XVIII: Identity – Forgiveness

2771 Words
Pagkatapos kong magbihis, tiningnan ko muna sa body mirror ang kabuuan ko. Nakapuyod ng high ponytail ang buhok ko. Pink shirt on top, skinny jeans, at white sneakers.  At bago ako lumabas ng kuwarto, ni-check ko munang mabuti kung dala ko ba 'yong ID ko. Ang official ID mo pala ang ginagamit para makalusot ka sa Gate of Earth. Hindi ka makakataas sa Earth o makakabalik dito sa university kung wala kang gano'n. Pagbaba ko naman sa hagdan ay nakita ko na ro'n si Jerome. As usual, naka-black hoodie jacket siya, black jeans, at black and white sneakers. Hindi kami naka-uniform ngayon dahil hindi naman kami tataas para sa isang mission. Mabuti na lang talaga pumayag siyang i-postpone muna namin ang training ngayon para dito. Pero sabi ni Jerome, ngayon araw lang daw dapat. Dapat matapos namin ito sa loob lang ng maghapon. Nang lapitan ko siya ay tiningnan niya ako. Tapos ay nagtanguan kami sabay naglakad paalis. Mayamaya lang ay nakarating na kami sa study hall. At nadatnan namin do'n ang mga kasama namin na nagtipon sa mesa habang nagbabasa ng mga librong nakapatong dito. Napatingin sila sa'min na may bakas ng pagtataka sa kanilang mga mukha. "Oh, saan kayo pupunta? Bakit nakasibilyan kayo?" usisa ni Gunner. "May date kayo?" nakangising tanong ni Ryker at agad naman siyang binatukan ni Xavier. "Babalik ako sa dati kong bahay. May hahanapin lang ako," sambit ko. "Anong hahanapin mo? May naiwan ka ba ro'n na gusto mong kunin?" usisa ni Gunner. "Birth records ko. Gusto kong i-trace kung tunay na anak ba talaga ako ni Mommy o ampon lang talaga ako," sagot ko. "Teka, nagpaalam ba kayo kay Mr. Smith?" tanong naman ni Klein na prenteng nakaupo sa couch habang nagbabasa ng libro at nainom na naman ng kape. "Oo. Nagsabi na kami kahapon," sagot naman ni Jerome. "Good luck, Aika. Sana nga malaman mo na ang tunay mong pagkatao. Kasi kahit kami curious din," sambit naman ni Xavier. Ngumiti lang ako ng tipid sabay tango. "Sige, ingat kayo ha?" sambit ni Gunner. "Enjoy your date!" biro naman ni Ryker. "Aika, pasalubong!" sambit naman ni Xavier. "Pasalubong? Anong gusto mo?" tanong ko. Napaisip sandali si Xavier, "Hmm, isang balot sana ng cotton candy. 'Yong kulay blue. Tapos palagyan mo rin ng milk powder." Binatukan naman siya bigla ni Ryker kaya't napasapo siya sa batok niya. "Hilig mo talaga sa matamis kahit kailan," sambit ni Ryker. Napataas naman ang kilay ko. Mahilig pala sa matatamis si Xavier. "Sige, isang blue cotton candy na may milk powder para sa'yo," nakangiti kong sabi kay Xavier. "Wow! Talaga ibibili mo 'ko? Salamat, Aika! Ang bait mo!" sambit naman ni Xavier ng may malaking ngiti. Ngumiti ako at kumaway sa kanila bago kami tuluyang umalis ni Jerome at lumakad papuntang Gate of Earth. --- Nang tumagos kami sa Gate of Earth ay isang lugar na pamilyar ang bumungad sa'kin sa pagdilat ng mga mata ko. "H-Heto 'yong tapat ng subdivision namin," sambit ko habang titig na titig dito. Sandaling kinapos ako ng hininga kasabay ng pagbalik ng mga alaala sa isipan ko mula sa lugar na 'to kung saan ako lumaki. "Halika na," aya sa'kin ni Jerome. "Ah oo." Pagkatapos ay naglakad na kami papuntang entrance. Dahil wala namang tao sa outpost ng guard ay pumasok na lang kami. Parang nakalutang ang ulo ko habang binabaybay namin ang kalsada at pinagmamasdan ang paligid. Bawat sulok ng lugar na 'to ay may alaala ng buhay ko noon. Noong mga panahong normal pa ang lahat sa buhay ko at higit sa lahat—buhay pa ang mga magulang ko. "Aika." Parang natauhan ako bigla nang marinig ko ang pangalan ko. "O-oh. Bakit?" tanong ko kay Jerome. Nakatigil pala kami sa gitna ng kalsada. Pero kami lang naman ang tao rito. Tahimik lang ang lugar na 'to dahil walang mga tambay na pakalat-kalat. "Kanina pa kita tinatawag," sambit niya. "P-Pasensya na," sambit ko. Tapos ay napahawak ako sa braso ko sabay yuko ng ulo ko. Napapikit ako sabay hinga nang malalim. "Alam kong may mga gumugulo sa isip mo ngayon dahil may mga alaala ka sa lugar na 'to." Napatingala ako nang sabihin 'yon ni Jerome. Sumalubong naman sa'kin kulay grey niyang mga mata. Umiwas siya ng tingin sa'kin, "Pero kailangan mong harapin 'yan ngayon at maging matatag." Bahagya akong nabigla sa narinig ko sa kanya. At na-realize kong may punto siya. "Heto 'yong bahay niyo, 'di ba?" tanong niya bigla sabay turo sa isang malaking bahay na nasa likuran niya. Nanlaki ang mga mata ko nang sulyapan ko ang bahay na tinuturo niya, "Oo, 'yan nga!" Lumapit kaagad ako sa gate at sumilip sa mga awang nito. Hindi ko alam kung nandiyan siya sa loob pero magbabaka-sakali na rin ako. Kaya't bago ko pindutin ang doorbell, huminga muna ako nang malalim para makaipon ng sapat na lakas ng loob para harapin ang mga kamag-anak kong nang-abuso sa'kin. Pero mayamaya lang ay biglang may taong lumabas sa gate. "Oh, sino kayo? Anong ginagawa niyo rito?" usisa ng babae. Mukhang may edad na ito. Mataba siya na maikli ang buhok at naka-maid's uniform. Napansin ko ring may dala-dala siyang trash bag. "Ah, manang. Nandyan po ba si Gretchen Cervantes-Medalla?" tanong ko. Napakunot-noo ang ale, "Sinong Gretchen?" Napataas ang kilay ko sa naging tanong niya at nagkatinginan kami ni Jerome. Binalik ko ang mga tingin ko sa ale, "Hindi po ba 'yon ang pangalan ng may-ari nitong bahay?" "Hindi eh. Teka, sino ba 'yon?" tanong no'ng ale. "Kasi tita ko po 'yon. Sa parents ko po ang bahay na 'to noon," paliwanag ko. Napaisip naman sandali ang ale bago siya magsalita. "Kalilipat lang namin dito ng mga amo ko dalawang buwan nang nakakaraan. May nagbenta lang sa kanila ng bahay na 'to. Baka 'yon ang tinutukoy mo? 'Yong dating may-ari nitong bahay." Halos hindi naman ako makapaniwala sa sinabi no'ng ale. Binenta ni Tita Gretchen ang bahay namin? Pero bakit? Pagpasok no'ng ale sa loob ng bahay ay umalis na rin kami ni Jerome. Nilalakad namin ulit itong kalsada habang ako naman ay tulala lang dahil nahihirapan akong i-sink in sa utak ko 'yong nalaman ko kanina. Napabuntonghininga ako, "Saan ko ngayon hahanapin sina Tita?" Napahinto naman ako bigla nang may maisip ako bigla. "Aha. Alam ko na!" Tumingin ako kay Jerome, "Puntahan natin si Mica. Baka alam niya kung nasaan sina Maybel at Tita." Pagkatapos ay nagmadali na akong maglakad papunta sa kabilang street para puntahan ang bahay ni Mica. --- Matapos kong mag-doorbell sa tapat ng gate ng bahay nila Mica ay lumabas din siya ilang sandali. "A-Aika..." Mukhang nagulat siya at hindi makapaniwalang nakita niya ako ngayon nang sandaling pagbuksan niya ako ng gate. "I-Ikaw pala 'yan. Kumusta ka na? Gusto mo bang pumasok muna sa loob?" alok niya. Napakunot ang noo ko dahil sa asal na pinapakita niya sa'kin. Parang noon lang nang huli kaming magkita, pinagtabuyan niya ako na para bang wala kaming pinagsamahan sa loob ng apat na taon. "Hindi na. Salamat. Itatanong ko lang sana sa'yo kung may nalalaman ka ba kung nasaan sina Maybel ngayon? Pumunta kasi ako sa dati naming bahay. At iba na ang may-ari. Sabi ng kasambahay na nakausap ko ro'n, binenta sa amo niya ang bahay namin ng dating nakatira ro'n," sambit ko. "Ah iyon ba? Oo, ibinenta nga ni Tita Gretchen 'yong bahay niyo two months ago. Pagkatapos no'n, nag-transfer na si Maybel sa ibang school," sagot ni Mica. "Alam mo ba kung nasaan sila?" tanong ko. Pagkatapos ay sinabi rin sa'kin ni Mica ang present address ng mag-ina.  "Siya nga pala, Aika." Hahakbang na sana ako nang tawagin niya ako kaya lumingon ulit ako kay Mica. "S-Sorry...sa lahat ng nagawa ko," bigkas niya sabay pahid sa mga mata niya. Tumakbo naman siya kaagad papasok sa loob bago pa ako makaimik. Pero sa kaloob-looban ko, pinapatawad ko na siya. Hindi naman pala kalayuan dito ang bago nilang tirahan. Sa kabilang bayan lang. Umalis kaagad kami ni Jerome sa subdivision namin. At nang makahanap kami ng isang malaking puno ay hinaplos lang namin 'yon at lumiwanag ito nang bahagya. Pagkatapos no'n ay nakarating na rin kami sa ibang lugar sa isang iglap lang. Napakunot ang noo ko nang makita ko ang lugar kung saan kami dinala ng Gate of Earth. Ang daming tao sa kalsada. Halos lahat ng sulok, may mga tambay—mga lalaking nakahubad o kaya naman mga aleng nagtsitsismisan. May mga bata ring naglalaro sa kalye na kay dudungis na ng hitsura. Parang isang compound ang lugar na 'to. Malayong-malayo mula ro'n sa subdivision. "Hanapin na natin 'yong street kung saan sila nakatira," sambit ko. Tumango si Jerome bilang tugon tapos ay naglakad na kami. Habang naglalakad kami ay hindi ko maiwasang mailang sa dami ng tao sa paligid. Karamihan pa sa mga ito ay napapatingin sa'min. Siguro kasi bagong mukha lang kami rito. "Ayaw ko talaga sa mataong lugar," sambit bigla ni Jerome. "Ako rin. Lalo na kung bago lang ako sa isang lugar." Ilang minutong lakad pa ay napansin ko na rin 'yong sign board ng apartment na tinutuluyan ngayon nina Tita. "Sa tingin ko, eto na 'yon," sambit ko habang tinitingala ang isang five-storey building na kulay white at pink at may gate na pink. Pagkatapos ay nag-doorbell na ako. Ilang sandali lang ay may nagbukas na rin ng gate. Isang matandang lalaki na mukhang nasa higit sixty na ang edad. "Ano pong kailangan nila?" tanong nito. "Uhm, dito po ba nakatira si Gretchen Medalla?" tanong ko. "Gretchen Medalla? Ah oo. Bakit? Sino sila?" sambit ni manong. "Pamangkin niya ho ako," sagot ko. "Ah gano'n ba. Halika. Sumunod kayo sa'kin," sambit ni manong. Pagkatapos ay pumasok na kami ni Jerome sa loob. Dinala kami ni manong sa loob paakyat ng hagdan. Pagkatapos ay may dinaanan kaming hallway. Pagkatapos ng tatlong kuwarto ay huminto na rin kami at kinatok ni manong ang pinto. Ilang sandali lang ay may nagbukas ng pinto. "Oh, Manong Ron. May kailangan po ba kayo?" "Tita Gretchen," tawag ko sa kanya. Agad siyang napalingon sa'kin habang nanlalaki ang mga mata. Mukhang hindi siya makapaniwalang nandito ako. Nang papasukin kami ni Tita Gretchen ay umalis na rin si manong. "Aika..." sambit ni Tita habang nakaupo kami rito sa sahig na may maliit na carpet at may isang maliit na center table sa pagitan namin. "Kumusta ka na? Saan ka nakatira ngayon? Napasok ka pa rin ba sa school?" tanong sa'kin ni Tita Gretchen. Nagtataka naman ako dahil parang sa tono niya ay nag-aalala siya. Isa lang itong studio type apartment room na meron na ring sariling banyo at maliit na kusina. Napansin ko naman ang babaeng nakahiga sa ibabang bahagi ng double deck na mukhang natutulog. Hindi ko sinagot ang mga tanong ni Tita. Bagkus ay nagtanong na lang ako. "Anong nangyari kay Maybel?" usisa ko. "Ah, hindi na kasi siya napasok sa school," sagot ni Tita. "Bakit po? May sakit po ba siya?" Natahimik si Tita sandali at huminga nang malalim. "Buntis si Maybel." Parang nagpanting ang tenga ko sa narinig ko. Nandilat ang mga mata ko at napahawak ako sa dibdib ko. "B-Buntis?" tanong ko. Bumuntonghininga si Tita, "Oo. Tatlong buwan na. Tinakbuhan siya ng boyfriend niyang nakabuntis sa kanya." Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Alam kong hindi mabuti ang naging trato nila sa'kin noon, pero nakakaramdam din ako ng awa sa kanila. "Galing ako sa dati naming bahay. Anong nangyari, Tita? Bakit niyo binenta? Hindi niyo ba alam kung gaano kahalaga sa'min ang bahay na 'yon?" sambit ko. "Nagkamali ako. Hindi ako marunong mag-manage ng negosyo. Tapos naadik din ako sa sugal. Kaya naubos ko lahat ng perang pinaghirapan ni Kuya Armando." Nakayuko lang ang ulo ni Tita habang nagsasalita. Basag na rin ang boses niya habang nagsasalita siya. Naghahati ang awa at galit sa puso ko ngayon. "At nang wala na akong pera, napilitan akong ibenta 'yong mga ari-arian ng pamilya mo. Pati 'yong bahay. At 'yong perang 'yon ang ginamit ko para pambayad ng deposit dito sa apartment," paliwanag pa niya. "I'm sorry, Aika... Pinagsisisihan ko ang lahat ng ginawa ko. Totoo," maluha-luhang sambit ni Tita. "Sana...sana balang araw, mapatawad mo kami," dagdag pa niya. "Hindi talaga 'yon ang sadya ko kaya ko kayo hinanap," sambit ko. "Ha? Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ni Tita. "Nasa inyo ba ang birth records ko? Kailangan ko kasi 'yon," sagot ko. "Gano'n ba. Naku, Aika. Hindi ko lang sure kung nadala namin 'yon noong naghakot kami. Hahanapin ko pa," sambit ni Tita. "Sige, ganito na lang po. Anak po ba talaga ako ni Mommy?" tanong ko. Parang nagulat naman si Tita sa naging tanong ko. "Bakit mo naman naitanong 'yan, Aika? Oo naman! Sinamahan ko pa nga ang Daddy mo noon nang isugod si Miriam sa ospital nang manganganak na siya sa'yo," sagot ni Tita. Napataas ang kilay ko sa naging sagot ni Tita Gretchen. Tapos ay nagkatinginan kami ni Jerome. "Sandali. Hanapin ko 'yong birth certificate mo ha?" sambit ni Tita. Tapos ay pinuntahan niya ang isang plastic drawer sa gilid at naghalungkat doon. Mayamaya lang ay bumalik siya na may dalang brown envelope. "Heto. Nakita ko na. Buti na lang. Nandyan ang birth certificate mo. Pati na rin 'yong mommy book ni Miriam noong buntis siya. Nandyan lahat. Pati na rin 'yong baby tag mo noon sa hospital." Binuklat ko ang envelope at nakita ko ngang lahat sa loob nito ang mga bagay na sinasabi ni Tita. "Teka, Aika." Napatingin ako kay Tita nang tawagin niya ako. "Sino nga pala 'tong kasama mo? Boyfriend mo?" usisa niya. "Ah naku, hindi po. Kaibigan ko po siya. At...kaklase." "Make sure lang ha? Baka magaya ka kay Maybel," bulong ni Tita. Napangiti naman ako nang pilit. Habang si Jerome naman ay nananatiling tahimik lang na nakaupo sa tabi ko at hindi maipinta ang mukha. --- Umalis na rin kami kaagad sa apartment ni Tita. Nandito kami ngayon ni Jerome sa isang park at naglalakad-lakad. Pasyalan ito sa tabi ng isang lawa. May mga iilang tao rin na nandito ngayon. At mukhang papalubog na rin ang araw. "Lalo tuloy akong naguluhan. Lumalabas na anak nga ako nina Mom at Dad. Pero bakit may strange abilities ako na gaya ng sa inyo?" tanong ko. Gulong-g**o na ang utak ko ngayon sa totoo lang. "Kailangan na nating bumalik sa Underworld. Ire-report pa natin 'yan kay Mr. Smith," sambit ni Jerome. "Oo nga pala. Sige." "Bakit nga pala gano'n ang trato nila sa'yo noon kung anak ka naman pala talaga ng parents mo?" usisa bigla ni Jerome. "Ah 'yon ba? Hindi ako sigurado kung bakit. Pero sabi kasi ni Mommy, gano'n daw talaga ang ugali ni Tita. May pagkamayabang at matapobre. At 'yon din ang sabi ng lolo't lola ko noong buhay pa sila. Kaya never akong naging close sa kanilang mag-ina," paliwanag ko. "Siya nga pala. May naalala ako," sambit ko naman. "Kung mahalaga pala ang ID natin para magpabalik-balik sa Earth at Underworld University, paano mo 'yon nagagawa noon? Eh nawala ang ID mo at ako pa nga nakapulot, 'di ba?" usisa ko. "May isa pa kong ID," sagot niya. "Ah puwede pala 'yon? May reserba kang ID?" "Oo. Basta iba ang pangalan na gamit mo," sambit niya. Napakunot-noo ako, "Eh? Puwede 'yon?" --- Pagbalik namin sa Underworld University, dumeretso na kaagad kami sa study area ng greenhouse dome. Naabutan pa namin silang lahat do'n. Saktong nakain sila ng hapunan. "Tamang-tama ang balik ninyo. Kain na kayo," aya sa'min ni Gunner. "Wow. Tamang-tama, gutom na ako," sambit ko. Nilapitan ko naman si Xavier at binigay sa kanya ang request niya. "Oh eto. Blue cotton candy na may milk powder," sambit ko. "Wow! Thank you, Aika!" sambit ni Xavier nang may malaking ngiti at kumikinang na mga mata sabay hawak sa mga kamay ko. "Walang anuman," sambit ko naman sabay ngiti. Napansin ko naman na parang natulala si Xavier. "Xavier?" tawag ko sa kanya. Mayamaya naman ay biglang dumaan si Jerome sa pagitan namin ni Xavier dahilan para mabitiwan ni Xavier ang mga kamay ko. Pagkatapos ay nakita kong naupo si Jerome do'n sa bakanteng puwesto sa dining table. Kumuha siya ng plato at nagsandok ng pagkain.  "Naku, Aika. Pasensya na. Sobra lang akong natuwa," sambit ni Xavier na parang naiilang. "Ah, gano'n ba. Okay lang 'yon," sambit ko tapos ay umupo na ako at kumuha na rin ng plato at sumandok ng pagkain. "Magre-report na tayo mamaya kay Mr. Smith. Para mapag-aralan niya ang pinagmulan mo at matukoy na kung ano ka ba talaga," sambit ni Jerome. Natigilan ako sandali. At pakiramdam ko, kinakabahan ako. Parang excited at takot at the same time.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD