Pagbaba ko ng students' dorm ay dumeretso kaagad ako sa study area.
"Good morning, Aika!" masiglang bati sa'kin ng mga kaklase ko. Syempre, except kay Jerome. Tumingin lang siya sa'kin sandali tapos pinagpatuloy na niya 'yong pagkain niya.
Kumakain sila ng breakfast doon sa dining area. Pagkatapos ay lumapit ako ro'n.
"Kumain ka na," alok sa'kin ni Gunner ng kinakain nila.
Umupo ako sa isang bakanteng puwesto habang nakatingin sa mga nakahaing pagkain.
"Anong gusto mo? Fresh juice? Kape? Hot chocolate?" tanong ni Gunner.
"Uhm, juice na lang," sagot ko.
"Okay."
May naka-ready ng plato at mga kubyertos sa harap ko. Kumuha na lang ako ng tig-iisang ham, egg, at isang slice ng tinapay. Tapos ay pinagsalin ako ni Gunner sa baso ng fresh orange juice.
"Thanks," sambit ko. Ningitian naman niya ako bilang tugon tapos ay kumain na kami.
"Aika," tawag naman sa'kin ni Ryker.
Nilingon ko siya, "Hmm?"
"Balita ko Hades Sword daw ang napunta sa'yo. Totoo nga?"
"Ah, oo."
"Woah..." manghang reaksyon nila.
"So, it means deserving ka ngang mapunta rito sa Section X," sambit naman ni Klein.
"Pero ang tanong..." patuloy niya tapos ay humigop siya ng kape.
"Marunong ka bang gumamit ng espada?" tanong niya.
"Uhm, hindi eh," naiilang kong sagot.
"Ah, ayun lang," sagot niya at feeling ko ang sarcastic ng pagkakasabi niya. Pero hindi ko na lang pinansin.
"Sa tingin ko, tuturuan ka naman ni Mr. Smith," sambit naman ni Xavier.
"Si Mr. Smith? Malabo 'yon. Tamad magturo 'yon," sambit naman ni Ryker.
Natawa naman kaming lahat nang kaunti.
"Kaya sa tingin ko ang gagawin ni Mr. Smith, kukuha siya ng instructor para sa'yo," dagdag pa niya.
"Sa tingin ko, tama si Ryker," sambit naman ni Gunner.
"Oh, Aika. Magaling na pala 'yong sugat mo?" tanong bigla ni Xavier nang mapansin niya 'yong braso kong nasugatan dati na wala nang benda.
"Ah, oo. Ang bilis nga gumaling eh," sambit ko sabay tingin ko rin sa braso ko.
"At nakakapagtaka na walang peklat," sambit naman bigla ni Klein.
"Aba, oo nga, ano?" sambit naman ni Xavier.
Na-realize ko naman 'yong sinabi na 'yon ni Klein. Tama siya. Wala ngang peklat. Natatandaan ko na may kahabaan ang sugat na 'yon pero hindi naman gano'n kalalim.
"Pagkatapos natin mag-almusal, lilibot tayo sa buong university para mag-patrol," sambit ni Xavier.
Tapos ay inilagay niya ang mga braso niya sa likod ng ulo niya, "Hays. Boring."
"Hindi boring 'yon. Makakakita na naman tayo ng mga beautiful girls mamaya," excited na sabi ni Ryker.
"Tumigil ka nga diyan. Ikaw lang 'yon," sagot naman ni Xavier sabay suntok nang marahan sa braso ni Ryker at tumawa naman ito.
"Good morning, students!"
Napatingin kami sa pagdating ni Mr. Smith.
"Aw. Hindi niyo man lang ako tinirhan ng pagkain?" sambit naman niya pagtingin niya sa mesa namin na nililigpit na ni Gunner.
"Malay ba naming darating kayo?" sambit ni Ryker.
"Saka, medyo agahan niyo po ng dating kung gusto niyo, Mr. Smith," sambit naman ni Xavier.
"Ah no. It's okay. Nevermind," sagot naman ni Mr. Smith.
"Bakit po pala kayo nandito?" tanong naman ni Klein.
"Ah, I'll tell you your assignments kung saang area kayo ng university magpa-patrol," sagot naman ni Mr. Smith.
May dinukot naman si Mr. Smith mula sa loob ng coat niya at nilapag niya 'yon sa mesa.
"Armbands?" tanong namin.
"Yep. From now on, you'll always wear this on your arms patunay na kayo ang patrol squad ng university," sagot ni Mr. Smith.
Kulay white ito na may linings na black. Tapos sa gitna nito ay may logo na nakaburda. Shield ito na may nakaekis na dalawang espada sa gitna.
Dinampot namin ang mga ito at sinuot sa upper right arm namin.
"Now that you're ready, same tandems pa rin tayo. Klein and Gunner. Ryker and Xavier. Aika and Jerome," sambit ni Mr. Smith.
"Schneider and Silverbullet, North and East wing."
"Yes, sir," sagot ng dalawa.
"de Sauvetere and Nikolaev. South and West wing."
"Yes, sir," sagot din nilang dalawa.
"Hamilton and Cervantes. Central area."
"Yes, sir," sagot naming dalawa.
"As the university's patrol squad, hindi niyo lang babantayan ang campus laban sa Unholy spirits na susugod dito. You'll also protect the peace and order of the campus. Okay?"
"Yes, sir!" sagot naming lahat.
Pagkatapos no'n ay lumabas na kaming anim sa greenhouse dome. At nang makarating kami sa central campus ay doon na kami naghiwa-hiwalay. Pumunta na sa assigned area nila ang apat habang naiwan naman kami rito ni Jerome.
Ang central area ay parang isang malaking park. Maraming mga halaman dito at ilang puno. Meron ding bench lane at fountain.
Pero ang nakakamangha talaga rito ay 'yong malaking clock tower. Ang taas nito ay maaaring ikumpara sa Big Ben. Kulay white ang buong clock tower na may kulay itim din. Tapos ang mismong frame ng clock ay ginto.
Naglalakad lang kami rito ngayon habang minamasdan ko naman ang paligid. May mga iilang estudyante rin na naririto ngayon.
Mayamaya ay may bigla na lang bumunggo sa'kin kaya't napaatras ako nang kaunti. Nabunggo ako ng isang lalaking tumatakbo.
Napatingin siya sa armband ko at nakita kong nabigla siya, "N-naku, pasensya na!"
Mukha siyang takot na takot. Nanginginig ang buong katawan niya at may butil-butil na pawis sa kanyang mukha.
Mataba siyang lalaki na maliit nang ilang pulgada kay Jerome. Kulay pale blue ang balat niya, manipis ang buhok niya at patulis ang tenga niya. Nakasuot din siya ng salamin.
Mas lalo siyang nagulat nang mapansin niya si Jerome.
"N-naku. Section X! P-patrol squad kayo, 'di ba?" tanong niya na tila pa nanginginig sa takot.
"Oo. Ano bang nangyayari?" tanong ko.
"Ano kasi... may mga humahabol sa'kin—"
"Hoy, matabang nerd gnome!"
Napalingon kami sa sumigaw na 'yon.
Tatlong lalaki sila na may katangkaran at matipuno ang pangangatawan. Maputla ang mga kutis nila at mabalbon, kulay itim ang mga mata, may patulis na tenga, may mahahaba't matutulis na kuko, at may pangil.
"Sila ba ang humahabol sa'yo?" tanong ko.
"O-oo sila nga."
"Ano bang kailangan nila sa'yo?"
"Alam kasi nila na marunong ako gumawa ng iba't ibang klase ng potions. Gusto nila akong gumawa ng potion na instant pampatalino para maka-perfect sila sa monthly exams namin. Pero ayaw ko kasi pandaraya 'yon," sagot no'ng lalaki.
"Freshmen kayo, 'di ba?" tanong bigla ni Jerome.
Tumango lang ang lalaki bilang sagot.
"Freshmen lang ang gagawa ng mga ganitong klaseng kalokohan," sambit ni Jerome.
Napahinto naman ang tatlong bully na humahabol sa lalaking 'to nang makita nila kami ni Jerome.
"Bahala ka na sa kanila," sambit ko kay Jerome.
Napatingin naman siya sa'kin sabay taas ng kilay.
"Oh bakit? Obligasyon natin 'to, 'di ba?" sambit ko.
Pinagsalin-salin ni Jerome ang tingin niya ro'n sa mga bully at sa binu-bully. Tapos ay bumuntonghininga siya nang malalim.
Mukhang labag pa sa kalooban niya na ipagtanggol 'tong lalaki mula sa mga bully niya. Naglakad din naman siya papalapit do'n sa mga bully.
Mukhang nasindak naman sa kanya 'yong tatlo habang kaming dalawa rito ay pinapanood lang sila.
"Ano nga bang pangalan mo?" tanong ko sa kanya.
"Ah ako si Peter Peterson. Class 1-A," sagot niya.
"Taga-Section X kayong dalawa, 'di ba? Siya si Jerome Hamilton. At ikaw naman si?"
"Aika. Ako si Aika," sagot ko.
"Nice to meet you, Aika," sambit niya sabay ngiti.
Kilala nga talaga si Jerome dito. Kahit hindi pa nagpapakilala ang isang 'yon, alam na kaagad ang pangalan niya.
Mayamaya lang ay napansin naming naglalakad na pabalik dito si Jerome at 'yong tatlong bully ay naglalakad na rin papalayo.
"Anong nangyari? Anong ginawa mo?" usisa ko sa kanya.
"Hindi ka na nila ulit guguluhin pa. Kahit kailan," sambit ni Jerome.
Nandilat ang mga mata ni Peter, "Talaga?"
Tumango lang bilang sagot si Jerome.
"Naku, maraming salamat sa inyo!" masayang sabi nito sa'min sabay shake hands niya sa'ming dalawa na kinagulat namin pareho.
"Salamat ulit! Bye!" pahabol pa nito bago ito tumakbo paalis.
Kumaway lang ako sa kanya biglang tugon.
Naglakad-lakad na ulit kami ni Jerome tapos mayamaya ay tinanong ko siya.
"Anong ginawa mo ro'n sa tatlong bully?" usisa ko.
Katahimikan ang namagitan sa'ming dalawa. At mayamaya'y nagsalita siya.
"Sinabi ko sa kanila na kapag ginulo pa ulit nila 'yong nerd na gnome na 'yon..." tapos ay tumingin siya sa'kin.
"Hindi ako mag-aalinlangang kainin sila nang buhay."
Pinandilatan ko siya ng mata, "Tinatakot mo lang sila, 'di ba?"
"Hindi. Babala ko 'yon."
Kinilabutan ako nang kaunti sa sinabi niya.
"Bata-bata pa sila. Kaya sigurado akong sariwa pa mga lamang-loob at dugo nila," sambit pa siya.
Napahawak ako sa braso ko dahil nakaramdam ako ng pangingilabot. Pakiramdam ko nagtaasan ang mga balahibo ko.
"Tama na nga 'yan," sambit ko.
Nakalimutan ko. Vampire nga pala siya. Pero, kaya niya talagang gawin 'yon kung sakali?
"Hindi mo naman siguro gagawin din sa'kin 'yon kung sakali, 'di ba?" tanong ko.
Tiningnan lang niya ako nang walang emosyon at hindi siya sumagot. Kinabahan tuloy ako nang kaunti.
"Bakit hindi ka sumagot? Hoy, Jerome naman eh!" reklamo ko.
Napahinto kami nang bigla kaming may narinig na pagsabog. Napatingala kami sa langit at may nakita kaming makapal na usok mula ro'n.
"Sa North Wing," sambit ko.
"Si Klein at Gunner," sambit naman ni Jerome.
Pagkatapos ay bigla siyang tumakbo at siya namang sunod ko.
---
Nakarating na rin kami sa lugar kung saan naganap ang malakas na pagsabog. Tiningala namin ngayon ni Jerome ang dalawang higanteng Unholy spirit.
Nilalabanan ito ngayon nina Klein at Gunner.
Si Klein ay may hawak na ten-feet scepter na kulay gold. At ang dulo nito ay may malaking gemstone na hugis diamond pero kulay aqua green ito. Napapalibutan naman ang malaking gemstone na 'yon ng apat na patulis na bagay na kulay ginto.
Iyon siguro ang Njord's Scepter.
"Glacier Blades!" pautos na sabi ni Klein.
Pagkatapos ay tinapat niya ang scepter niya sa langit. Nagtipon ang mga maiitim na ulap kaya't kumulimlim. Matapos ng kulog ay may kidlat na kulay green na inilabas ang ulap na tumama sa dulo ng scepter.
Mayamaya ay umulan ng malahigante at matutulis na ice blades sa isang Unholy. At nagdulot ito nang pagyanig at malakas na pagsabog.
Napansin ko naman na bigla na lang sumugod si Jerome sa mga Unholy para tulungan sina Klein at Gunner. Hawak-hawak na niya ang Corrinaya's Scythe nang sumugod siya.
Pinagtutulungan na nilang tatlo ngayon ang dalawang Unholy.
Mayamaya naman ay dumating na rin sina Xavier at Ryker. Dala ang mga Artillery of Gods nila ay agad na silang sumabak sa labanan para tulungan ang iba naming kaklase.
"Blast of Earth Stones!" pautos na sabi ni Xavier nang itaas niya sa ere ang artillery niyang Nerthus Warhammer at malakas itong hinampas sa lupa.
Mukha itong gawa sa isang matibay at makapal na bakal. May mga nakaukit na disenyo rito. Mga nasa four feet ang haba nito at malaki rin ang hammer nito sa dulo na gawa rin sa bakal. Malalaking hugis square ang magkabilang pamukpok ng hammer.
Yumanig ang lupa at naglutangan ang mga higanteng bato at bumulusok ang mga ito patungo sa Unholy na nagdulot ng pagyanig at pagsabog.
"Storm of Lightning!" pautos naman na sabi ni Ryker.
Hawak ang kanyang artillery na Aeolus' bow and arrow, pinana niya ang mga ulap sa langit. Ang arrow niya ay nababalutan ng liwanag na kulay blue, at ang pana niya ay gawa sa silver at ang hawakan nito ay may mga nakaukit na disenyo at may mga maliliit na gemstones na kulay blue.
Matapos makarating sa mga ulap ang pana niya ay may biglang nabuo na isang tornado na gawa sa kidlat na kasinglaki mismo ng Unholy! At ang tornado of lightning na 'yon ay binunggo nang paulit-ulit ang Unholy.
Napansin ko rin na nakalabas ang siyam na buntot ni Ryker na kulay puti. Usually kasi hindi naman nakalabas ang mga buntot niya.
Nandito lang ako nakatayo sa ilalim ng isang puno habang pinapanood sila. Wala pa akong magawa sa ngayon kahit may artillery na rin ako.
Hindi ko pa kasi alam kung paano ito gamitin. Malamig ang hangin sa paligid at may kalakasan ito. Napupuno ng pagsabog at pagyanig ang battlefield dahil sa bawat pag-atake nila sa isa't isa.
Ilang sandali pa ay may napansin akong bumubulusok papunta sa direksyon ko.
At nanlaki ang mga mata ko nang sandaling bumagsak na ito sa lupa.
"Jerome!"
Agad ko siyang nilapitan. Umupo ako sa lupa at dahan-dahang inalalayan ang ulo niya para ikandong sa hita ko.
Wala siyang malay. Duguan halos ang buong katawan niya at punit-punit halos ang uniform niya.
At dahil wala nga siyang pulso, tinapat ko na lang ang kamay ko sa ilong niya. At mukhang humihina ang paghinga niya.
"Jerome!"
Napatingin naman ako sa lumapit sa'min.
"Ryker!"
Umupo naman si Ryker pantay sa'kin at tiningnan si Jerome.
"Naku, pasensya na. Hindi ko agad siya natulungan nang atakihin siya bigla ng Unholy," sambit ni Ryker at halata mo ang pag-aalala niya.
Itinapat niya rin ang kamay niya sa ilong ni Jerome.
"Naghihingalo siya," sambit niya.
Nabigla naman ako sa sinabi niya, "Ha? Anong gagawin natin? Malayo pa tayo sa classroom dome natin."
"Kailangan niya ng dugo kaagad."
"Ha? Saan naman ako kukuha no'n?" tanong ko.
"Hindi ko alam," sagot ni Ryker na may halong pagkadismaya.
"Pero may blood bank freezer si Jerome sa kuwarto niya sa dorm. Doon lang tayo makakakuha ng dugo na para sa kanya," dagdag pa niya.
Hindi na lang ako nakaimik dahil ang layo pa namin mula ro'n.
Lumingon naman siya sa battlefield.
"Gunner!" sigaw niya.
"Mag-isa lang si Gunner do'n sa isang Unholy," sambit niya.
"Sorry, Aika. Ikaw muna bahala kay Jerome. Tulungan ko lang sandali si Gunner. Babalikan ko kayo agad," sambit pa niya.
Kahit labag sa kalooban ni Ryker na iwanan kami rito ay mabilis siyang bumalik sa battlefield.
Natataranta ako dahil hindi ko malaman ang gagawin sa mga oras na 'to. Tinapat ko ulit ang kamay ko sa ilong niya. Humihina na talaga ang paghinga niya. Delikado 'to. Baka matuluyan na siya kapag hindi pa kami gumawa ng paraan.
Teka, dugo lang naman ang kailangan niya, 'di ba?
Napatingin ako sa palad ko tapos ay kay Jerome.
Inilahad ko ang palad ko, "Hades Sword."
Lumiwanag ng kulay white ang kamay ko bago lumitaw ang espada rito.
Tinapat ko na ang blade ng espada sa palad ko at biglang gumapang ang kaba sa dibdib ko.
Kaya ko 'to. Kailangan 'to ni Jerome. Kahit sa ganitong paraan lang, makatulong ako sa kanila.
Hiniwa ko na bigla ang palad ko at napadaing ako sa sakit. At nang may dugo nang umaagos mula rito ay dahan-dahan kong binuka ang bibig ni Jerome at ipinatak dito ang dugo na nanggagaling sa hiwa sa palad ko.
Napapangiwi at napapadaing ako sa hapdi at sakit dahil sa sugat.
Ilang sandali lang ay napapansin kong kusang naghihilom ang mga sugat na natamo niya hanggang sa maglaho na ang mga 'to na parang bula at walang nangyari.
Naramdaman kong normal na rin ang paghinga niya nang itapat ko ang palad ko sa ilong niya.
"Mukhang okay na siya," sambit ko.
Nagulat ako nang biglang dumilat ang mga mata niya. Lumiwanag ito ng kulay red sandali. Tapos ay napansin ko ang pagtaas-baba ng dibdib niya. Napabalikwas naman siya habang umuubo.
"Okay ka lang ba?" tanong ko sa kanya.
Tumingin siya sa'kin, "Ikaw. Kaninong dugo 'yong pinainom mo sa'kin?"
"Sa'kin," sagot ko sabay pakita ko sa kanya ng palad kong may hiwa at duguan pa.
Pinandilatan niya ako ng mata na para bang gulat na gulat siya sa sinabi ko.
"Hindi mo dapat...ginawa 'yon."
Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya.