Alexa's POV
"Sabihin mo nga babae ka, kung bakit nandito ka ng ganito kagabi na? Alas otso na kaya. At ano ang ibig mong sabihin dun sa "this is a matter of life and death?" As in ganun ka importante ang ipinunta mo rito para makuha mo pang mag sleep over sa bahay namin? Nagsinungaling ka pa kay Yaya Delia, wala naman talaga tayong project sa school, ah." Hinatak ko ang comforter dito para hindi na siya makapagtago pa sa akin.
"Tsh! Huwag ka ng magalit, hindi mo lang alam kung gaano kahirap ang pinagdaanan ko para lang mapapayag si Daddy na dito ako matulog sa inyo ngayong gabi." Bumangon ito at umupo pasandal sa headboard ng aking kama.
"Ano ba kasi 'yon?" Gusto ko ng maubusan ng pasensiya sa kausap ko.
"Bakit ba napaka weird mo kanina pang umaga? Ano bang nakain mo at nagkakaganyan ka? Dati naman wala tayong ginawa kung hindi ang magtawanan at magharutan, gustong-gusto mo pa nga na nag-i-sleep over ako sa inyo, ngayon parang hindi ka na si Alexa na kilala ko, parang biglang nag-matured ang isip mo." Kumunot ang noo niya habang may pagdududang nakatingin sa akin.
Tsh! Hindi mo lang alam na talagang matured na ako, 32 years old na kaya ako. Asar lang kasi bakit ba ako na trap sa katawan ng batang ako?
Ang lahat ng iyon ay sa isip ko lang.
Marami akong tanong, maraming bumabagabag sa isipan ko, pero wala naman akong malapitan para masagot ang lahat ng iyon. Ang pinsan kong si Stella hindi na rin naaalala ang mga nangyari kagabi. No choice na tuloy ako kung 'di ang hintaying matapos ang napakatagal na 60 days.
"Walang nagbago sa akin ako pa rin ito si Alexa, napag isip-isip ko lang na magandang kumilos na parang dalaga kesa naman sa ugali mong isip bata," mapang uyam na sabi ko.
Inirapan lang ako nito sabay tulis ng nguso.
Huh! Ang sarap lang pigain ng nguso ng batang ito.
"Oh my gosh! As in OMG! 8:15 na! Alexa, ilabas mo na ang laptop mo daliiiii!" tili niya sabay tayo sa kama at naglulundag pa habang ipinapagpag ang dalawang kamay na ikinataranta ko naman. Agad na rin akong tumayo at sinunod ang utos niya sa akin, kinuha ko ang aking laptop sa loob ng cabinet. Nagtaka ako kung paano ko nalaman na sa cabinet nakalagay ang laptop.
"Bakit! Ano bang gagawin mo sa laptop ko?" tanong ko.
Mabilis na inagaw niya ito sa akin at agad ipinatong sa kama, siya na ang kusang nagbukas niyon.
Aba! Ang bruha alam ang password ko. Ako nga hindi ko alam kung ano ang password ng laptop na 'yon eh.
"Ito yung sinasabi ko sa'yong "it's a matter of life and death". Ngayon na kasi ia-announce ng D&S Entertainment kung sino ang mabubunot sa electronic raffle para magkaroon ng chance na maka-date si Keith Almonte."
Yun lang! Wala akong naintindihan, para akong isang malaking question mark na nakatingin lang sa kaniya.
"Keith Almonte? Sino naman 'yon?" Hindi ko kilala kung sino ang lalake na tinutukoy ni Mindy.
"8:15 na ngayon, 5 minutes na lang at mag e-electronic raffle na, kailangan nating tutukan kung sino ang mananalo."
Muli, para lang akong engot na nakatingin sa kaniya. Hindi niya sinagot ang tanong ko.
Sa totoo lang inaantok na ako at hindi ako interesado sa mga pinagsasabi niya. Sumampa ako sa kama at nahiga, patagilid ang posisyon ko at nakatalikod sa kaniya. Maya-maya ay naramdaman ko ang marahas na pagkalabit niya sa akin.
"Uy, Alexa... bakit natutulog ka na? Manunuod pa nga tayo ng electronic raffle."
"Ikaw na lang ang manuod, tutal ikaw naman ang sumali d'yan. Hindi ako interesado. Good luck na lang sa'yo kung mapili ka," walang ganang sagot ko.
"Okay ka lang? Gusto kong ipaalala sa'yo na hindi lang ako ang sumali sa contest na ito kung hindi ikaw rin. Ikaw nga itong mas patay na patay kay Keith. Pati ba naman feelings mo sa kaniya ay nakalimutan mo na rin? Crush na crush mo kaya siya kaya nga kinulit mo ako na i-register ko rin ang pangalan mo dahil nagbabakasakali ka na ikaw ang mabubunot sa raffle at suwerteng makaka-date ni Keith Almonte."
Bigla akong napabangon dahil sa sinabi niya.
"Huh! Ako?" Itinuro ko pa ang aking sarili. "Totoo ba 'yang sinasabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ko.
Sunod-sunod na ang tango ni Mindy. "Oo, bakit naman ako magsisinungaling? Hindi ako imbento noh, totoo ang sinasabi ko. Ikaw itong kanina pa lutang at parang wala sa sarili. Alam mo nawi-wirduhan na talaga ako sa'yo." Sagot naman niya pero ang buong atensiyon ay nasa laptop, kasalukuyan itong nagla-log in sa site ng D&S Entertainment na may live broadcast. Doon makikita ang random picker na pipili sa mga nakalistang pangalan.
"Ikaw nga itong sobrang excited nang i-register ko ang pangalan mo. Kilig na kilig ka pa nga. Asang-asa ka friend."
Napasimangot ako. Ganun ba talaga ka-desperado ang batang ako na maka-date ang lalaking iyon?
"Talaga lang excited ako ha!" mapang-uyam na sabi ko. Hindi ko mapaniwalaan na mahilig sa artista ang batang ako dahil wala akong maalalang ganu'n, na naging fan ako ng mga celebrity. Wala naman akong hilig sa mga artista.
"Shhh! Huwag kang maingay, mag uumpisa na." Para itong bulate na binuhusan ng asin napakalikot at kilig na kilig, ako naman ay no choice kaya nakipanuod na rin.
Ewan ko ba, ni hindi ko nga alam kung ano ang itsura ng Keith Almonte na 'yon.
"Good evening world. Alam kong lahat kayo ay excited na sa gaganaping raffle, ako man ay excited na rin na malaman kung sino ang masuwerteng babae na makaka-date ni Keith. I have a confession to make." Napahinto ang host ng show na sa tantiya ko ay nasa mga 23 years old na ang edad nito, maganda at seksi halatang fan din ni Keith dahil kagaya ni Mindy grabe din ito kung kiligin. Wala naman si Keith Almonte doon dahil short announcement lang ang magaganap. Parang kumuha lang sila ng 15 minutes slot sa istasyon for this contest. "I myself also joined the contest, I registered on line," pag-amin ng host sabay tawa nang malakas. Nagkatinginan naman kami ni Mindy at nakitawa na rin dun sa host, nakakahawa kasi ang tawa niya, may halong kilig talaga.
"Before we proceed to our major price. We will announce first the lucky two winners of a giveaway package and a 2 VIP ticket for Keith's upcoming movie. Kapag sinabing VIP ticket doon talaga sa front row, kaya napaka-suwerte ng mabubunot," sabi ng host.
"Kyahhh! Kahit d'yan lang, Alexa. Makuha lang ang pangalan ko sa VIP ticket masayang-masaya na 'ko," tuwang sabi ni Mindy
Tsh! Grabe! Gusto ko ng pektusan itong si Mindy, panay ang yugyog sa balikat ko. Sa sobrang kilig niya ay sa akin ibinabaling, nakakahilo pala ng inuuga-uga ka.
Ang unang draw ay taga Luzon ang nanalo sa pangalawa ay taga Mindanao naman."
"Haaaay! Sayang naman, isa na lang at major price pa sa dami ng nag register all over the Philippines isa lang ang mapipili siguro mga .01% lang ang chance nating manalo." Dismayado na ang tono ng boses ni Mindy. Ang kaninang buhay na buhay na expression ng mukha niya ngayon ay parang latang-lata.
"So it means huwag ka nang umasa dahil suntok sa buwan lang na makuha ang pangalan mo d'yan." Gusto ko ng matawa talaga sa itsura nitong si Mindy pinipigilan ko lang.
"Shhhhh! Wag ka ng maingay! Magsisimula na ang electronic raffle para sa grand prize." Tinapalan niya ng kamay niya ang bibig ko.
"Ano ba?!" Singhal ko at marahas na pinalis ang kamay nito.
Pinandilatan naman niya ako ng mga mata.
"Shhhh! Ayan na oh, umiikot na."
Napatigil ako at awtomatikong napabaling ang mata ko sa aking laptop nakakahilong tingnan ang mabilis na ikot at papalit palit na mga pangalan na lumalabas doon sa screen.
Matapos ang halos isang minutong ikot ay tumigil na ito at tumapat sa...
"And the lucky winner for na makaka-date ni Keith Almonte ay nagmula sa Quezon City. Her name is Alexandra..... Alexandra Clemente!" pasigaw na sabi nang host.
Noong una ay hindi nag-sink in sa akin, pero nang naglulundag na ng todo at nagtitili nang malakas si Mindy na halos ika bingi ko ay natauhan ako.
"Nanalo ka Alexa! Ikaw ang nanalo!" Tuwang-tuwang hinatak niya ako patayo at niyakap.
"Ang swerte mo! Ikaw ang nanalo! Napaka swerte mo talaga Alexa!" Walang paglagyan ang saya ni Mindy, ako naman ay parang tuod lang na nakatayo at walang reaksiyon.
Dapat nga ba akong matuwa ni hindi ko nga kilala ang Keith Almonte na 'yon tapos makikipag-date pa ako sa kaniya.
Yung totoo, suwerte ba 'yon o malas?