Napaismid si Alexa. Oo inaamin niya na magandang lalake nga itong si Keith, karamihan naman sa mga artista ay gwapo at magaganda, hindi magiging sikat na matinee idol ang lalaking ito kung hindi siya gwapo, pangalawa na lang na tinitingnan ng mga fans niya sa kaniya ay ang pagiging talented niya. Isa pa, sa edad na twenty one ay batang-bata pa ito sa kaniyang paningin, para lang niya itong kapatid, papasa na nga siyang tiyahin nito kung tutuusin dahil sa laki ng agwat ng edad nila.
Lumakad papalapit sa kaniya si Keith.
"Hi! You must be Alexa, it was nice meeting you," bungad na bati nito.
"This is for you," sabi pa sabay abot ng bungkos ng mga puting bulaklak kay Alexa.
Alanganing tinanggap naman iyon ng dalaga, kung wala lang nakatutok sa kanilang mga camera ay hindi niya ito papansinin. Kanina bago pa dumating si Keith ay sinabi na sa kaniya ang mga dapat niyang gawin kapag nagkita sila ng sikat na artistang iyon. Naalala pa niya ang bilin ng direktor sa kaniya kanina.
"Kailangan ipakita mo kung gaano ka ka-avid fan ni Keith, huwag kang mahiya na ilabas ang nararamdaman mo, kung kinikilig ka ipakita mo."
Napabuntong hininga siya nang malalim. Oo, gwapo ang lalaking ito, matangkad at maganda ang pangangatawan, makinis ang kutis at maganda magdala ng damit, siguradong kahit na anong ipasuot mo ay babagay, kahit mukhang basahan pa 'yan. Ngunit, wala naman siyang interes sa lalaking mas bata sa kaniya, hindi siya nakakaramdam ng anumang kilig na sinasabi ng direktor. Hindi rin naman niya ito kilala bilang isang artista, ni isa ay wala pa siyang napapanuod na pelikula nito kaya hindi siya matatawag na fan. Sa tunay kasi niyang buhay bago pa siya bumalik sa pagiging 19 years old ay wala namang artistang Keith Almonte na nag-e-exist.
"Please take a sit." Hinila ni Keith ang isang upuan para paupuin siya na siya naman niyang ginawa.
Hinatak nito ang isang bakanteng upuan sa harapan niya at naupo. Nagulat siya ng biglang umusog ito para makalapit sa kaniya at pagkatapos ay may ibinulong.
"Whatever I do, don't take it seriously, this is just a part of the show, so don't expect me to be nice to you after," pabulong na sabi nito. Hindi mahahalata sa camera na hindi maganda ang sinabi nito kay Alexa, dahil ang lumalabas ay para bang sinasabihan siya nito ng sweet nothings, lalo pa at nakangiti ang binata habang nagsasalita. Artista ito at alam nito kung saan a-anggulo pagdating sa camera. Magaling itong umarte kaya napapaniwala nito ang mga taong naroroon na totoo ang pakikitungo nito kay Alexa.
Hindi nagustuhan ni Alexa ang mga lumabas sa bibig ng binatang artista. Palihim niya itong binalingan ng masamang tingin. Gumanti siya ng bulong dito.
"Mister, kung sino ka man, wala akong pakialam sa'yo. Hindi porke't artista ka akala mo lahat ng tao ay kikiligin na sa'yo. Ang totoo ay napilitan lang akong pumunta rito. Mas interesado pa ako sa pagkain kaysa ang makasama ka. Don't worry, hindi ako nag-e-expect na magiging maganda ang pakikitungo mo sa akin. Alam ko namang ang mga kagaya mong sikat ay mataas ang tingin sa sarili. I want you to know na hindi lahat ng tao ay nai-impress sa kagaya mo," mataray na sabi niya na ikinakunot naman ng noo ni Keith.
Sa tanang buhay ng binata ay ngayon lang siya naka-encounter ng babaeng pabalang kung siya ay kausapin at hindi man lang niya nakitaan ng interes sa kaniya.
Gusto niya sanang sigawan ito ngunit naalala niyang may camera nga pala na nakatutok sa kanila. Makakasira sa image niya kung papatulan niya ang katarayan ng babaeng kaharap niya. Ang ipinagtataka lang niya, sa pagkakaalam niya ang contest na iyon ay para sa mga fans niya. Pero ang isang ito ay mukha namang hindi fan kung 'di anti-fan.
Hindi kaya padala ito ng kabilang kampo para sirain ang image niya? Wala naman siyang ibang pag-iisipan na may kagagawan nito kung hindi si Ryle Philips lang na karibal niya sa kasikatan.
"Pwede ba ipadala mo na ang mga pagkain dito nang makakain na tayo, para matapos na itong date na 'to inaantok na ako," walang ganang sabi ni Alexa, sabay hikab.
Nanlaki ang mga mata ni Keith. Kung maraming nagsasabi na arogante siya, mas mukhang arogante pa sa kaniya ang babaeng ito.
"Hindi ka ba pinapakain sa inyo? Bakit pagkain agad ang iniisip mo? Hindi ka ba na-orient ni direk about this show?"
Bumuntong hininga nang malalim si Alexa, nadismaya siya sa kaniyang kausap.
"Sino ba ang hindi magugutom? Konti na lang mag-aalas nuebe na ng gabi, ang huling kain ko ay lunch at 12pm pa 'yon. Usapan 7pm start na, kaya lang paimportante ka at nagpahuli ka pa ng dating, tapos ang dami pang seremonyas bago magsimula. Kailangan pang i-retouch ang make up mo. Kalalaking tao, naka-make up. Dinner date nga ito 'di ba? Ibig sabihin nun kakain tayo. Anong oras mo pa ba gusto tayong kumain?"
May pagdududa ang tingin ni Keith kay Alexa. "Umamin ka nga sa akin, nagtatrabaho ka para kay Ryle 'di ba? Ipinadala ka niya rito para pikunin ako, para pasamain ang image ko sa mga tao. Sabihin mo magkano ang ibinayad niya sa'yo at do-doblehin ko, magsabi ka lang ng totoo."
Nangunot ang noo ni Alexa. Hindi niya alam ang mga sinasabi ng kaharap at hindi niya kilala ang pangalan na tinutukoy nito.
"Ano ba'ng pinagsasabi mo d'yan? At saka sinong Ryle ang tinutukoy mo? Pwede ba huwag kang magbintang, hindi ko kilala ang pinagsasabi mo.Isa pa bakit ganiyan ka magsalita? Wala kang galang, hindi ka marunong gumalang sa nakakatanda sa'yo."
Si Keith naman ngayon ang nangunot ang noo. "Huh! Sinong matanda ang sinasabi mo?" naguguluhang tanong niya.
"Ako!" mabilis na tugon ni Alexa sabay turo sa sarili.
Napamaang si Keith sa ginawi nito, ilang saglit siyang natigilan at pagkatapos ay natawa.
"Talaga lang matanda ka na? Bakit ilang taon ka na ba?"
"32 na ako, kaya mas matanda ako sa'yo. Dapat ay sumasagot ka sa akin ng may paggalang at saka, huwag mo akong tawagin sa pangalan ko lang, dapat may kasamang Ate o Tita sa unahan, ganu'n."
Halos malaglag ang panga ni Keith dahil sa mga pinagsasabi ni Alexa. Hindi niya mapaniwalaan ang mga lumalabas sa bibig nito. Batang-bata ang tingin niya sa kaniyang kaharap. Sa pagkakaalam niya at 19 years old pa lang ito. Bago naman niya harapin ito ay binigyan siya ng konting impormasyon ng staff kung sino ang makaka-date niya at kung ano ang background nito.
"Are you kidding me right? Nanaginip ka ba? Sino naman ang maniniwala na 32 years old ka na?"
"Bakit totoo namang 32 years old na 'ko."
"Will you please stop that nonsense. Siguro nga nagugutom ka na, kasi kung ano-ano na ang pinagsasabi mo."
"Okay, ipahahanda ko na ang pagkain natin, mas makakabuti nga siguro na kumain ka muna para maging matino kang kausap."
Tinawag ni Keith ang waiter na nakaantabay lang sa kanila at naghihintay sa utos niya.
"Sir, may kailangan po ba kayo?" tanong ng waiter ng makalapit.
Tumango si Keith. "Yes, please prepare our food. Pakibilisan lang at nagugutom na itong kasama ko."
"Okay po, Sir," mabilis na tugon ng waiter, umalis din ito agad para kunin ang mga pagkain.
Nakaramdam ng excitement si Alexa, talagang gutom na siya at nagrereklamo na ang mga bituka niya.
Nang mapalingon si Keith sa dalaga ay nangunot ang noo niya. Nakita niya kasi na nakangiti ito at mukhang masaya. Ayaw niyang maniwala pero parang totoo nga ang sinabi nito na pagkain lang talaga ang habol nito sa date nilang iyon. Nahihiwagaan siya sa kaniyang kaharap. Wala talaga siyang makitang kahit na anong bahid na tagahanga niya ito, mukhang hindi nga siya kilala ng babaeng ito. Ngayon lang siya naka-encounter ng babaeng hindi man lang nabighani sa kagwapuhan niya. Nagkaroon na tuloy siya ng pagdududa sa kaniyang sarili na baka siyang karisma pagdating sa mga babae at hindi na ganuon kalakas ang appeal niya sa masa.
Mas nauungusan na nga ba siya ng kakumpitensiya niyang si Ryle Philips?
Tsk! Hindi siya makakapayag, napakabata pa niya para malaos.
Napapailing na lamang siya habang naririnig ang maingay na pagnguya ng kaniyang kaharap. Kung pwede nga lang na mag-walk out ay kanina pa niya ginawa. Hindi niya kayang tagalan na makasama ang walang delikadesang babaeng ito. Sa dami naman na mapipili ay kung bakit ang babaeng ito pa ang kaniyang naka-date. Mas okay pa siguro kung matanda na lang ang ka-date niya ngayon, sigurado siyang mas maa-appreciate pa siya nito, hindi katulad ng kaniyang kaharap na mukhang wala sa sariling pag-iisip at kung ano-ano ang pinagsasabi.
Panay na lamang ang ngiti niya, pasalamat na lang talaga siya at magaling siyang artista. Kahit naiinisna siyaay nagagawa pa rin niyang maging masaya sa paningin ng mga tao.
Nagtataka nga siya sa kaharap, kung saan nito isinasalaksak ang mga pagkain na kinakain nito, panay ang subo at hindi napapagod ngumuya. Tingnan pa nga lang niya ito habang kumakain ay mas nauna pa siyang nabusog.