kami lang dalawa ang naiwan dito ngayon sa study hall.
"Yes?" tugon niya.
"May tanong po ako."
"Tungkol saan?"
Tumingin muna ako sandali sa gawi kung nasaan ang kusina. Pagkatapos ay binalik ko muli ang tingin ko kay Mr. Smith.
"Bigla ko lang po itong naalala. Bakit po nasabi nina Ryker noon na si Jerome na ang last vampire sa lahi niya? Puwede ko po bang malaman?" tanong ko.
Mukhang nagulat nang kaunti si Mr. Smith sa naging tanong ko. Parang hindi niya inaasahan na itatanong ko 'yon.
"Dahil gaya mo, ulila na rin si Jerome. Pero ang pinagkaiba niyo, hindi lang pamilya niya ang nawala sa kanya. Kundi 'yong buong lugar na pinanggalingan niya. Nagkaroon ng malakihang Chaos Attack sa lugar na 'yon kung saan nakatira lahat ng vampire na tulad niya. At na-wipe out ang lugar na 'yon sa mapa dahil do'n," kuwento ni Mr. Smith.
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Pakiramdam ko nadurog ang puso ko para sa kanya. Hindi ko alam na gano'n pala kabigat ang nangyari sa kanya.
"Oh, kakain na!" aya ni Gunner.
Tapos na silang ihain ang mga pagkain sa dining table. Nakita kong tumayo kaagad si Mr. Smith para pumunta sa dining area. Kaya naman tumayo na rin ako at sumunod.
---
At dahil pagod ang lahat sa naging labanan sa battle exams kahapon, pagkatapos namin magsikain ay dumeretso kami sa mga kuwarto namin sa dorm para magpahinga.
Nakaidlip naman ako kahit ilang oras lang. At nang magising ako ay napansin kong kulay orange na ang langit. Tapos ay binasa ko 'yong libro tungkol sa Artillery of Gods.
Divine Edge ang first skill ng Hades Sword. At ang huling skill ay Hades' Wrath.
Sandali ko lang din binasa ang libro dahil naalala ko 'yong sinabi ni Mr. Smith kanina tungkol sa nakaraan ni Jerome. Hindi ko 'yon sukat-akalain at hindi ko rin lubos maisip kung anong naramdaman niya noong mga panahong 'yon.
Bumaba ako sa kama ko para lumabas. Naisip kong maglakad-lakad muna sa labas para magpahangin. Tutal hapon pa lang naman.
Paglabas ko ng kuwarto ko ay bumaba na ako sa hagdan at naglakad hanggang sa malawak na lupain sa labas ng greenhouse dome.
Naglalakad lang ako nang dahan-dahan na parang namamasyal. Tahimik lang ang paligid dahil malayo kami sa main campus. Sariwa pa ang ihip ng hangin na siyang nililipad ang hanggang likod at tuwid kong buhok.
Mayamaya lang ay may natanaw akong pamilyar mula sa malayo kaya naman naisip kong lapitan ito.
At nang malapit-lapit na ako ay napagtanto kong si Jerome pala 'yon. Nakahiga siya sa damuhan sa bandang ilalim ng malaking puno.
Dahan-dahan akong lumapit at sinilip ko muna kung tulog siya. Nakita kong nakapikit siya at aalis na sana ako para hindi ko na rin siya maabala. Pero biglang dumilat ang mga mata niya.
"Ikaw pala 'yan," sambit niya bigla. Pagkatapos ay bumangon siya para umupo.
"Dito ka natulog sa labas?" usisa ko tapos ay umupo ako sa tabi niya.
Tumango lang siya bilang sagot. Nabalot naman ng katahimikan ang paligid habang nakatingin lang kami sa gawi kung saan tanaw namin mula rito ang main campus ng Underworld University High School.
"Ano nga pa lang naging sagot mo kay Rose nang magtapat siya sa'yo?" tanong ko bigla sa kanya.
Napatingin sa'kin si Jerome at napansin kong nakakunot ang noo niya. Napakunot din naman ang noo ko dahil sa reaksyon niyang 'yon.
"Si Rose. 'Yong babaeng kausap mo noong lunch break sa battle exams. Tapos siya rin 'yong nakalaban ko," paliwanag ko.
Mukhang napaisip siya dahil sa sinabi ko.
At mayamaya lang ay umimik na siya, "Ah, oo. Tanda ko na."
"Anong napag-usapan niyo?" usisa ko.
Napaisip siya sandali bago magsalita, "Hindi ko tinanggap. Hindi naman pati ako interesado sa mga gano'ng klaseng bagay."
"Gano'n ba. Pero naranasan mo na ba 'yon? Magmahal o umibig?" Nang mapagtanto ko ang tanong kong 'yon, parang nahiya ako at gustong kong bawiin 'yong tanong ko.
"Ah, pag-ibig. Alam ko 'yong salitang 'yon. Pero sa loob ng mahigit dalawang daang taon na pamamalagi ko sa mundo, hindi ko pa nararamdaman 'yon."
Napataas ang kilay ko sa sinabing 'yon ni Jerome. Parang ang hirap paniwalaan.
Pero sa tuwing maaalala ko na isa pala siyang vampire at ang gaya niya ay pinapanganak na may frozen heart, naiintindihan ko kung bakit.
"Bakit mo nga pala tinatanong?" tanong naman bigla ni Jerome.
Medyo nataranta ako sa naging tanong niya, "Ah wala. Medyo curious lang ako. Pero hayaan mo na," tapos ay tumawa ako nang pagak.