XXIX: Chloris Train

2500 Words
Madaling araw ako gumising dahil sa alarm clock ko. Kahit antok na antok pa ako, pinilit ko pa ring bumangon para maligo sandali at magbihis. Nang matapos ako ay tinatamad kong dinampot ang backpack ko. Pagkatapos ay lumabas na ako ng kuwarto ko. Dumeretso ako nang baba sa hagdan at dumeretso ako sa greenhouse dome. "Oh, nandiyan na si Aika." Napatingin ako sa nagsalita. Si Gunner pala. Kumpleto na silang lahat dito sa study area kasama si Mr. Smith dala ang tag-iisa nilang bag. Mukhang ako na lang talaga ang hinihintay. "So, dahil nandito na si Aika. Puwede na tayong umalis. Let's go," sambit ni Mr. Smith sabay nauna siyang maglakad palabas pagkatapos ay siya namang sunod namin. Naglakad kami sa mahawang pathway papuntang main campus. "Mukhang antok ka pa ah." Napalingon ako kay Ryker nang magsalita siya at may kasamang tawa. "Oo. Hindi kasi ako sanay gumising nang ganito kaaga," sagot ko naman sabay hikab. "Tapos hindi na rin tayo nakapag-almusal," sambit ko pa. "May tindahan ng pagkain sa Miden Station. Bibili na lang tayo ro'n ng pang-almusal," saad naman ni Xavier. "Pabor nga sa'kin dahil hindi na ako maghihirap na magluto," sabad naman ni Gunner. Nag-aagaw pa lang ang liwanag at dilim sa kalangitan, pero mas lamang pa rin ang dilim at meron pang mga bituin. Sabi kasi ni Mr. Smith, dahil highly-confidential nga ang mission naming 'to, kailangan walang makakita sa'ming umalis nang maraming bitbit na gamit dahil magtataka ang ibang estudyante. Kaya madaling araw kami umalis para tulog pa ang lahat ng estudyante sa kani-kanilang mga dorm. At kung magtaka naman ang iba kung bakit kami nawawala, madali lang sabihin na pinadala kami para sa isang mahalagang mission sa earth. Namalayan ko na lang na nakalabas na kami ng gate ng university. Matayog at malaki ang gate at gawa sa matitibay at mabigat na bakal. Kulay itim ito at may patulis na disenyo sa dulo. Pagtingin naman namin sa harapan ay may nakita kaming itim na limousine. Nandidilat ang mga mata namin habang manghang nakatitig dito. "Mr. Smith, sa inyo ba ang sasakyan na 'to?" usisa ni Ryker habang pinapasadahan ng tingin ang mamahaling sasakyan. "No. Pag-aari 'yan ng university. Ipapagamit lang 'yan sa'kin para ihatid kayo hanggang Miden Train Station," sagot naman ni Mr. Smith. "Miden Train Station?" tanong ko. "Bawat Ground ay may train station. At iisang tren lang ang gamit namin. Ito ang Chloris Train. Lahat ng ground sa buong Elysium ay dinadaanan nito. Kaya ibababa kayo nito sa Ground Ekaton Ena," paliwanag ni Mr. Smith. "Mga ilang oras po kaya ang biyahe mula Ground Miden hanggang Ground Ekaton Ena?" usisa naman ni Xavier. "Three to four hours ang biyahe," sagot ni Mr. Smith. Tumingin si Mr. Smith sa kanyang wristwatch, "Kailangan nakasakay na kayo sa Chloris Train bago tuluyang sumikat ang araw para maaga kayong makarating sa inyong destinasyon. Let's go." Pinagbuksan niya muna kami ng pinto sa bandang likuran. Lalo naman kaming namangha sa lawak ng loob nito. Tapos malalaki rin ang car seats at magkaharap pa. Kaya kasyang-kasya talaga kami rito sa likod. Nauna na akong sumakay para sa tabi ako ng bintana. Pagkatapos ay katabi ko si Jerome, at katabi niya sa kabila si Gunner. At sa harap naman namin sina Klein, Xavier, at Ryker. Nang makasakay na kaming lahat ay sinara na ni Mr. Smith ang pinto at sumakay na siya sa driver's seat. At mayamaya lang ay umandar na rin ang sasakyan. At habang nasa biyahe ay nakasandal lang ang ulo ko sa bintanang tinted habang ang mga mata ko ay nakatingin lang sa labas. Sa totoo lang, simula nang mapunta ako rito sa Underworld ay palagi lang akong nasa university. Umiikot lang ang buhay ko sa dorm, sa dome, at sa campus. Bakit nga naman ako lilibot sa isang lugar nang mag-isa na hindi naman ako pamilyar? Habang pinagmamasdan ko ang paligid mula sa bintana ay napagtanto kong mukhang normal din naman ang paraan ng pamumuhay ng mga nilalang dito. Pero ang paligid ay mukhang na-stock sa 1940s dahil sa style ng mga gusali at infrastructures. Vintage ang style lahat—pati mga sasakyan. Puro vintage ang model. Pero Gothic ang vibes na binibigay ng paligid. Para kang nasa isang lugar na si Tim Burton ang nagsulat at disenyo. Vintage gothic ang uso sa lugar na 'to. Halos mapatalon naman ako sa kinauupuan ko nang bigla kaming umuga dahil may nadaanan yatang lubak si Mr. Smith. Pagkatapos ay naramdaman ko na lang na may bumagsak sa balikat ko. Pagtingin ko ay si Jerome pala 'yon. Natutulog siya at napasandal na lang siya sa balikat ko. Siguro dahil sa himbing ng tulog niya tapos napadaan pa kami sa lubak. Hinayaan ko na lang. Napatingin naman ako sa mga kasamahan namin at napataas ang kilay ko nang makita kong lahat sila ay natutulog. Napangiwi na lang ako. Parang kanina lang ang yayabang nila na parang sanay na sanay silang gumising nang ganito kaaga. Napangisi na lang ako sabay iling. Mayamaya naman ay nakuha ang atensyon ko ng isang amoy. Suminghot-singhot ako para malaman kung saan nanggagaling ang amoy na 'yon. Amoy niya ay 'yong sweet floral scent. Nang mapalapit naman ang ilong ko sa buhok ni Jerome ay napataas ang kilay ko nang mapagtanto kong dito nanggagaling 'yong amoy na 'yon. Inamoy-amoy ko pa ito para makasiguro. At dito nga talaga galing 'yong mabangong amoy na 'yon. Napakunot ang noo ko. Bakit amoy pambabae ang shampoo ni Jerome? Kahit nagtataka pa rin ay nagkibit-balikat na lang ako at dumungaw na lang ulit sa bintanang katabi ko. --- "Gising na. Nandito na tayo." May narinig na lang akong nagsalita kaya't dahan-dahan kong dinilat ang mga mata kong namumungay pa sa antok. Si Jerome pala 'yong gumigising sa'kin. Nataranta naman ako nang kaunti nang makita kong kaming dalawa na lang ang nasa loob ng sasakyan. "Nasaan na sila?" taranta kong tanong. "Nauna na sila sa loob ng station. Tayo na lang hinihintay nila," sagot naman ni Jerome. Sinakbit ko kaagad ang bag ko at bumaba kami agad ni Jerome ng sasakyan. Pagbaba naman namin ay bumungad sa'min ang entrance ng Miden Train Station. Namangha naman ako sa buong railway station ng Ground Miden dahil para akong nag-time travel sa 1940s. Red, black, at beige ang mga kulay na makikita sa buong station. May mga iilan na ring nandito pero kakaunti pa lang dahil siguro maaga pa. Naglakad-lakad na kami ni Jerome sa waiting area o platform ng railway station. Gawa sa makintab na marmol na kulay beige ang sahig. Pagkatapos ang buong gusali ng station ay gawa sa bricks na pininturahan ng dark grey. At ang mga pintuan ng gusali ay hugis arko at gawa sa kahoy at pininturahan ng pula. At ang mga poste ng ilaw dito ay medieval lantern ang style. Sa mangha ko sa paligid dahil sa vintage vibes at style nito ay hindi ko maiwasang igala ang paningin ko habang naglalakad kami sa platform. "Jerome! Aika!" Nang may marinig akong tumawag sa'min ay tumingin ako kung saang gawi 'yon at nakita namin ang mga kasama namin sa isang bench na kulay green at gawa sa bakal. Nakaupo ro'n 'yong apat at kinakawayan kami habang si Mr. Smith naman ay nakatayo lang. Nagmadali na kami ni Jerome na lapitan sila. "Hintayin lang natin ang paglabas ng Chloris Train. After less than thirty minutes, nandito na 'yon. Binili ko na rin kayo ng tickets," sambit ni Mr. Smith sabay may di-ni-stribute siya sa'ming kung ano. Tiningnan ko ito nang matanggap ko at nakita kong mukhang ticket nga ito. May seat number na nakalagay at destination. "Ibibigay niyo 'yan sa train conductor mamaya sa loob," bilin ni Mr. Smith. "Hindi po ba kayo sasama sa'min?" tanong ko. "No. Hihintayin ko lang kayong makasakay ng tren. Tapos ay babalik na ako sa university. I have a lot of things to do." Napansin ko naman na kumakain na si Xavier. "Ano 'yang kinakain mo?" tanong ko sa kanya. "Ah eto? Breakfast meal na nabibili ro'n sa tabi ng station," sagot niya sa'kin matapos niyang lunukin ang kinakain niya. Isang meal nga ito na nasa isang paper meal box. Nakita ko rin ang mga pagkaing nasa loob nito. Fried rice, sunny side-up egg, at isang stir fried beef. Napahawak ako sa tiyan ko at napalunok nang maamoy ko ang pagkain ni Xavier. At mukha rin itong masarap. Nakakagutom! "Hoy, ang dami mong pinamili! Pahingi naman kami!" reklamo ni Ryker kay Xavier tapos ay tumingin ito sa puting plastic bag na nakapatong sa hita ni Xavier. "Ayaw ko nga! Akin lang ang mga 'to. Baon ko 'to sa biyahe. Baka kasi magutom ako. Bumili ka ng sa'yo," tugon naman ni Xavier. "Damot talaga ng werewolf na 'to," inis na tugon ni Ryker. "Hayaan mo na, Ryker. Ganyan talaga si Xavier pagdating sa pagkain," natatawang sabad naman ni Gunner. "Alam ko na. Bumili na lang tayo ng makakain habang naghihintay tayo sa pagdating ng Chloris Train," suhestyon ni Gunner. "Mabuti pa nga. Tara!" sang-ayon naman ni Ryker. "Oh, sinong sasama sa'min?" tanong ni Gunner. "Sama ako," tugon ko. "Ako rin," tugon naman ni Jerome. "Sasama na rin ako," tugon naman ni Klein sabay tayo. "Sige, bumili na kayo ng pagkain. Kami na lang muna dito ni de Sauvetere," sambit naman ni Mr. Smith. Pagkatapos ay naglakad na kami paalis papunta sa food stall dito sa station. Ilang lakad lang naman pala ang layo nito mula sa platform kung saan kami naghihintay para sa Chloris Train. Maliit na stall lang talaga ito kung saan dalawang babae ang nagse-serve. Isang babaeng may edad na na mukhang nasa 40s na siya ring tagaluto. At isang batang babae na tagabenta. Mukhang nasa trese naman ang edad ng isang 'to. Mukha silang normal pero mahahaba't patulis nga lang ang kanilang mga tenga. Nakasuot sila pareho ng puting beret hat at naka-apron na may vertical stripes na blue and red. "Pili na kayo ng sa inyo," sambit ni Gunner sabay tingala naming lahat sa menu board ng stall. Hindi lang pala meal sets ang tinda nila. May tinda rin silang mga tinapay at chips. Pati rin drinks. "Hello! Ano pong sa inyo?" masayang bati sa'min no'ng batang babae. Pinagtatanong muna kami ni Gunner kung anong mga gusto namin tapos siya ang um-order para sa'min. Bumili na rin kami ng ilang tinapay para may meryenda kami sa byahe kung sakaling magutom. Pero hindi na kami um-order pa ng drinks kasi sabi ni Klein, may drinks daw na sini-serve sa tren. Paalis na sana kami matapos naming matanggap lahat ng order namin after fifteen minutes. Pero tinawag kami no'ng bata. "Sandali lang." Napahinto kami at nilingon 'yong bata. Nagtinginan kami at nagtaka dahil 'yong mukha no'ng bata. Para siyang takot at nag-aalala. "Ano 'yon?" tanong ni Gunner. "Hinihintay niyo po ba ang Chloris Train?" tanong nito. "Bakit mo naitanong?" usisa naman ni Ryker. "Tanya!" Nagulat kami nang sawayin siya ng elder na kasama niya. "Naku, pasensya na kayo sa pamangkin ko. Huwag niyo na lang siya pansinin," sambit naman nito sa'min nang may naiilang na ngiti. "Pero, Auntie!" katwiran naman no'ng bata. "Tanya, ano ba? Walang maniniwala diyan sa sinasabi mo," saway na naman sa kanya ng tita niya. "Teka, ano po ba 'yon? Puwede ba naming malaman?" usisa ni Klein. Nagtinginan ang mag-tita bago sumagot sa'min. "Nitong mga nakaraang araw kasi...may mga nababalita na mga nawawalang pasahero sa tren. At walang bakas ng kanilang pagkawala. At ang malala pa, hindi na sila nakita pa kahit kailan," kuwento no'ng bata. "Paanong naglalaho?" tanong ko. "Sabi ng mga crew ng tren, bigla raw nagba-blackout sa sakayan ng pasahero. Nagtatagal ng ilang minuto ang kadiliman tapos kapag bumabalik na sa normal ang lahat, may mga pasahero nang nawawala," kuwento muli ng bata. Natahimik kaming lahat at napaisip. Tapos ay nagtinginan kami sa isa't isa. "Naisip ko na baka kagagawan 'yon ng isang Unholy," sambit pa no'ng bata. "Tanya! Ilang beses ko bang sinabi sa'yong walang Unholy sa lugar na 'to. Hindi sila makakarating dito. Tama na 'yan," saway sa kanya ng tita niya. Bumalik na ang tita niya sa kusina, "Tanya, bumalik ka na sa trabaho!" "Mag-iingat kayo," sambit nito sa'min. Hindi pa rin maalis ang pag-aalala sa mukha ni Tanya at bumalik na siyang muli sa puwesto niya. Pagkatapos no'n ay bumalik na rin kami sa bench namin sa platform. "Oh, nasaan na si Mr. Smith?" usisa ni Ryker kay Xavier na ngayon ay mag-isa na lang sa bench. "Umalis na si Mr. Smith kani-kanina lang. Mukhang nagmamadali. Tumawag yata sa kanya ang University President," sagot nito. "Oh, bakit ganyan ang mga mukha niyo?" tanong naman ni Xavier nang mapansin niyang may bahid ng pag-aalala sa aming mga mukha. "Kasi—" Sasagot na sana kami nang biglang dumating ang Chloris Train. "Oh, nandiyan na ang tren!" sambit ni Xavier. Tapos ay inayos na niya ang pagkain niya at sinakbit ang bag niya sabay tayo. Sinakbit na rin namin ang mga bag naming nakapatong sa bench at nagmadali na kaming pumunta sa platform, malapit sa tinitigilan ng tren. Ang hitsura ng tren ay 'yong mukhang sinauna pa talaga. 'Yong may chimney sa itaas, malaking bilog na headlight sa unahan, at gawa sa bakal ang kabuuan. Hindi gaya ng modern trains ngayon sa earth na shuttle o bullet. Pero kahit vintage ang style ng tren ay maganda pa rin ito at mukhang alagang-alaga ng may-ari. At dahil hindi nga marami ang mga nandito, nakasakay kami kaagad. Red and brown ang kabuuang kulay ng interior ng tren. Ang style ng mga upuan dito ay tig-dalawa lang kada upuan tapos ay magkatalikuran din ang bawat upuan. Dito kami sa kaliwang row. As usual, malapit ako sa bintana umupo. Pagkatapos ay umupo naman sa tabi ko si Jerome. Tapos sa harapan namin nakaupo sina Klein at Gunner. Sa kanang row naman na katapat namin ay sina Xavier at Ryker. Aisle lang ang pagitan namin mula sa kanila. Mayamaya lang ay umandar na rin ang Chloris Train. Nakadungaw lang ako sa bintana habang nabiyahe. Ganoon din si Gunner tapos si Klein naman ay nagbabasa ng libro. "Hindi pa rin maalis sa isip ko 'yong sinabi no'ng batang babae sa food stall kanina," sambit bigla ni Gunner. "Ako rin," tugon ko naman. "Malalaman natin mamaya kung totoo 'yong sinasabi ng bata kanina," sambit naman ni Klein. Napatingin naman ako sa paligid ko. "Kung totoo nga 'yon, may mga inosenteng nilalang na puwedeng madamay kapag nagpakita 'yon ngayon," sambit ko. Mukhang napagtanto rin nila 'yon at natigilan sila. "Mukhang totoo nga 'yong sinasabi no'ng bata." Napatingin kami kay Jerome nang magsalita siya. "May nararamdaman akong kakaiba sa tren na 'to. Presence ng Unholy." Nandilat ang mga mata naming tatlo tapos ay napatingin kami sa gawi nina Xavier at Ryker. Nakatingin din sila sa'min na mga nandidilat din ang mga mata. Ibig sabihin, naramdaman din nila ang presensya na 'yon. "Nandiyan na siya." Pagkasabi no'n ni Jerome ay biglang dumilim ang paligid na halos wala ka nang maaninag na kahit ano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD