Napapailing na lamang si Keith habang pinagmamasdan kung paano kumain si Alexa. Wala itong pakialam sa kaniya, basta kain lang ito nang kain, ni hindi siya pinapansin nito na para bang wala siya roon.
Hindi naman siya gutom, ang totoo ay nag dinner na siya bago pa pumunta roon. Uminom lang siya ng orange juice at sumubo ng kaunti para lang maipakita sa palabas na nag-e-enjoy siyang kumain kasabay ang fan na ka-date niya. Nang mga oras na iyon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na matitigan ang kaniyang kaharap. Parang pamilyar ang mukha nito sa kaniya, parang nakita na niya ito noon. Napaisip siya, pilit niyang inaalala kung saan nga ba niya ito nakita?
Biglang bumalik sa alaala niya ang sikat na mall. Hindi siya maaaring magkamali, si Alexa ang babaeng iyon. Ang pinakiusapan niyang manatili sa tabi niya para pagpanggapin na girlfriend niya dahil sa kagustuhan niyang takasan ang manager niya at ang mga staff ng H&H Apparel. Hindi siya nakilala nito dahil sadya niyang itinago ang kaniyang mukha para hindi dumugin ng mga taong makakakita sa kaniya sa mall. What a coincidence nga naman, hindi niya inaasahan na pagtatagpuin muli ang kanilang landas ng babaeng iyon. Habang pinagmamasdan itong maganang kumain ay hindi niya maiwasan na maikumpara ito sa mga babaeng naka-date na niya ibang-iba ang isang ito sa lahat.
"Hindi ka pa ba tapos kumain? Pwede ba tumigil ka na? Balak mo pa yatang ubusin ang lahat ng pagkain nila rito," yamot na sabi ng binata. Panay pa ang kamot nito sa braso na halata na ang pagkainip.
"Huwag ka ngang makialam. Sinusulit ko lang ang pagkain, wala naman kasing pa-premyo ang contest na 'to. Premyo na bang matatawag ang maka-date ka? Sana pinera na lang nila, 'di sana nakatulong pa 'yon na makabawas sa mga bayarin ko. Ano nama kasing mapapala ko sa pag-date sa'yo? Masosolusyunan ba ang mga problema ko sa pagtitig lang sa'yo?"
"Alam mo gwapo ka sana, kaya lang hindi maganda ang ugali mo."
"Tsh! Nagsalita ang maganda ang ugali. Ikaw nga itong walang manners kung kumain. Kita mo na, nagtinga ka pa sa harapan ko, pwede ba tumalikod ka man lang, wala kang kahihiyan," banas na sabi ni Keith.
"Ano na naman sa'yo kung magtinga ako? Natural lang naman kapag kumakain may sumasabit sa ngipin. Mas pangit namang tignan kung tatawa-tawa ako sa harapan mo tapos may nakasabit pang hibla ng karne sa ngipin ko 'di ba?"
"Huh! Ewan ko sa'yo, kailan pa ba matatapos 'tong date na ito? Tsh! Nangangalay na ang panga ko sa kakangiti."
"Bakit akala mo ba ikaw lang ang naiinip? Kung gusto mong matapos na 'to, mas gusto ko. Pagkain lang ang yummy rito, pero ikaw hindi. Nakakaumay kaya ang kasungitan mo."
Hindi maiwasan ni Keith na maningkit ang mga mata. Hindi niya nagustuhan ang mga pasaring sa kaniya ni Alexa. Kung bakit ba kasi ang init ng ulo nila sa isa't-isa. Wala naman dapat silang pag-awayan kaya lang ay bakit hindi magtagpo ang ugali nila?
Makalipas ang kalahating oras sa wakas ay tinigilan na rin ni Alexa ang pagkain. Tinapos na ng direktor ang eksena sa restaurant at pinalabas naman sila ngayon. May magandang garden sa restaurant.
Nagulat si Alexa, pinagkagastusan talaga ang mga iniligay na dekorsyon sa garden. Nagliliwanag sa buong paligid dahil sa nagkikislapan na iba't-ibang kulay na mga ilaw. May dalawang swing doon at may arkong hugis puso na nababalutan ng makikinang na ilaw.
"Keith, maupo kayo sa swing, mag-usap kayo kahit na ano. Kailangan parang nag-eenjoy kayo habang nag-uusap," utos ng direktor.
"Narinig mo naman ang sinabi 'di ba?" walang ganang sabi ni Keith.
"Oo naman, hindi ako bingi."
Inalalayan nito si Alexa hanggang sa makarating sila swing.
"Umupo ka na," utos nito sa dalaga.
"Hindi mo man lang ba ako aalalayan na maupo?" tanong ng dalaga, umaandar kasi ang swing kaya nag-aalangan siya na baka mahulog siya.
"Matanda ka na, kaya mo na 'yan, 32 years old ka na 'di ba?" may halong pang-aasar na sabi ng binata sabay ngisi.
Inirapan naman ito ni Alexa.
"Hmp! Bwisit, wala kang galang sa nakakatanda sa'yo!" singhal niya rito.
Napahalakhak si Keith.Tuwang-tuwa siya sa mga reaksiyon ng kaniyang ka-date.