Alexa's POV
Habang nasa biyahe at sakay ng aking 1 year old car na two years to pay pa, ay parang gusto ko na lang magwala at lahat ng makasabay ko sa daan ay hamunin ko ng karera.
Bakit ba kasi ganito ako kamalas?
Ito ba ang kaparusahan sa pagsuway ko sa aking mga magulang noong bata pa ako?
Dahil madalas akong ikumpara nila Mommy at Daddy noon sa mga kapatid ko ay minabuti ko na lang na lumayo at mabuhay na mag-isa. At the age of nineteen ay pinag-aral ko na ang sarili ko at hindi ako umasa sa kanila. Hindi man ako naging kasing galing at kasing talino nila Kuya Zandro at Ate Cheska ay magiging matagumpay pa rin ako sa buhay, iyon ang gusto kong patunayan sa kanila. Kaya lang hanggang ngayon ay wala pa rin akong maipagmamalaki, kaya hindi ko magawang umuwi sa bahay namin.
Tama nga si Christoff nang sabihin niyang isa akong loser. Hindi ako trophy girlfriend, kaya nga itinatago niya ako dahil ikinakahiya niya ako bilang nobya niya.
Napabuntong hininga ako nang malalim.
Akala ko pa naman sa pagpunta ko sa bahay ni Christoff ay makakahanap ako ng kakampi at magko-comfort sa akin, hindi naman pala, nawalan na nga ako ng trabaho, nawalan pa ako ng love life, tsk.
-
Tsh! Dapat ko bang ipagpasalamat na nakauwi ako ng safe sa aking tinitirahan o hindi? Dahil ang dapat sana ay forty five minutes kong biyahe mula sa tirahan ni Christoff hanggang dito sa condo unit ko ay nagawa ko lang ng twenty five minutes sa sobrang tulin nang pagpapatakbo ko. Hinintay ko na nga lang na may makakita sa aking pulis at hulihin ako for over speeding pero wala, eh. Mas gugustuhin ko pang tumira sa kulungan kaysa bumalik sa mga magulang ko. Ano'ng mukha ang ihaharap ko sa kanila? Ayokong malaman nila na isa akong talunan dahil siguradong susumbatan na naman nila ako.
Pabagsak na umupo ako sa aking black leather sofa, kinuha ko ang malaking white throw pillow at niyakap ko ito nang mahigpit na para bang sa pamamagitan niyon ay mawawala ang sari-saring emosyon na nararamdaman ko ngayon.
Galit- galit ako dahil sa tingin ko naman ay hindi makatarungan ang ginawang pagsisante ni Mrs. Peralta sa akin. Una sa lahat, hindi ko inakit si Mr. Peralta at lalong wala akong kinalaman sa feelings niya. Hindi ko naman ginusto na matipuhan ako ng boss ko.
Panghihinayang- nakakpanghinayan naman kasi talaga, dahil isang linggo na lang sana bago ang pagsisante sa akin ay dadaan ako sa panel for interview. Isa ako sa mga candidate for promotion. Nabakante kasi ang posisyon ng junior executive sa marketing department namin at kailangang humanap kaagad ng magiging kapalit nito. Pero nawala na lang na parang bula ang pag-asa ko na makuha ang posisyon. Sisante na ako, imbes na ma-promote ay na-demote pa ako. O, 'di ba ang saklap?
Lungkot- sino ba naman ang hindi malulungkot, isa na nga akong jobless, broken hearted pa ako?
Hindi ko matanggap na sa ganito na lang matatapos ang aking love life at career.
Hindi kaya tama si Kuya Zandro na hindi ko dapat ipinilit ang gusto kong kurso na marketing management? Sa halip ay kumuha dapat ako ng engineering course para makatulong ako sa pagpapatakbo ng kumpanya namin.
Habang pinatutunayan ko sa kanilang kaya kong mabuhay sa sarili kong mga paa ay kung bakit para bang may pilit na humihila sa akin paibaba para hindi ko maabot ang pangarap na gusto ko?
Ako si Alexandra Clemente, 32 years old, walang trabaho at single pa rin hanggang ngayon. Out of ten job na napasukan ko, apat doon ay ako ang kusang nag resign, at anim naman doon ay nasisante ako. Iisa lang ang dahilan ng pagsisante sa akin, ito ay dahil lahat ng nagiging boss kong lalaki ay nagkakagusto sa akin. Ewan ko nga ba kung bakit? Hindi naman ako 'yung klase ng babae na sa unang tingin palang ay hahangaan mo na, pero ako ang tipo na gustuhin. Malakas ang karisma ko at kahit wala akong gawin kapag napapalapit na ang mga lalaki sa akin at nakikilala nila ako ng husto ay nagkakagusto na lang silang bigla. Ano ba'ng tawag sa ganu'n? Ma-appeal? Ugh! Siguro nga, malakas ang appeal ko. Kung anong characteristic at charm ang meron ako para gustuhin nila ay hindi ko alam.
Pero, kahit gustuhin ako ay hindi naman ako makahanap ng matinong boyfriend. Karamihan kasi sa mga nagkakagusto sa akin, kung hindi may girlfriend ay may asawa na. Magka-boyfriend man ako ang laging issue ng hiwalayan namin ay pambabae. Siguro nga ganda lang at appeal ang meron ako, kaya kapalipalit ako.
Tse! Ang chossy ng mga lalaking 'yon akala mo naman ang perfect nila, kung may mga flaws ako, bakit sila wala rin ba?
Ayoko namang pumatol sa commited na at maging third party, at mas lalong ayoko na makasira ng pamilya. Hindi naman ako ganu'n ka-desperada na makahanap ng boyfriend na seseryoso sa akin. Ekis na muna ang love life, kahit napag-iwanan na ako ng mga ka-edaran ko, kahit wala na ang edad ko sa kalendaryo ay hindi ko kailangang magmadali, darating din ang para sa akin.
Idinaan ko na lang sa kain ng junk foods at frustration ko habang nanunuod ng malungkot na pelikula. Kaya wala akong ginawa kung hindi ang umiyak nang umiyak. Para akong baliw na umiiyak nang mag-isa.
Minsan naisip ko, ano kaya kung bigyan ako ng chance na bumalik sa pagiging nineteen ulit. Ano kaya ang dapat kong gawin para mabago ang takbo ng buhay ko?
Ang gusto ko kasi at the age of 25 or 27 ay successful career woman na ako. May sariling bahay, may magarang kotse at engaged na sa long time boyfriend ko. Kasal na dapat ako at the age of 28 at sa edad kong 32 dapat dalawa na ang anak ko.
Hay! Paano ko naman matutupad iyon, wala nang second chance. Hindi na ako pwedeng bumalik sa pagiging teenager para baguhin ang kapalaran ko.
Tumayo ako at pumunta sa kusina para kumuha ng beer. Gusto kong uminom, baka sakaling kapag nalasing ako ay makalimot ako—makalimutan ko ang problema ko kahit sandali lang. Dahil nawalan ako ng trabaho, ang mga kumakaway kong bayarin ay mukhang matetengga rin.
Binuksan ko ang ref at nadismaya ako, wala na palang laman, puro tubig na lang, masuwerteng may natira pang dalawang beer in can at least kahit papaano ay matutugunan ko pa rin ang cravings ko sa alak. Bitbit ang mga beer ay bumalik ako sa sala, hindi na ako naupo sa sofa, sumalampak na lamang ako sa sahig.
Napalingon ako sa center table nang biglang tumunog ang cellphone ko na nakapatong doon. Dali-dali akong tumayo para kunim iyon sa pag-aakalang nag-message si Christoff at nanghihingi ng sorry sa akin. Kaya lang, laking dismaya ko, notification pala ng bangko iyon, dalawang araw na lang kasi ay due date na ng kotse ko. Kailangan kong bayaran bago pa ang due date para hindi ako ma-penalty. Balik salampak na naman ako sa sahig binuksan ko ang beer at agad tinungga. Napangiwi ako, humagod sa lalamunan ko ang pait at lamig ng alak.
Buwisit na Christoff 'yon, sinayang lang ang mahigit na isang taon naming pinagsamahan. Kumukulo talaga ang dugo ko kapag bumabalik sa alaala ko ang eksena kanina.
Napabilis tuloy ang pagtungga ko ng alak. Hindi ko na ininda ang pait, parang tubig na dire-diretso ko lang iyong ininom hanggang sa masaid ko ang laman sa kahuli-hulihang patak.
"Ahhhh! Gusto kong maging bata. Universe, ibalik mo ako sa pagiging bata! Gusto kong maging nineteen ulit!!!" malakas na sigaw ko habang pinupunasan ang mga luha na walang tigil na tumulo sa aking mga mata.