No’ng una naming kanta ay dama ko ang kaba sa umpisa pero nawala rin naman kalaunan. Katatapos lang ng dalawang kanta ko. Pagkatapos ay susunod naman ang duet namin ni Ryker. Panghuli na lang ‘yong sa’min ni Jerome. Pinalitan nila ang set dalawang araw bago ang performance namin.
Palitan kami ng linya ni Ryker sa first part ng kanta.
Ang boses ni Ryker ay nasal, light tenor based na bagay sa mga pop-punk na kanta.
Pagkatapos ay sabay na kaming dalawa sa chorus.
Hanggang sa natapos ang buong kanta namin ni Ryker na Jet Lag ng Simple Plan featuring Natasha Beddingfield.
Masigabong palakapakan naman ang binigay sa’min nang mga manonood. Hindi rin naman magkandamayaw ang mga babaeng manonood. Halos lahat sila active sa pagchi-cheer para kay Ryker.
Habang ito namang si Ryker, feel na feel ang pagiging popular niya sa mga babae. Kanina pa siya kaway nang kaway sa kanila habang ngumingiti at nakindat.
“Psst! Tama na ‘yan, Ryker!” pasimpleng saway sa kanya ng mga kasama ko.
Ningisian lang sila ni Ryker sabay peace sign. Habang ako naman ay lihim na natatawa.
Pagkatapos ay tinugtog na nila ang intro ng pang-apat na kantang kakantahin ko. Ang title ng kanta ay Wildest Dream mula kay Taylor Swift.
Dinadama ko ang bawat linyang kinakanta ko mula pa lang sa first part. Hindi ko naman alam kung bakit pero bigla akong napatingin kay Jerome na nasa kanan ko lang nang kantahin ko ang verse na ‘to.
“He's so tall and handsome as hell
He's so bad but he does it so well”
Pero binalik ko rin naman agad sa audience ang tingin ko dahil baka mapansin niyang tumitingin ako sa kanya.
Hindi ko pa rin naman maiwasan kaya naman pasimple akong sumusulyap sa kanya habang kinakanta ang mga sumunod na linya ng kanta. At hindi ko alam kung bakit dahil parang may sariling buhay ang mga mata ko.
Nakakatuwa lang na mula nang mag-umpisa kaming mag-perform dito sa stage, may hawak na mga lightsticks ang audience at winawagayway nila ito sa ere habang kumakanta kami. Para tuloy silang sea of stars kapag nandito ka sa stage.
Pagkatapos kong kumanta ay nagpalakpakang muli ang audience. Mayamaya’y nagsalita si Ryker sa mic.
“Heto na po ang huling kanta namin para ngayong gabi. Sana’y magustuhan niyo.”
Pagkatapos ay natahimik muli ang audience nang tumugtog nang muli ang mga kasama ko. Heto na ‘yong duet namin ni Jerome. Iyong kantang Two is Better than One ng Boys Like Girls ft. Taylor Swift.
Si Jerome ang kumanta ng first verse ng kanta. 'Yong relaxed, light baritone niyang boses na parang malamig na hangin na humahaplos sa puso mo.
Mayamaya ay nagulat ako nang biglang may mga nagtitili na parang kinikilig sa audience at puro sila babae pagkatapos kantahin ni Jerome ang part niya.
Pagkatapos no'n ay nagsabay na kami sa chorus.
Nagsalitan naman kami ni Jerome ng linya sa sumunod na verse.
Pagkatapos ay solo part ko na.
At nang matapos ang part ko ay sabay na ulit kami sa chorus.
Hanggang sa tuluyan nang matapos ang kanta. Pagkatapos ay binigyan kami ng masigabong palakpakan ng audience at nangingibabaw ang pagtili ng karamihan sa mga babaeng nandito. Mukhang maraming tagahanga itong mga kasama ko.
Mayamaya ay umakyat ang MC sa stage.
“At dito na nagtatapos ang program ng festival. At ito na rin ang pagtatapos ng selebrasyon. Magkita-kita tayong muli sa susunod na taon at magandang gabi sa inyong lahat!” closing remarks ng MC.
Naghanay-hanay kaming anim sa harap ng stage at sabay-sabay na nag-bow. Pagkatapos ay may umulan na confetti na pinaghalong gold at silver.
Ilang sandali pa ay nagpaputok na sila ng fireworks display. Namangha naman ako sa kagandahan ng pagsabog ng makukulay na liwanag sa madilim na kalangitan.
“Ang ganda…” mangha kong sambit habang nakatingala sa langit.
Mayamaya’y napatingin ako kay Jerome na nakatayo lang sa tabi ko. Nakatingala rin siya sa langit habang pinapanood ang fireworks display. Hindi ko naman mapigilang humanga sa pag-reflect ng makukulay na fireworks sa kulay ruby niyang mga mata.
Sa tuwing napapatitig ako sa kanya, pakiramdam ko bumabagal ang oras at para bang walang kahit sinong nasa paligid. Parang wala akong nakikitang iba o naririnig na kahit ano.
Bigla naman akong natauhan nang tumingin siya sa’kin. Napaiwas tuloy ako ng tingin dahil sa hiya na naramdaman ko. Binalik ko na lang ang paningin ko sa mga fireworks sa itaas.
Nagulat naman kami nang biglang dumagundong ang paligid. Para bang may lindol. Mahina ito sa umpisa ngunit palakas din ito nang palakas.
Tumunog bigla ang alarm siren ng university. Nagkatitigan kaming anim dahil alam na namin ang ibig sabihin nito.
Unholy Attack.
Nagkagulo bigla sa venue na halos magtakbuhan na ang lahat ng nandito. Narinig din naming may isinisigaw ang mga teacher para huminahon ang mga sibilyan.
“Teachers, alalayan niyo ang mga sibilyan na makalabas ng university nang ligtas! Hunter students, maghanda sa pag-atake!”
Pagkatapos naming marinig ‘yon ay tinawag na namin ang mga divine artillery namin.
At mula rito sa stage ay natanaw namin ang grupo ng mga Unholy mula sa ‘di kalayuan at papunta sila rito. Nakita rin naming sinalubong na ng ibang hunter students ang mga papalapit na mga Unholy. Sila na ang nakikipaglaban ngayon sa mga ‘yon.
“Nagkita tayong muli, mga bata.”
Tumingala kami sa biglang nagsalita at nandilat ang mga mata namin nang makita namin kung sino ito.
“Ernesh!”
Nakalutang siya ngayon mula sa ere.
“Heto ba ‘yong mga sinasabi mong grupo ng mga bata na naghahanap sa mga spellbound artifact ni Persephone?”
Napatingin naman kami sa biglang nagsalita na sumulpot na lang basta mula sa kaliwa namin.
“Iorghu,” tawag sa kanya ni Ernesh.
Naka-brush up ang green nitong buhok at kulay pula ang mga mata nito. Kasinglaki lang din siya ni Ernesh. Mukhang Olympian Unholy din ang isang ‘to.
“Oo, sila nga. Sila ang vessels ng Artillery of Gods. At utos ni Lady Hera na patayin ang mga ‘to. Lalo na ‘yong batang babae na nagtataglay ng Hades Sword,” ani Ernesh habang nakangisi na parang isang demonyo.
Napahigpit ang hawak ko sa espadang hawak ko. Bakit nasabi ‘yon ni Ernesh? Alam na ba ni Hera?
“Nandito kami para kunin ang spellbound artifacts na tinatago niyo. At kung hindi niyo sa’min kusang ibibigay,” banta ni Ernesh sabay taas ng isa niyang kamay sa ere.
“Wawasakin namin ang buong university!”
Pagkasigaw niya no’n ay biglang bumugso ang napakalakas na hangin na animo’y may bagyo. Nagtalsikan at nasira ang lahat ng bagay sa paligid. Habang kami naman ay hindi makagalaw sa aming kinatatayuan dahil pinipigilan namin na liparin din kami ng hangin.
Bigla namang umulan ng itim na bolang apoy na nanggaling pala kay Iorghu. Pinag-iiwasan namin ang mga ito at nawawasak ang kahit anong tamaan nito.
“Paano na ‘to?” tarantang tanong ni Ryker habang patuloy kami sa pagtakbo, pagyuko, at paggulong dahil sa pag-iwas sa pag-ulan ng mga itim na bolang apoy.
“Pag tag-isahan na lang natin sila. Tayo nina Gunner kay Ernesh. Sina Jerome, Aika, at Xavier naman kay Iorghu. Tara na!” utos sa’min ni Klein.
Agad kaming naghiwalay ng landas. Tumakbo kaming tatlo papunta kay Iorghu. Samantalang sina Klein, Gunner, at Ryker ay sinugod na si Ernesh.
Nang kaharap na namin si Iorghu at ngumisi ito at tumawa nang bahagya.
“Sigurado kayong kaya niyo ‘kong tatlo?” nang-aasar nitong tanong.
Pagkatapos ay pinitik nito ang kanyang daliri, “Void.”
Sa isang iglap ay napunta kami sa isang madilim na lugar. Pero napalilibutan kami ng mga sira-sirang gusali. Para bang nasa isang abandonado at sinaunang syudad kami.
“Mukhang eto ang hitsura ng void ni Iorghu,” sambit ni Xavier.
Bigla kaming nakaramdam ng pagyanig at natanaw naming may nagmamartsang grupo ng Unholy papunta sa’min.
Wala na kaming sinayang na pagkakataon. Sumugod na kami ro’n papunta sa grupo ng Unholy. At nang makita nila kami ay binugahan nila kami ng itim na bolang apoy. Sinisikap lang naming iwasan ang mga ‘to habang tumatakbo papalapit sa kanila.
“Dancing Blades of Hell,” banggit ni Jerome sabay wasiwas ng kanyang scythe papunta sa mga Unholy at naglabas ito ng mga maliwanag na paarkong blades na kulay purple. Lahat ng Unholy na tinamaan no’n ay nahati sa dalawa at bumabagsak.
“Blast of Earth Stones!” Paghampas ni Ryker ng kanyang Warhammer sa lupa ay nag-angatan ang mga bato sa ere at parang mga bulalakaw na kapag tumama sa mga Unholy ay nagdudulot ng pagsabog.
“Divine Edge!” sabay wasiwas ko ng espada at naglabas ito ng mga maliliwanag na tulos na kapag tumatama sa mga Unholy ay nanghihina ang mga ito at bumabagsak. At habang mahihina pa ang mga ito ay sabay sasaksakin ko ang tuktok ng kanilang ulo upang mamatay ito.
Paulit-ulit naming ginawa ang mga ito hangga’t maubos ang mga Unholy sa paligid.
Ngunit nang maubos namin ang mga ito ay nakita naming may bagong grupo na naman ng mga Unholy ang parating sa’min.
Hinigal din naman kami mula sa ginawa namin kanina. Ngunit kahit gano’n ay nakatakbo pa rin kami upang sugurin ang mga papalapit na grupo ng mga Unholy.
“Divine Edge!” sabay wasiwas ng espada ko sa kanila habang tumatakbo. At nang tamaan sila ng mga light daggers ng Hades Sword ay nanghina sila’t natumba kaya mabilis akong bumubuwelo ng talon upang saksakin ang tuktok ng mga ulo nila.
“Crash of Earth Bound!” Pagkatapos ay hinampas muli ni Xavier ang kanyang Warhammer sa lupa at nagdulot ito ng bitak-bitak sa lupa kung nasaan ang mga Unholy at lahat ng nadaanan ng mga bitak ay naipit ng mga nag-umpugang mga higanteng bato na nagdulot ng kanilang pagkadurog.
“Flame of Raging Hell,” sabay wasiwas ni Jerome ng kanyang scythe sa mga Unholy at umulan ng purple na bolang apoy at lahat ng Unholy na tinamaan no’n ay nabubutas ang mga katawan. At kapag nanghina sila, kakawitin ni Jerome ang kanilang mga leeg upang maputol ang kanilang mga ulo.
Paulit-ulit naming ginawa ang mga pag-atake at nang maubos na ang mga Unholy ay akala namin tapos na ang lahat.
Biglang yumanig ang lupa na halos ikatumba namin dahil sa lakas nito. Pagkatapos ay nakita naming may tumatayo mula sa ilalim ng lupa.
Nandilat ang mga mata namin habang tinitingala ito. Isang kakaibang hitsura ng Unholy. May hawig ito sa nakalaban namin noon sa Chloris Train ngunit kulay pula ang buong katawan nito at green ang mga mata. May mga mahahabang sungay din ito.
Hinahabol namin ang mga hininga namin habang nakatingala lang sa halimaw.
“Sa tingin ko, kailangan nating matalo ang isang ‘yan para masira natin ang void ni Iorghu at makalabas na tayo rito,” sambit ni Jerome.