“Okay, so may dalawa tayong duet songs na nilagay sa set,” sambit ni Klein.
Nandito kami ngayon sa auditorium para sa practice proper para sa magiging performance namin sa huling araw ng festival. Tuwing gabi naman talaga ginaganap ang mga program sa may coliseum. Minsan nanood kami pero hindi naman tinatapos ang buong program.
“’Yong isang kanta, si Jerome ang ka-duet ni Aika. Sa isa naman ay si Ryker dahil nag-volunteer siya,” paliwanag pa ni Klein.
“Gusto kasing magpasikat no’ng isa diyan kaya nag-volunteer,” sabad naman ni Xavier sabay sinamaan siya ng tingin ni Ryker.
“Bale, may apat na araw pa tayo para mag-practice. Kaya galingan natin,” ani Klein.
“Kayang-kaya na natin ‘to. Matagal na natin ‘tong ginagawa simula nang maging magkakaklase tayo,” sambit naman ni Ryker sabay tawa.
“Oo nga. Pero kailangan mapanatili natin ang magandang performance gayong may bago tayong member,” sagot ni Klein.
“Sino ang madalas niyong vocalist noon?” usisa ko.
“Minsan si Jerome, minsan si Ryker. Sila lang madalas magpalitan,” sagot ni Xavier.
“Sila kasi ‘yong may maganda-gandang boses sa’min,” natatawang sabi naman ni Gunner.
“Kaya nga nakakahakot ako ng girls after ng festival,” sabad naman ni Ryker sabay tawa.
“Oo at diyan ka magaling,” sabay na sambit nina Xavier at Gunner.
“Oh, puwesto na tayo at simulan na natin,” sambit naman ni Klein.
Pumuwesto na ako sa harap ng mic na nasa mic stand. Habang si Jerome naman ang lead guitarist, rhythm guitarist naman si Ryker kaya’t silang dalawa ang kasama ko rito sa unahan.
Bassist naman ni Gunner, sa drums naman si Xavier, at nasa keyboard naman si Klein.
Nagsimula na nilang tugtugin ang intro ng unang kanta na kakantahin namin. 'Yong I'm With You ni Avril Lavigne.
At mayamaya lang ay sumunod na rin ako.
Hanggang sa natapos ‘yong buong kanta. Pagkatapos ay nagsalita si Klein.
“Sunod na natin ‘yong duet niyo ni Jerome.”
Pagkatapos ay tumugtog sila ulit para naman sa intro ng next song. Mayamaya lang ay kumanta na si Jerome. Ang kantang iyon ay 'yong Two is Better than One ng Boys Like Girls ft. Taylor Swift.
Napataas naman ang kilay ko matapos kong marinig ang boses niya. Relaxed, light-baritone, na may pagka-raspy. Ang ganda pakinggan. Literal na musika sa pandinig ang boses niya.
Nang turn ko na ay muntik ko nang makalimutan dahil nag-enjoy akong pakinggan si Jerome.
Pagkatapos ay sabay na kami sa part ng bridge hanggang chorus.
Natahimik naman ang lahat pagkatapos ng kanta. Mayamaya naman ay nagpalakpakan ang mga kasama ko.
“Ang galing!” sabay-sabay nilang sabi habang pumapalakpak.
Ningitian ko naman sila sabay nagpasalamat.
“Aba, ang gagaling ng mga estudyante ko ah.”
“Mr. Smith!”
Bigla na lang siyang lumitaw sa harap namin sa bandang ibaba ng stage.
“Syempre naman, Mr. Smith. Magaling talaga kami kaya kahit hindi na kami mag-practice,” pagmamalaki ni Ryker.
“Sus, sinasabi mo lang ‘yan para hindi na tayo mag-practice at makapambabae ka ro’n sa festival,” pang-aasar naman ni Xavier.
Napatingin naman kaming lahat kay Mr. Smith nang marinig namin siyang tumawa.
“Oh siya, tutuloy na ako. At may mga kaluluwa pa akong susunduin. Mag-practice lang kayo diyan,” bilin ni Mr. Smith.
“Saan po kayo susundo? Sa Earth o dito lang po sa Underworld?” usisa ni Klein.
“Sa Earth syempre. Doon ako naka-assign,” sagot ni Mr. Smith.
“Sige po, Mr. Smith. Ingat po kayo,” sambit namin.
Aalis na sana si Mr. Smith nang bigla siyang huminto at tumingin sa’min.
“Gusto niyo ba akong samahan?”
Nabigla kaming lahat sa alok ni Mr. Smith sa amin. Pagkatapos ay nagkatinginan kami sa isa’t isa.
“Sigurado po kayong puwede?” tanong ni Ryker.
Tumango si Mr. Smith, “Oo. Pero ngayon lang. Ipapakita ko lang sa inyo kung anong trabaho ng isang grim reaper. Ayos ba?”
Nagkatinginan kami sa isa’t isa habang may mga ngiti sa aming labi.
---
Nandito na kami ngayon sa isang syudad sa lupa. Ang tagal na rin mula nang huli akong umakyat dito. Noon pa yatang birthday ko para dalawin ang puntod ng parents ko.
Nasa bandang sidewalk kami sa may bench. Nakaupo si Mr. Smith sa gitna tapos ay nakaupo ako sa tabi niya at sa kabila naman niya ay si Ryker. Samantalang ‘yong apat ay nakatayo lang sa paligid ng bench.
Pinagmamasdan namin mula rito ang galaw ng mga tao na naglalakad sa harap namin.
“Sino pong susunduin niyo rito, Mr. Smith?” usisa ni Ryker.
“Oras na ng kamatayan ng isang tao. Hihintayin ko lang ang kanyang kamatayan dito para masundo ko na siya,” sagot nito.
Dito sa lupa, normal ang hitsura ng mga kasama ko—mukha talaga silang mga normal na tao dahil ‘yong mga kulay ng mga buhok at mga mata nila ay naging black o brown. Maging mga tenga nila ay naglaho rin at naging normal.
“Akala ko noon, mga grim reaper ang nagtatakda ng kamatayan ng mga tao,” sambit ko.
Natawa si Mr. Smith, “Kathang-isip lang ‘yan ng mga tao. Ang totoo niyan, wala kaming kinalaman sa kanilang pagkamatay. Kapag oras na nila, ‘yon na ‘yon. Tagasundo lang kami para hindi na maligaw pa ang mga kaluluwa nila at maging mapaminsala pa.”
“Teka, paano po ba nagsimula ang pagkakaroon ng kathang-isip ng mga tao tungkol sa mga night creatures?” usisa ko.
“Iyon ba? Mga centuries ago, may mga taong nakakita na sa’min nang hindi sinasadya na pagala-gala rito sa Earth. Pagkatapos ay nagsalin-salin na ang mga ideyang ‘yon sa paglipas ng panahon,” paliwanag ni Mr. Smith.
“Sa mga vampire nga na gaya ko, sabi nila takot daw kami sa liwanag at sa cross, pati na rin sa silver na tulos. Kahit hindi naman,” sabad bigla ni Jerome.
Natawa naman kaming lahat dahil do’n.
“Sa mga gaya ko ngang werewolf, kalahating lobo at kalahating tao raw kami. ‘Yong ulo ay lobo tapos katawan ay tao? Hindi naman, eh. Mukha rin kaming tao na may features lang ng lobo gaya ng balahibo namin, buntot, at tenga, kuko at pangil,” sabad ni Xavier habang natatawa-tawa pa.
“’Yong sa’kin nga eh. Ang mga grim reaper ay kalansay na nakasuot ng cloak na kulay itim na palaging may dalang kalawit. Grabe sila sa’min. Por que ba tagakuha kami ng mga kaluluwa, dapat mukha na rin kaming patay?” natatawang sambit ni Mr. Smith.
“Pero kaluluwa naman talaga kami, espirito.”
Napataas ang kilay ko sa sinabing ‘yon ni Mr. Smith.
“Espirito?” tanong ko na tila hindi makapaniwala.
“Oo. Kaya nga ang tawag sa’min ay spirit guardians. Kaming mga grim reaper ay mga kaluluwa na lang na nagkakatawang-lupa kung kailan namin gusto,” sagot niya.
“Dahilan na kahit 970 years na akong namamalagi sa mundo ay mukha pa rin akong nasa mid-30’s ang edad. At dahil isa akong spirit guardian na naka-assign sa Earth, nagpapalit ako ng identity kada 70 years. At Jonathan Smith ang bago kong pangalan ngayon na thirty years ko nang gamit,” dagdag pa niya.
Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig ko.
“Ganito, dito sa lupa, kaming mga night-crawlers ay immortal. Pero sa Underworld, gaya rin ng mga mortal dito sa mundo nila, tumamanda rin kami, nagkakasakit, at namamatay. Mas mabagal nga lang ang process of aging namin kaysa sa mga mortal. Kaya kahit nasa hundreds na ang edad namin, mukha pa rin kaming nasa 20’s ang edad,” paliwanag naman ni Klein.
Tumango-tango naman ako at namangha dahil sa nalaman ko.
“Pero ang mga god, goddess, at demigods ay iba—literal silang immortal. Dahil isa ka sa kanila, siguradong titigil na sa trenta ang pagtanda mo at habangbuhay nang gano’n ang hitsura mo. Napansin mo naman siguro si Lady Hestia, ‘di ba?” paliwanag pa ulit ni Klein.
Natigilan ako at napaisip sandali dahil sa narinig ko. Oo nga, napansin kong mukhang nasa trenta lang ang edad ni Lady Hestia. Pero dahil isa siyang diyosa, hindi siya tumatanda kahit pa siguradong nasa libo na ang edad niya.
Bumuntonghininga nang may ingay si Ryker, “Sana all immortal,” sabay tawa.
“Pero ayaw kong maging immortal.”
Napatingin silang lahat sa’kin matapos kong sabihin ‘yon.
“Sa tingin ko kasi, malungkot mabuhay nang ganoon katagal kung mag-isa ka lang sa buhay. Dagdag pa na nasasaksihan mo ang pagkawala ng mga tao sa paligid mo dahil tumatanda sila at namamatay. Kaya palagi kang maiiwan mag-isa,” paliwanag ko.
“You’re right. Naiintindihan ko dahil kaming mga spirit guardians ay immortal din. Nasanay na lang kami na huwag haluan ng emosyon ang aming trabaho, kaya mahigpit na pinagbabawal sa’min na mapalapit sa mga mortal at makialam sa kanilang buhay,” ani Mr. Smith.
At nagtaka naman ako nang bigla siyang sumilay kay Gunner. Napagtanto ko naman na parang kanina pa tahimik si Gunner mula nang mapunta kami rito.
“Teka, Mr. Smith. Sa pagkakatanda ko, CEO po kayo ng isang kumpanya rito. Sa inyo po ba talaga ‘yon?” usisa ko.
Naalala ko kasi bigla na magkakilala sila ni Dad. Pinakilala niya sa’min ni Mom si Mr. Smith isang beses sa isang corporate Christmas Party.
“Ah, oo. Sa’kin ang kumpanya na ‘yon. Company ‘yon ng hardware at construction materials. Pero front lang namin ‘yon dahil ang totoo, branch ‘yon ng Underworld Agency dito sa Earth. At ang mga empleyado ko ro’n ay night crawlers din na nagkatawang-tao lang.”
Napanganga ako matapos ng sinabing ‘yon ni Mr. Smith. Ibig sabihin pala, ‘yong mga empleyado niya ro’n sa opisina niya noong araw na ‘yon na mga nakasama at binati namin ay night crawlers.
“Sa pagkakaalam ko, doon sa company mo rin nanggagaling ang blood bank na binibigay mo kay Jerome, tama po ba?” usisa bigla ni Ryker.
“Oo. May ka-partner akong isang funeral parlor at isang hospital kung saan ko kinukuha ang mga ‘yon na night crawlers din ang nagma-manage. Syempre ‘yong mga fresh at healthy na dugo lang ang kinukuha ko para kay Jerome,” sagot ni Mr. Smith sabay tawa.
Nandilat ang mga mata ko mula sa narinig ko. Pagkatapos ay dahan-dahan kong nilingon si Jerome na nakatayo lang sa tabi ko.
“Nasa kuwarto ko ‘yong blood bank. Gusto mo bang makita?” alok sa’kin ni Jerome na parang nag-aasar.
“Ah hindi. Salamat na lang,” pagtanggi ko.
Mayamaya lang ay nagulat kami nang biglang nagkagulo sa bandang kalsada. Napansin namin na nagkukumpulan ang mga tao ro’n na para bang may naaksidente.
“Naku, nabangga ‘yong babae!”
Iyon ang narinig naming sinasabi no’ng mga tao.
“Mukhang may nasagasaan do’n,” sambit ni Ryker.
Napansin naman namin na tumayo si Mr. Smith.
“Teka, huwag niyong sabihing ‘yon ang hinihintay niyo?” tanong ko.
Tinaas lang ni Mr. Smith ang mga kilay niya biglang tugon.
“Diyan lang kayo,” bilin niya sa’min pagkatapos ay naglakad na siya papunta ro’n sa pinangyarihan ng aksidente.
Nandito lang kami sa bench habang pinapanood si Mr. Smith. Mukhang nagkatawang-espirito na naman siya dahil tumatagos lang siya mula sa mga tao ro’n.
Mayamaya lang din ay may dumating nang mga pulis at ambulansya. Pinapaiwas nila ang mga tao mula sa accident site.
Ilang sandali naman ay nakita na rin namin si Mr. Smith na naglalakad papunta rito at may kasama siyang isang babae.
Medyo malaman ang pangangatawan nito, mukhang kasingtangkad ko lang, maikli na hanggang balikat ang tuwid nitong buhok, singkit ang mga mata, at kayumanggi ang balat.
“Faye Aragon, 28 years old, at isinilang ka rin sa lugar na ‘to. Ako si Jonathan at ako ang grim reaper na naka-assign para sunduin ka at itawid sa kabilang buhay,” paliwanag ni Mr. Smith sa babae nang makarating sila rito.
“Oras ko na ba talaga?” tanong no’ng babae na tila hindi makapaniwala.
“Sa kasamaang palad, oo. Siya nga pala, ito ang mga estudyante ko at sasama sila sa’tin na ihatid ka sa kabilang buhay,” sagot ni Mr. Smith sabay turo sa’min.
Mayamaya ay may kinuha si Mr. Smith mula sa loob ng coat niya. Isa pala ‘yong maliit na notebook na kulay itim. Pagkatapos ay binuklat niya ito.
“Ayon dito, isa kang chismosa na mahilig makialam sa buhay ng ibang tao. Mapanghusga ka rin sa kapwa mo, at higit sa lahat, manipulative narcissist ka sa boyfriend mo ngayon,” sambit ni Mr. Smith na tila may binabasa sa notebook.
Pinalagutok ni Mr. Smith ang dila niya, “Mukhang delikado ka, Ms. Aragon dahil marami-rami kang nasaktan dahil sa mga ginawa mo. Pero hindi naman ako ang magdedesisyon kung saan ka mapupunta. Tara na.”
Pagkatapos ay naunang maglakad sina Mr. Smith at ‘yong Faye at kasunod lang nila kami.
“Naku, mukhang nanganganib na mapunta si ate kay Tartarus,” pasimpleng bulong sa’min ni Ryker.
“’Yong three judges of Underworld pa rin ang magdedesisyon niyan,” sambit naman ni Jerome.
Nang mapalingon naman ako sa likod namin ay napansin ko si Gunner na kanina pa nananahimik at mukhang may problemang iniinda.
“Gunner?” tawag ko sa kanya.
Nilingon naman niya ako, “Ha?”
“Okay ka lang ba?” tanong ko. Pagkatapos ay napatingin na rin sa kanya ang iba naming kaklase.
“Ah, oo,” sagot niya sabay iwas ng tingin.
Hindi kami kumbinsido sa naging sagot ni Gunner pero ayaw namin siyang pilitin na magsalita.
Mayamaya lang ay nagulat ako nang biglang ma-ground ang kamay ko matapos itong mapadikit sa kamay ng lalaking nakasalubong ko.
Kaya naman huminto ako at nilingon siya. At nakita kong gano’n din siya. Nandidilat ang mga mata niya habang nakatingin sa’kin habang hawak-hawak ang isa niyang kamay.
Mukhang lampas six feet ang height niya at matipuno ang pangangatawan. Naka-undercut ang bagsak niyang buhok na kulay light brown at meron din siyang balbas. Bilugan ang kanyang mga mata at matangos ang kanyang ilong. Mukhang mas matanda lang siya nang kaunti kay Mr. Smith.
Pagkatapos ay naglakad siya papalapit sa’kin.
“Sino ka?” tanong niya.