Nakahiga ako ngayon sa aking kama dito sa kuwarto ko habang patuloy na iniisip ang lahat ng nangyari sa'kin.
Ang trahedyang nangyari ngayon sa buhay ko, ang pinakakinatatakutan kong mangyari ay nangyari na.
Napapikit ako kasabay nang pagluha ng aking mga mata habang isa-isang nanunumbalik sa isipan ko ang lahat ng nangyari. Niyakap ko na lang nang mahigpit ang unan na katabi ko habang patuloy lang sa pag-iyak na parang batang paslit.
Naalala ko rin kung gaano kawasak itong bahay matapos ang naging laban ni Jerome at ng unholy. Pero sa isang pitik lang niya ay nabalik ni Jerome sa dating ayos ang lahat ng nasira niya na parang walang nangyari. Matapos no'n ay naglaho na naman siya na parang bula.
Parang isang panaginip ang lahat nang nangyari.
Hindi. Isang bangungot. Sana nga lang isang masamang panaginip na lang ito at magising na 'ko.
Pero hindi. Totoo itong nangyari at kailangan ko itong harapin.
----
Tatlong araw na mula nang ilibing ang mga magulang ko. Narito ako ngayon sa aming sala, nakaupo at tulala pa rin dulot ng trauma sa nangyari sa'kin. Kasama ko rin ngayon ang abogado ng pamilya namin.
"Ms. Aikaterina," pagtawag niya sa'kin. Narinig ko naman siya pero hindi ako kumibo.
"Alam naman natin na ikaw lang ang nag-iisang tagapagmana ng mga magulang mo. Sa'yo lahat mapupunta ang lahat ng assets and liabilities nila. But unfortunately, you're still not reaching the legal age para mapasaiyo ng tuluyan ang lahat ng ito. You're only sixteen so, kailangan mo ng guardian at temporary na magma-manage ng lahat ng iniwan ng parents mo. So I called your aunt dahil siya lang ang natitira mong kamag-anak," paliwanag ni attorney.
Pagkatapos ay siya namang dating ng tita ko. Si Tita Gretchen, nag-iisang kapatid ni Papa. Walang imik akong nakatitig sa kanya hanggang sa makaupo siya sa sofa na kaharap ko.
"Hello, Attorney. Hello, Aika," pagbati niya.
"Hello, Ms. Gretchen. Naipaliwanag ko na sa pamangkin mo ang lahat. So, ikaw na ang bahala sa kanya. Nai-explain ko na rin naman sa'yo about everything these before. Tawagan niyo lang ako kung may iba pa kayong kailangan. I have to go," sambit ng abogado.
Ilang sandali pagkatapos umalis ni Attorney ay siya namang dating ng pinsan ko. Ang nag-iisang anak ni Tita Gretchen, si Maybel.
"Hello, mom!" sabay beso niya rito.
"Oh, hello Aika," sarkastikong bati niya sa'kin kaya't hindi ko na lang siya pinansin.
Sa totoo lang, kahit kamag-anak ko sila ay hindi ko maramdaman ang simpatya at amor nila sa'kin. Pero ginagalang ko na lang sila alang-alang sa mga magulang ko.
---
"Aika! Aika! Bumangon ka diyan! Tanghali na!"
Napabalikwas ako dahil sa lakas ng sigaw na iyon. Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at tumabad kaagad sa'kin ang iritang mukha ni Maybel.
"Bakit ba? Anong tanghali na? Alas siyete pa lang ng umaga ah," katwiran ko.
Tumagilid ako ng higa patalikod sa kanya pero hinila niya nang marahas ang braso ko para pilitin akong bumangon. Bahagya akong nasaktan kaya't napadaing ako nang kaunti.
Kaya't kahit nagtataka ay wala na akong nagawa. Hinila niya 'ko palabas ng kuwarto ko at hindi ko alam kung saan niya 'ko balak dalhin.
"Aray ko naman! Ano ba, Maybel? Nasasaktan ako!" pag-angal ko.
Marahas niyang binitiwan ang braso ko sabay hinarap niya 'ko. Inilibot ko ang paningin ko sa lugar kung saan niya 'ko dinala.
"Anong ginagawa natin dito sa labahan?" pagtataka ko.
"Hah! Tanga ka ba talaga? Malamang maglalaba ka!" bulyaw niya sa'kin sabay tulak niya sa'kin sa mga batya-batyang labahin nilang mag-ina na inuwi pa talaga nila dito.
Nanlalaki ang mga mata kong tinititigan ang gabundok na mga labahing nakatambak dito.
"Akala mo magbubuhay prinsesa ka pa rin kahit wala na ang parents mo? Puwes, nagkakamali ka! Dahil si Mom ang guardian mo, hindi libre ang pag-aalaga niya sa'yo. Kailangan mo kaming pagsilbihan! Pinaalis na naming lahat ang katulong niyo. Kaya't ikaw na ang gagawa nang lahat ng gawain dito sa bahay! Naiintindihan mo?"
Pagkatapos ay padabog siyang umalis. Halos maluha-luha kong dinampot ang maduduming damit na pinalalabhan sa'kin ni Maybel.
Naalala ko tuloy noon, kahit pa may mga kasambahay kami, minsan naglalaba pa rin si Mom. Sabi niya kasi hindi naman daw dapat lahat na lang ay iasa sa kanila, na dapat matuto pa rin tayo gumawa ng mga ganitong bagay dahil kailangan natin 'yon para mabuhay. Tapos ay tinutulungan ko siya. Masaya kaming naglalaba nang magkasama.
"Mommy...I miss you..." usal ko sabay agos ng mga luha sa pisngi ko.
---
Mula nang dumating ang mag-inang 'yan ay wala na silang ginawa kundi ang alilain ako. Hindi ako puwedeng matulog hangga't hindi ko pa natatapos lahat ng gawaing-bahay. At wala silang pakialam kung mapuyat ako at ma-late sa pagpasok sa school.
Habang sila ay nagpapakasarap sa paggastos sa perang pinaghirapan ng pamilya namin. Halos araw-araw silang nagsha-shopping ng mga mamahaling gamit gaya ng mga damit, sapatos, alahas, makeup, at kung anu-ano pa.
Tapos ako naman ay pagod, puyat, at kumakain ng kung ano mang matira nila. Hinihintay ko silang matapos kumain dahil ayaw nila akong isabay sa pagkain nila. Noong una ay naninibago ako kaya't umiiyak talaga ako palagi.
Pero sa pagdaan ng mga araw, parang unti-unti na akong nasasanay. Mula sa mga sabunot, sampal, at panunulak nila sa'kin. Hanggang sa mga pang-aalipin nila sa'kin.
Sa paraan ng pagtrato nila sa'kin, parang hindi nila ako kamag-anak. Gusto ko minsang lumaban sa kanila pero wala akong lakas ng loob.
Wala naman kasi akong panghuhugutan o magbibigay sa'kin ng lakas ng loob. Kaya't wala akong magagawa kundi ang magtiis.
Sa tuwing papasok ako sa school, tahimik na lang ako. Hindi na ako kasing masiyahin at masigla nang gaya noon. Hindi na rin gaya ng dati na maraming bumabati at pumapansin sa'kin. Ngayon, si Maybel na 'yon.
Si Maybel na 'yong bagong popular girl sa klase namin mula nang mag-transfer siya rito.
Hindi na rin kami masyadong nagkakausap at nagkakasama ni Mica. Parang unti-unti na siyang lumayo sa'kin at may mga bagong kaibigan na rin siyang sinasamahan.
Kumikirot ang dibdib ko sa tuwing nararamdaman kong nag-iisa na lang talaga ako sa buhay ngayon. Madalas kong naiisip na sana hindi na lang ako nakaligtas sa nangyaring pag-atake na 'yon ng Unholy.
Hanggang isang araw, kinausap ako ni Tita Gretchen na hindi na raw ako papasok sa school. Ayaw na niya akong papasukin sa school dahil gusto niyang mag-full time housemaid na lang ako sa sarili naming bahay.
Gusto kong umangal at magreklamo pero alam kong sampal, sabunot, at gutom ang aabutin ko. Kaya wala na akong nagawa kundi pumayag na lang. Sinamsaman din nila ako ng gadgets mula nang tumira sila rito. Para siguro wala akong matawagan sa labas.
Bago ako matulog sa gabi ay dinadalaw ako ng matinding lungkot. Palagi kong iniisip kung bakit kailangan kong maranasan ang lahat ng kamalasang 'to sa buhay ko.
Iniisip ko kung naging masamang tao ba ako? O kung ano bang nagawa kong mali?
Wala na lang akong magawa kundi umiyak. Pinapagod ko ang sarili ko sa pag-iyak para lang makatulog ako.
---
Hanggang sa dumating ang araw na ito. Ang 17th birthday ni Maybel. Dahil sa sobrang engrande ng pagkakagayak sa garden ng bahay namin kung nasaan din ang swimming pool. Parang bar na ang dating ng venue dahil sa mga neon lights at malakas na tugtugan.
Mamahaling catering service din ang kinuha nila. Black and gold ang motif ng party niya. Semi-formal naman ang attire nila.
At syempre narito ako bilang isa sa mga tagasilbi sa mga bisita niya.
Nakita kong mixed alcohol drinks ang inumin dito sa birthday party niya. Kahit kailan ay hindi pa ako tumitikim nito at sa amoy pa lang nito ay wala na akong balak na tikman pa ito.
Patuloy lang ang pagdating ng mga bisita ni Maybel na mukhang mga nanggaling sa mayayamang pamilya. Halata naman sa kanilang pustura at pananamit.
Habang patuloy lang ang ingay ng kasiyahan sa labas ay narito naman ako ngayon sa loob ng kusina at naglilinis ng mga kubyertos na kanilang ginamit. Mayamaya'y naramdaman kong may pumasok sa kusina.
"Excuse me, puwedeng magtanong?"
Nagulat ako nang makita kong lalaki pala ang pumasok. Hindi ko kasi pinansin dahil akala ko si Maybel lang 'yon. Isang lalaking may kakisigan at disenteng manamit. At base sa hitsura niya ay kasing-edaran lang siya ni Maybel.
"Ano po 'yon, sir?"
"Itatanong ko lang kung saan ang banyo," sambit niya.
"Deretso lang po, tapos kanan," sagot ko.
"Okay. Thank you." Pagkatapos ay binalik ko na ang atensyon ko sa aking ginagawa.
"Uhm, miss."
Napakunot ang noo ko nang magsalita siya ulit. Akala ko kasi ay umalis na siya.
Nilingon ko siya, "Yes, sir?"
"I'm Jerald. You are?"
Kahit nagtataka ako ay sumagot na lang ako.
"Aika po, sir."
Nilapitan niya 'ko, "Aika...what does a beautiful girl doing here?"
"H-ha?"
"You're too pretty to do those stuffs. Then why don't you just..."
Hinawakan niya 'ko sa bewang na siyang kinabigla ko.
"Join with me?" alok niya sa'kin nang may nanunuksong ngiti at malagkit na tingin.
Nanlaki ang mga mata ko at bigla akong kinilabutan. Hindi ko magawang pumalag dahil nanghihina ang katawan ko sa takot.
Unti-unti na niyang inilalapit sa'kin ang katawan niya nang may marinig akong sumigaw.
"Hey, you!"
Napalingon kami pareho sa sumigaw na 'yon.
"Maybel..."
Mabils na lumapit sa'min si Maybel at marahas na hinila si Jerald papalayo sa'kin.
Akala ko'y niligtas niya 'ko mula sa m******s na 'yon pero binigyan niya 'ko ng isang malakas na sampal na halos mamilipit ang leeg ko. Gulat na gulat akong tumitig sa kanya.
"That's for you, flirt! How dare you na akitin ang boyfriend ko?" bulyaw niya sa'kin.
Nandilat naman ang mga mata ko, "Inakit? Hindi ko siya inakit! Isa pa, hindi ko rin alam na boyfriend mo siya!" pagtutol ko.
"Anong hindi? Babe, inakit niya 'ko. Alam niya sigurong mayaman ako from the very start. She's a golddigger!"
Nanlaki lalo ang mga mata ko dahil sa sinabi ng hayop na Jerald na 'to.
Lalong namula ang mukha ni Maybel at kulang na lang ay mag-usok ang ilong niya dahil sa matinding galit.
Napadaing ako nang bigla niyang hinila nang marahas ang buhok ko. Sa sobrang sakit ng paghila niya ay pakiramdam ko matatanggal ang buhok ko.
"Aray ko! Ano ba?! Nagsisinungaling ang Jerald na 'yan! Siya ang lumapit sa'kin!" angal ko pero parang wala siyang narinig.
Patuloy lang siya sa paghila sa buhok ko hanggang sa makarating na kami sa gate ng bahay.
Marahas niyang binitiwan ang buhok ko sabay dating naman ni Tita Gretchen.
"What's happening here?" usisa niya.
"Pinapalayas ko na ang babaeng 'yan!" galit na sagot ni Maybel.
"Bakit? Ano na namang ginawa sa'yo ng babaeng 'yan?"
"Inakit niya ang boyfriend ko, Mom! Buti na lang at dumating ako kung hindi...!" panggigigil nito.
"Malandi ka rin pa lang babae ka! Hala sige! Lumayas ka na rito! Baka mahawa pa ang anak ko sa'yo ng kalandian mo! Layas!" bulyaw sa'kin ni Tita habang tinutulak-tulak ako papalabas ng gate.
Tapos ay pumasok ng bahay si Maybel at mayamaya lang ay lumabas siya ulit at dala-dala niya ang mga gamit ko. Itinapon niya ang mga 'yon sa mukha ko.
Pagkatapos ay pinagsarhan nila ako ng gate. Tumayo ako at kinatok-katok ang gate at pinindot nang pinindot sa doorbell.
"Buksan niyo 'to! Please! Tita! Maybel!"
Ilang beses akong kumatok habang nagmamakaawa na papasukin nila ako pero mukhang wala talaga silang balak na pagbuksan pa ako ng gate kaya't huminto na ako. Napagod na rin ako sa kakasigaw at kakakatok.
Bumuntonghininga ako nang malalim sabay upo sa tabing-kalsada. Inayos ko ang mga gamit ko sa isang maletang tinapon din nila sa'kin kasama ng mga gamit ko. Tapos ay umupo na ako sa gilid ng kalsada.
Gabi na at malamig. Napatingala ako sa langit. Wala akong makitang kahit isang bituin sa langit at mukhang makapal ang ulap nito. Nagbabadya ang masamang panahon. Napabuntonghininga ako nang malalim sabay yuko ng ulo ko sa aking tuhod.
"Nakikiayon din ang panahon sa nararamdaman ko," bulong ko sa sarili ko.
Saan na ako pupunta ngayon? Nag-isip ako sandali. Alam ko na kung sinong puwede kong lapitan.
Agad kong dinampot ang maleta ko at nagsimulang maglakad. Hindi naman kalayuan ang bahay niya rito dahil sa kabilang street lang naman siya nakatira.
Ilang sandali lang ay narating ko na rin ang bahay. Ang bahay ng kaibigan kong si Mica tapos ay nag-doorbell na ako. Sandali lang ay natanaw ko nang lumabas si Mica.
"Mica!" masayang bati ko sa kanya pagbukas niya ng gate.
Natigilan ako nang mapansing parang hindi siya masayang makita ako.
"Bakit, bes?" tanong ko.
"Bakit may dala kang maleta?" usisa naman niya.
"Ah, eto ba? Ano kasi...pinalayas kasi ako ng Tita at pinsan ko. Puwede bang dito muna ako tumuloy?" pakiusap ko.
Isang katahimikan ang namagitan sa'ming dalawa. Pagkatapos ay nagsalita siya.
"Sorry, Aika. Pero ayaw ko."
Nagulat ako at nasaktan sa naging sagot niya, "P-pero...bakit? K-kung inaalala mo na baka maging pabigat ako, hindi mangyayari 'yon! Marunong akong magtrabaho! Kung gusto mo ipaglalaba kita, ipaglilinis-"
"Hindi!"
Natahimik ako nang sumigaw siya.
"Ayoko dahil...dahil ayokong malasin. Ayokong mahawa sa kamalasang dala mo!"
Nagulat talaga ako sinabi niya. Hindi ako makapaniwalang naririnig ko 'yon mismo sa kanya, na tinurin kong best friend ko.
Kumirot ang puso ko na para bang may sumaksak dito.
"M-Mica..."
"Hindi mo ba napansin? Una si Kevin, tapos si Sarrah, si Ms. Vasquez, tapos...tapos nito lang...ang parents mo. Tapos sinong susunod? Ako na? Ayoko pang mamatay, Aika! So, please. Leave me alone."
Pagkatapos no'n ay pinagsarhan niya ako ng gate at iniwan ditong mag-isa at tulala. Namalayan ko na lang na may mga luhang umaagos sa aking pisngi.
Pakiramdam ko literal na nadurog ang puso ko dahil sa ginawa ni Mica.
Nanlalambot akong naglakad papaalis. Hindi ako makapaniwalang ginawa sa'kin 'yon ng sarili kong kaibigan. Ngayon, palaboy na talaga ako. Wala akong kahit anong alam na pupuntahan. Bahala na siguro.
Ako na lang mag-isa ang naglalakad sa daan. Tahimik at malamig ang gabi. Wala rin akong kahit anong mapupuntahan. Kaya't wala ako sa sarili habang tinatahak ang daanang ito.
Mayamaya'y nakaramdam ako ng pagkahilo. Oo nga pala, hindi pa ako kumakain simula pa kanina. Ilang hakbang pa'y bigla na lang akong tumumba. Nakahiga ako ngayon sa daan at hinang-hina. Sa sobrang panghihina ko ay ni ang makatayo'y hindi ko na magawa.
Eto na kaya ang katapusan ko? Sa bagay, bakit ko pa ba gugustuhing patuloy na mabuhay kung ngayon ay wala na sa'kin ang lahat. Mas mabuti na ngang mamatay na lang din ako.
Hanggang sa tuluyan ko nang ipinikit ang mga mata ko. Ilang sandali naman ay naramdaman kong parang umangat ako sa lupa. Para bang may bumuhat sa'kin. Pinilit kong minulat ang mga mata ko para makita kung sino ang may hawak sa'kin.
Nanlalabo ang paningin ko, pero parang pamilyar sa'kin ang mukha niya.
---
Napabalikwas ako bigla at nang inilibot ko ang paningin ko ay napansin kong nasa waiting shed ako sa tabi ng entrance ng subdivision namin. Anong ginagawa ko rito?
"Akala ko hindi ka na magigising."
Nagulat ako sa biglang nagsalita at napatingin ako sa kanya.
"J-Jerome?"
Napagtanto kong nakahiga ako sa mahabang upuan dito sa waiting shed. Tapos ang mga gamit ko ay nandito sa tabi ko. Pagkatapos ay dahan-dahan akong bumangon para umupo.
Napansin ko naman ang malakas na pagbuhos ng ulan. Sa lakas nito ay parang hindi na ito titila pa.
"Oh," sambit niya sabay bigay niya sa'kin ng isang puting plastic bag.
"Ano naman 'to?" pagtataka ko.
"Tingnan mo na lang."
Napakasungit talaga ng lalaking 'to. Parang nagtatanong lang. Pagkaabot ko rito ay agad ko namang binuksan ang plastic at nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Agad ko namang inilabas ang mga laman nito.
Bote ng mineral water, isang siopao, at isang ramen noodles na nakalagay sa isang disposable na paper bowl.
"Para sa'kin bang lahat ng 'to?" tanong ko.
Bumuntonghininga siya nang may ingay na halata mong inis na siya.
"Bakit ba ang sungit mo? Masama bang magtanong?" sambit ko.
"Sino bang hindi maiinis, ha? Halata na nga, nagtatanong pa. Mga tao talaga."
Kinunotan ko lang siya ng noo. Napakasungit talaga ng nilalang na 'to. Palibhasa kasi hindi siya tao.
Kinain ko na ang mga dala niya habang mainit-init pa. Gutom na gutom na talaga ako. Kaya sandali lang ay naubos ko rin agad ang mga 'to.
"Uy, Jerome. Salamat."
Hindi man lang siya umimik at nakatingala lang siya sa langit. Tumila na rin ang ulan na akala mo'y hindi na titila pa at nakita kong maaliwalas na ang langit.
Nagpakita na ang mga bituin. Bigla namang humangin saglit nang may kalakasan kaya't natanggal ang hood na suot niya.
Ayan na naman ang kulay dark brown niyang buhok na nililipad ng malamig na simoy ng hangin. Habang nakatingin ako sa kanya ay napansin ko ang pagtama ng sinag ng buwan sa kanyang mukha.
Dahil dito ay lalong pumusyaw ang kulay ng kanyang buhok at nagningning ang kanyang mata. Napansin ko rin na may kuminang na parang bituin sa bandang tenga niya. May hikaw pala kasi siya. Gawa ito sa pilak at hugis crescent moon.
"E kung natutulog ka na kaya kaysa nakatitig ka sa'kin?"
Nabigla ako matapos niyang magsalita kaya't napaiwas ako ng tingin. Ramdam pala niya. Nakaramdam tuloy ako ng pag-init ng pisngi dahil sa hiya.
Humiga ulit ako sa upuan ng shed habang nakaunan ako sa school bag ko.
Napabuntonghininga ako, "Pagod na ako. Gusto ko nang matulog para magpahinga. Pero ayaw akong patulugin ng isip ko," sambit ko.
Sumulyap ako sa kanya sandali at nakita kong napalingon siya sa'kin na nakakunot-noo.
"Natatakot kasi ako. Dahil mag-isa lang ako rito sa labas ng ganitong kalaliman ng gabi. Natatakot ako sa kung anong puwedeng mangyari sa'kin," sambit ko. Tapos ay natahimik ako sandali. Lumunok muna ako para pigilan ang nagbabadyang pagpatak ng luha ko.
"Pero kung sakali man, mas gugustuhin ko pang masaniban na lang ng unholy para mamatay, para wala akong kamalay-malay. Wala na rin naman akong pupuntahan," patuloy ko sabay tawa nang pagak.
Pero mayamaya lang ay bigla ring pumatak ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Agad ko rin naman itong pinunasan.
"Hindi ako aalis."
Napakunot ang noo ko nang marinig kong magsalita si Jerome. Tapos ay sinulyapan ko siya.
"Ano?" tanong ko.
"Dito lang ako. Hindi kita iiwan ngayong gabi. Kaya matulog ka na."
"T-talaga?"
Bumuntonghininga na naman siya, "'Wag mo nang hintayin pang magbago ang isip ko."
Pumikit ako kaagad at inayos ang higa ko, "Sabi ko nga eh. Eto na nga, oh."
Pagkatapos ng isang katahimikan ay nagsalita akong muli habang nakapikit pa rin.
"Jerome."
"Oh, ano na naman?" Halata ang inis sa tono ng boses niya.
"Salamat. Salamat kasi ginagawa mo 'to kahit hindi naman tayo magkakilala."
Hindi man lang siya umimik sa sinabi ko. Kaya't nabalot na naman ng katahimikan ang paligid. Mayamaya lang ay nakaramdam na rin ako ng antok.
"Magandang gabi," sambit ko.
"Magandang gabi."
Nabigla ako nang tumugon siya. Akala ko kasi hindi siya iimik. Napangiti tuloy ako nang hindi sinasadya.