XXXIV: Survive

2050 Words
Nagulantang kaming lahat nang biglang yumanig nang malakas ang lupang tinatapakan namin na para bang may lindol. Pagkatapos ay napansin naming may umuusbong na isang malaking pader na mula sa lupa. Wala na akong nagawa sa kinatatayuan ko kundi ang tingalain ang higanteng pader na naghiwa-hiwalay sa amin. "Aika." Nagulat ako nang may narinig akong tumawag sa'kin. Paglingon ko sa kanan ko sa 'di kalayuan ay nakita ko si Xavier. "Xavier?" Pagkatapos ay nilapitan ko siya. "Mukhang pinaghiwa-hiwalay tayo ng Olympian Unholy na 'yon para mahirapan tayo lalo na lumabas ng labyrinth niya," sambit nito. Wala kaming makita bukod sa isang daanan at pinalilibutan kami ng mataaas na pader na sa taas ay hindi na namin makita ang hangganan nito. "Paano kaya 'to?" pag-aalala ko. "Mabuti pa, maglakad-lakad na lang muna tayo. Baka masalubong din natin sila kalaunan," sagot naman ni Xavier. At nagsimula na nga kaming lakarin ang daang nasa harap namin. At habang binabaybay namin ito ay wala kaming naririnig na kahit ano. "Dapa!" Nabigla ako nang biglang sumigaw nang ganoon si Xavier. Napatingin ako sa likuran namin at may isang Unholy na nagbuga ng itim na apoy papunta sa amin. Hinila ako bigla ni Xavier padapa sa lupa upang maiwasan ang pag-atakeng 'yon. 'Yong Unholy na umatake sa'min ay 'yong karaniwan na umaatake sa school. 'Yong higante na mukhang anino na may mahahaba at payat na mga braso't binti, pula at nanlilisik ang mga mata, at may malapad na bibig na may matutulis na mga ngipin, pangil, at mga kuko. Bumangon kami agad at hinarap ang Unholy na umatake sa'min. Itinaas ni Xavier ang kanyang divine artillery na Nerthus Warhammer sa ere at inihampas ito sa lupa nang ubod nang lakas. "Crash of Earth Bound!" Pagbanggit niya no'n ay yumanig ang lupa na parang may lindol at nagbitak-bitak ito patungo sa Unholy, at sa magkabilang panig nito ay mag umangat na dalawang higanteng bato at mabilis na inipit nito ang Unholy. Hawak ko naman ang artillery ko na Hades Sword nang tumakbo ako nang mabilis papunta sa Unholy habang nagre-recover pa ito mula sa naging pag-atake ni Xavier. "Kaya mo 'yan! Aalalayan lang kita mula rito sa likod mo!" narinig kong sigaw ni Xavier. Malapit na ako nang madurog na ang mga bato nang makita naman ako ng Unholy. Itinaas nito ang kanyang kamay at hinampas ang lugar kung nasaan ako! Mabuti't nakailag ako ngunit sumadsad ako sa pahiga sa lupa dahil do'n. "Aika!" sigaw ni Xavier nang may halong pag-aalala. Masakit man sa katawan pero kinaya kong tumayo kaagad at iporma ang espada ko para sa muling pag-atake. Tumakbo ako ulit papunta sa Unholy at napansin kong sinusundan niya ako ng tingin habang tumatakbo ako papalapit sa kanya. Inangat na naman nito ang isa niyang kamay upang ihampas na naman sa'kin. "Blast of Earth Stones!" Nang marinig ko si Xavier ay parang may mga bulalakaw na biglang nagliparan papunta sa kamay no'ng Unholy kaya't nagkaroon ito ng pinsala. Patuloy ako sa pagtakbo habang si Xavier naman ay nakaalalay lang sa likod ko habang inaatake ang mga kamay ng Unholy sa tuwing nagtatangka itong atakihin ako. Bumuwelo na ako ng talon sa isa sa mga bato upang abutin ang ulo ng Unholy dahil nasa tuktok ng kanyang ulo ang kahinaan nito. Nang malapit na ako sa mukha ng Unholy ay nagkatitigan pa kami ng ilang sandali. Binuka niya ang malapad niyang bunganga na para bang gusto niya akong kainin. Pero patuloy itong dini-distract ni Xavier mula ro'n sa baba. Tinapakan ko ang kanyang mukha upang bumuwelo pa ng talon at tuluyang makarating sa kanyang ulunan. Mula rito sa itaas ay tanaw ko na ang weak point ng kalaban. Hinawakan ko na ang grip ng espada at itinaas ito sa ere habang nakatutok sa tuktok ng ulo ng Unholy. Bigla namang tumingala ang Unholy at nakita na naman ako nito. Ngumanga na naman nito na para tangkaing kainin ako. Sabi nila, kapag kinain ka ng Unholy, iluluwa nila nang durog ang katawan mo dahil kaluluwa at dugo mo lang naman ang gusto nila. "Blast of Earth Stones!" Pagkabanggit no'n ni Xavier ay biglang may mga parang bulalakaw na naman na rumaragasa papunta sa Unholy. Ngunit sa pagkakataong ito, mas malalaki na ang mga ito kaysa kanina. Nagdulot tuloy ito nang malakas na pagsabog nang tumama ang mga ito sa katawan ng Unholy. Isang malagong na ungol ang umalingawngaw dahil dito. Dahan-dahan na ring nanghihina ang Unholy at malapit na itong bumagsak sa lupa. "Ngayon na!" Pagsigaw no'n ni Xavier ay ipinuwesto ko na ang espada ko sa unahan hawak ang grip nito gamit ang pareho kong kamay upang hiwain ang tuktok ng ulo nito. At nang sandaling bumaon na ang espada ko sa kanyang weak point ay tuluyan nang bumagsak sa lupa ang Unholy at nagdulot ito ng liwanag bago tuluyang sumabog ang ulo nito at nagpira-piraso ang kanyang buong katawan. At matapos magpira-piraso ang katawan nito ay kasunod namang nadurog ang mga ito na parang abo. Pagkatapos ay tumakbo papalapit sa'kin si Xavier. "Nagawa mo, Aika!" masayang sambit nito sa'kin. Tumingin ako sa kanya, "Nagawa natin. At salamat sa'yo, Xavier," sabay ngiti. Napansin ko naman na mukhang nabigla si Xavier sa sinabi kong 'yon. "Oh, may dumi ka sa mukha," sambit ko naman nang makita kong may dumi sa kabila niyang pisngi na parang bahid ng lupa. "Saan?" tanong naman ni Xavier habang kinakapa ang kanyang mukha. "Ayan oh. Malapit sa bandang mata mo," sagot ko naman habang tinuturo ito. "Saan ba?" tanong pa niya ulit habang kinakapa ang mukha niya. At dahil hindi pa rin niya makuha kung saang banda ang tinutukoy ko, hindi na ako nakatiis kaya't naisip ko ako na lang ang magtatanggal. Nilapat ko ang kamay ko sa parte ng mukha niya kung nasaan 'yong dumi at dahan-dahan itong kinuskos para matanggal. Saglit lang ay natanggal na rin ang dumi kaya't binaba ko na ang kamay ko. "Ayan. Okay na. Wala nang dumi," sambit ko. Napansin ko naman na parang nakatulala lang sa'kin si Xavier at parang namumula nang kaunti ang mukha niya. "Xavier?" Mukhang doon lang siya natauhan nang tawagin ko ang pangalan niya. "O-Oh. P-Pasensya na. Salamat," tugon niya sa'kin na parang naiilang na nahihiya. "Lumakad na tayo ulit," ani ko. Tumango naman si Xavier, "Sige." Katahimikan na muli ang bumalot sa paligid habang naglalakad kami ni Xavier. Palinga-linga rin kami sa paligid habang binabaybay ang daanan. "Aika." "Hmm?" "Napansin kong malaki ang in-improve mo mula no'ng pumasok sa sa klase namin at ng annual battle exams," sambit ni Xavier. "Ah 'yon ba?" Pagkatapos ay napangiti ako nang hindi sinasadya. "Hindi ko naman magagawa 'yon kung hindi dahil kay Jerome, eh." "At kung nasaan man sila ngayon, sana okay lang sila," dagdag ko pa. "Oo nga," tugon naman ni Xavier. Halos mapalundag naman kami sa aming kinatatayuan nang may biglang sumabog sa gilid namin. At sa lakas ng pagsabog na iyon ay nagdulot ito ng makapal na usok. Napuwing tuloy kami ni Xavier at napaubo dahil sa gabok. Nang mawala na ang usok ay nandilat ang mga mata namin nang makita naming nakatilapon sa lupa si Ryker. "Ryker!" sabay na sigaw na namin ni Xavier sabay takbo papalapit sa kanya. Mukhang tumilapon si Ryker nang malakas at tumama siya sa pader na siyang kinaguho nito. Tinulungan namin siyang tumayo. Hinawakan ko sa kanang braso si Ryker, at si Xavier naman sa kaliwa. Dahan-dahan namin siyang itinayo. "Xavier! Aika!" Napalingon naman kami sa tumawag na 'yon. "Klein!" Pagkatapos ay agad siyang lumapit sa'min habang akay pa namin si Ryker na bahagyang nanghihina at may iilang gasgas sa kanyang mukha. "Ryker, kaya mo pa ba?" pag-aalala ni Klein dito nang makita niya ang kalagayan nito. Iniangat naman ni Ryker ang kanyang ulo at tumingin kay Klein. "Oo naman. Ako pa," pagmamalaki nito sabay ngisi. Napangiti naman nang bahagya si Klein dahil dito. Pagkatapos ay dahan-dahang bumitiw sa amin si Ryker sabay pinagpag at inayos ang sarili niya. "Aeolus Bow and Arrow." Pagbanggit no'n ni Ryker ay lumiwanag ng kulay asul ang isa niyang kamay pagkatapos ay lumitaw rito ang kanyang divine artillery na isang pana. Tumingala kami at nakita ang isa na namang Unholy at papalapit ito sa'min. "Tapusin na natin ang isang 'to at para mahanap na natin sina Jerome at Gunner," sambit ni Ryker. Nakita naming naglalakad na papalapit sa amin ang Unholy. "Glacial Mage; Wonder Ice," banggit ni Klein matapos niyang itukod ang kanyang artillery na Njord's Sceptre sa lupa. Pagkatapos ay nabalutan ng yelo ang buong pathway mula sa amin hanggang sa Unholy. "Tara na!" sigaw ni Ryker sabay apak niya sa nagyeyelong pathway at nagpadulas doon papunta sa Unholy. Ganoon din ang ginawa namin. Habang patuloy na nagpapadulas si Ryker ay itinutok niya ang kanyang pana sa Unholy. "Storm of Lightning!" bigkas niya sabay pakawala ng palaso niyang lumiliwanag nang kulay asul. Nakita naming tumama ito sa dibdib ng Unholy at nagdulot ito ng kidlat na bumalot at kumuryente sa buong katawan nito. Nag-usok ang buong katawan ng halimaw at nangisay din ito. Mukhang nanghina rin ito kahit papaano. "Mukhang tutumba na siya," sambit ni Ryker. "Akong bahala," sabad ko sabay padulas nang mabilis papunta sa Unholy. "Divine Edge!" banggit ko sabay wasiwas ng espada ko sa direksyon kung nasaan ang Unholy. Naglabas ang Hades Sword ng mga patalim na nagliliwanag nang kulay puti at lahat 'yon ay mabilis na tumama sa Unholy na nagdulot ng mga pagsabog. Tuluyan nang bumagsak ang Unholy sa lupa. Pagkakataon ko na 'to para hiwain ito mula sa kanyang weak point. Malapit na ako rito at pinorma ko na rin ang espada ko para bumuwelo. Ngunit laking gulat ko nang bigla itong gumalaw at tumingin sa akin. Hindi ako makahinto agad mula sa pagkakadulas dahil masyadong mabilis ang ginawa ko. Nakatingin na lang ako sa kamay nitong papunta sa'kin para damputin ako. Sa bilis ng mga pangyayari ay nalito ang isip ko at hindi kaagad ako makaisip ng paraan kung paano ako makakaiwas. Pero mayamaya lang ay may tumulak sa'kin. Nadapa tuloy ako sa lupa. Nasaktan man ako pero kaunti lang naman kaya't nakatayo ako kaagad. "Xavier!" Napalingon ako kaagad nang marinig ko silang nagsigawan. Nakita kong si Xavier 'yong tinamaan ng kamay ng Unholy pero nananatili pa rin siyang nakatayo ro'n. Samantalang ang kamay ng Unholy ay putol na. Nandilat naman ang mga mata ko nang makita ko ang braso ni Xavier na duguan. Agad ko rin siyang nilapitan. "Xavier!" pag-aalala ko sabay sipat sa duguan niyang braso. "Pasensya na. Nasugatan ka tuloy," sambit ko nang may halong pag-aalala. "Naku, 'wag mong intindihin 'yan. Okay pa ako. Kaya ko pa," sagot naman ni Xavier nang may ngiti. Pero halata ko rin sa mukha niya na iniinda lang niya 'yong sakit na nararamdaman niya. Gumalaw bigla 'yong Unholy at pasugod na naman sa amin kahit putol na ang isa niyang kamay. "Glacial Mage; Glacier Blades," banggit ni Klein sabay tutok niya ng artillery niya sa Unholy. Tapos ay nagpaulan siya ng mga tulos na gawa sa yelo. Bumaon ang mga 'yon sa katawan ng Unholy. Pagkatapos ay pumorma naman si Ryker at tinutok muli ang kanyang pana sa Unholy. "Storm of Lightning!" banggit niya sabay pakawala ng palaso at tumama ulit ito sa dibdib ng halimaw. Binalot na naman ng kidlat ang buong katawan ng Unholy. Nakuryente ito at nangisay. Pero sa pagkakataong ito, mas malakas ang epekto ng kidlat dahil sa ice daggers ni Klein. At dahil din dito, sumabog ang buong katawan ng Unholy na halos magpunit-punit ang buong katawan niya. Pagkatapos ay tuluyan na siyang nanghina at nang tuluyan na nga itong bumagsak sa lupa ay nagpadulas ako kaagad papalapit sa ulo ng bumagsak na Unholy. Hinawakan ko ang grip ng espada ko gamit ang pareho kong kamay at nang makalapit na ako ay binaon ko na ang espada sa tuktok ng kanyang ulo. Nagdulot ito ng liwanag, pagkatapos ay tuluyan nang sumabog ang ulo nito at nagpira-piraso ang katawan nito. Matapos maghiwa-hiwalay ang mga katawan ng Unholy ay nadurog ang mga ito na parang abo. Mayamaya lang ay nakarinig kami ng mabibigat na yabag at napansin din naming yumanig ang lupa. At nang mapatingin kami sa hindi kalayuan ay natanaw naming may grupo ng Unholy na nagmamartsa papunta sa gawi namin. Halos manlumo kami habang nakatulala sa nakikita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD