Naglalakad-lakad kami sa siyudad ng Ground Epta. Parang Medieval Period ang estilo ng mga gusali pati na rin ang pananamit ng mga nilalang dito.
Iyong mga gusali ay gawa sa bricks at kahoy, at itong kalsada ay gawa rin sa bricks. Tapos ang mga magagarang establishments naman ay gawa sa semento at patulis ang mga bubong ng mga ito.
Ang estilo naman ng kanilang pananamit ay long sleeve na pinatungan ng vest, skinny pants, at leather boots sa mga lalaki, samantalang sa mga babae naman ay mahahaba ang manggas ng kanilang suot na dress na abot sa lupa ang haba ng palda.
At ang pinakakapansin-pansin dito ay makakakita ka ng windmill kahit saan.
'Yong hitsura naman ng mga nilalang dito, mukha naman silang mga tao pero kulay green ang kanilang kutis, patulis ang kanilang mga tenga, may mahahaba silang mga kuko, may mga sungay sila, at malaking pakpak na parang sa paniki ang hitsura.
"Anong klaseng mga nilalang sila?" tanong ko sa mga kasama ko.
"Ah, mga Gargoyles sila. May kakayahan silang gawing batong rebulto ang sarili nila, at ang kahit sinong nilalang na makaaway nila," sagot ni Gunner.
Tumango-tango ako bilang tugon.
"Ngayon, kailangan muna nating maghanap ng murang matutuluyan. Para makapagpahinga na rin tayo at makakain," sambit naman ni Klein.
Normal na ang klima rito kaya wala na kaming suot na kahit anong panlamig.
Nang mapansin naman namin na huminto sa paglalakad si Gunner ay gano'n din ang ginawa namin. Napansin din namin na nakatingin sa sa bulletin board na nadaanan namin.
"Ito oh. May nakapaskil dito na puwedeng pansamantalang tuluyan ng mga turista," sambit ni Gunner habang nakatingin sa nakapaskil na papel dito.
Binasa munang mabuti ni Gunner ang nakalagay sa papel habang kami ay nakatigil lang dito at hinihintay siya.
"Hmm, ang mamahal ng iba rito. Pero ang pinakamura ay ang Hotel de Gula," ani bigla ni Gunner.
Pagkatapos ay nilingon niya kami, "Maghanap na tayo ng masasakyan papuntang Hotel de Gula," saad niya.
Ilang sandali lang naman ay nakasakay kami ng karawahe.
---
"Narito na tayo."
Narinig naming sabi ng kutsero matapos huminto ng karwahe. Tinatayang kulang-kulang sampung minuto ang naging biyahe namin.
Nagulat naman kami't namangha sa aming nadatnan pagbaba namin.
"Manong, sigurado po ba kayo na ito ang Hotel de Gula?" usisa ni Gunner sa kutserong gargoyle.
"Oo naman. Iyan talaga ang Hotel de Gula," sagot nito. Tapos ay umalis na rin ito kaagad.
Hindi kami makapaniwala. Nag-iisa lang itong nakatayo rito na pinalilibutan ng mga puno. Malawak din ang lupaing nakapalibot dito na puno ng mga halaman at bulaklak. Maganda ang pagkaka-landscape ng kanyang garden.
Napakaganda naman kasi ng lugar. Halatang hindi mumurahin. Mukha siyang pangmayamang hotel na vintage ang style. Mukha itong mansyon na maraming silid.
Pagtingala naman namin sa arko sa malaking gate nito na kulay puti, nabasa namin ang napakalaking banner nito na ang nakalagay ay Hotel de Gula.
At doon na rin namin nakumpirma na heto nga 'yon. Pagpasok namin sa gate ay napansin namin ang katahimikhang bumabalot dito. Para bang kami lang ang tao.
Kaya naman tuloy-tuloy na lang kaming pumasok hanggang sa pinto. Lalo kaming namangha dahil sa lawak ng loob.
May mga mesa't mga upuan dito sa lobby. Para bang reception area para sa mga tenants. At ang nakakamangha kasi rito ay naka-table skirt pa ang bawat mesa.
Nang mapatingala ako ay meron pa nga itong second floor at mataas ang kisame nito.
"Bakit walang nandito? Tayo lang ang customer? Saka nasaan ang crew?" pagtataka ni Ryker.
Lumapit kami sa reception desk at may bell doon. Tinapik ni Gunner ang bell para kung sino mang nandito ay malaman nilang nandito kami.
"Maligayang pagdating sa Hotel de Gula."
Halos magulat naman kami sa biglang nagsalita. Isa itong lalaking gargoyle na naka-butler's uniform. Nagkatinginan kami sabay libot ng paningin. Nagkakataka kami kung saan siya nanggaling at bigla na lang siyang sumulpot.
Pumunta na sa receptionist desk ang gargoyle.
"Ako nga pala si Walter. At ako ang hotel attendant," pakilala niya sarili niya habang may malaking libro siyang binubuklat. Mukhang may kaedaran na rin itong si Walter. Medyo may kulubot na nang bahagya ang kanyang mukha ngunit mukhang malakas pa ito.
"Isang kuwarto para sa'ming lahat, please," sambit ni Gunner.
Napakunot naman ang mga noo namin nang tumawa si Walter.
"Nagbibiro ka ba, Sir? Puwede ko kayong bigyan ng tig-iisang silid kung gusto niyo," alok nito.
"Ah, gano'n po ba? Salamat na lang po pero pang isang silid lang ang kaya ng budget namin," pagtanggi ni Gunner.
"Huwag na kayong mag-alala sa babayaran. 'Yong pang-isang kuwarto na bayad niyo ay puwedeng pang maramihang silid," sambit ni Walter.
"Talaga po?" Tila hindi naman kami makapaniwala.
Tumawa nang bahagya si Walter, "Oo, mga bata. Kayo na kasi ang huling customer ng hotel na ito."
Nagkatinginan kami at pawang nagtaka sa kanyang sinabi.
"Ano pong ibig niyong sabihin?" usisa ni Xavier.
"Ibebenta na kasi ng may-ari ang hotel na ito upang gawing pondo para sa kanyang pinaplanong susunod na negosyo," sagot ni Walter.
"Kaya kayo na ang huling customer ng hotel na ito dahil hindi na kami tatanggap sa mga susunod. Kukunin na kasi ito ng bumili sa susunod na linggo," paliwanag pa niya.
"Kaya ba binagsak niyo na rin ang presyo ng renta ng silid dito?" tanong naman ni Klein.
"Ganoon na nga," sagot ni Walter sabay tango.
"Halina kayo. Ihahatid ko na kayo sa inyong mga silid," aya sa'min ni Walter pagkatapos ay lumabas na siya ng counter.
"Sumunod kayo sa'kin," sambit niya at nanguna siyang lumakad paakyat ng hagdan. Tapos ay siya namang sunod namin sa kanya.
"Mukhang mga estudyante kayo, ah. Saang paaralan kayo galing at anong ginagawa niyo rito sa Ground Epta?" usisa ni Walter sa'min habang naglalakad.
"Taga-Underworld University po kami. Nasa isang educational trip po kami," sagot ni Gunner.
"Ah, oo. Ang pinakasikat na paaralan sa buong Elysium—ang Underworld University," sambit ni Walter.
"Walter, maaari ba naming malaman kung sinong may-ari nitong Hotel de Gula?" usisa bigla ni Ryker.
"Ang may-ari nito ay ang pamilya ni Lady Cordelia. Namayapa na ang kanyang mga magulang kaya't sa kanya na ito ngayon bilang tagapagmana. Ngunit may ibang plano si Lady Cordelia kaya niya ito naisipang ibenta," kuwento ni Walter.
"Babae pala ang may-ari nito," bulong sa'min ni Ryker sabay taas-baba ng kanyang mga kilay.
Napairap na lang kami sabay iling dahil sa kanyang tinuran. Halatang interesado siya ro'n sa Lady Cordelia.
"Nasaan ngayon si Lady Cordelia?" usisa ni Ryker.
Napangiwi kaming lahat sabay iling dahil sa tinuran niya. Sinasabi na nga ba't interesado siya dahil babae.
"Nasa kanyang silid. Si Lady Cordelia ay isang manunulat. Palagi siyang nasa kanyang silid para magsulat ng mga nobela. Ibinenta niya ang hotel na ito upang magtayo ng publishing house," kuwento ni Walter.
"Wow, isa pala siyang manunulat. Ano-ano naman ang mga sinusulat niya?" usisa ko naman.
"Minsan fictions gaya ng tungkol sa pag-ibig. Minsan mayroon ding mga tula, at mga sanaysay tungkol sa mga isyu ng lipunan," sagot ni Walter.
"Mukhang interestanteng nilalang si Lady Cordelia," komento bigla ni Ryker.
Napangiwi na lang kami sa sinabi niya.
"Narito na tayo," sambit ni Walter nang makarating na kami rito sa itaas.
Nasa hallway na kami ngayon at nasa magkabilang panig namin ay mga kuwarto na may mga numero sa mga pinto. Hindi ko naman maiwasang igala ang paningin ko habang binabaybay namin itong hallway.
"Siya nga pala, mga bata. Tatawagan ko na lang kayo sa inyong mga silid kapag handa na ang pagkain. Maaari ba kayong maghintay sandali?" ani ni Walter.
Nagtinginan muna kami habang pinag-iisipan ang sinabing 'yon ni Walter.
"Huwag kayong mag-alala, mga bata. Walang dagdag na bayad 'yon," saad niya sabay tawa nang kaunti.
"Maraming salamat po, Walter," sambit namin.
Mayamaya naman ay huminto si Walter sa paglalakad kaya't gano'n din kami.
"Maaari na kayong maghati-hati sa mga kuwarto rito. Bahala na kayong pumili ng silid na gusto niyo," sambit niya.
"Maraming salamat talaga, Walter!" masayang sabi namin.
"Walang anuman 'yon. Kung may kailangan pa kayo, tumawag lang kayo sa telepono sa silid ninyo," bilin ni Walter pagkatapos ay umalis na siya.
"Akin 'yong dulo sa bandang kaliwa," sambit ni Ryker sabay takbo ro'n sa pinakadulo.
"Akin 'yong sunod. Katabi ng kuwarto ni Ryker," sambit naman ni Xavier.
"Akin 'yong dulo sa bandang kanan," sambit ko naman.
"Sige, ako na sa kuwartong katabi ng kay Xavier," sambit ni Gunner.
"Akin 'yong kuwartong katabi ng kay Aika," sambit naman ni Jerome.
"Ako na ro'n sa katabi ng kay Jerome," saad naman ni Klein.
Pagkatapos ay pumasok na kami sa mga napili naming kuwarto. No. 401 ang nakalagay sa pinto ng akin.
Napaangat naman ang mga kilay ko nang makapasok na ako sa loob. Maliit lang ang silid. Isa hanggang dalawang tao lang ang kasya.
Pero maganda at maaliwalas ang paligid dahil sa kalinisan at kaayusan ng silid. Red at brown ang motif ng silid.
Unang mapapansin ang malaking kama na may makapal at malambot na mattress. Kulay puti naman ang kobre kama nito, maging ang kumot at ang dalawang unan nito.
May maliit na closet sa tabi, body mirror, at night stand table naman sa tabi ng kama.
Nang ilapag ko ang bag ko sa bandang paanan ng kama, sumilip ako sa bintanang katabi ng kama ko. Dahil gawa sa salamin ito na meron lang pulang kurtina, namangha naman ako sa nasilayan ko mula rito.
Mistulang sea of clouds ang natatanaw ko. Ang ganda lang pagmasdan dahil sa magandang arrangement at formation nito.
Pumunta na ako sa kama ko pagkatapos at umupo rito. Hinubad ko muna ang sapatos ko at ibinagsak ang sarili ko sa kama. Napabuntonghininga ako nang malalim habang dinadama ang kalambutan ng hinihigaan ko.
Mabuti naman at solo na ako sa higaan ngayon. Simula kasi ng maglakbay kami, palagi ko na lang katabi si Jerome matulog.
Hindi naman sa pagrereklamo dahil wala naman kaming choice. Pero sa kabilang banda, hindi na rin naman masama. Minsan nauuna akong magising sa kanya kaya nagkakaroon ako ng pagkakataon na pagmasdan siya habang natutulog.
Matakaw siya sa tulog at may pagkatulog-mantika pa kaya't ang hirap gisingin.
Napangiti tuloy ako bigla sabay iling.
---
Napabalikwas ako nang may bigla akong ingay na narinig. Kinusot ko muna ang mga mata ko sabay inat ng mga braso ko. Mukhang nakatulog ako.
Nagri-ring 'yong vintage rotary telephone na nakapatong sa night stand ko. Pagkatapos ay inabot ko ito at sinagot.
"Hello?"
"Hello, Ms. Aika. Handa na po ang pagkain. Maaari na po kayong bumaba rito sa reception hall."
"Gano'n ba. Sige, salamat, Walter."
Pagkatapos ay binaba ko na ang telepono. Bumaba na ako sa kama at sinuot ang sapatos ko. Humarap muna ako sa body mirror at inayos ang sarili ko at nagsuklay nang kaunti bago tuluyang lumabas ng silid.
Paglabas ko naman ng pinto ay nadatnan ko rin ang mga kasamahan ko na mukhang kalalabas lang din ng mga silid nila. Malamang tinawagan din sila ni Walter.
Pagkatapos ay sabay-sabay na kaming bumaba sa reception hall.
"Maayos ba kayong nakatulog?" tanong ni Gunner habang naglalakad kami pababa ng hagdan.
"Aba, oo naman! Mas komportable ang tulog ko ngayon dahil wala na akong katabi," masiglang sabi ni Ryker sabay tawa.
"Huh. Akala mo ikaw lang? Masaya rin ako na hindi ka na katabi dahil nakatulog ako nang maayos," pang-aasar naman ni Xavier.
Pagbaba namin ng hagdan ay sinalubong kaagad kami ni Walter.
"Sana'y naging maayos ang pahinga niyo, mga bata," bati niya sa'min.
"Huwag kayong mag-alala. Maayos po ang naging pahinga namin," sambit ni Klein.
"Halina kayo. Handa na ang pagkain," aya sa'min ni Walter.
Dinala niya kami sa isang long table na six-seater. Namangha naman kami sa dami ng pagkaing nakahanda rito na para bang may okasyon. At mukhang masasarap din ang mga ito.
"Wow! Sa wakas makakakain na rin ako nang madami nang hindi nagtitipid!" bunyi ni Xavier sabay upo sa harap ng mesa at nauna nang kumuha ng pagkain niya.
Natawa na lang kami sabay iling pagkatapos ay nagsiupo na rin kami sa kanya-kanya naming puwesto sa mesa.
Mayamaya lang ay napansin ko namang kulang kami.
"Teka, nasaan si Jerome?" tanong ko nang mapansin kong wala siya.
Natigilan naman ang mga kasama ko nang mapagtanto nilang hindi nga namin kasama si Jerome.
"Sandali, si Mr. Jerome po ba 'yong nasa silid na No. 402?" tanong naman bigla ni Walter.
"Oo, siya po 'yon," sagot ko.
"Ay naku, pasensya na. Sira nga pala ang telepono sa silid na 'yon. Paumanhin," ani ni Walter.
"Puntahan na lang natin si Jerome. Baka natutulog pa 'yon eh. Alam niyo naman 'yon," sambit ni Ryker.
Pagkatapos ay napansin ko naman bigla na lahat sila ay nakatingin sa'kin na para bang sinasabi nilang ako na ang gumawa.
Tumayo na ako sa kinauupuan ko at umakyat muli ng hagdan. Mabilis na lakad ang ginawa ko para makarating sa lugar kung nasaan ang mga silid namin.
At nang makarating na ako ay agad kong pinuntahan ang kuwarto ni Jerome. Kumatok muna ako sa pinto niya. At nang walang sumagot ay nagpasya na akong pumasok.
Medyo nabigla ako nang makita kong madilim ang silid niya. Wala kasing bukas na ilaw, kahit man lang 'yong floor lamp.
Pero bahagya ko pa rin siyang naaninag kahit papaano dahil kahit may kakapalan ang kurtina ay may kakaunting liwanag pa rin na pumapasok mula sa labas.
Dahan-dahan kong nilapitan si Jerome na nakahiga sa kanyang kama.
At nang malapit na ako sa kanya ay bigla naman akong natapilok. Parang may naapakan akong kung ano sa sahig. Sa tingin ko, sapatos niya 'yon. Hindi ko naman kasi masyadong makita ang daan.
Bumagsak tuloy ako mismo kay Jerome. Nakadapa ako ngayon sa bandang tiyan na.
Nagulat naman ako nang maramdaman kong gumalaw si Jerome at umungot nang bahagya. Pag-angat ko naman bigla ay tumambad na sa'kin ang mukha niya dahil bigla siyang bumangon.
Nagtagpo ang aming mga mata at halos magkadikit na rin ang mga mukha namin sa sobrang lapit.
Kahit bahagyang madilim dito ay kita ko pa rin ang mala-ruby niyang mga mata.
"Aika?"
Naramdaman ko ang mainit niyang hininga nang magsalita siya. Bigla tuloy may nagkarera sa loob ng dibdib ko ngayon. Para na rin akong nanigas sa puwesto ko ngayon na nakatitig nang malapitan sa kanyang mga mata habang nakatuon ang mga kamay ko sa kama.
Napansin kong ibinaba niya ang tingin niya sa labi ko kaya parang umakyat ang dugo sa ulo ko at lalong bumilis ang t***k ng puso ko na para bang sasabog na ito.
Lalo tuloy akong hindi nakagalaw sa puwesto ko. Nablangko na ang utak ko kaya't napapikit tuloy ako.
"Anong ginagawa mo rito?"
Napadilat naman ako bigla nang marinig ko ang tanong niya.
"H-Ha?" tanong ko.
"Bakit ka nandito? Saka bakit ka pumikit?" pagtataka ni Jerome.
Pakiramdam ko tuloy natanggal ang paninigas ng muscles ko kaya't umalis na ako sa puwesto ko at inayos ang pagkakatindig ko.
"Ano kasi...pinatatawag ka nila sa'kin kasi kakain na tayo. S-Sira raw kasi ang telepono mo rito kaya't hindi ka natawagan ni Walter," sagot ko.
Pagkatapos ay napabuntonghininga ako nang malalim sabay tawa nang pagak.
"S-Sige. Mauna na ako. Hintayin na lang kita sa labas," sambit ko sabay karipas palabas sa kuwarto ni Jerome.
Pagkasara ko ng pinto ay napasandal ako sa pader na katabi nito sabay hinga nang malalim.
Ano ba kasing nasa isip ko kanina? Nakakahiya! Pakiramdam ko kanina matutunaw ako na hindi maintindihan. Napasapo ako sa mukha ko at naramdaman kong nag-iinit ito.
"Nakakahiya talaga..." ungot ko.
"Tara na."
Halos mapalundag ako sa kinatatayuan ko nang marinig ko bigla si Jerome. Hindi ko namalayan ang paglabas niya sa kuwarto.
"Ah oo," sagot ko.
Napansin ko naman na nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa'kin.
"Ayos ka lang ba?" tanong niya.
"Ah, oo naman."
Pagkatapos ay nauna nang maglakad si Jerome habang kasunod naman niya ako.
Paglabas namin sa hallway ay may bigla kaming nasalubong sa daan kaya't napahinto kami.
"Oh, kayo ba 'yong mga bisita?" magiliw nitong tanong sa'min.
Babaeng gargoyle ito na mukhang kasing-edaran ni Mr. Smith.
Nagkatinginan kami ni Jerome na pawang nagtataka.
"Ah, siya nga pala. Ako si Cordelia, ang may-ari ng lugar na 'to," pakilala niya sa'min.
Napaangat ang kilay ko matapos no'n.