Napabalikwas ako nang bigla kong narinig ang tunog ng alarm clock ko. Kaya naman kahit namumungay pa ang mga mata ko ay pikit-mata kong inabot ang maingay kong alarm clock at pinatay ito.
Napaupo ako at nang tumingin ako sa kabilang side ng kama ko ay napadilat ang mga inaantok ko pang mata.
"A-Anong ginagawa mo rito?!" tanong ko sa kanya.
"Good morning, master," bati naman niya sa'kin na may tinatamad na tono.
"Bumangon ka na diyan," sambit pa niya.
Nanlalaki ang mga mata kong nakatitig kay Jerome na nakaupo sa upuang katabi ng kama ko, nakadekuwatro ang mga binti, habang nagbabasa ng isang wildlife magazine.
"Ang aga-aga, nandito ka? Saka, anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok ha?" inis kong tanong.
Napansin ko kasing kulay indigo pa ang langit sa labas. Hinablot ko ang alarm clock ko na nakapatong sa night stand at tiningnan ang oras.
Napakunot naman ang noo ko nang mapansin kong parang may kakaiba.
"Teka, hindi naman 'to ang alarm time nito ah," sambit ko.
"Hoy, ikaw ba nagpalit ng alarm time nito?" tanong ko naman kay Jerome.
"Oo, ako nga. Kailangan mong gumising nang maaga simula ngayon, master."
Napakunot ang noo ko, "Ha? Para saan?"
Patuloy pa rin niyang binabasa 'yong magazine na hawak niya, "Ngayon na ang simula ng formal training mo para magamit mo nang maayos ang artillery mo."
Napataas ang kilay ko, "Oh. Gano'n ba."
"Kaya bumangon ka na diyan at magbihis ka na. Kung ayaw mong ako pa ang gumawa no'n para sa'yo," sambit pa niya.
Pinandilatan ko siya ng mata, "Oo na! Lumabas ka na nga!"
Tumayo na siya at binitiwan ang hawak niyang magazine at basta lang niya itong nilapag sa upuan. Pagkatapos ay lumabas na siya ng kuwarto ko at sinara ang pinto.
Napabuntonghininga naman ako nang malalim.
"Master, puwede bang bilisan mo?"
Nabigla ako nang marinig ko siya mula sa pinto kong nakasara.
"Oo na!" sagot ko naman.
Agad naman akong bumaba ng kama at nagpunta ng banyo. Nagsipilyo ako ro'n at naghilamos.
Pagkatapos kong tuyuin ng towel ang mukha ko ay dumeretso kaagad ako sa closet ko at kinuha ang uniform ko.
"Tapos ka na ba?" reklamo niya mula sa labas.
"Hindi pa. Nagbibihis pa ako," sagot ko habang hinuhubad ang suot kong pajama.
"Kailangan mo ba ng tulong, master?"
Nandilat ang mga mata ko, "Puwede ba? 'Wag ka ngang mang-asar!"
Sinuot ko na ang palda ko, "Nakakuha na ulit ng bagong instructor si Mr. Smith para sa'kin?"
"Oo."
"Sino?" tanong ko habang sinsuot ko naman ang long sleeve polo kong white.
"Ako."
Natigilan ako sandali sa naging sagot niya, "Ikaw? Pumayag si Mr. Smith?"
"Oo. Nagpaalam ako kay Mr. Smith na ako na lang ang magiging trainer mo. Sabi ko ako nang bahala sa'yo."
Sinuot ko na ang black coat ko, "Oh. Okay."
"Sigurado kang hindi mo kailangan ng tulong diyan?"
Pinaikot ko ang mata ko sa kawalan, "Puwede ba?"
Huli ko nang sinuot ang red ribbon sa dibdib ko at huli ay ang black kong knee socks saka ang black shoes ko.
Pagkatapos ay tumakbo na ako sa pinto ko at binuksan ito. Paglabas ko ay bumungad sa'kin si Jerome na nakasandal lang sa tabi ng pinto.
Inirapan ko siya, "Kailangan talaga mang-asar?"
"Para bumilis ang kilos mo. Effective naman, 'di ba?"
Nagkibit-balikat siya at naunang maglakad sa'kin at siya namang sunod ko. Tinaasan ko siya ng kilay dahil hindi ako makapaniwala sa sinabi niya.
---
Nakarating na kami sa training area at nakatayo kami pareho rito sa open arena.
"Magsisimula tayo sa kung paano ang tamang paghawak ng isang espada. Sa totoo lang, tama naman 'yong basics na tinuro no'ng m******s na Friedrich na 'yon. Iyon nga lang, mali ang paraan niya," panimula ni Jerome.
Pagkatapos ay naglakad siya papunta sa isang pader at may pinindot siya sa rito.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang umawang ang pader na parang isang malaking pinto na ibinababa ng dalawang kadenang sumusuporta rito.
Nakita kong isa pala itong malaking taguan ng iba't ibang klaseng sandata. Pagkatapos ay may kinuha si Jerome doon.
"Ang mga weapon na nandito ay hindi mga divine artillery. Mga ordinaryong sandata lamang ang mga 'to na ginagamit sa training," paliwanag niya habang sinisipat ang malaking espada na kinuha niya mula rito.
Malaking espada na gawa sa bakal at pilak. At mukha rin itong matibay at mabigat.
Pagkatapos ay may pinindot siya ulit sa gilid nito at nagsara na ang malaking pinto na 'yon.
Nilapitan niya 'ko, "Tawagin mo na ang artillery mo," utos niya.
Tumango ako sabay inunat ang braso ko paharap at buka ng kamay ko, "Hades' Sword."
Pagkatapos ng puting liwanag na lumabas sa kamay ko ay lumitaw na ang Hades Sword.
Mayamaya'y pinitik ni Jerome ang daliri niya at biglang may isang estatwang gawa sa kahoy ang biglang umangat mula sa lupa sa harapan ko.
Nanlaki tuloy ang mga mata ko at halos mapalundag ako sa gulat.
"Hindi tayo gagamit ng mock swords o 'yong espadang gawa sa kahoy. Iyong tunay na ang gagamitin natin para masanay ka kaagad," paliwanang naman niya.
"Heto naman ang wooden dummy na gagamitin mo para i-practice ang swordsmanship skills mo. Kapag sanay ka na, isasabak na kita sa one on one sword fight battle," dagdag pa niya.
Napalunok naman ako sa narinig ko at kinabahan ako nang kaunti.
Lumapit sa'kin si Jerome at tumayo sa tabi ko.
"Lahat ng gagawin ko, tularan mo. Maliwanag?" sambit niya.
Tumango ako, "Okay."
"Iangat mo ang espada pantay sa balikat mo gaya nito," panimula niya.
Nakadikit halos sa katawan niya ang espada at ang mga kamay niya ay parehong nakahawak sa hawakan nito. Isang nasa taas at isang nasa baba na below shoulder level.
"I-bend mo nang kaunti ang tuhod mo. Tapos naka-forward ang kaliwang paa mo gaya nito," paliwanag niya habang ginagawa ang mga sinasabi niya.
Ginaya ko lang din ang ginawa niya. Pagkatapos ay umayos na siya nang tayo at pinagmasdan ang posisyon ko.
"Angat mo pa nang kaunti ang kamay mo. 'Yong pag-bend mo ng tuhod, kaunti lang. Tapos dapat relax lang," sambit niya.
Tiningnan niya lahat ng parte ng posisyon ko, "Magaling."
Napabuntonghininga ako nang malalim dahil sa sinabi niya.
Pinaulit-ulit niya sa'kin ang basics from the start hangga't masanay ang katawan ko at hindi na ako magkamali. At kailangan mabilis din ang bawat kilos.
Sunod naman niyang tinuro sa'kin ang basic attack. Syempre, step by step sa umpisa. Nang masaulo ko na, ipinaulit-ulit niya 'yon ulit sa'kin. Ginagawa ko ang basic attack skill na 'yon dito sa wooden dummy.
Ilang oras niya rin sa'kin 'yon pinagawa kasi kada mapapansin niya kahit isang maling hakbang ko lang, ipapaulit niya talaga mula umpisa. Ang bilis ng mata niya na makita ang maling galaw ko kahit kaunti lang.
Matapos ang ilang oras na paulit-ulit na pag-aralan ang basic attack skills, nakaramdam ako ng labis na pagod kaya't napaupo ako sa lupa.
Basa na ng pawis ang buong katawan ko at hinahabol ko rin ang hininga ko. Dagdag pa ang panlalambot ng tuhod ko.
"Hindi mo na kaya?" tanong ni Jerome matapos niya akong lapitan.
"Puwede ba? Time freeze muna?" hinihingal kong sagot.
"Sa tingin mo ba, puwede mo 'yang sabihin sa kalaban kapag actual battle na?" sambit pa niya.
"Look. Hindi pa ako nakain. Saka pagod na rin ako. Puwede bang pahinga muna?" pakiusap ko.
Kung ipagpipilitan pa ni Jerome ang training na 'to, baka sumuko na ang katawan ko.
"Jerome? Aika? Nandiyan ba kayo?"
Nabigla ako nang may narinig akong pamilyar na boses.
"Teka, si Gunner ba 'yon?" pagtataka ko.
"Oo, nandito kami," sagot naman ni Jerome.
"Teka, saan nanggagaling 'yong boses ni Gunner?" usisa ko.
May itinurong kung ano si Jerome sa isang sulok ng arena at siya namang tingin ko.
"Voice box?" pagtataka ko.
"Tanghali na. Bumalik muna kayo rito sa study area para kumain bago pa kayo maubusan," sambit ni Gunner.
Tumingin ako kay Jerome ng may nakikiusap at nagmamakaawang mga mata. Please, maawa ka sa'kin. Pagod at gutom na ako.
Nakatingin naman siya sa'kin nang seryoso.
Binalik ni Jerome ang tingin niya sa voice box, "Sige, pabalik na kami."
Napangiti naman ako nang palihim sabay bulong ng yes!
"Tumayo ka na diyan at lumakad na tayo," utos niya.
Tinukod ko ang espada sa lupa para makatayo ako. Pagkatapos ay naglaho na ang artillery ko na parang bula.
Mayamaya naman ay nabigla ako nang may binato sa'king kung ano si Jerome pero nasalo ko naman ito.
"Panyo?" pagtataka ko. Isang panyo na kulay puti.
"Magpunas ka ng pawis mo," utos niya.
Pagkatapos ay nauna na siyang maglakad. Habang ako naman ay napangiti nang hindi sinasadya sabay sunod sa kanya.
---
Pagdating ko sa study area ay pabagsak akong umupo sa couch at hinubad ang coat ko. Bumuntonghininga ako nang malalim at may ingay. Nakakapagod talaga!
Tumayo na rin ako at pumuwesto na sa dining area. Sinunggaban ko naman kaagad ang mga pagkaing nakahain sa mesa. Wala na akong pakialam kahit pinagtitinginan nila akong lahat.
"Oy, Aika. Hinay-hinay lang. Baka mabulunan ka niyan," sambit ni Gunner.
Patuloy lang ako sa pagkain at hindi ako naimik.
"Oh heto, tubig. Sakaling mabulunan ka," sambit naman ni Xavier sabay salin ng tubig sa basong katabi ko.
Matapos kong nguyain at lunukin ang pagkain ay uminom ako ng tubig. Mayamaya lang ay napadighay ako nang mahina.
"Mukhang pagod na pagod ka ah. Sobrang strict ba ng trainer mo?" natatawang tanong ni Ryker.
"Strict at perfectionist. Maling galaw lang ng kamay ko. O kaya ng katawan at paa ko. At kapag mabagal ang kilos ko, ipapaulit niya mula umpisa hangga't sa ma-perfect ko ang isang skill," sambit ko.
"Jerome, binigla mo naman yata 'yong tao," sambit ni Gunner.
"Kailangan niya 'yon. Isa pa, basic pa nga lang ang mga 'yon, ganyan na siya. Paano pa kaya sa susunod?" sambit ni Jerome.
Napapikit ako at parang napapaiyak ako deep inside. Ang hirap!
"May point naman si Jerome. Isa pa, ayaw mo na rin namang maging pabigat sa team mo. Hindi ba, Aika?" narinig ko namang sabi ni Klein.
Napasulyap ako nang kaunti sa kanya at nakita kong nakangiti naman siya pero parang ang sarcastic.
Pero, hindi ko maitatanggi na may point si Klein.
"Isang oras lang ang pahinga mo. Pagkatapos balik ulit sa training," sambit naman ni Jerome.
Bumuntonghininga ako, "Okay po," tinatamad kong sagot.
---
Pagdating namin sa training area, wala nang paligoy-ligoy pa. Pinaulit sa'kin ni Jerome lahat ng tinuro niya sa'kin mula umpisa.
Pina-practice ko ang mga 'yon sa wooden dummy na nasa harap ko habang si Jerome naman ay nasa isang tabi lang at pinapanood ang bawat galaw ko.
Tapos iimik lang siya kapag may nakita siyang mali sa galaw ko tapos ipapaulit niya 'yon sa'kin.
Mahigit limang oras kaming gano'n. Hinihingal na naman ako pero hindi pa naman ako gaanong napapagod o nanlalambot na gaya kanina.
Titigil lang ako sandali para habulin ang hininga ko tapos tuloy ulit.
At nang inatake ko nang muli ang wooden dummy ay nabigla ako nang mahiwa ko ang ulo nito. Nalaglag ang ulo ng wooden dummy sa lupa at napahinto ako.
"Nasira ko 'yong wooden dummy," sambit ko.
"Ayos 'yan. Puwede ka nang magpahinga para sa susunod na training bukas," sambit ni Jerome.
Napansin ko namang napatingala siya sa langit.
"Gabi na pala," sambit niya.
Dahil open area ang lugar na 'to, kita namin ang kalangitan mula rito. Madilim na nga sa labas at sakto ang liwanag ng buwan dito sa kinatatayuan namin.
Habang nakatingala siya sa langit ay pinagmasdan ko siya. Napansin ko ang pagtama ng moonlight sa kanyang mukha. Napansin ko rin na tila nagniningning ang mga mata niya.
"Jerome."
"Oh."
"Bakit sinabi mo sa'kin noon na wala kang puso? Meron naman pala pero frozen heart nga lang."
Matagal ko na 'yang gustong itanong sa kanya pero nalilimutan ko lang o kaya minsan, wala lang akong pagkakataon.
Tumingin siya sa'kin, "Paano mo masasabi na meron ka nga ng bagay na 'yon kung hindi mo naman nararamdaman?"
Napaangat ang kilay ko at napaisip sa sinabi niya.
"Meron nga akong puso pero hindi ko naman ito nararamdaman. Kaya sinasabi ko na lang na wala," dagdag pa niya.
Ibinalik niya ang atensyon niya sa langit at mukhang nag-reflect ang moonlight sa mga mata niya. Pero may napapansin din akong bahid ng paghanga mula sa mga mata niyang nakatingin sa buwan.