"Pero, Mr. Smith!" angal ni Jerome.
"My decision was final. Aikaterina will be your tandem from now on," sambit ni Mr. Smith.
Hindi na nakaangal pa si Jerome at tuluyan nang umalis si Mr. Smith.
Narinig ko ang pagsinghal ni Jerome sa inis sabay lakad papaalis pero pinigilan siya ni Xavier.
"Jerome, sandali. Saan ka pupunta?" tanong nito.
"Sa misyon. Nang mag-isa," sagot naman ni Jerome at pinagdiinan talaga niya 'yong 'mag-isa.'
"Alam mo ang rules, Jerome," seryosong sambit naman ni Gunner.
Natigilan naman siya nang marinig niya ang sinabi ni Gunner.
"Gusto mo ba ng two weeks suspension at samsamin ang divine artillery mo?" sambit pa ni Gunner.
Napakunot ang noo ko nang marinig ko 'yong divine artillery. Pero nawala 'yon agad sa isip ko nang nilingon kami ni Jerome nang may seryosong mukha at matatalim na titig tapos ay bumuntonghininga siya nang may halong inis.
"Sige. Basta huwag ka lang maging pabigat sa'kin, naiintindihan mo?" maawtoridad niyang sambit sa'kin.
Sa takot ko sa kanya ay napatango na lamang ako. Pagkatapos ay tuluyan nang naglakad paalis si Jerome. Sa taranta ko, naguluhan tuloy ako kaya't napatingin ako kina Gunner.
Pero sinenyasan nila ako na sundan ko si Jerome kaya dali-dali naman ako sa paglalakad.
---
Narito na kami ngayon sa isang mahawan na pathway na napalilibutan ng mga puno.
Halos ilang metro ang layo ko mula kay Jerome na nasa unahan ko lang. Kami lang dalawa ang naririto at katahimikan ang namamayani sa pagitan naming dalawa.
"Saan ba tayo pupunta?" usisa ko bilang pagbasag sa katahimikan.
Pero hindi niya 'ko inimik habang patuloy lang siya sa paglalakad. Hindi ko alam kung narinig ba niya 'ko o ayaw niya lang talaga akong kausapin.
"Hello? May kausap ba 'ko?" sarkastikong tanong ko.
"Gate of Earth," sambit niya bigla.
"Ano 'yon?" tanong ko naman.
"Lagusan 'yon mula rito sa Underworld papunta sa mundong pinanggalingan mo," sagot pa niya.
Habang naglalakad kami ay pasukal nang pasukal ang dinaraanan namin. May isang oras na rin siguro kaming naglalakad. Nakakaramdam na ako ng pagod. Gusto ko nang magpahinga kasi pakiramdam ko nananakit na ang mga binti ko.
"Malayo pa ba?" tanong ko kay Jerome. Pero as usual, wala akong nakuhang sagot.
Mayamaya'y huminto kami sa tapat ng isang higanteng puno. Sa taas at laki nito, parang abot na nito ang langit. Sobrang lago rin mga mga dahon nito na puwede nang maging bubong ng bahay. Maging ang mga ugat nito ay makakapal at malalaki rin.
"Wow! Parang tower of heaven sa taas!" mangahang sambit ko habang tinitingala ang pagkatayog na puno.
Pagkatapos, nakita kong hinawakan ni Jerome ang katawan ng puno. Umilaw ito ng kulay puti sabay bigla niyang hinablot ang braso ko.
---
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko nang maramdaman ko ang pagtama sa'kin ng liwanag.
"Nasaan na 'ko?" tanong ko sa sarili ko habang namumungay pa ang mga mata ko.
Teka, nasaan si Jerome?
"Tumayo ka na."
Isang pamilyar na boses ang narinig kong nagsalita.
At nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong nasa ibabaw pala ako ni Jerome!
"Ang bigat mo kaya't tumayo ka na diyan," reklamo pa niya.
Agad-agad naman akong tumayo at pinagpag ang sarili ko. Pinanlisikan ko siya ng mata nang tumingin ako sa kanya.
"Anong mabigat pinagsasabi mo?" inis kong sabi.
"Nagda-diet na nga ako eh..." bulong ko pa.
"Teka, saan ka pupunta?" tanong ko nang makita ko siyang naglakad papalayo.
Iiwanan niya 'ko?
Nilibot ko ang paningin ko at nakita kong pamilyar sa akin ang lugar. Napahinto ako at natigilan sa kinatatayuan ko.
Pakiramdam ko parang nabingi ako bigla dahil hindi ko alintana ang ingay ng paligid. Bumigat ang ulo ko, maging ang pakiramdam ko. Napahawak ako sa braso ko at lumalim ang paghinga ko.
Tama, narito na naman ako. Sa lugar na pinanggalingan ko. Biglang may mga alaalang nanumbalik sa akin noong nakatira pa ako rito— masasaya at malulungkot na alaala.
"Oh, looks who's here?"
Bigla akong natauhan at napatingin sa nagsalita.
"M-Maybel..."
Halos matulala ako nang makita ko siya. Kasama niya ang mga kaibigan niya. At nabigla ako sa nakita kong isa sa mga kasama niya.
"M-Mica?"
Tiningnan niya lang ako tapos ay umiwas din siya ng tingin.
"Kumusta naman ang mahal kong pinsan? Long time, no see ha? How you're doing?" sarkastikong sambit niya.
"Balita ko, may umampon daw sa'yong super rich guy? Totoo ba?" tanong niya na parang nag-aasar.
Hindi ko siya inimik at napayuko na lang ako.
Tumawa siya na parang nag-aasar, "Tell me. Sugar daddy mo ba siya, Aika? Oh my god!" sambit niya sabay tawa nilang magkakaibigan.
"Poor little girl," pang-aasar niya sabay tulak sa balikat ko. Napaatras lang ako nang kaunti at hindi ako natinag sa kinatatayuan ko.
"Dapat kasi, sumunod ka na lang sa parents mo. Para saan pa't nabubuhay ka? E nag-iisa ka na lang naman," sambit pa niya.
Parang may patalim na sumaksak sa puso ko nang marinig ko 'yon. Napatulala na lang ako habang ang mga paningin ko ay nasa kalsada. Pinagtatawanan ako nina Maybel at ng iba niyang kasama pero naging malabo ang mga 'yon sa pandinig ko.
Ramdam kong nag-iinit na ang mga mata ko at bumibigat na rin ang paghinga ko. Napahigpit ako ng hawak sa aking palda. Pinipigilan kong umiyak pero mayamaya lang ay bigla na ring kumawala ang mga ito.
"Aww...look guys, umiiyak siya oh. Want some candy?" pang-aasar pa niya sabay tawa nang malakas.
Patuloy lang sa pag-agos ang mga luha ko at pinapahid ko lang ang mga ito gamit ang braso ko, habang naririnig ko lang sila na tinatawanan at kinukutya ako. Gusto ko nang umalis dito at sundan si Jerome pero parang nanigas na ang mga binti ko rito.
Bigla ko na mang naramdaman na may humawak sa braso ko. Tagos sa manggas ng uniform ko ang lamig ng kanyang kamay na parang yelo kaya't alam ko na kung sino 'yon.
"Jerome..." sambit ko nang tingalain ko siya habang hilam pa sa luha ang mga mata ko.
"Ano pang ginagawa mo? Halika na," sambit niya.
Hahakbang na sana kami paalis nang bigla kaming sigawan ni Maybel.
"Hey you!" sigaw niya kay Jerome kaya naman napahinto ito at humarap sa kanya.
"Who do you think you are? Why are you taking her away?" inis na tanong nito.
Napansin kong naging madilim ang ekspresyon ng mukha ni Jerome. Kung nakamamatay lang ang titig, baka pinaglamayan na si Maybel.
Napansin ko naman na natigilan si Maybel at ang mga kasama niya. Nakatingin lang din sila kay Jerome pero bakas sa mga mukha nila ang labis na takot. Daig pa nila ang nakakita ng isang nakakatakot na halimaw o demonyo.
Parang nanigas na sila sa kinatatayuan nila at si Jerome naman ay nagpatuloy na sa paglalakad habang hawak pa rin ako sa braso. At habang naglalakad kami ay nakatingin lang ako sa kanya na nakatalikod sa'kin dahil nauuna siyang maglakad.
Mayamaya'y huminto kami at binitiwan na niya 'ko. Napansin ko naman na malayo na kami mula kina Maybel.
"Huwag mo na silang isipin at mag-focus ka sa mission natin," seryoso niyang sambit habang nakatalikod sa'kin.
"Ah oo," sagot ko.
Pagkatapos ay nagpatuloy na ulit sa paglalakad si Jerome at siya namang sunod ko. Tahimik lang kami buong oras hanggang magsalita ako.
"Jerome."
Tinawag ko siya pero hindi niya ako inimik. Pero kahit gano'n ay pinagpatuloy ko pa rin ang pagsasalita.
"Bakit ang lamig ng katawan mo? Parang yelo. Tapos noong kinuhaan kita ng pulso, wala akong naramdaman. Gano'n ba talaga ang mga vampire?" usisa ko.
Isang nakabibinging katahimikan ang namagitan sa'min habang naglalakad. Nakaramdam tuloy ako ng pagkailang. Pakiramdam ko masyado akong naging usisera sa lagay na 'yon.
"P-Pasensya na sa naging tanong ko. Ayos lang kahit hindi mo sagutin—"
"Dahil wala akong puso."
Nabigla ako sa naging sagot niya. Tumango na lang ako at hindi na ako nagsalita pa.
---
Naglakad-lakad lang ako hanggang sa makarating ako sa isang park. Walang gaanong tao rito at napagpasyahan kong umupo sa swing.
Wala naman akong idea kung nasaan ang Jerome na 'yon. Iniiwan na lang niya 'ko basta dahil ayaw niyang maging pabigat ako sa kanya.
Sabi niya sa'kin, dito raw muna ako at hintayin na lang siya habang hinahabol niya 'yong isang taong nakita niyang may sanib ng Unholy. Kailangan daw niyang mapigilan 'yong taong 'yon na maging isang Unholy Creature bago mahuli ang lahat.
Bumuntonghininga ako habang marahang inuugoy ang sarili ko rito sa swing.
Mayamaya'y nagulantang ako nang may marinig akong sumigaw. Sa lakas ng sigaw na 'yon ay halos umalingawngaw 'yon sa buong paligid. At base rin sa pagkakarinig ko ay mukhang babae 'yong sumigaw.
Napalunok ako at dahan-dahang tumayo. Nanginig lalo ang mga binti ko nang marinig kong sumisigaw ng tulong 'yong babaeng sumigaw. Umakyat ang kaba sa dibdib ko kaya pakiramdam ko ayaw kong puntahan 'yong sumisigaw.
Pero naalala kong isa akong Hunter Student kaya kailangan kong harapin iyon kahit anong mangyari.
Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang makarating ako sa mapunong parte ng park. Ilang lakad pa ay may nakita ako sa 'di kalayuan.
Halos lumuwa ang mga mata ko nang nakita kong sinasakal ng isang lalaki 'yong babae! 'Yong lalaki naman ay unti-unti nang nagbabago ang hitsura sa pagiging halimaw. Halata mong may sanib na siya ng Unholy Spirit. Napatakip ako ng bibig at pilit na nagtatago rito sa mga damuhan.
Biglang nataranta ang isip ko. Hindi ko alam ang gagawin. Dahan-dahan muna akong naupo sa lupa at nagtago sa mga halaman para mag-isip ng gagawin.
Ilang sandali pa ay sinilip ko ulit sila pero napatakip ako ng bibig nang makita kong nakabulagta na sa lupa 'yong babae. Mukhang patay na siya!
Nanginig ang buong katawan ko, abot hanggang kalamnan. Dinig na dinig ko rin ang t***k ng puso ko na ani mo'y may humahabol dito.
At nang makita ko ang hitsura ng bangkay ng babae na nakanganga at dilat na dilat ang mga mata niyang kulay puti na ay biglang nanumbalik ang mga alaala sa isip ko nang mamatay ang mga magulang ko.
Nanunumbalik sila sa isip ko na parang isang masamang panaginip. Napayuko ako sa mga tuhod ko habang sinasabunutan ang sarili ko.
Dito na ako nagsimulang huminga nang mabigat at sumabog ang mga luha sa aking mga mata. Napahawak ako sa dibdib ko dahil naninikip ito at nahihirapan na akong huminga kaiiyak.
Nang maramdaman kong parang may nakatayo sa harap ko ay natigilan ako dahan-dahan akong tumingala.
Nanlaki ang mga mata ko at nangilabot nang makita kong 'yong lalaking naging Unholy Creature ito at nakangisi siya sa'kin nang malapad.
Sa takot ko ay taranta akong tumayo kaagad at tumakbo papalayo. Tapos nang lingunin ko siya ay nagulat ako nang makita kong hinahabol niya ako!
Sa isang iglap ay bumuga siya ng kulay itim na bolang apoy papunta sa'kin! Mabuti't nakailag pa ako habang patuloy pa rin sa pagtakbo.
Nakakaramdam na ako ng pagod at pakiramdam ko sumasakit na ang mga binti ko katatakbo. Pero hindi ako puwedeng huminto dahil paghuminto ako, siguradong katapusan ko na.
"Jerome, nasaan ka na ba?" bulong ko sa sarili ko.
Patuloy lang akong inaatake ng unholy creature habang tumatakbo ako hanggang sa makarating kami sa open field ng park.
Napahinto ako nang may nakita akong mga bata na papunta rito. Pinagsalin-salin ko ang tingin ko sa mga batang paparating at sa unholy na papalapit sa'kin.
Natataranta na ako. Kailangan kong gumawa ng paraan para hindi makapunta ang mga bata rito. Void lang ang tanging paraan para hindi sila makapunta rito.
Bigla ko namang naalala ang mga sinabi sa'kin ni Mr. Smith. Kailangan kong tuklasin ang kapangyarihang meron ako.
At kailangan ko na 'yong simulan ngayon!
Itinaas ko sa ere ang isang kamay ko habang nakapikit. Susubukan ko. Sana magawa ko!
"Void!" sigaw ko.
Ilang sandali ay dinilat ko na ang mga mata ko. At nagulat ako sa nakita ko.
"Nakagawa ako ng void?!" pagkamangha ko tapos tiningnan ko ang mga kamay ko.
Pagkatapos ay bigla na lang akong aatakihin ng Unholy Creature gamit ang malalaki niyang kamay na may matutulis na mga kuko!
Ngunit bago pa iyon makadampi sa akin ay naputol bigla ang braso niya dahilan ng pag-angil nito na dinig sa buong paligid.
Nakita ko na lamang si Jerome na nakatayo sa harapan ko, taglay ang kanyang Corinnaya's Scythe. Nilingon niya 'ko nang may seryosong mukha.
"Jerome..."
Nilingon niya ako sandali at napansin kong pinasadahan niya ako ng tingin mula paa hanggang ulo. Para bang sinusuri niya kung may galos ba ako sa katawan.
Napatingin ako sa harap namin, "Sa harap mo!" sigaw ko nang makita kong may mga itim na bola ng apoy ang rumaragasa papunta sa'min.
Agad niyang nilingon ang kalaban at itinapat ang kanyang sandata rito. Pinaikot-ikot niya ng mabilis ang kanyang sandata na mistulang nagmukhang elisi kaya't ang mga itim na bolang apoy ay nagsitalsikan pabalik sa kalaban na naging dahilan ng malakas na pagsabog.
Pagkatapos ay nilingon akong muli ni Jerome.
"Ikaw ba ang may gawa ng void na 'to?" usisa niya.
"O-oo. Ako nga," sagot ko.
Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo at katanungan sa kanyang mga mata.
Nang nawala na ang makapal na usok na bumalot sa paligid dulot ng pagsabog, nakita namin ang lalaki na isang bangkay na at lapnos ang buong katawan.
At mayamaya lang ay naglaho na rin ang void na ginawa ko.
Nakita ko naman si Jerome na may dinukot mula sa bulsa niya. Tapos ay nilahad niya sa'kin ang nakaikom niyang palad.
"Ano 'yan?" pagtataka ko.
"Basta," sagot naman niya.
Kahit nagtataka ay nilahad ko na lang ang palad ko. Pagkabigay niya sa'kin ay agad ko itong tiningnan.
"Hikaw?" pagtataka ko.
Tapos ay tiningnan ko ang kaliwang tenga niya at nakita kong kapareho ito nito. 'Yong gawa sa silver at hugis crescent moon.
"Isuot mo," utos niya. Kahit nagtataka pa rin ay ginawa ko na lang.
Pagkatapos ay naglakad siya ng mga ilang metro papalayo sa'kin.
"Hello. Naririnig mo ba 'ko?"
Nagulat ako nang marinig ko bigla ang boses niya.
"O-oo. Naririnig kita," sagot ko.
"Kabiyak 'yan ng hikaw ko. At 'yan ang magsisilbi nating komunikasyon tuwing may misyon tayo. Palagi mo 'yang isuot para kahit nagkahiwalay tayo, tawagin mo lang ako gamit 'yan at pupunta ako agad kung nasaan ka," sambit niya.
Natahimik na lang ako. Alam kong wala siyang puso pero kung tutuusin, 'yong mga ginagawa niya ay hindi gawain ng isang nilalang na walang puso.