X: Tandem

2228 Words
Naramdaman ko ang pagtama ng sinag ng araw sa mukha ko kaya't dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. Pagkatapos ay inilibot ko ang paningin ko sa silid kung nasaan ako ngayon. Mukhang hindi nga panaginip ang lahat. Nandito pa rin ako. Nasa Section X dormitory ako at ito ay nasa bandang likuran ng greenhouse dome. Ang dorm room ko rito ay nasa second floor. At nag-iisang kuwarto rito sa kanan. Sa kaliwang side kasi nito ay room nina Gunner at Klein. Tapos sa first floor ay kina Jerome, Xavier, at Ryker. May malaki at malambot akong kama rito. Mas magara pa ang kama ko rito kaysa sa kama ko noon sa bahay namin. Gawa ito sa isang matibay na kahoy na pininturahan ng puti. Mas malaki rin ang kuwarto ko rito. Siguro mga dalawang beses ang laki nito mula sa kuwarto ko noon. Panay puti at pink ang mga kulay na makikita mo rito. Maaliwalas ang ambiance ng silid kaya't mahimbing talaga akong nakatulog. Pagbangon ko ay inayos ko ang kama ko. Nag-inat-inat pa ako nang kaunti. "Good morning, myself!" masiglang bati ko sa aking sarili. Dapat lang naman siguro na simulan ko nang masigla at masaya ang araw ko, ano? Eto kaya ang first day ko sa Underworld University High School. May sarili akong banyo dito sa kuwarto ko. May mala-jacuzzi akong bathtub. Malawak at malinis din ang banyo ko rito na para bang gugustuhin mo na rin ditong matulog. Lumusong na ako sa hot bathtub ko at masayang nilinis ang katawan ko. Hay, nakaka-relax naman! Matapos ang kalahating oras ng pagbababad, ibinalot ko na ang katawan ko ng aking bathrobe at lumabas ng banyo. Nagpunta naman ako sa aking walk-in closet at napangiti ako nang makita ang maganda at bago kong uniform. Una kong sinuot ang button down long sleeves polo ko na kulay white. Matapos kong ibutones ang mga butones nito, sinunod ko naman ay ang pleated skirt ko na kulay black. I-t-in-uck in ko ito sa aking palda. Pagkatapos ay kinabit ko na sa dibdib ko ang pulang ribbon. Isinunod ko naman ang coat ko na kulay itim din. May tig-tatlong butones ito sa magkabilang balikat na kulay ginto at may nakaukit na rosas. Ganoon din ang mga butones nito sa katawan at dulo ng sleeves nito. May bulsa rin ito sa kaliwang dibdib na may nakatahing patch na logo ng university. Gaya ito ng nakita ko sa flip cover ng ID case ni Jerome noon. Nang tapos na akong magbihis at mag-ayos ay tiningnan ko ang kabuuan ko sa body mirror na suot ang bago kong uniform ay huminga ako nang malalim sabay ngiti. Huli ay sinuot ko na ang itim na knee socks ko at black shoes bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Bumaba na ako ng hagdan at pagdating ko sa baba ay nasalubong ko si Jerome. "G-good mor—" bati ko sa kanya pero napahinto ako nang bigla niya 'kong iwasan na parang hangin lang. Napasimangot tuloy ako habang nagpatuloy na maglakad papunta sa classroom ko. Pagdating ko naman sa study area ay wala akong kahit sinong nadatnan. Mukhang napaaga yata ako.  Inilapag ko ang bag ko sa couch at uupo na sana ako nang biglang may nagsalita kaya't lumingon ako kung saan nanggaling ang boses na 'yon. "Good morning, Aika!" bati sa'kin ni Gunner.  Nandoon siya sa dining area at mukhang naghahanda siya ng almusal. Pagkatapos ay nilapitan ko siya. "Good morning," bati ko naman. "Napaaga ka," sambit niya habang patuloy na inaayos ang mesa. Natawa ako nang kaunti, "Oo nga, eh. Hindi halatang excited ako, 'no?" biro ko. "Maupo ka na at kumain," alok niya sa'kin. Umupo nga ako sa isa sa mga upuan na nandito at pagtingin ko sa mesa ay may plato at mga kubyertos na sa harap ko. Namangha naman ako sa mga pagkaing nakahain ngayon sa mesa. May loaf bread, bacon, ham, and egg. "Kumuha ka lang ng gusto mong kainin," sambit niya. "Salamat, Gunner." Natulala naman ako bigla. Natauhan na lang ako nang marinig kong tinawag ulit ako ni Gunner. "Aikaterina?" Napabalikwas ako sabay tingin sa kanya. "May problema ba? Ayaw mo ba ng pagkain?" pag-aalala ni Gunner. "H-hindi sa gano'n. May naalala lang ako," sagot ko. Tama, naalala ko ang parents ko. Naalala ko, sabay-sabay kaming kumakain sa hapag-kainan. Syempre, si Mommy ang nagluto ng mga 'yon. At para sa'kin, 'yon ang pinakamasarap na pagkaing natikman ko. Kumirot naman nang kaunti ang dibdib ko. "Good morning, Jerome!" Napatingin ako sa binati ni Gunner. Hindi man lang siya umimik na parang walang narinig. Dere-deretso lang siyang umupo sa isang puwesto sa harap ko sabay kumuha ng pagkain at inilagay ang mga 'yon sa platong nasa harap niya. Ibang-iba talaga ang hitsura niya rito at sa lupa. Dito sa Underworld, kulay ash silver ang buhok niya at kulay pula ang mga mata niya. Ganyang-ganyan ang hitsura niya sa ID picture niya. Pero pag nasa lupa siya, itim ang buhok niya at abo ang mga mata niya. Bumagay din naman sa kanya ang boy's uniform ng university. Kitang-kita ko na ito ngayon dahil hindi na siya nakasuot ng itim na hoodie jacket. "Huwag mo 'kong titigan." Bigla akong natauhan nang magsalita si Jerome nang may seryosong tono. "H-ha?" sambit ko. Nagsalubong naman ang kilay ni Jerome, "Huwag mo kong titigan," ulit pa niya. "Ah, sorry. Hindi ko sinasadya," sambit ko naman sabay yuko at iwas ng tingin. Pinaikot lang niya ang kanyang paningin sabay iling. "Hoy, Lolo. Nasaan 'yong tatlo?" tanong ni Jerome habang kumakain.  "Baka papasok na," sagot ni Gunner tapos ay bumuntonghininga siya, "At isa pa..." patuloy niya. "Huwag mo nga 'kong tawaging Lolo!" inis na sambit niya kay Jerome. Napakunot ang noo ko, "Lolo?" usisa ko kay Gunner. "Naku, Aika. Huwag mo nang pansinin 'yong sinabi ni Jerome," sambit niya. "Jerome!! Huwag mong ubusin ang pagkain!" sigaw bigla ni Gunner nang mapatingin siya sa mesa. Tumingin din ako sa mesa at napataas ang mga kilay ko nang makita kong halos wala na ngang matira sa mga niluto ni Gunner. Ang takaw naman pala nitong si Jerome. "Nagtira ako. Ayan oh," sambit ni Jerome. "Hindi 'yan sasapat sa kanila! Apat pa kaming kakain!" mangiyak-ngiyak sa inis na sambit ni Gunner. Nakataas lang mga kilay ko habang pinapanood silang magtalo. Nagtira pa siya ng lagay na 'yan ha? E halos ubusin na niya ang mga pagkain dito. Napangiwi lang nang kaunti si Jerome tapos ay nagkibit-balikat siya at prenteng sumandal habang patuloy lang siya sa pagkain. "Pasaway ka talagang bampira ka!" dagdag pa niya. "Magluluto na naman ako nito, eh," inis na bulong ni Gunner sabay kamot sa kanyang batok. Si Jerome Hamilton ay isang vampire at freshman din siya gaya ko. "Good morning!" masiglang bati ng tatlong sabay-sabay dumating. Para namang nalugi ang mga reaksyon ng mga mukha nila nang makita nila si Jerome. Sumulyap nang kaunti si Xavier sa hapag-kainan at napasapo siya sa kanyang noo. "Naku sinasabi ko na nga ba. Pag nauna itong si Jerome, naku!" sambit niya. Si Xavier de Sauvetere ay isang werewolf. At nasa Junior level na siya. Matangkad siya pero siya ang pinakamaliit sa kanilang lima. Sa kabila rin no'n, siya naman ang may pinakamatipunong katawan sa kanila. Light tan naman ang kutis niya kumpara sa iba na mapuputi ang balat. Kulay caramel brown ang buhok niyang naka-brush up na may kakaunting bangs na nakalawit sa noo niya. Meron din siyang manipis na balahibo sa gilid ng magkabilang pisngi niya na para bang mahabang patilya ang hitsura. Golden brown naman ang mga mata niyang bilugan. Matangos din ang ilong niya, at meron din din siyang mga pangil. Napabuntonghininga naman si Klein, "Parang binagyo ang mesa, ah. Halos malimas," pasarkastiko niyang sabi. Si Klein Schneider ay isang merman. Nasa Senior level na rin siya gaya ni Gunner. Kasingtangkad niya rin si Gunner, at silang dalawa ang pinakamatangkad sa grupo. Ang pagkaputi naman ng balat niya ay parang maputla. Kulay moss green naman ang kanyang bagsak na buhok. Singkit ang kanyang mga mata niyang kulay blue green na nagbibigay sa mukha niya ng 'fierce' vibes. Matangos din ang ilong niya, at ang gilid ng tenga niya ay may palikpik. "Nahiya pa siyang magtira. Pambihira talaga," sambit naman ni Ryker sabay iling. Si Ryker Nikolaev naman ay isang nine-tailed fox. Nasa Junior year na rin siya gaya ni Xavier. Kasingtangkad naman niya si Jerome. Maputi rin ang balat niya na parang niyebe. Kulay aubergine ang buhok niyang makapal na medyo wavy kaya parang laging naka messy look ang buhok niya. Kulay purple naman ang mga mata niya. Matangos din ang kanyang ilong at manipis na mamula-mula ang mga labi niya. Nine-tailed fox siya pero hindi nakalabas ang mga buntot niya. Minsan lang daw kapag kailangan. At ang mga tenga niya ay nasa ulo na parang sa aso at kulay puti rin ang mga 'to. Sabi sa'kin ni Gunner, mag-ingat daw ako kay Ryker kasi may pagkababaero daw ang isang 'yan. Kaya pala no'ng una kaming magkakilala, panay ang kausap niya sa'kin at tanong nang tanong ng kung anu-ano tapos halos ayaw na niyang bitiwan ang kamay ko nang magkamay kami. Napangiwi na lang ako sabay buntonghininga. Kinuha ko ang baso ng orange juice na katabi ng plato ko at uminom nang kaunti. "Baka may mga unholy sa loob ng tiyan ni Jerome?" wala sa loob kong sambit. Natigilan ang lahat at napatingin sila sa'kin na parang mga hindi makapaniwala. Pagkatapos ay bumulalas sila ng tawa maliban kay Jerome. "Nice one, Aika! Nice one!" sambit ni Xavier habang nakahawak sa tiyan katatawa. Napatingin naman ako kay Jerome at nagulantang ako sa masamang titig niya sa'kin. Napayuko tuloy ako sabay lunok. Sorry, hindi ko naman sinasadyang sabihin 'yon. Pagkatapos ng tawanan ay nagsipuwesto na ang tatlong lalaki sa kani-kanilang mga upuan. "Ipagluto mo na lang ulit kami, Lolo!" sambit ni Xavier. "Sige, tawagin mo pa 'kong Lolo!" inis na sabi ni Gunner. "Lolo? Bakit ba Lolo?" usisa ko. "Lolo. Kasi, senior na siya," natatawang sagot ni Klein. "Hoy, Klein! Baka nakakalimutan mong pareho lang tayong nasa senior year na?" pikon na tugon ni Gunner. "Oo alam ko. Pero mas matanda ka pa rin sa'kin," natatawang sagot ni Klein. "Fifty years lang naman ang tinanda ko sa'yo, ah!" pikon na katwiran ni Gunner. Nanlaki naman ang mga mata ko sa narinig ko, "F-Fifty years?"  "Oo. Sa aming lahat, si Gunner ang pinakamatanda," sambit ni Xavier sabay tawa. "Four hundred na siya ngayong taon," sambit naman ni Klein. Lalong nanlaki ang mga mata ko, "F-Four hundred?!" Napaawang ang bibig ko. Anong klaseng mga edad 'yan? Halos mga ninuno ko na sila! Tumingin naman ako kina Xavier at Ryker, "Kayo? Ilang taon na kayo?" Nagkatinginan naman sila bago magsalita. "Three hundred years old na ako," sagot ni Ryker. "Two hundered seventy naman ako," ani naman ni Xavier. "Bago ka dumating, si Jerome ang pinakabata sa'min," sambit muli ni Xavier sabay hawak sa balikat ni Jerome na kalapit lang niya. "I-ilang taon na si Jerome?" usisa ko. "Ang eksaktong edad niya ay two hundred sixteen," sagot sa'kin ni Xavier. Nanlaki na naman ang mga mata ko sabay lunok. Two hundred years ang agwat sa'kin ng nilalang na 'yan! Eh kung titingnan, mukhang hindi nalalayo ang mga edad nila sa'kin. Gano'n talaga siguro ang isang night-crawler.  "Mas matatanda pa kami sa World War I. Nasaksihan nga ng iba sa'min 'yon, eh," sambit naman ni Klein sabay ngisi. Natigilan ako at napaisip. Parang hindi maproseso agad ng utak ko ang mga tunay na edad nila. Napailing na lang ako. "Mr. Smith!" sambit bigla ni Gunner kaya't natuon ang atensyon naming lahat sa kanya. Hindi man lang namin namalayan ang pagdating niya. Tumagos ba siya sa pader? "Good morning, my dear students!" bati niya sa'min. "So, how's your first day, Ms. Cervantes?" tanong niya sa'kin. "Maayos naman po, sir," sagot ko. "Good to hear," nakangiti niyang sagot. "Anyway, nandito ako, as usual, to give your assigned locations for your mission," sambit niya. "Pero bago ang lahat, Aikaterina."  Natinag ako nang banggitin niya ang pangalan ko. "I'm also here to give this to you," sambit niya tapos ay may kinuha siya sa bulsa ng kanyang coat at iniaabot ito sa'kin. Kinuha ko naman ito at tiningnan, "ID ko!" Nasa itim na card case din ito na may flip cover. At sa flip cover nito ay ang kulay silver na tatak ng logo ng school. Cervantes, Maria Aikaterina Arellano. High School. First year. Section X. Naningkit naman ang mata ko sa sunod kong nabasa. "Hunter Student," pagbasa ko rito. "You've read it right, Ms. Cervantes. At isa rin 'yan sa mga concerns ko ngayon. All of you are tandems, Gunner and Klein, then Ryker and Xavier. And, Jerome...all alone," sambit pa niya. "Isa 'yan sa qualification as a Section X student, dapat ay isa kang hunter," sambit pa niya. "Teka, paano po ako magiging Hunter Student kung wala akong kakahayan na gaya nila?" usisa ko. "Yes, maybe. For now. But," sambit ni Mr. Smith. "As you know, hindi kita para dalhin dito at gawing estudyante ko kung wala akong nakikitang potential o something special sa'yo, right?" pagpatuloy niya. "So, naisip ko. Puwede nating ma-discover ang kakayahan mo kung isasama kita sa kanila. At ang naisip ko, ita-tandem kita along with Jerome," sambit niya. Nandilat ang mga mata ko sa sinabi ni Mr. Smith,  "Ano?" sabay naming sambit ni Jerome. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD