Kumakain kaming lahat dito sa dining area at kagagaling lang namin sa campus patrol. Nitong mga nakaraang linggo mula nang matapos ang annual battle exams, wala namang naitala na pag-atake ng Unholy Spirits o Unholy Invasion.
Mga common na campus problems lang nakakaharap namin gaya ng mga bully, mga nagka-cutting classes, o mga may balak mag-cheat sa exams o activities.
At mas okay 'yon syempre. Mas delikado kapag Unholy mismo ang nakakaharap namin.
Isa pa, nararamdaman ko ulit na nasa isang normal na school ako kahit pa hindi mga normal na nilalang ang mga nandito.
Mayamaya lang ay may narinig ako na parang may pagaspas ng pakpak. Nang lumingon kami sa gawing entrance ay may nakita kaming kuwago na lumilipad papunta rito.
Pero nagtataka ako dahil hindi normal ang hitsura niya. Meron siyang sungay! Kulay dark grey ang balahibo niya sa ibabaw pero kulay cream white naman sa ilalim. Kulay green naman ang mga mata niya.
Dumapo ito sa ibabaw ng sandalan ng isang upuan dito.
"Oh, Kairo!" sambit nina Ryker.
"Kairo?" tanong ko.
"Siya si Kairo, at isa siyang strix. Alagang ibon siya ni Mr. Smith at kanya ring messenger," paliwanag ni Xavier.
"Anong mensahe mo, Kairo?" tanong naman ni Gunner dito.
"Pinapapunta kayong lahat ni Master Jonathan sa kanyang opisina ngayon din."
Nandilat naman ang mga mata ko nang sumagot ito. At ang boses niya pa ay 'yong pang matured na lalaki!
"Nagsasalita ang kuwago?" gulat kong tanong sabay turo rito.
"Oo naman! Nagsasalita ako, ano," sagot ni Kairo sa akin.
"Nagsasalita talaga ang mga strix," sambit naman ni Gunner nang may kasamang tawa sabay g**o niya sa buhok ko.
"Bakit niya raw kami pinapapunta?" usisa naman ni Xavier.
"Hindi ko alam. Basta iyon lang ang sinabi niya," sagot naman ni Kairo.
Nagtinginan kaming lahat sa isa't isa. Ano kayang kailangan sa'min ni Mr. Smith ngayon?
"Sa tingin ko confidential 'to kaya sa office niya tayo gustong kitain," sambit bigla ni Klein.
"Oo nga. Kasi kapag may announcement o bilin siya sa'tin, bigla na lang siyang napunta rito," saad naman ni Ryker.
---
May kalayuan din ang opisina ni Mr. Smith kasi 'yon ang nag-iisang old tower na nasa kabilang panig ng lawa at kailangan mong tawirin 'yon gamit 'yong wooden bridge. Nasa tuktok ng tower na 'yon ang opisina niya.
Nandito na kami ngayon sa loob at nakaupo sa kulay pula niyang sofa na katapat ng office table niya.
"Ano pong kailangan niyo, Mr. Smith?" bungad naman ni Gunner.
"Nitong mga nakaraang linggo, may nadiskubre ang Underworld archeologists na isang kakaibang bagay mula sa mga treasure ng Underworld," sagot ni Mr. Smith.
Tapos ay biglang lumapit sa kanya si Hilary na may dalang box na gawa sa transparent glass at ipinatong niya ito sa table ni Mr. Smith.
"Ano po 'yan?" usisa namin.
"Ang tawag dito ay spellbound artifact. Isa itong importanteng treasure ng Underworld. Sabi sa history, ang mga spellbound artifact ay mga kagamitan ni Persephone, ang diyosa ng tagsibol at asawa ni Hades. Mga ordinaryo ngunit mamahaling kagamitan lang naman talaga ang mga ito. Ang pinagkaiba nga lang, nilagyan ito ni Persephone ng spell," paliwanag ni Mr. Smith.
"Bakit gagawa ng ganyang bagay si Persephone?" usisa ni Gunner.
"Ginawa niya ang mga 'to bilang proteksyon niya at ng kanyang mga anak kung sakaling may mga magtatangka sa buhay ng mga 'to. Ngayon, nang malaman niyang pinagtatangkaan ni Hera ang kanilang buhay, nilagyan niya ng clues ang mga 'to para sabihin sa'tin kung paano mapupuksa ang mga Unholy."
Huminto si Mr. Smith sabay buntonghininga, "Nang permanente," patuloy niya.
Nagkatinginan kaming lahat nang sabihin 'yon ni Mr. Smith.
"Napakalaking bagay nito para sa atin dahil sa wakas, may permanenteng solusyon na rin ang pagpuksa sa mga Unholy. Kailangan lang nating kompletuhin ang lahat ng spellbound artifacts."
Kinuha ni Mr. Smith mula sa kahong salamin ang spellbound artifact. Isa itong baso na gawa sa tanso na maraming nakaukit na disenyo at mukhang antique na rin.
Pagkatapos ay kumuha naman siya ng isang holen mula sa kanyang flower vase at inilagay niya ito sa loob no'ng baso. Pagkatapos ay pinakita niya sa'min ang loob nito.
Nagulat kami nang wala kaming nakita. Walang laman ang loob nito. Wala 'yong holen.
"Nasaan 'yong holen na nilagay niyo?" tanong namin.
Tumuro si Mr. Smith sa bandang sofa at nakita namin do'n 'yong holen!
"Paanong napunta rito 'yong holen?" pagkakataka ni Ryker nang damputin niya 'yong holen na katabi niya.
"Lahat ng bagay na inilalagay sa loob nito ay nagte-teleport kung saan," sagot ni Mr. Smith.
"Wow..." mangha naming sambit.
"Ngayon, paano natin malalaman kung nasaan ang anim pa nito?"
Napataas ang kilay namin sa sinabi ni Mr. Smith, "Anim?" sabay-sabay naming tanong.
"Oo. Naitala na pito ang spellbound artifacts ni Persephone. At kailangan natin 'yong hanapin. Hindi ko lang alam kung paano," sagot ni Mr. Smith.
"Teka, sinabi niyo bang 'natin'? Tayo ang maghahanap ng mga 'yan?" tanong ni Gunner na para bang naninigurado siya sa narinig niya.
"Yes, you heard it right, Mr. Silverbullet. Kayo ang in-assign ng council at maging ng Royal Elysian Palace na maghanap ng spellbound artifacts ni Persephone. At highly confidential ang mission na 'to. Maliwanag ba?" sambit ni Mr. Smith.
Nagtinginan kaming lahat na para bang hindi pa kami makapaniwala sa narinig namin.
"But the problem is...paano natin malalaman kung nasaan ang iba nito? Wala bang clue rito?" sambit ni Mr. Smith habang sinisipat 'yong basong tanso.
"Puwede po ba namin 'yang hawakan?" tanong ni Gunner.
"Oh sure."
Pagkasabi no'n ni Mr. Smith ay nagsitayuan kami mula sa pagkakaupo at lumapit sa kanya. Nauna na itong hinawakan at sinipat ni Gunner.
"Parang wala namang kahit anong clue na nakalagay dito," sambit niya.
"Patingin nga," sambit naman ni Klein sabay kuha nito kay Gunner at sinipat niya rin ito nang mabuti.
Bigla naman itong inagaw ni Ryker, "Baka naman kasi nasa mga nakaukit dito?"
Inagaw naman ito bigla ni Xavier, "Amin na nga," sabay sipat niya rin dito.
"Bastos talaga 'to. 'Di pa ako tapos tumingin eh," reklamo ni Ryker.
"Ikaw, Jerome? Ano sa tingin mo?" tanong naman ni Xavier kay Jerome sabay pakita niya ng spellbound artifact dito.
Tahimik lang na tiningnan ni Jerome ang basong tanso.
"Ibigay niyo kay Aika. Baka may malaman siya," sambit niya.
Nagtaka naman kaming lahat sa sinabi ni Jerome. Lalo na ako.
"Kay Aika?" pagtataka ng apat.
Pagkatapos ay iniabot nga ito ni Xavier sa'kin. Pagkatapos ay kinuha ko nga ang basong tanso.
Mayamaya lang ay nagulat kaming lahat nang lumiwanag ito ng kulay pink. Pagkatapos ng liwanag na 'yon ay parang may nag-flash na imahe sa isip ko. At sa gulat ay nabitiwan ko ang spellbound artifact. Agad naman itong pinulot ni Xavier.
"Anong nangyari, Aika?" usisa nila sa'kin.
"May nakita ako sa isip ko," sagot ko.
"Anong nakita mo?" usisa ni Mr. Smith.
"May nakita akong parang isang village. Tapos 'yong mga bahay do'n ay traditional Scandinavian style. Maganda at makulay 'yong village na 'yon at 'yong mga nakatira ay mga nilalang na may mahahaba at patulis na tenga at nakasuot sila ng elf hat," paliwanag ko.
Traditional Scandinavian style ng bahay ay 'yong mga bahay na bungalow style pero gawa sa kahoy. Meron din itong malalaking rectangular na bintana at maliit na terrace.
"Alam ko na kung anong lugar 'yong tinutukoy mo!"
Napatingin kaming lahat kay Ryker nang sabihin niya 'yon.
"Ground Ekatón Éna. Lugar 'yon dito sa Elysium kung saan puro elf ang naninirahan," paliwanag ni Ryker.
"I think it means nasa Ground Ekatón Éna ang susunod na spellbound artifact," sambit ni Mr. Smith.
"Teka, paano mo nalaman na baka may malaman si Aika gamit ang artifact?" tanong ni Ryker kay Jerome.
"Hindi ko talaga alam. Naisip ko lang dahil nga isa siyang demigoddess, baka may matuklasan siya," sagot ni Jerome.
Nagkatinginan kaming lahat dahil do'n.
"I think Jerome has a point. Since this was made by Persephone, who was also a goddess. Kaya siguro nagkaroon ng vision si Aika nang hawakan niya ang artifact," sambit ni Mr. Smith.
"Teka, paano mo naman nalaman ang lugar na 'yon?" tanong naman ni Xavier kay Ryker.
"Well, may naging girlfriend kasi akong elf. Kaya ayon," sagot ni Ryker na ngingisi-ngisi pa habang hinihimas ang batok niya.
Ang mga elf dito sa Underworld ay normal ang height. Nagbabago lang ang height nila sa pagiging 3 ft. kapag nasa mortal world sila.
"So, kailan po namin ito sisimulan, Mr. Smith?" tanong ni Gunner.
"Bukas ng umaga."
Nabigla kami sa sinabi ni Mr. Smith, "Ano? Bukas na agad nang umaga?"
"Yeah. Wala tayong dapat aksayahin na panahon. These treasures are very important to Underworld. At may potential ang mga 'to dahil galing sila sa isang diyosa. Hindi natin alam kung anong mangyayari kapag napunta ang mga 'to sa maling kamay," paliwanag niya.
"Anong oras po kami aalis?" tanong ni Klein.
"Madaling-araw."
"Paano na po 'yong duty namin bilang patrol squad?" tanong naman ni Ryker.
"Well, napagkasunduan namin na ipaubaya muna 'yon sa class 3-A," sagot ni Mr. Smith.
"So, good luck sa inyong lahat. Makakabalik na kayo sa klase niyo," sambit pa niya.
---
Gabi na at nandito pa rin ako sa balcony ng palapag kung nasaan ang dorm ko. Nakatuon ang mga braso ko sa railings nito habang nakatingala ako sa langit.
Malamig at sariwa ang hangin. Dinadama ko ito sa aking baga kada hihinga ako nang malalim.
"Bakit nandito ka pa?"
Halos mapalundag naman ako sa gulat nang may biglang nagsalita. Nang lumingon ako ay nakita ko si Jerome.
"Ikaw pala," sambit ko.
Pagkatapos ay tumayo lang siya sa tabi ko at itinuon din niya ang mga braso niya sa railings at tumingala sa langit.
"Hindi kasi ako makatulog. Kinakabahan ako sa bago nating misyon. Kasi parang sobrang importante nito," sagot ko.
"Ikaw? Bakit ka nandito? Nasa baba ang kuwarto mo, 'di ba?" tanong ko naman kay Jerome.
"Mas maganda ang view dito ng night sky. At naramdaman ko rin ang presence mo," sagot niya.
Oo nga pala. Malakas din ang pakiramdam niya sa paligid at dahil na rin siguro sa blood contract namin kaya niya ako naramdaman.
"Paano mo naisip na puwedeng may kinalaman ako sa spellbound artifact na 'yon?" usisa ko.
Bumuntonghininga siya, "Gaya nga ng sinabi ko kanina, naisip ko lang dahil sa kung anong klaseng nilalang ka."
Isang nakabibinging katahimikan ang pumagitan sa'ming dalawa. Pagkatapos ay nagsalita si Jerome.
"Lahat nang kakaibang bagay na nadiskubre ko sa'yo, nakatatak lahat sa isip ko."
Napatingin ako sa kanya matapos niyang sabihin 'yon.
"Mula sa paggalaw mo sa loob ng void. Nakakakita ka ng unholy spirits. Nakagawa ka ng void kahit wala ka pang acquired mana noon. 'Yong amoy cherry blossom mo na dugo-lahat 'yon. Interesado pa 'kong malaman lahat ng kakaibang bagay tungkol sa'yo. Gaya na lang ng..." pagkatapos ay tumingin siya sa'kin at nagsalita siya ulit.
"Paano ka naging half-divine?"
Umiwas naman ako sa kanya ng tingin tapos ay tumingala ako sa langit.
"Ako rin. Interesado rin akong malaman ang tungkol sa bagay na 'yon," sambit ko.
Napansin ko namang kanina pa si Jerome nakatingin sa'kin at pakiramdam ko naiilang na ako.
"Bakit mo 'ko tinitingnan nang ganyan?" tanong ko.
"Isa kang interesanteng nilalang, Aika."
Napataas ang kilay ko sa sinabi niya, "Ha?"
"Itinuturing na greatest predators ng Underworld ang mga vampire na gaya ko. Kaya ang pagiging familiar ng isang half-divine na gaya mo ay maituturin ko na rin bilang isang karangalan."
Umayos si Jerome ng tindig at humarap sa'kin. Ipinasok niya ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng slacks niya bago magsalita ulit.
"Magkakaroon na rin ulit ng saysay ang buhay ko matapos ng mahabang panahon. Dahil sa’yo, Aika."
Pagkatapos ay tumalikod siya, "Matulog ka na. Maaga pa tayo bukas."
Pagkatapos ay naglakad na siya paalis. Ako naman ay naiwan dito habang pinapanood siyang umalis hanggang makababa siya ng hagdan.
Magkakaroon na ulit ng saysay ang buhay niya?
Sa bagay, hindi ko rin lubos maisip kung anong pinagdaanan niya nang mawala sa kanya ang lahat-pamilya at tahanan.
At tulad ko, mukhang naging bagong tahanan na rin niya ang school na 'to.