"Alexa, tigil! Tumigil ka! Huwag mong inumin ang laman ng bote na yaaann!"
Humahangos na lumapit sa akin si Stella.
Tsh! It's too late for her to stop me.
Paano nangyari na hindi ko namalayan na nasundan na pala ako ng pinsan kong ito rito sa kusina? Kanina lang ay iniwan ko siya sa basement. Paano siya nakaakyat ng ganu'n kabilis? Ano, nag-teleport ba siya? May kapangyarihan ba siya at kaya niyang pumunta sa ibang lugar sa isang kisap mata lang?
"You're late. Wala na, nainom ko nang lahat eh! Bakit ba kasi tubig na nga lang ang laman ng ref ninyo tapos pinagdadamot mo pa? Hindi ko naman alam na nauuhaw ka rin . Sorry but not sorry, kung gusto mong uminom kumuha ka na lang ng tubig sa gripo, puwede naman sigurong inumin 'yon. Look!" wika ko sabay taas ko sa bote ng tubig na wala nang laman.
"Kamusta ang pakiramdam mo, ha Alexa?" Sinapo niya ang magkabila kong pisngi, pati na ang noo at leeg ko.
"Did you feel something strange after drinking that water?" dagdag na tanong niya, tiningnan nito ng maigi ang buo kong katawan na para bang naghahanap ng kakaiba sa akin.
"Bakit ba kasi sobra ang pag-aalala mo, tubig lang naman ang ininom ko? Okay lang naman kahit galing pa 'yon sa poso o gripo, hindi naman maselan itong tiyan ko kaya huwag kang masyadong OA d'yan," balewalang sabi ko.
Huminga nang malalim si Stella.
"It is not what you think it is, Alexa," seryosong sabi nito kaya natigilan ako.
Tiningnan ko ng makahulugan ang wirdo kong pinsan. "No—don't tell me that there's a poison in that water?" hindi makapaniwalang tanong ko.
Hindi umimik si Stella kaya nag-panic na ako.
"Sabihin mo nga sa akin Stella, ilang minuto na lang ba ang itatagal ko rito sa mundo? May oras pa ba para makapagbigay ako ng last message sa family ko?"
"Te-teka, kakaiba ang nararamdaman ko, parang nahihilo ako at bumabaligtad ang sikmura ko, Stella." Umakto ako na para bang nasusuka sa harapan niya habang sapo-sapo ko ang masakit kong ulo.
"Ikaw nga Alexa, tumigil ka, huwag mo akong binibiro ng gan'yan. Hindi nakakatuwa ang ginagawa mo," naaalarmang sabi niya sa akin, hinawakan pa niya ako sa magkabilang balikat. Kita ko ang takot at pag aalala sa kaniyang mga mata.
"It's a prank!" sabi ko sabay tawa nang malakas. "Ang galing ko talagang umakting, bilib kana sa akin, noh? Sabi ko na, dapat nag-artista na lang ako, eh."
Malakas na hampas sa balikat ang ibinigay nito sa akin dahilan para mapangiwi ako.
"Aray naman! Bakit ba kailangan mo pang manakit?" reklamo ko.
"It's not just a simple water that you can drink, Alexa, and this is not a joke," seryosong sabi niya kaya natigilan ako.
"Huh! Hindi simpleng tubig? Eh, ano ba kasi 'yon, sabihin mo na hindi 'yung pa-suspense ka pa d'yan," inis na wika ko.
Seryosong tingin ang ipinukol niya sa akin.
"It's not just a water but... it's a kallos water, Alexa," tugon niya.
Dumoble ang laki ng mga mata ko sa naging pahayag niya.
"Kallos water? Scientist ka nga, imbento ka eh," mapang asar na sabi ko.
"Wala akong oras na makipaglokohan sa'yo, Alexa. Seryoso ako at hindi kita binibiro."
"Sus! Madalas mo akong i-good time nung mga bata pa tayo, kaya hindi na uubra sa akin 'yan."
"This is a serious matter."
"Okay fine, granted na kallos water or whatsoever nga ang nainom ko, so ano na ang mangyayari sa akin ngayon? At saka bakit tinawag na kallos water? Gawa ba sa kalyo 'yan? 'Yuck, kaninong kalyo naman ang kinuha mo? Sa kalyo ng mga paa mo o sa kalyo ng hayop?"
Natigilan si Stella, parang alanganin pa itong sabihin sa akin ang epekto ng ininom ko.
"Fyi, hindi siya galing sa kalyo. Hindi ko pa alam kung ano ang bisa ng tubig na 'yon dahil hindi ko pa nasusubukan na i-testing."
"Ganu'n? Aminin mo na kasi, niloloko mo lang ako. Gusto mo lang akong takutin."
Umiling ito. "Believe it or not it's true. Ang kallos water na ininom mo ay ang bagong imbensiyon ko, hindi ko pa siya nasusubukan kahit sa hayop. Kapag umipekto sa'yo ang ininom mo asahan mong babalik ka rin sa dati pagkatapos ng 60 days."
Umangat ang kilay ko sa sinabi ng wirdo kong pinsan. "Ako nga tigil-tigilan mo sa biro mo, Stella. Uuwi na 'ko, wala naman akong mapapala rito."
"Hindi mo man lang ako mapakain, tubig na nga lang ang pinainom mo sa akin may side effect pa."
Hindi naman niya pinansin ang mga sinabi ko.
"Basta tandaan mo, Alexa, may expiration ang bisa ng ininom mo. Apat na buwan ang itatagal ng epekto niyan sa katawan mo. Good luck na lang kung ano man ang mangyari sa'yo, but one thing I'm sure of, hindi ka naman mamatay sa nainom mo, magbabago ka lang. Sa anong aspeto, iyon ang hindi ko pa alam," pagpapaalala niya sa akin.
"Tsh. Whatever! Uuwi na 'ko, babuuu..." Binalewala ko ang mga sinabi niya at nilisan ko na ang wirdong bahay na kasing wirdo ni Stella.
Babalik na naman ako sa condo ko at maiisip ko na naman ang mga problema ko.
Habang nagda-drive ako pauwi ay parang ang gaan ng pakiramdam ko. Wala naman akong kinain pero pakiramdam ko ay busog na busog ako.
Baka naman ang epekto ng tubig na 'yon, ay magiging busog ako for 60 days. Hindi na masama, kung laging busog ang pakiramdam ko ay makakatipid ako sa pagkain. Wish ko lang ay hindi naman ako maging bloated.
Habang nasa kalagitnaan ng daan ay bigla akong napa-preno.
Teka lang... paano kaya kung ang maging epekto sa akin ng tubig na 'yon ay maging makakalimutin ako?
Hmm... parang mas okay siya, makakalimutan ko na ang lahat ng mga bayarin ko at mga problema sa buhay.
Eh paano naman kaya kung suswertehin pala ako dahil sa tubig na 'yon, lahat ng suwerte ay dadapo sa akin, kabaliktaran ng kamalasan na nararanasan ko ngayon?
Wish ko lang talaga na sana nga ay magkatotoo ang iniisip ko. Oo tama, sisimulan ko nang tumaya sa lotto bukas para makita ko kung totoo ngang suwerte ang epekto.
Ini-start kong muli ang makina at minaneho ko ang sasakyan pabalik sa condo ko. Lalong gumaan ang pakiramdam ko sa isiping bukas ay magbabago na ang takbo ng buhay ko.
Hindi ako puwedeng maging talunan. Hindi puwedeng malaman ng mga kapatid ko ang sinapit ko. Ayokong pagtawanan nila ako at maliitin.
Tama naman si Stella sa sinabi niyang mataas ang pride ko, kaya kahit hindi ko na kaya ay hinding-hindi ako lalapit sa pamilya ko para humingi ng tulong. Nang umalis ako sa amin ay sinabi ko kina Kuya Zandro at Ate Cheska na tatayo ako sa sarili kong mga paa at hindi ko kakailanganin ang tulong nila. Alam kong mabigat ang binitawan kong mga salita at ngayon ay sinusubok na ng tadhana kung gaano ako katapang at kadeterminado na panindigan ang mga sinabi ko.
Nakatulog ako sa malalim na pag-iisip wala akong kamalay-malay na sa paggising ko ay magbabago na nang tuluyan ang buhay ko.