Parang bumagal ang oras at hindi mapigil ang pagkabog ng puso ko na para bang may nagkakarera sa loob nito habang binubuksan ni Hilary ang pintuan upang papasukin ang 'nilalang' na sasama raw sa akin sa campus tour.
Binabasa ko ang nanunuyo kong labi habang pinagkikiskis ang mga palad ko habang nakatayo lang dito. Kinakabahan ako dahil panibagong nilalang na naman ang makakaharap ko. Ano naman kayang klaseng nilalang ang makakasama ko?
Mayamaya'y isang binata ang pumasok mula sa pinto. Gaya ni Mr. Smith, mukhang 'normal' naman ang hitsura ng isang 'to.
Matangkad din siya at may katamtamang pangangatawan. Maputi din ang kanyang balat, matangos ang ilong, at mayroon siyang tuwid at hanggang balikat na haba ng buhok na kulay blonde. Kulay berde naman ang mga mata niyang bilugan at mapungay. Tapos may suot siyang salamin na bilugan ang lente.
Naalala ko bigla sa kanya si Howl sa Howl's Moving Castle ng Ghibli Studio Films.
Napansin ko naman ang damit na suot niya. Itim na coat at slacks. Grey ang panloob na button down long sleeves polo nito, pulang kurbata, at 'yong coat niya ay may nakaukit na patch na kamukha no'ng logo sa flip cover ng ID case ni Jerome na napulot ko noon.
Sa pagkakaalala ko, ganyan din ang suot ni Jerome. Pero imbes na itim na coat, hoodie jacket ang suot niya. Sa tingin ko, 'yan ang uniform nila.
"Ipinatawag niyo raw po ako, Mr. Smith?" magiliw na sambit no'ng lalaki. Maginoo ang dating ng isang 'to na binagayan ng maamo niyang mukha.
"Ah, yes. She's Ms. Aikaterina Cervantes. She will be your new classmate," pagpapakilala sa'kin ni Mr. Smith.
Nanlaki naman ang mata ng binatang napatingin sa'kin na para bang hindi siya makapaniwala.
"Talaga? Matapos ng napakatagal na panahon nagkaroon din kami ng bagong kaklase. At isa siyang babae," mangha niyang sambit na kinakunot ng noo ko.
"Aika, he's Gunner Silverbullet. Nasa Senior year na siya ngayon sa high school. Siya ang sasama sa'yo sa campus tour," sambit ni Mr. Smith.
Senior year. Kaya pala mukhang matanda lang siya sa'kin nang kaunti.
"Hello," bati ko.
"Hello. Nice to meet you, Aikaterina!" bati naman niya sa'kin sabay lahad ng kanyang kamay. Kaya naman tinanggap ko ito at nakipagkamay sa kanya sabay ngiti.
----
Lumabas na ako ng silid kasama ang binatang nagngangalang Gunner Silverbullet. Pababa kami ng isang paikot na hagdan. May kadiliman dito pero ang mga medieval hall lanterns na nakasabit sa pader ang nagsisilbi naming liwanag. Sa tahimik ng paligid ay tanging mga yabag lang namin ang aming naririnig.
Nasa unahan ko lang si Gunner habang sinusundan ko lang siya. Pero mayamaya'y nagsalita na rin siya.
"Aikaterina."
"Aika na lang," sagot ko.
"Okay, Aika. Anong klaseng nilalang ka?" tanong niya.
"Ako ay...isang mortal," sagot ko.
Lumingon siya sa'kin na nanlalaki na naman ang kanyang mata.
"M-mortal? Ibig sabihin, totoo nga talaga ang nakarating na report sa amin," sambit niya. Pagkatapos ay binalik niyang muli ang atensyon sa daan.
Napangiwi na lang ako sa sinabi niya. Ayan na naman 'yang report na 'yan.
"Mukhang normal naman ang hitsura ni Mr. Smith. Ano bang klaseng nilalang siya?" usisa ko.
"Si Mr. Smith ay isang Grim Reaper," sagot niya.
"G-Grim Reaper? 'Yong sumusundo sa mga taong mamamatay na?"
"Oo, 'yon nga."
Napansin ko na lang na nakalabas na kami sa gusali kung nasaan ang opisina ni Mr. Smith. Isa pala itong tore na may tatlong palapag. Nag-iisa lang ito sa isang malawak na lupain at nasa harap ito ng isang lawa.
May tulay naman na gawa sa kahoy paglabas mo ng mataas na kulay itim na gate nito. Nakatayo ang tulay sa ibabaw ng ilog. Tumawid na kami ni Gunner sa tulay para makarating sa kabilang panig ng lupa. Ginagala ko lang ang paningin ko habang naglalakad kami.
"Ikaw naman, Gunner. Anong klaseng nilalang ka?" usisa ko sa kanya.
Hinawi niya ang buhok niya sa likod ng magkabilang tenga niya at nandilat ang mga mata ko nang makita kong patulis ang mga 'to.
"Isa akong goblin. Responsable ang mga gaya ko sa mga magic spells and potions," sagot niya.
Napaawang naman ang bibig ko, "Wow..."
Ilang minuto lang ay nakarating na rin kami sa kabilang panig ng lupa.
Paglakad pa namin nang kaunti ay nakarating na kami sa lugar na maraming gusali at may mangilan-ngilang mga nagalang mga 'nilalang' na iba-iba ang hitsura. Pero nakasuot din ng uniform na gaya ng suot ni Gunner.
"Narito na tayo. Heto ang central area ng university," sambit niya.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Isang malawak na parang parke ang lugar na kinatatayuan namin ngayon.
Tiningala ko naman ang nakakaagaw-atensyon na higanteng clock tower na sinlaki siguro ng Big Ben. Kulay black and white ang nasabing tower pero ang orasan nito ay kulay ginto
Nahahati naman ang daan sa dalawang pathway. At isang maliit na hardin na nasa harap ng clock tower ang pumapagitna dito.
May mga bench sa tabi ng pathway at may fountain sa mismong gitna ng garden.
Dark green ang kulay ng mga dahon at d**o rito at lahat ng kulay na makikita ay dark. Gaya na lang ng mga bulaklak sa hardin. Dark pink, dark blue, at dark red ang mga kulay.
Panay dark ang shade ng mga kulay dito. Wala akong makitang light colors.
Napatingala naman ako at kulay dark blue ang langit, dirty white naman ang kulay ng mga ulap at kulay golden brown ang araw?
Napansin kong alas onse ang oras sa clock tower. Gano'n pa lang ang oras pero ang langit parang maggagabi na. Ganito ba talaga dito sa Underworld?
"Uh...Gunner."
"Bakit?"
"Bakit ganito ang hitsura ng langit dito?" usisa ko.
Tumingala sandali si Gunner tapos ay mabilis din niyang ibinalik sa'kin ang kanyang atensyon.
"Dito sa Underworld, iba talaga ang hitsura ng langit pag-araw dahil nga nasa bandang ilalim kami ng mundo," paliwanag niya.
Napatango na lamang ako bilang sagot.
Gaya ng kailangan niyang gawin, inilibot niya 'ko sa iba't ibang parte ng paaralan.
Nakarating kami sa libraries. Lima ang libraries ng High School. Tig-iisa sa North, South, West, East Wing, tapos ang Main Library.
Lahat ng library buildings ay malalaki na mala-lumang kastilyo ang estilo. Pero ang pinakamalaki syempre ay ang Main Library na sa laki nito ay nag-iisa lang ito sa lupaing kinatatayuan nito. Malapit ito sa building kung nasaan ang faculty office.
Nakakahilo sa loob nito dahil sa sobrang lawak at laki nito kahit pa dalawa lang ang palapag nito.
Napadpad din kami sa Faculty Offices, cafeterias, sa mga dorm buildings. Pero dinaanan lang namin ang mga ito at 'di na kami pumasok pa ro'n.
Ipinakita niya rin sa'kin kung nasaan ang gymnasium, music rooms, auditoriums na kay lalaki na akala mo'y isang engrandeng opera o theatrical house.
Iisa lang pati ang napansin ko sa mga building na 'yon. Vintage ang architerctural style nila. Parang 18-1900s ang style.
At ngayon naman ay naglalakad kami sa isang hallway ng classrooms na parang namamasyal.
"At heto naman, ang mga classroom ng High School," sambit niya.
Inililibot ko ang paningin ko sa paligid habang naglalakad kami. 'Di ko pa rin talaga maiwasang mamangha dahil sa mga kakaibang nilalang na nakikita ko.
May mga nilalang akong nakikita na mapuputla ang balat, may mga pangil, may lumulutang mula sa lupa, may maliliit na pakpak na gaya ng sa paniki o ibon, tapos may matutulis ang kuko.
Meron din namang may makakapal na balahibo sa braso at gilid ng pisngi, tapos meron ding may kaliskis sa braso, at may palikpik sa tenga...at kung anu-ano pa.
"Ang High School Department ay may tig-anim na sections per year level. A to F. At gaya rin ng ibang klase sa mundong ibabaw, may regular class sila, at section mo ang magdidikta ng husay mo," sambit ni Gunner.
"Section A ang pinakamagagaling at sa F ang mga..." sambit ko.
"Oo. Pero, hayaan mong itama kita. Magagaling ang mga nasa Section A, pero hindi ang 'pinakamagagaling'," sambit niya sabay ngiti.
"Kaya naman, kung gusto mong ilaban ang posisyon mo dito sa paaralan, may ginagawa kaming annual exams. Pero ang exam na 'yon ay hindi basta-basta," sambit pa niya.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
"Labanan ng husay sa pisikal na lakas at kapangyarihan. Ganyan ang takbo ng exams dito," sambit niya.
Natigilan ako at napatitig sa kanya sabay lunok. Bigla naman akong kinabahan. Ano bang laban ng isang mortal na gaya ko mula sa mga kakaibang nilalang na naririto? Napagsara ko tuloy ng mahigpit ang mga kamay ko sabay hinga ng malalim.
"Ah, siya nga pala. May naalala ako. By any chance, may kilala ka bang Jerome Hamilton?" tanong ko.
"Si Jerome? Oo naman! Kilala ko siya. At lahat ng naririto," sagot niya.
Nanlaki naman ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
"Talaga? Sikat siya sa school na 'to?" tanong ko.
"Oo. Sikat siya sa school na 'to. Si Jerome kasi ang top student ng High School. Siya ang pinakamagaling na hunter student dito sa University," sambit niya.
Napaawang ang bibig ko at hindi na ako nakaimik sa mangha.
"Wow."
"Teka, paano mo naman siya nakilala?" tanong sa'kin ni Gunner.
"Ah. 'Yong lalaking 'yon kasi, maraming beses na kaming nagkita sa mundong pinanggalingan ko. Ilang beses na kasi niyang niligtas ang buhay ko mula sa mga unholy creatures," sagot ko. Napangiti na lamang si Gunner.
Namalayan ko nalang na nakalabas na kami mula sa building ng mga classrooms.
"Saan naman tayo pupunta ngayon?" tanong ko.
"Kung nasaan ang section na pinaggalingan ko, at ang section kung saan ka ibinilang."
'Di kalayuan mula sa pinanggalingan namin, may isang pathway na naman kaming dinanan.
Tapos sa kalagitnaan ng aming paglalakad ay may natanaw na kaming isang malaking dome. Isang malaking dome na mukhang isang greenhouse.
Habang papalapit kami roon ay 'di maalis ang tingin ko sa malaking greenhouse dome na iyon. Nag-iisa lamang ito roon at may iilang puno at halaman sa paligid. Mukhang tahimik at payapa ang lugar na ito.
Lalo akong namangha nang makalapit na kami sa mismong gate nito. Napakalaki pala talaga nito sa malapitan.
Maihahalintulad ito sa isang mall arena sa laki. Gawa sa ginto ang gate nito na kaunti lamang ang taas sa'min.
Binuksan ito ni Gunner at pumasok kami. Ilang dipa lang ay nasa pintuan na kami. Ang pinto ay isang two-way door na gawa sa makapal na kahoy at kulay brown.
Ang buong greenhouse dome ay gawa sa kahoy ang mga pundasyon na pininturahan ng kulay brown at ang mga pader ay gawa naman sa transparent glass pero tinted kaya hindi mo kita ang nasa loob. Ngunit mukhang matibay naman ang materyal nito.
Nang buksan ni Gunner ang pinto ay dahan-dahan kong inihakbang ang mga paa ko papasok. Ang sahig ay gawa sa sa pulang marmol at sa aisle ay may nakalatag na itim na carpet na merong gold linings. Sa kintab naman ng sahig ay halos makikita mo na ang repleksyon mo.
Mataas naman ang kisame nito at may mga nakabitin na mga malalaki at umiilaw na chandelier at malalaking ceiling fans.
Sa dulo ng itim na carpet na nilakaran namin ay isang sala set ng mga kulay coffee brown na malalaki at malalambot na couch na nakapalibot sa isang rectangular center table na gawa rin sa tinted glass.
Nakakamangha dahil sa ganda ng interior design at mukhang mamahalin ang mga muwebles at kagamitan rito. Mukha itong bahay-bakasyunan ng isang mayamang tao.
"Heto ang tinatawag na study area. Dito tayo nag-aaral at nagdi-discuss ng mga topics lalo na tungkol sa mga Unholy," paliwanag sa'kin ni Gunner habang nakalahad ang kamay niya sa sala set na katabi namin.
"Wow..." mangha kong sambit.
"Eto ang classroom natin. Ang Section X."
Halos lumuwa mga mata ko at napanganga dahil sa sinabi niya.
"T-totoo? E-eto ang classroom ng Section X? Itong buong greenhouse dome na 'to?" pagkabigla ko.
Tumango naman siya sabay ngiti.
"Wow! Seryoso?"
"Ang ganda naman dito! Gano'n ba talaga ka-special ang Section X?" tanong ko.
"Hindi ba sabi mo, pinakamagagaling ang mga nasa Section A? Pero itinama kita. Magagaling sila. At nandito sa Section X ang pinakamagagaling," sambit niya.
"Wow..." Iyan lamang ang nasasabi ko habang nililibot ang paningin ko sa paligid.
"Iyon naman ang dining area natin," sambit ni Gunner sabay turo sa kaliwang bahagi namin.
Sa 'di kalayuan ay may isang six-seater table set nga ro'n at mukhang gawa sa ginto ang mga frame ng muwebles. Napanganga na lang ako sa mangha.
"Tapos nandoon naman ang kusina at nandoon na rin ang banyo," sambit niyang muli sabay turo sa isang paarkong entance na 'yon sa sulok.
Wala na akong masabi sa mga oras na 'to kundi 'wow'.
"Teka, nasaan nga pala ang mga kaklase natin? Ilan tayo?" tanong ko.
"Lima kaming magkakaklase rito. Nasa mission sila ngayon at mayamaya lang paparating na sila."
"Lima lang talaga kayo?"
Ngumiti si Gunner sabay tango, "Oo. At pang-anim ka."
"Teka, mission? Anong ibig mong sabihin do'n?" usisa ko.
"Ah, kaming mga student hunter, mission namin ang tumaas sa earth para pumuksa ng mga Unholy Spirits and Creatures."
Napanganga naman ako. Iyon marahil ang ginagawa ni Jerome. Sabi ko na nga ba at hindi lang siya nag-iisa na gumagawa no'n.
Ilang sandali lang ay nakarinig ako pagbukas ng pinto at nilingon ko ang gawi kung nasaan ang pintuan at mula roon, may tatlong kalalakihang naglalakad papalapit sa amin.
Nakatingin lang ako sa kanila habang papalapit sila rito. At bumilis ang pintig ng puso ko nang may nakita akong isang pamilyar na mukha.
"Jerome?"