Narito pa rin kami sa reception hall pero tapos na kaming kumain. Nailigpit na rin ang mga pinagkainan namin at nagpapahinga na lang kami ngayon dito habang nakaupo pa rin sa six-seater dining table.
Kasama namin ngayon si Lady Cordelia, ang may-ari nitong Hotel de Gula.
"Mga taga-Underworld University pala kayo. Hindi ko namukhaan ang uniform na suot niyo. Nagbago na pala ito," sambit ni Cordelia sabay tawa nang mahinhin.
"Ang ganda talaga niya!" pabulong na pagkamangha ni Ryker.
Sabay-sabay na lang namin siyang sinitsitan bilang pagsaway sa kanya. Natawa naman si Lady Cordelia matapos no'n.
Kahit may kaedaran na si Cordelia ay hindi pa rin maipagkakaila ang kagandahang taglay nito.
"Kaya pala parang pamilyar sa akin ang pangalan ng paaralang iyon. Bukod pala sa sikat ang paaralan na iyon, doon ka nga rin pala nagtapos, Lady Cordelia," sambit naman ni Walter sabay tawa.
Nandilat naman ang mga mata naming lahat dahil sa sinabi ni Walter.
"Tunay nga po, Lady Cordelia?" tanong namin.
Tumango ito, "Oo. Nagtapos ako sa Underworld University, isang daang taon na ang nakararaan."
Napanganga kaming lahat sa kumpirmasyong iyon ni Lady Cordelia.
"Unholy Spirit Hunter din ba kayo?" usisa ni Gunner.
"Oo. Ilang taon din akong nagtrabaho bilang Unholy Spirit Hunter bago ako nag-resign."
"Kaya po ba kayo nag-resign ay para tuparin ang pangarap niyong maging isang manunulat?" usisa naman ni Xavier.
Mayamaya ay naghain si Walter ng tsaa at matcha pudding. Inihain niya sa amin ang mga ito isa-isa.
"Oo. Saka, mga magulang ko lang naman talaga ang may gusto na maging Unholy Spirit Hunter ako kaya napilitan akong magtrabaho sa Underworld Agency," sagot ni Cordelia sabay kuha ng tasa ng kanyang tsaa at humigop dito.
Ako naman ay tinikman ang matcha pudding na nasa harap ko at nanlaki ang mga mata ko nang malasahang masarap ito.
"Hindi po ba nagalit ang mga magulang niyo nang mag-resign kayo?" usisa naman ni Klein.
"Ang sarap ng pudding na 'to!" Nagulat kami't napatingin kay Xavier nang marinig namin siyang nagsalita.
Mukhang nailang at napahiya naman si Xavier kaya't napaiwas siya ng tingin sa'min at inikom niya ang kanyang bibig.
Pagkatapos ay binalik namin ang atensyon namin kay Lady Cordelia.
"Nagalit sila no'ng una. Pero wala naman silang nagawa sa naging desisyon ko. Isa pa, hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob mag-resign para tuparin ang pangarap ko kung hindi ako pinayuhan ng isang kaibigan," kuwento niya sabay ngiti.
"Hindi ko alam kung nasa university pa rin siya hanggang ngayon. Wala na kasi akong balita sa kanya mula nang mag-resign ako," dagdag pa niya.
"Puwede po ba naming malaman kung sinong tinutukoy niyo?" tanong namin.
"Si Stephen Walker. Isa siyang instructor sa university. Tatlong section lang ata ang hawak niya nang mga panahong 'yon dahil sobrang abala siya sa pagiging isang grim reaper. Teka, kilala niyo ba siya?" sambit ni Cordelia.
Nagkatinginan kaming lahat at napaisip.
"Wala po akong kilalang Stephen Walker," sagot ni Klein.
"Ako rin," sabay-sabay na sagot nina Gunner, Xavier, at Ryker.
Nagkibit-balikat naman si Jerome.
"Wala rin po akong kilala. Pero 'yong adviser namin, grim reaper din siya. Baka kilala niya," sambit ko naman.
"Talaga? Anong pangalan ng adviser niyo?" tanong ni Cordelia.
"Jonathan Smith po," sagot ko.
Tumango-tango naman si Cordelia sabay ngiti.
---
Nagpasya muna kaming mamasyal-masyal ngayon sa siyudad. May karamihan din ang mga nilalang na nandito at hindi ko rin maiwasang tingnan ang bawat madadaanan ko.
"Sa tingin niyo, saan natin makikita rito ang spellbound artifact na hinahanap natin?" tanong bigla ni Ryker.
"Aika, wala bang ibang mas malinaw na clue?" tanong pa niya.
"Wala eh. Basta ang binigay na clue lang sa'kin ng telescope ay itong Ground Epta," sagot ko naman.
"Paano ba 'yan? Maghuhula ba tayo? O kailangan nating suyurin ang buong syudad na 'to?" reklamo ni Ryker.
Mayamaya ay may nakasalubong kaming dalawang matandang babae na may hawak na dyaryo. At hindi namin sinasadyang marinig ang usapan nila.
"May balita na naman ng biglaang pagkamatay. Diyos ko, nakakatakot," sambit ng isa.
"Namamatay na lang sila bigla sa mga kakaibang aksidente o kaya'y biglang nagkakasakit nang malala at namamatay," ani naman ng isa.
"Sabi sa'yo iniisa-isa na tayo ng kamatayan!" pag-eksaherada naman ng isa.
Nagkatinginan kaming lahat sa isa't isa dahil napukaw ang atensyon namin ng mga sinabi ng mga aleng 'yon.
"Excuse me po," sambit ni Gunner nang maabutan namin sila matapos namin silang habulin sa kanilang paglalakad.
"Oh, ano iyon, hijo?" tanong ng matandang gargoyle.
"Mawalang galang na po. Narinig po kasi namin ang usapan ninyo nang hindi sinasadya. Maaari po ba naming malaman kung ano pong tinutukoy niyong kakaibang pagkamatay?" tanong naman ni Klein.
Nagkatinginan muna ang dalawang matanda bago kami sagutin.
"Ilang taon na rin kasi itong nangyayari. May mga gargoyle na misteryosong namamatay. Namamatay sa aksidente kahit wala namang bakas kung paano siya naaksidente. Meron namang biglang namamatay dahil sa sakit kahit malusog naman 'yong gargoyle. Hinala namin, may mga pumapatay sa kanila na may kakayahan na gaya sa isang diyos," kuwento ng isang matanda.
"At kalimitan naman sa mga namamatay ay mga kriminal, hindi ba? O kaya naman ay mga abusadong negosyante at kapitalista. Kaya sa tingin ko, pinaparusahan lang sila ng diyos," ani naman no'ng isa.
"Ganoon po ba? Sige, maraming salamat po," paalam namin sa mga ale. Pagkatapos ay nagpatuloy na kami sa paglalakad.
"Mukhang kahina-hinala nga mga pangyayaring 'yon," sambit ni Klein.
"Teka, huwag mong sabihing iniisip mong nasa nilalang na 'yon ang spellbound artifact na hinahanap natin at ginagamit niya 'yon sa pagpatay?" tanong naman ni Gunner.
"Posible," sagot ni Klein.
"Kung gano'n, kailangan nating hanapin kung sino ba 'yan pumapatay na 'yan para makumpirma nga natin kung nasa kanya nga ang hinahanap natin," saad ni Ryker.
"Mukhang ganoon na nga. Pero ang tanong, saan natin siya hahanapin?" sambit naman ni Xavier.
"Ahh, ang g**o nito, ah," reklamo ni Ryker sabay g**o sa kanyang buhok.
Nang napagod na kaming gumala ay nakasakay agad kami ng karwahe pabalik sa Hotel de Gula. Hindi naman 'yon gano'n kalayo kaya't limang minuto lang ang naging biyahe namin.
Pagpasok namin sa lobby ay nadatnan namin si Walter na naglilinis. Napansin namin ang gabundok na tambak ng mga papel na nakasalansan sa sahig.
Nang lapitan namin ito ay nakita naming mga dyaryo pala ang mga 'to.
"Walter, bakit napakaraming dyaryo naman nito?" usisa ni Ryker.
"Oh, nakabalik na pala kayo, mga bata. Mahilig kasi magbasa ng dyaryo si Lady Cordelia para kahit papaano ay may alam pa rin siya sa mga nangyayari sa paligid. At para makakuha na rin siya ng inspirasyon sa pagsusulat," paliwanag ni Walter habang inaayos pa rin ang mga kumpol ng dyaryo.
"Kailangan mo ba ng tulong?"
Nagulat naman kami nang biglang nagsalita si Jerome.
"Ah, maaari ba?" tanong ni Walter sabay tawa.
"Opo. Wala na naman po kaming ibang gagawin," sagot ni Jerome.
"Ah, sige. Mabuti na rin ito upang mapabilis ang aking trabaho. Marami pa kasi akong gagawin. At pasensya na rin," sambit ni Walter.
"Ayos lang ho. Ano po bang gagawin sa mga ito?" usisa ni Jerome habang binubuklat ang mga lumang dyaryo.
"Ipasok mo lang sa mga kahon na ito. Pagkatapos ay ilalabas ang mga 'yan doon sa gate para kunin ng mga kolektor kinabukasan," sagot ni Walter.
Pagkatapos ay binuhat nga ni Jerome ang ilang kumpol ng dyaryo at nilagay iyon sa kahon. Mayamaya'y sumunod na rin ang iba pa naming mga kasama. Tinulungan na rin nila sina Walter at Jerome sa kanilang ginagawa.
Lumapit na rin ako para tumulong pero bigla akong pinigilan ni Jerome.
"Kami na lang dito," sambit niya.
Nabigla naman ako at napahinto. Tumango na lang ako bilang tugon.
"Naku, ayaw mahirapan si Aika," pang-aasar ni Ryker.
"Kasi ikaw ang gusto kong mahirapan," tugon ni Jerome habang inaayos ang mga dyaryo.
"Grabe ka talaga sa'kin, Jerome," reklamo naman ni Ryker habang patuloy sa pag-segregate ng mga dyaryo.
"Walter, napansin kong may mga bakas ng pinaggupitan ang mga page ng ibang dyaryo. Ginugupit din ba ito ni Lady Cordelia?" usisa bigla ni Jerome habang patuloy sa kanyang ginagawa.
Napansin ko naman na parang nabigla at natigilan si Walter sa naging tanong ni Jerome.
"Ah, iyan ba? Minsan, kinokolekta ni Lady Cordelia ang mga mahahalagang balita at dinidikit niya sa kanyang journal," paliwanag ni Walter.
"Mukhang mahilig din siya sa current events," komento ni Jerome.
"Tapos na kami rito. Puwede na ba naming ilabas ang mga 'to?" tanong naman bigla ni Gunner.
"Ah oo. Kahit ilagay niyo lang 'yan sa tapat ng gate," sagot ni Walter.
Pagkatapos ay binuhat ni Gunner at Xavier ang kanilang mga kahon at lumabas ng hotel para dalhin ang mga 'yon sa gate.
---
Malalim na ang gabi at tulog na ang lahat. Bigla naman akong nagising dahil pakiramdam ko, nababanyo ako. Wala namang sariling banyo ang mga silid dito kaya naman bumangon ako para magpunta ng banyo na nasa bandang ibaba sa bandang lobby.
May ilaw naman sa hallway kaya't hindi ako nahirapang maglakad dahil kita ko ang daan. Namumungay pa ang mga mata ko at bahagya kong kinukusot ang mga ito.
Bago naman ako magpatuloy sa hagdan ay napukaw ang atensyon ko ng isang silid doon sa dulo ng isang hallway. Nag-iisa lang 'yon doon dahil silid 'yon ni Lady Cordelia.
Napakunot ang noo ko nang mapansin ko na parang bukas pa ang ilaw sa loob ng kuwartong iyon dahil bahagyang nakaawang ang pinto nito.
Nilamon bigla ng kuryosidad ang isip ko kaya't napagpasyahan kong silipin ang silid ni Cordelia. Naisip kong silipin kung ano pang ginagawa niya sa mga oras na 'to at bakit gising pa siya? Sa bagay, manunulat nga pala siya. Mahilig talaga magpuyat ang mga manunulat lalo na kapag may kailangan silang tapusin.
Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kanyang pintuan. Pagkatapos ay marahan akong sumilip sa awang ng kanyang pinto. Nagtaka naman ako nang makita kong walang kahit sino sa loob.
Kaya naman napagpasyahan kong buksan na nang tuluyan ang pinto. Sumilip muna ako ulit bago tuluyang pumasok.
Agad ko namang napansin ang mga nakadikit sa isang bahagi ng pader. Mga larawan ng iba't ibang gargoyle na mukhang ginupit sa dyaryo kasama ang mga balita at headline tungkol sa kanila.
At sa isang mesa na katapat ng pader na ito ay napansin kong may isang notebook na vintage journal ang hitsura. Binuklat ko ito pero hindi ko naman mabasa ang mga nakasulat dahil iba ang letra na ginagamit sa lugar na 'to.
Bigla namang sumagi sa isipan ko 'yong sinabi no'ng dalawang aleng gargoyle kanina—'yong misteryosong pagkamatay ng mga kriminal na gargoyle. Pati na rin 'yong sinabi ni Jerome kanina na napansin niya 'yong mga bahaging ginupit sa ilang page ng dyaryo ni Lady Cordelia.
Posible kayang si Lady Cordelia ang...
"Anong ginagawa mo sa aking silid?"
Halos mapalundag ako mula sa aking kinatatayuan nang marinig kong may nagsalita. Bigla tuloy bumilis ang pintig ng puso ko na tila may nagkakarera sa loob nito. Bumigat din bigla ang paghinga ako at parang nanigas ako sa kinatatayuan ko.
At kahit nanginginig ang buong katawan ko ngayon, pinilit kong lumingon sa aking likuran nang dahan-dahan.
"L-Lady Cordelia..." usal ko nang humarap ako sa kanya.
Lalo akong nangilabot nang makita ko ang panlilisik ng kanyang mga mata habang nakatingin sa'kin. Sa talim ng mga titig niya sa'kin, puwede ko na itong ikamatay.
Napansin ko naman ang bagay na hawak ng isa niyang kamay.
Isang feather pen!