“Bilisan niyo naman kumilos, kayong dalawa! Baka maubos ang recess natin dahil ang bago niyong kumilos!” Pinagmamadali kami ni Asta para makalabas na kami sa room namin.
Balak namin kumain sa garden para hintayin si Via na lumabas. Malapit lang kasi sa garden ang room ng mga grade 4. Kinakabahan nga ako at baka ma-guidance talaga kami or si Rain mismo.
“Sandali lang, ha! Na-late akong matapos na magsulat... Ikaw na nga lang sasabihan ng secret pinamamadali mo pa kami,” sabat ni Rain at tumayo na rin siya.
Dala na namin ang lunch box namin.
“Excited lang ako malaman ang story ni Mallory!” Sumisipol pang sabi ni Asta.
Lumakad na kami palabas sa classroom namin. Halos lahat ay recess na, sabay-sabay ang mga elementary ng recess pero ang high school ay eleven to twelve noon sila, mas nauna kami sa kanila dahil ten to eleven kami ng umaga. Nang makarating sa may garden ay humanap agad kami ng pʼwesto, sa bandang malilim, wala na nga kaming spot pero dahil gwapo si Asta ay may napaalis siya. Minsan may silbi rin siya, buti na lamang gwapo ang isang ito.
“See? Wala kayong bilib sa kagwapuhan ko! Nakita niyo iyon na-charm sila sa aking kapogian!”
Nagkatinginan na lamang kami ni Rain at sabay na umiling. “Hambog,” saad niya kay Asta kaya natawa ako sa kanya.
“Gwapo naman!” nakangising sabi niya sa amin.
“Gutom lang niyan, Asta. Kumain na muna tayo bago ko sabihin ang girl's talk namin ni Rain,” sabi ko sa kanya at binuksan na itong lunch box ko.
“Minsan ka na lang magsalita, Mallory, mapanakit pa, ano?”
Napatawa na lamang ako sa sinabi niya. “Teka, sabihin niyo na kaya habang kumakain tayo! Baka mamaya maubos na naman ang recess natin na wala kayong sinasabi!” malakas niyang sabi.
Nahihiya na kami dahil kay Asta. Hindi namin alam kung lalaki ba siya or binabae. Ang ingay kasi niya.
“Mahaba pa ang isang oras, Asta. Baka mabulunan din si Mallory. And, alam mo naman na naka-engage sila, right? Ano pa ba gusto mong malaman?” pagsusungit ni Rain kay Asta.
Silang dalawa talaga ang asoʼt pusa sa aming magkakaibigan. Ako naman ang amo nila dahil ako ang umaawat sa kanilang dalawa.
“Alam ko iyon, Rain, pero paano? I mean, nagkita na ba kayo? Eh ʼdi ba, never pang umuwi ng Pinas ang dad and kuya mo? Kayo ang pumupunta sa Canada kung nasaan sila? Saan nga ba sa Canada sila nakatira?” sunod-sunod na tanong ni Asta habang ako ay kumakain na. Nagugutom na kasi ako, hindi ko na kayang hindi kumain.
“Urgh, ang ingay mo! Daig mo pa ako sa kaingayan, Asta! Kaya hindi ko alam kung bakit ang dami nagka-crush sa iyo. Gwapo ka nga, tsimoso ka naman!”
Nakatingin lamang ako sa dalawang nagbabangayan ngayon. Hindi ako nagsasalita para malaman nilang busy ako sa pagkain.
“Concern lang ako kay Mallory kung paano?”
“Concern or tsismoso ka lang talaga?”
“Best friend din ako ni Mallory!”
“Pinaka-best friend ako ni Mallory, ano!”
See? Puro sila sigawan. Ang sakit na sa tenga.
“Mallory, paano ba kasi nangyari iyon?”
Nagulat ako na nasa akin na ang tingin ni Asta. Nakita ko ang panlalaki ng kanyang mga mata kaya napaiwas ako sa kanya. “Tapusin ko lang itong kinakain ko, Asta, okay? Fifteen minutes pa lang naman ang nababawas sa recess natin,” kalmado kong sabi sa kanya.
Nakita ko ang mukha niyang nakanganga. “Bakit ang kalmado mo, ha? Nagbabangayan na kami ni Rain dito pero ikaw kumakain lamang,” saad pa niya sa akin.
“Um, nagugutom na ako... Alam ko rin naman na kasi ang sasabihin ko sa iyo kaya chill ka lang, okay?” sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang pagtapik ni Rain sa balikat ni Asta. “See? Sabi ko naman kasi sa iyo ay hayaan mo muna si Mallory,” saad ni Rain at nakita kong kumakain na rin siya.
“Kumakain ka na rin?” malungkot na tanong ni Asta kay Rain,
Hindi na sumagot si Rain kaya maging ako ay ganoʼn na rin ang ginawa ko. Kumain na lamang kami habang ang mukha ni Asta ay napapailing na lamang habang nakatingin sa amin. Kalaunan naman ay maging siya kumain na rin. Wala naman kasi siya magagawa rin.
Twenty minutes nang matapos kaming kumain lahat, si Asta muntik pang mabulunan dahil sinubo niya ang isang buong nuggets na ulam niya.
“Ayan, sige, isubo mo pa nang buo ang pagkain mo nang mabulunan ka tapos magiging kʼwento ka na lamang.”
Napangiwi ako sa sinabi ni Rain. Magiging kʼwento? Ano iyon?
“Excited lang ako... Saka magiging kʼwento? Mahaba pa ang buhay ko! Magkakaroon pa ako ng asawa at mga anak!” malakas na sabi ni Asta sa amin.
“Ay, wow! Advance mong mag-isip, ano?”
“T-teka... Magsasalita na ako at baka mamaya maubusan na tayo ng oras at hahanapin pa natin si Via, right?” mahinahon na awat ko sa kanilang dalawa.
Nakita ko ang pagharap nilang dalawa sa akin, nakangisi na si Asta nang harapin niya ako.
“Ready na ang tenga ko, Mallory! Go, sabihin mo na sa akin kung paanong nangyari? At, bakit natin hinahanap ang pinsan mo?” Nagtaas-baba ang kanyang kilay habang sinasabi niya iyon.
Tumingin na muna ako sa paligid at umusog nang kaunti sa kanila. “Um, paano ko ba sisimulan ito... Sabi ni Lolo sa akin ay nangako silang dalawa ni lolo Ray na ipakasal ang anak nilang dalawa, panganay na babae at panganay na lalaki, pero parehong panganay na lalaki ang anak nila... Kaya ang ginawa nila ay sa mga apo nila pinunta, panganay na apong lalaki kay lolo Ray at panganay na apong babae sa Lolo ko, Asta, kaya naka-arrange marriage ako kay kuya Rey,” paliwanag ko kay Asta.
Nakita ko ang pagtango-tango niya nang sabihin iyon sa akin. “Teka, paano kung ayaw sa iyo ng kapatid ni Rain? Anong gagawin mo?”
Heto talaga ang iniisip ko. Paano kung ayaw sa akin ni kuya Rey? Paano kung i-cancel niya ang arrange marriage na mayroʼn sa pagitan naming dalawa, ʼdi ba? Anong gagawin ko? Ilalaban ko ba?
“Hindi gagawin ni kuya Rey iyon, Asta!” malakas na sabi ni Rain at tinignan niya ako. “Mallory, donʼt worry, okay? Hindi ka aayawan ni kuya Rey, ako ang bahala sa iyo! Gagawin ko ang lahat para magustuhan ka ni kuya Rey.” Hinawakan ni Rain ang magkabilang kamay ko at muling bumaling kay Asta. “Huwag mong hihilingin iyon, Asta, okay? Gusto kong maging sister-in-law si Mallory!” masungit na sabi ni Rain kay Asta.
Nagtaas agad ng magkabilang kamay si Asta. “Sorry naman! Iniisip ko lang si Mallory at baka masaktan siya, Rain? Best friend natin siya, ayoko lang siya masaktan,” mabilis na sabi ni Asta. “Sorry, Mallory, hindi iyon ang gusto kong mangyari... Pero, gusto mo rin ba? Mas matanda ang kapatid ni Rain sa iyo at mas matanda rin siya kay kuya Adam, right?” Bakas sa mukha niya ang pag-aalala ni Asta sa akin.
Pinaglaruan ko ang aking mga daliri habang nasa ilalim ng table kaya hindi nila nakikita ang ginagawa ko. Mannerism ko na ito, ganito ako kapag kinakabahan at natatakot.
“Um, m-may crush ako kay kuya Rey... K-kahit s-sa video call ko lang siya nakikita k-kapag nagkakausap sila ni Rain, Asta. Ka-crush lang naman... H-hinahangaan ko lang naman siya... H-hindi p-pa naman malalim,” mahina at nauutal kong sabi sa kanila.
Wala akong narinig na salita mula sa kanilang dalawa. “Magkaiba ang crush sa arrange marriage, Mallory... Possible na ikasal ka sa kanya kaya dapat alam mo talaga ang feelings na nararamdaman mo para sa kuya ni Rain... Baka masaktan ka,” pag-aalalang sabi ni Asta sa akin.
Kita ko sa kanyang mukha, ang mga mata niyang malumbay na nakatingin sa akin. “Hahayaan ba natin masaktan si Mallory, Asta? Saka, hindi ko hahayaang saktan ni kuya Rey si Mallory! Kahit kapatid ko siya, kakampihan ko si Mallory kaysa sa kanya! Iyon ang gagawin natin, Asta, okay?” matabil na dila na sabi ni Rain at hinawakan ang kamay ko at kamay ni Asta.
“Oo naman, Rain, hindi ko rin hahayaang saktan ng kuya mo si Mallory. Hindi ko nga sinasaktan at pinaiiyak niyan kahit ilang years na tayong magkakaibigan, kaya wala siyang karapatan na saktan si Mallory, ganoʼng hindi pa niya nakikita ever since ang best friend natin!” malakas na sabi ni Asta kaya napangiti ako sa sinabi niya.
“Ay, wow, binata ka na, Asta! Nasasabi mo na iyan, ha? May gusto ka talaga kay Mallory, ano?”
“W-wala! Best friend ko lang talaga si Mallory kaya sinabi ko iyon!” mabilis at malakas na sabi ni Asta, nakita ko ang pagkapula ng tuktok ng tenga niya.
May sakit ba si Asta? O, dahil mainit na rito sa pʼwesto namin? Mag-e-eleven na rin ng umaga.
“Bakit nauutal ka, ha?” Ang lakas talaga mang-asar ni Rain. “Oo nga pala, nalaman mo na, Asta, ang tungkol sa arrange marriage na mayroʼn sina best friend and kuya Rey. Ngayon naman ay abangan natin si Via... Malaki ang kasalanan ng bruhang pinsan niya sa kanya,” nakangising sabi ni Rain.
Nakakatakot siya.
Napalunok na lamang ako at iniisip na lamang na, buti na lamang ay best friend ko siya.
“Anong mayroʼn naman kay Via? May sinabi ba siya?” pagtatanong ni Asta habang ngumingiti sa paligid namin.
“Ayan na naman ang zom-fans mo, Asta,” nakangiwing saad ni Rain habang pinang-iikutan niya ng kanyang mga mata ang mga babaeng bumabati kay Asta ngayon.
“Pabayaan mo na, Rain, crush nila si Asta. Gwapo naman kasi talaga siya,” sabi ko na lamang sa kanya.
“Hoy, bilisan mong batiin ang mga fans mo, mag-uusap pa tayo muli! Kapag nawala si Via, ikaw ang kakalbuhin ko!” nanggigigil na sabi ni Rain kay Asta.
Nakita ko ang takot sa mukha ni Asta kaya pinaalis na niya ang mga zom-fans niya, ayon kay Rain. Siya ang tumawag sa mga fans ni Asta.
“Ano bang mayroʼn kay Via?” tanong niya muli.
Pinaglapat ko ang aking labi sa isaʼt isa dahil nakakatakot ang mukha ni Rain ngayon. “Hehe. May sinabi lang naman siya kay Mallory... Na hindi raw sila bagay ni kuya Rey at sila ang bagay na dalawa. Hindi ba niya alam na ayoko sa kanya bilang sister-in-law ko, kaya neknek niya! Sinabihan pa niya si Mallory na tumanggi sa alok... Bwini-bwisit talaga niya ako. Kung nandoon ako kagabi, Mallory, baka nakatikim na naman ng sabunot ang bruhang iyon sa akin. Kaya ipaparanas ko sa kanya ngayon ang masakit na salita na sinabi niya sa iyo kahapon!” malakas niyang sabi kasabay ang malakas niya ring pagtawa.
Nagkatinginan kami ni Asta sa isaʼt isa at pareho kami ngayon ng iniisip. Nakakatakot si Rain magalit.
“Speaking of bruha! Nakita ko na siya kasama ang dalawa niyang alipores! Mabuti naman at lumabas na rin siya. Kanina pa ako nangangati na sabunin siya ng mga salita kong maanghang!” nakangising sabi niya at nakatingin sa gilid namin.
“Wow, Rain, ang lalim ng sinabi mong iyon, ha? Saan mo narinig iyon?” Napailing na lamang ako kay Asta. Ngayon pa siya nagpatawa, ano?
Tumayo na kami at kinuha ang lunch box namin. Hinarangan ni Rain sila Via at dinala niya sa ilalim ng hagdanan. “Ano iyong narinig ko, Via, ha? Na hindi bagay si Mallory sa kuya Rey ko? At, ikaw ang bagay para sa kanya?” matabil na sabi ni Rain kay Via.
Nakita ko ang pagtingin ni Via sa akin, mukhang alam niyang sinabi ko kay Rain ang sinabi niya sa akin kahapon.
“What? Totoo naman, huh? Hindi sila bagay! Hindi porket siya ang unang apo ay siya na ang naka-engage kay Rey, ako dapat iyon! Kami ang bagay na dalawa!” malakas na sabi ni Via at tinignan pa niya ako nang masama.
“Ay, wow! Pinangungunahan ang kuya ko? Close na close kayong dalawa? Para malaman mong kayo ang bagay sa isaʼt isa? Ayoko nga kitang maging sister-in-law kaya huwag ka na mangarap!” Hinawakan ni Rain ang kamay ko. “Si Mallory ang pakakasalan ng kuya ko in the future, at hindi ikaw, Via! Manigas ka!” malakas niyang sabi.
“Ikaw rin ba ang kuya mo para sabihin niyan? Tanging kuya mo lang ang may karapatan na umayon sa lahat.”
Napatingin kaming tatlo nina Rain and Asta sa kaibigan ni Via, maikli ang buhok na may full bangs hanggang sa itaas ng kanyang kilay at may may salamin sa kanyang mata. Alam ko si Devon ang isang ito, ang best friend niya dahil parehas silang only child.
“Ay, wow, sumasapaw!” malakas na sabi ni Rain kay Devon. “Hanggang dito lang iyong kausap ko, oh! Hindi ka kasali. Kung makasapaw ka naman, ikaw ang bida? Doon ka nga, tsupi!” pang-aasar pa ng isang ito.
“Um, Rain, tara na. Malapit na mag-bell,” saad ko sa kanila ni Asta. Three minutes na lamang, bell na.
“Pasalamat ka malapit na ang bell. Uulitin ko lang, ha? Huwag kayong sumasapaw! Ulitin mo pa ang sinabi mo kay Mallory, hindi kita tatantanan, Via, kahit umiyak ka pa!” malakas na sabi ni Rain sa pinsan ko.
Nakita ko ang galit sa mukha ni Via at saka siya tumakbo paalis. Nauna pa siyang umalis kaysa sa amin. Bigla tuloy ako naawa baka magsumbong na naman siya kina uncle Jerry and tita Victoria.
Lagot!