"At ayon nga, kahit hindi pa tiyak ang tunay na dahilan kung bakit nag-e-exist ang mga Unholy, ang alam lang ng lahat ay may kinalaman sina Hera at Persephone sa mga pangyayaring 'to."
Nagpatuloy ang discussion namin ni Gunner pagkatapos ng Unholy Attack no'ng nakaraang araw.
"Ang tinatawag namang spiritual balance ng mundo ay ang spirit of existence ng bawat nilalang na nabubuhay sa mundo. Iyon ang kailangan nating mapanatili kaya kailangan naming puksain ang mga Unholy. Ginugulo ng mga Unholy ang balance na 'yon dahil nga lumalakas sila sa pamamagitan ng pagkain ng mga kaluluwa."
"Bakit kailangan i-maintain ang spiritual balance ng mundo?" tanong ko.
"Kapag nasira ang spiritual balance, maaari 'yong mauwi sa pagkagunaw ng mundo."
Nandilat ang mga mata ko sabay nganga.
"Talaga?"
Tumango si Gunner, "Oo. Gano'n 'yon kaimportante. Halimbawa, nasira ang spiritual balance ng Earth, mauuwi ito sa pagkagunaw at syempre damay tayo rito sa Underworld, and vice versa. Kaya kami nakikipaglaban sa mga Unholy."
"Question. Bakit kayo lang ang nakakakita sa mga Unholy spirit at hindi mga mortal sa Earth?"
"Simple. Dahil kauri namin sila. Mga night-crawler. 'Yon nga lang, destructive na uri sila."
"Paano nila pinipili ang mga sinasaniban nila? Or random person lang sila nasanib? Kung sino man makita nila, 'yon na?" tanong ko ulit.
"Well, based on studies, ang mga tao na sinasaniban ng Unholy spirits ay 'yong mga puno ng negative emotions. Fear, anger, sadness, emptiness, disappointment, exhaustion, hopelessness, o nilalamon na siya ng maraming problema, at kung ano-ano pang negativity. Lahat naman tayo ay nakakaramdam ng negative emotions, pero kapag lamang ang negative energy sa isang tao, mas attractive para sa mga Unholy."
Napaisip tuloy ako. Ibig sabihin, si Kevin, Ms. Vasquez, si Sarrah, at si Daddy. No'ng mga panahong 'yon, mas lamang sa kanila ang negative energy.
"Si Daddy..." sambit ko sabay yuko tapos ay napahigpit ang hawak ko sa palda ko.
"Ibig sabihin, kaya siya sinaniban ng Unholy no'ng araw na 'yon kasi...puro negative emotions siya that day? Pero bakit? Wala akong idea kung may problema ba si Daddy o kung may dinaramdam ba siya. Wala naman kasi siyang binabanggit sa'min ni Mommy."
"Aika, may mga klase ng tao na hindi talaga mahilig magsabi ng problema. Dahil ayaw nilang mag-alala ang iba sa kanila o maging pabigat," sambit ni Gunner.
"At sa tingin ko, gano'n ang Daddy mo," dagdag pa niya.
Nagsimula na akong humibi at may bumagsak nang luha mula sa mga mata ko.
Tumayo si Gunner mula sa kinauupuan niya at nilapitan niya ako. Pagkatapos ay tinapik niya ang balikat ko.
"Students!"
Nagulat kami ni Gunner sa biglang nagsalita. Napatahan tuloy ako sabay pahid sa mga luha ko gamit ang mga kamay ko.
"Oh, Mr. Smith."
"Hello, Gunner. Aika," bati nito sa'min pagkatapos ay umupo na lang siya sa isang bakanteng upuan.
"May kailangan po ba kayo?" tanong ni Gunner.
"Well, I'm here because I have some announcements to make. Nandyan ba 'yong iba niyong kaklase?" tanong nito.
"Wala po. Nasa Earth sila, nagawa ng mission," sagot ni Gunner.
"Pakitawag sila. Sabihin mo, may meeting tayo. Now," utos ni Mr. Smith.
Nagkatinginan muna kami ni Gunner bago sundin ang utos niya.
---
"Ano pong meron, Mr. Smith?" tanong ni Xavier.
"Oo nga po. Parang biglaan naman yata 'to para pauwiin niyo kami sa gitna ng mission," sambit naman ni Ryker.
Nandito na 'yong apat at nagtipon kami rito sa study area ng Section X. At mula nang dumating ang apat na 'yan, kanina ko pa napapansin na nakatingin nang seryoso sa'kin si Jerome.
Naiilang na ako. Magkaiba kami ng upuan, pero pinipilit ko ang sarili ko na huwag pansinin ang mga tingin niya.
Pero sa tuwing nagtatama ang mata namin, napapansin kong may curiosity na makikita sa mga mata niya kahit pa usual na walang emosyon at seryoso ang mukha niya.
Ano kayang meron?
"Nandito ako para sabihin sa inyo na, hindi na kayo directly padadalhan ng mission request ng Council," sambit ni Mr. Smith na kinabigla ng lima.
"Ano? Pero bakit po?" tanong nila.
"Pagkatapos ng Unholy Attack no'ng nakaraang araw, nag-meeting ang University Council na itigil ang direct sending of mission requests sa Section X bilang kayo ang napili para maging patrol squad ng university," sagot ni Mr. Smith.
Nabigla sila sa sinabing 'yon ni Mr. Smith, "Patrol squad?" tanong nilang lahat.
"Oo. Nangyari ang Unholy Attack na 'yon as a sign na humihina na talaga ang barrier na nilagay ni Persephone. Kaya kailangan natin maging alert at ready. Besides, nasa inyo ang Artillery of Gods kaya kayo rin ang napili."
"Pero," sambit muli ni Mr. Smith.
"Puwede pa rin kayong makatanggap ng mission requests. Pero, sa akin na manggagaling. Kumbaga, sa akin idadaan ng council, bago ko ipasa sa inyo. Understand?" patuloy niya.
"Okay. So, kailan effective ang rule na 'yan, Mr. Smith?" tanong ni Klein.
"Starting tomorrow. Kaya, ngayon ang last day na tataas kayo sa Earth nang walang permission mula sa'kin," sagot ni Mr. Smith.
"Is that clear, class?" tanong ni Mr. Smith.
"Yes, sir," sagot nilang lahat.
Kinulbit ko naman si Gunner na katabi ko lang.
"Ano 'yon?" tanong niya sa'kin.
"Ano 'yong Artillery of Gods?" tanong ko.
"Ah, 'yon 'yong mga weapon na gamit namin," sagot niya.
"Ahh," tugon ko sabay tumango-tango.
"Speaking of artillery, Aika." Nagulat ako nang sabihin 'yon ni Mr. Smith.
"Y-yes, Mr. Smith," tugon ko.
"This is the day na pipili ka ng weapon sa Room of Weaponry," sambit niya.
Nabigla ako sa sinabing 'yon ni Mr. Smith. Excited ako na kinakabahan.
"Wow. Ano kayang artillery ang pipili sa'yo?" sambit ni Xavier.
Napakunot ang noo ko. Tama ba 'yong narinig ko kay Xavier? Pipili sa'kin?
"Follow me," utos ni Mr. Smith tapos ay tumayo na siya at naglakad paalis.
"Good luck, Aika!" sambit ng iba kong kaklase sabay kaway. Ningitian ko sila bago ako sumunod kay Mr. Smith.
Makalipas ang ilang minuto ay nasa pathway na kami papuntang main campus. Ilang metro ang layo sa'kin ni Mr. Smith na nauuna sa'kin.
Nabigla naman ako nang may biglang humila sa braso ko.
"Jerome!"
Nakakagulat talaga 'yong mala-yelo sa lamig niyang kamay. Hawak-hawak niya 'yong braso kong nakabenda dahil nasugatan ito no'ng Unholy Attack.
Kinakabahan ako sa seryosong titig sa'kin ng kulay pula niyang mga mata. Nakakunot ang noo niya habang tinititigan ako sa mata.
Pagkatapos ay binaling niya ang tingin niya sa braso kong nakabenda. Nagulat ako nang ilapit niya ito sa mukha niya.
"A-anong ginagawa mo?" tanong ko.
"Cherry blossom."
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya, "Ha?"
Nilapit pa niyang mabuti ang braso ko sa ilong niya. Kaya naman lalong bumilis ang t***k ng puso ko dahil ramdam ko 'yong hininga niya at 'yong labi niya sa braso ko.
Pagkatapos ay tumingin na naman siya sa'kin. Nasindak ako nang kaunti sa mga titig niya. Hindi ko kasi mawari kung ano bang iniisip niya. Nakakunot ang noo niya, at walang emosyon ang mukha niya. Pero mababasa mo ang curiosity sa mga mata niya.
"Aika, let's go—" Naputol ang sinabi ni Mr. Smith nang mapansin niya si Jerome.
"Jerome? What are you doing?" tanong nito.
Napatingin si Jerome kay Mr. Smith. Pagkatapos ay binalik niya ang tingin niya sa'kin. Mayamaya'y binitiwan niya bigla ang braso ko at umalis.
"Anong meron?" usisa ni Mr. Smith.
Nagkibit-balikat ako, "Hindi ko po alam. Pero parang inaamoy niya 'yong sugat ko."
Napataas ang kilay ni Mr. Smith, "Really? Hmm. Anyway, let's proceed."
Tapos ay pinagpatuloy na namin ni Mr. Smith ang paglalakad papuntang Room of Weaponry.
---
Makalipas ang ilang minuto ay may narating kaming malaking pinto na gawa sa kahoy. Tapos ay may mga samu't-saring lock ito. May dalawang malaki na nakaharang sa mismong pinto at 'yong iba naman ay mga lock sa gilid. Isa itong silid sa pagitan ng auditorium at east wing library.
May dinukot si Mr. Smith sa loob ng coat na suot niya at nakita kong ID 'yon. Tapos at ni-swipe niya 'yon sa gilid ng pinto.
Mayamaya'y nagliwanag ng kulay puti kung saan niya ni-swipe 'yong ID niya. Namangha naman ako nang kusang magkalasan ang mga lock sa pinto. Kusang gumalaw ang mga ito para ma-unlock ang pinto.
Nang natanggal na lahat ng lock ay kusang bumukas ang pinto. Nakatulala lang ako rito habang manghang-mangha sa nakita ko.
"Pumasok na tayo," aya ni Mr. Smith.
Pagpasok namin ay kusa namang nagsara ang pinto.
Lalo naman akong namangha nang makita ko ang napakalawak na silid. May mataas din itong kisame at may nakabitin na chandelier.
Tapos ay mga pader nito at tila mga shelf ng iba't ibang klase ng armas.
"Wow..." mangha kong sambit habang nililibot ang paningin ko sa paligid.
Makikita mo sa mga shelf ang mga armas na nakalagay– guns, axes, bow and arrow, swords, scythes, pati na rin 'yong mga armas na gaya ng mga ginamit ng sinaunang Vikings.
"Ang tawag sa mga 'to ay Divine Artilleries. Heto ang mga weapon na ginagamit ng lahat ng nandito sa Underworld University.
"Lahat ng weapon na 'to ay may blessing mula kay Hephaestus, ang diyos ng sandata. Kung ang weapon ay walang basbas mula sa kanya, hindi ito magagamit upang mamuksa ng mga Unholy."
Tumango-tango ako, "Okay."
Sa paglibot ko sa buong silid ay nakuha ng isang malaking chart ang atensyon ko. Mukhang luma na ito dahil sa mga lukot at punit sa gilid.
"Artillery of Gods?" sambit ko.
"Hindi talaga tayo ang napili ng weapon natin. Weapon ang pipili sa'yo."
Napataas ang kilay ko sabay tingin kay Mr. Smith.
"Iyon pala ang ibig sabihin ni Xavier kanina."
"Paano niyo po masasabi kung kayo ang napili no'ng weapon?" tanong ko.
"'Yong weapon mismo ang kusang lalapit sa'yo."
Napanganga naman ako sa sinabing 'yon ni Mr. Smith.
"Eto naman pong Artillery of Gods. Nabanggit po sa'kin ni Gunner kanina na ito 'yong ginagamit nila. Ano po ba ang mga 'to?"
"Ang Artillery of Gods ang pinakaespesyal at natatangi sa lahat ng divine artillery na nandito. Dahil nagmula sila mismo sa mga diyos."
"Grannus Golden Guns na gamit ni Gunner. Ito ay artillery na nagmula sa diyos ng apoy na si Grannus."
"Nerthus Warhammer naman na gamit ni Xavier ay artillery na nagmula sa diyos ng lupa na si Nerthus."
"Aelous Bow and Arrow na gamit ni Ryker ay nagmula kay Aelous na diyos ng hangin."
"Njord Scepter naman na gamit ni Klein ay nagmula sa diyos ng tubig na si Njord."
"At ang artillery naman ni Jerome na Corinnaya Scythe ay nagmula kay Corinnaya na diyos ng buwan."
"Sila ay mga diyos na nagmula sa iba't ibang tribo at lahi na naging malapit na kakampi noon ng diyos na si Hades, lalo na noong Dark Age ng Underworld."
Pagkatapos ng paliwanag na 'yon ni Mr. Smith ay nagsalita ako.
"Ibig sabihin, sila ang napili ng Artillery of Gods para maging owner nito."
Tumango si Mr. Smith, "Not really owner. Vessel ang tawag sa owner ng kahit anong divine artillery. Sila naman ang napili ng Artillery of Gods bilang maging vessel nila. Hindi ko alam kung anong pamantayan upang mapili bilang vessel ng mga ito. Pero isa lang ang sigurado, espesyal ang mga estudyanteng 'yon."
"Kaya naman binuo namin ang Section X para doon sila pagsama-samahin," dagdag pa niya.
"So, simulan na natin ang artillery selection?" tanong naman ni Mr. Smith.
Tumango naman ako bilang sagot. Bigla namang gumapang ang kaba sa dibdib ko.
Itinaas ni Mr. Smith ang dalawang daliri niya sa ere, "Artillery selection, activate."
Pagkatapos ay may lumabas na puting liwanag mula sa mga daliri ni Mr. Smith. Sandali lang ay nawala na rin ang liwanag at binaba na niya ang kamay niya.
"Okay na, Cervantes. Hintayin na lang natin na may weapon na lumapit sa'yo," sambit ni Mr. Smith.
Ilang sandali lang ay may narinig kaming kumalampag. Nagtaka kami pareho ni Mr. Smith at hinanap kung saan galing ang ingay na 'yon.
Iyong malaking treasure chest pala sa likod namin. Yumayanig ito mag-isa. Nakatingin lang kami rito habang patuloy ito sa pagyanig.
Nagulat naman kami nang biglang nagkalasan nang kusa ang mga kadenang nakabalot dito.
At nang tuluyan nang makalas ang mga kadena nito ay kusa itong bumukas.
Natulala kami sa gulat nang may lumabas mula rito na isang bakal na espada. Malaki ito at makinang na gawa sa silver at steel. Malaki, mahaba, at makintab ang blade nito. Sa kintab nito ay maaari ka nang magsalamin dito.
Tapos ang hawakan nito ay may mga nakaukit na disenyo. Lumipad ito dahan-dahan papalapit sa'kin.
Bumilis ang pintig ng puso ko nang nasa harap ko na ito. Hindi ko alam ang gagawin kaya tumingin ako kay Mr. Smith. Pero tinanguan niya lang ako.
Binalik ko ang tingin ko sa espadang nakalutang sa harap ko. Napalunok muna ako habang dahan-dahan itong inaabot.
Nang mahawakan ko na ito ay nawala ang liwanag na bumabalot dito.
"A-ang gaan naman pala nito," sambit ko habang hawak ang malaking espada at sinisipat ito.
"Mr. Smith, anong—" Natigilan ako nang makita kong tulala pa rin si Mr. Smith.
"Mr. Smith? Mr. Smith!"
Mukhang natauhan na ito, "O-oh. Yes?"
"Ano pong artillery ito?" tanong ko.
"Iyan ang..." Tapos ay nilapitan niya ako.
"Iyan ang Hades Sword, isang Artillery of God," sagot nito.
Napataas ang kilay ko dahil hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Mr. Smith.
"A-Artillery of God?"
Tumango siya, "Oo, Aika. Ikaw na ngayon ang vessel ng artillery na nagmula mismo sa aming diyos na si Hades. At 'yan din ang huling Artillery of God na nandito. Binabati kita."
Tumingin akong muli sa armas na hawak ko. Hindi ako makapaniwala na ako ang napili nito para maging vessel. Kinakabahan ako pero sa kabilang banda ay nasasabik din akong isipin kung paano ko gagamitin ito at kung ano bang kayang gawin nito.