"Alexa, sino ang mga taong 'yun sa labas, ikaw raw ang hinahanap?"
Sabay na napaangat ang ulo ni Alexa at Mindy. Nilingon nila ang nakabukas na pinto, nakasilip doon ang kapatid nitong si Cheska.
"Ha! Ewan, wala naman akong inaasahang bisita, Ate" napapaisip na sagot ni Alexa, tumingin pa siya kay Mindy na para bang nagtatanong kung may ideya ba ito kung sino ang mga naghahanap sa kaniya sa labas, ngunit nagkibit balikat lamang ito.
"Taga D&S Entertainment daw sila," dagdag na sabi ni Cheska. "Ikaw nga Alexa, ano na naman bang kalokohan ang ginawa mo?" may pagdududang tanong nito.
"A-Ate, para sa project namin 'yan. Ako na ang haharap sa kanila." Pagpepresinta ni Mindy. Buhat sa pagkakadapa sa kama ay bumangon ito at bumaba sa higaan.
"Ganu'n ba, sige," alanganing sabi ni Cheska, umalis na ito sa pinto at tumuloy sa sarili niyang silid na katabi lang naman ng kwarto ni Alexa. Lumabas naman si Mindy para tunguhin ang naghahanap sa kaniyang kaibigan.
Habang nag-iisa ay napapaisip si Alexa kung ano ang ginagawa ng mga tag D&S Entertainment sa bahay nila. Mamayang gabi pa naman ang date niya kay Keith Almonte. Alas singko ng hapon pa lang ngayon at may dalawang oras pa siya para maghanda. Ilang minuto lang ay humahangos na bumalik si Mindy.
"Alexa! Kailangan mo nang umalis, isasama ka nila, sila na raw ang magbibihis at mag-aayos sa'yo," pagbabalita nito.
"Ha! Bakit kailangan ko pang sumama sa kanila, pwede namang ako na lang ang mag-ayos sa sarili ko."
"Hmp! Ayaw mo ba no'n hindi ka na mahihirapan, isa pa may povided silang damit para sa'yo. Mabuti na 'yon, ang baduy kasi ng damit na napili mong isuot, slacks, tapos polo na pinatungan pa ng blazer, para ka namang papasok sa opisina. Magmumukha ka ngang tiyahin ni Keith kapag iyon ang sinuot mo. Sumama ka na lang sa kanila, sa tingin ko aymay standard make-up din silang sinusunod, hindi basta-bastang make-up lang, siyempre naman ipapalabas sa tv ang date ninyo dapat maganda rin ang rehistro mo sa camera."
"Hay naku, ang dami namang kailangan ng mga 'yan!" Nanulis ang nguso ni Alexa.
"Huwag ka nang mag-reklamo, naghihintay na sila sa'yo sa labas. Halika na!" Hinatak siya ni Mindy para tumayo.
"Teka lang, paano sila Mommy, hindi ba ako magpapaalam? Baka hanapin nila ako."
"Ako na ang bahala do'n, ako na ang magpapaliwanag."
"Basta ayusin mo ha. Tiwala ako sa'yo. Maganda ka, siguradong mapapa-inlove mo si Keith."
"Huh! Okay ka lang, artista 'yun, normal na tao lang ako, pangkaraniwan lang ang itsura ko, hindi ako magugustuhan nun, at saka wala akong panahon sa mga bata."
"Ayan ka na naman. Mag uumpisa ka na naman. Sige na umalis ka na nga. Ihahatid na kita sa gate. Naku! Ako talaga ang nae-excite para sa'yo. Gusto kong sumama kaso hindi naman pwede, ikaw lang ang kailangan nila."
Napilitan na lamang si Alexa na sumama sa staff ng D&S Entertainment kahit na ayaw niya dahil naka 'oo' na siya sa mga ito.
-
"Naku, ang ganda naman pala ng batang ito! Maswerte ka beh, at ikaw ang makaka-date ni Keith," sabi ng make up artist na mag-aayos kay Alexa.
Tiningnan lamang ito ni Alexa, sa isip-isip niya ay bakit naman masasabing swerte siya? Pakiramdam nga niya ay malas siya dahil sa dami ng mabubunot sa electronic raffle na iyon ay kung bakit sa pangalan pa niya tumapat?
"Simplehan lang natin ang make up mo, yung bagay sa edad mo. Napakabata mo pa, ganiyang-ganiyan din ako ka fresh nung bata pa ako," sabi nito sabay tawa.
Alanganing napangiti na rin si Alexa. Kung hindi siya ngingiti ay baka sabihin naman nito na ang kj niya.
Halos umabot din nang isang oras ang pag-aayos sa kaniya, mula sa kaniyang buhok, make up at pati sa damit na susuutin niya ay detalyado lahat.
"Ay, ang ganda!" bulalas ng bading na hair stylist, napapalakpak pa ito sa tuwa ng makita si Alexa na suot ang isang puting tube type white mini dress.
Napatingin naman si Alexa sa salamin at nakita niya ang kaniyang kabuuan doon.
"Hindi po ba masyadong bata ako tingnan sa damit na 'to? Hindi bagay sa edad ko," sabi niya.
Nagkatinginan ang stylist at make up artist. May pagtataka sa mukha ng mga ito.
"Tama lang naman ang suot mo beh, nineteen ka pa lang," wika ng stylist.
"Oo nga," sang ayon naman ng make up artist.
"Alam niyo kasi ano eh thirt—."
Hindi na niya naituloy ang sasabihin ng maalalang nasa katawan nga pala siya ng batang siya kaya walang maniniwala na 32 years old na siya.
"Huh! Never mind, sige okay na 'to," napipilitang sabi niya.
Hindi naman siya natutuwa sa kinalabasan ng ginawa ng mga ito sa kaniya kahit sinabihan pa siya ng mga ito na maganda siya, pakiramdam kasi niya ay masyadong bata at pa-cute ang itsura niya ngayon.
Alas sais 'y medya nang dumating ang sasakyan na maghahatid sa kaniya patungo sa venue kung saan sila magdi-dinner date ng artistang iyon. Isang luxury car ang nakaparada ngayon sa harapan ng building ng D&S Entertainment at naghihintay sa kaniya. Nalula siya sa dami ng camera at ilaw na nakapaligid sa kaniya. Lahat ay nakaantabay sa paglabas niya. Hindi siya makapaniwala na para na siyang celebrity ngayon na pinagkakauluhan ng mga reporter na makuhanan ng larawan.
"Huh! Bakit ang daming nagpi-picture sa akin?" tanong niya sa staff ng D&S na umaalalay sa kaniya.
"For publicity 'yan, Miss Alexa. Bukas kalat na ang pictures mo sa lahat ng balita at social media."
"Bakit may mga ganiyan pa?" Hindi siya sanay nang ganun.
Gusto tuloy niyang sisihin si Stella, dahil sa imbensiyon nito ay mas lalo pa yatang nagulo ang buhay niya.
Ito ang unang pagkakataon na lalabas sa telebisyon si Keith, kaya naman lahat ng tao ay nakaabang. Hindi mapigilan ang mga reporter na gustong kuhanan ng mga larawan at video si Alexa, kaya naman inalalayan siya ng mga bodyguard hanggang sa makapasok sa sasakyan. Noon lang nakaramdam ng kapanatagan ang dalaga, kanina ay pigil hininga siya. Sa dami ng ilaw at tao sa paligid niya ay parang nakaramdam siya ng takot. Napapaisip siya kung ganu'n din kaya ang feeling ng mga sikat na artista kapag dinudumog na sila ng maraming tao? Ni sa hinagap ay hindi niya pinangarap na maging celebrity, tama na sa kaniya ang simpleng buhay at tanging gusto lang talaga niya ay iyong meron siyang maipagmalaking achievement sa kaniyang mga magulang at kapatid.
Habang papalapit sila sa venue ay hindi maipaliwanag ni Alexa ang tensiyon na nadarama. Wala siyang ideya kung ano ang mangyayari sa date nila ng movie star na iyon. Sa totoo lang ay gusto na niyang matapos ang gabing ito.
Okupado ng D&S Entertainement ang buong restaurant kaya naman pinasara ito para lamang sa date ni Keith at Alexa. May mga staff na nag-assist sa dalaga, kung saan siya mauupo at kung ano ang mga dapat niyang gawin habang ang mga camera man ay patuloy siyang kinukuhanan ng video.
Halos kalahating oras na siyang naghihintay ay wala pa rin si Keith. Nakaramdam ng inis si Alexa para sa artistang iyon, pa-importante. Kapag ganitong gutom na siya ay madali nang
uminit ang ulo niya. Halos mag-aalas otso na ng gabi. Kapag hindi pa ito dumating ng eksaktong alas otso ay aalis na siya, wala siyang pakialam kahit naka-video pa siya. Sa lahat ng ayaw niya ay iyong hindi sumusunod sa tamang oras.
"Dumating na si Keith!" halos pasigaw na sabi ng isang staff, humahangos itong lumapit sa director ng programang iyon ang 'A Date With Keith'.
"Okay, mga camera man, humanda na kayo, kailangan makuhanan ng magandang anggulo ang pagpasok ni Keith!" pasigaw na sabi ng direktor.
Nagkani-kaniyang pwesto na ang mga may hawak ng camera sisiguraduhin ng mga ito na bawat kilos at reaksiyon ng mukha ng movie star ay maka-capture.
Si Alexa naman ay nakatingin lang sa mga nagkakagulong staff. Sinundan ng mga mata niya ang bawat kilos ng mga ito hanggang sa matahimik ang lahat. Napalingon siya sa tinutumbok ng mata ng mga ito, natigilan siya ng pumasok ang isang matangkad at malakas ang dating na gwapong lalaki. Para itong nababalutan ng liwanag nagniningning ito sa kaniyang paningin.