"Bitbit ang sapatos na may kataasan ang takong, dahan-dahang bumaba ng hagdan si Selena. Maingat na maingat ang mga hakbang niya. Lalabas siya ngayong gabi para makipagkita sa mga kaibigan niya.
Tahimik sa sala, alas nuebe pa lang naman ng gabi ng mga oras na iyon. Wala nang gawain kaya nagpapahinga na ang kanilang mga kasambahay. Malapit na siyang makarating sa pinto. Nang pipihitin na niya ang doorknob para bumukas ay muntik na siyang mapalundag sa gulat nang biglang may magsalita mula sa kung saan.
"Where are you going, Marcelina?!"
Awtomatikong napapihit siya paharap sa kaniyang likuran. Napaawang ang bibig niya ng makita ang kaniyang ama na pababa ng hagdan.
"Sh*t! Akala ko tulog na," pabulong na sabi niya. Tumuwid siya ng tayo at hinintay na makalapit sa kaniya ang kaniyang ama.
"I'm going out with my friends, Dad," tugon niya na hindi nagpahalata ng takot.
Nagsalubong ang kilay ng kaniyang ama.
"Lalabas ka?" tanong nito.
"Yes, Dad!" tugon naman niya sabay tango.
"No, hindi ka pwedeng umalis. Malapit ka ng ikasal kay Hugo, hindi pwedeng basta ka na lang pupunta sa kung saan-saan at makikipagkita sa kung kani-kanino lalo na kapag dis oras na nang gabi."
"Dad, matanda na ako, I'm already twenty five years old. I'm old enough to decide on my own. Pinakialaman niyo na nga ang love life ko, pati ba naman ang social life ko pakikialaman niyo pa rin," inis na sabi niya.
"I'm just protecting our reputation. Ayoko lang mababalitaan na nakikipagkita ka sa kung kani-kaninong lalaki at makarating iyon sa mga Salvador."
Natampal niya ang sariling noo, hindi niya mapaniwalaan na mapag-iisipan siya ng ganun ng kaniyang ama.
"Dad... sino ba ang may sabi sa inyo na makikipag-date ako? I will just meet my girl friends. Bakit si Hugo pwedeng lumabas at gumimik, tapos ako hindi? That is so unfair, Dad! Ano ba ako, robot na susunod na lang sa lahat ng gusto ninyo? May sarili akong pag-iisip, Dad. Huwag niyo naman akong gawin na tau-tauhan."
Nagdilim ang mukha ng ginoo, hindi nito nagustuhan ang pagsagot-sagot sa kaniya ng anak. Dumapo ang mabigat na kamay nito sa pisngi ni Selena.
Nabigla ang dalaga, hindi niya akalain na masasampal na naman siya ng kaniyang ama. Gusto lang naman niyang ipagtanggol ang sarili niya dahil pakiramdam niya ay hindi na niya hawak ang buhay niya. Dahil sa labis na sama ng loob ay nagtatakbo siya paakyat ng hagdan habang umiiyak. Dumiretso siya sa kaniyang silid at nag-lock ng pinto. Ibinagsak niya ang katawan sa kama at pagkatapos ay pumihit padapa. Inginudngod niya ang mukha sa unan at doon nagsisigaw habang nagpapadyak. Ang sama-sama ng loob niya. Gusto niyang ilabas ang sama ng loob niya sa pamamagitan ng pagsigaw. Hindi naman ang pagsigaw niya dahil nakangudngod siya sa unan.
Hindi na niya inaasahan na susundan siya ng ama sa kaniyang silid at manghihingi ng sorry. Maraming beses na siyang pinabuhatan ng kamay nito at kahit wala siyang kasalanan ay hindi humihingi ng tawad sa kaniya ang kaniyang ama kapag nasasaktan siya nito.
Nakatulugan na lamang niya ang pag-iyak.
-
Kaharap ni Selena ngayon ang pamilya Salvador. Inimbitahan siya ng ina ni Hugo para mag-dinner kasama ng pamilya nito.Kahit ayaw niya ay napilitan siyang pumunta dahil kapag tinanggihan niya ang imbitasyon ni Elena Salvador ay tiyak na magagalit na naman ang kaniyang ama.
"Why don't you go with me to the salon, hija? Your hair is so dry, kailangan na niyan ng treatment. Hindi ka ba nagte-take ng vitamin c? I think kulang ka sa vitamins," sabi ni Elena.
Napatigil sa pagsubo ng pagkain si Selena. Ito na nga ba ang dahilan kaya ayaw niyang makita ang mommy ni Hugo. Hindi niya alam kung concern lang ba sa kaniya ang kaniyang future mother in law o talagang inis lang sa kaniya ito? Dati pa, noong bata pa siya ay wala siyang naalalang pinuri siya nito, dahil sa tuwing nakikita siya nito ay puro negatibo tungkol sa kaniya ang sinasabi nito.
Alanganing ngumiti siya. "Ah, eh, siguro nga po kailangan na ng treatment ng buhok ko," tanging nasabi na lamang niya.
"Good! I will set an schedule para sa paglabas natin. Mag-shopping na rin tayo. No offensement, hija. Don't take this against me, kaya lang napapansin ko parang outdated na ang mga damit na sinusuot mo, wala na sa uso. Malapit ka nang maging parte ng pamilya. Magiging Mrs. Hugo Salvador ka na kaya dapat maging maayos at presentable kang tingnan. Dadalhin mo ang apelyido ng pamilya namin, ayokong may masabing masama tungkol sa'yo ang ibang tao."
Tumikhim si Arnulfo. "Mommy, pwede ba hayaan mo munang makakain si Selena?She's here because we invited her for a dinner at hindi para makinig sa mga lectures mo," sita nito sa asawa.
"Dad! I am just trying to be nice to her. Kapag naging mag asawa na sila ng anak natin ay magiging anak ko na rin siya," katwiran ng ginang.
"Enough, Elena!" sabi ni Arnulfo, masama ang tingin nito sa asawa dahil ayaw nitong magpaawat sa kadaldalan.
Nanahimik naman si Elena. Kapag tinawag na siya ng kaniyang asawa sa kaniyang pangalan ay alam niyang galit na ito. Ibinaling na lamang niya ang atensiyon sa pagkain. Ang totoo ay hindi niya gusto si Selena para sa kaniyang anak, wala naman siyang magawa dahil hindi niya pwedeng kontrahin ang kaniyang asawa. Kilala niya si Selena, ito ang tipo ng babae na matapang at hindi magpapasakop sa kaniyang mapapangasawa. Malayo ang dugo niya sa batang ito at siguradong hindi sila magkakasundo.
Habang nagkakainitan na ang kaniyang mga magulang ay wala namang pakialam si Hugo, sige lang ang kain nito at hindi man lang nagpakita ng concern kay Selena, kahit harap-harapan na itong nilalait ng kaniyang ina.
-
Laking pasalamat ni Selena nang matapos na rin ang kanilang hapunan. Nagpaalam na siya sa mga magulang ni Hugo at ang binata naman ngayon ay nakasunod na sa kaniya sa paglalakad, palabas na siya sa mansiyon ng mga Salvador.
"Huwag mo na akong ihatid, tinawagan ko na ang driver ni Daddy at susunduin niya ako rito, paparating na 'yon," aniya.
"Okay, that's good. Tinatamad na rin naman akong mag-drive and besides malapit lang naman ang bahay niyo rito, pwede mo ngang lakarin," sabi nito sabay ngisi.
Sinamaan niya ito ng tingin. Kung wala lang siya sa pamamahay ng mga ito ay kanina pa niya tinuhod ang bayag nito sa sobrang inis. Lahat na yata ng mga negatibong katangian ay nasa lalaking ito na. Sino ba naman ang matutuwang makasama ito ng habang buhay? Siguradong maaga siyang tatanda sa konsumisyon kapag ito ang nakatuluyan nila.
"Huh! Pumasok ka na nga lang sa loob ng bahay ninyo, iwan mo na ako rito," inis na sabi niya.
Nagkibit balikat si Hugo. "As you wish," wika nito sabay talikod. Nilayasan siya nito at pumasok na nga sa loob ng kanilang bahay.
Parang gusto ni Selena na hubarin ang kaniyang sapatos at ibato rito. Napakasama talaga ng ugali nito.
Ilang minuto ang lumipas ay dumating na rin ang sasakyan nila. Agad na siyang lumabas ng gate. Pinagbuksan siya ng driver, naupo siya sa backseat.
"Kuya, huwag mo muna akong ihatid sa bahay, dalhin mo muna ako sa plaza, gusto kong magpahangin."
"Sige po, Ma'am," sabi ng driver, nag u-turn ito at tinahak ang daan patungo sa plaza.
Maliwanag ang buong plaza. Maraming tao sa paligid, maraming nagtitinda ng mga iba't-ibang klase ng mga pagkain. Ang plaza sa San Martin ang nagsisilbing pasyalan ng mga tao sa kanilang lugar. Naupo siya sa isang swing na naroon, pinagmasdan lamang niya ang mga tao sa paligid. Nakaramdam siya ng inggit, kahit na simple lang ang buhay ng mga ito ay makikita naman sa mga mukha nila na masaya sila, hindi katulad niya. Nasa kaniya na ang lahat, nabibili niya at nakakain ang lahat ng naisin niya pero hindi naman siya masaya. Wala siyang kalayaan na kagaya ng mga ito.
"Ate, bakit ang ganda mo?"
Napalingon siya sa kaniyang tagiliran. May bata kasi na panay ang kalabit sa kaniya.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata.
"Ako ba ang sinasabihan mo ng maganda?" tanong niya sabay turo sa sarili.
"Opo," sagot naman ng bata. Sa tantiya niya ay nasa limang taong gulang pa lamang ito.
"Bakit mo naman nasabing maganda ako?" tanong niya sa batang babae.
Umiling ang bata. "Ewan, basta maganda ka sa pangin ko," sabi nito sabay takbo at nakipaglaro na sa ibang bata.
Napangiti siya, buti pa ang bata na-a-appreciate siya samantalang ang mommy ni Hugo ay walang ibang nakikita kung hindi ang mga hindi maganda sa kaniya.
Hindi siya mahilig sa mga bata, lalo na sa makukulit. Ang totoo ay hindi niya naisip na magkaanak, wala sa plano niya iyon. Wala kasi siyang pasensiya at sa tingin niya ay hindi niya kayang mag-alaga ng bata.
Nanatili pa siya ng ilang minuto. Nawawala kasi ang stress niya kapag nakikita ang mga tao sa paligid.
Makalipas ang kalahating oras ay nagpahatid na siya pauwi. Wala ang kaniyang ama, nasa Maynila ito ngayon, kaalis lang nito kaninang umaga. May aasikasuhin ito roon na may kinalaman sa negosyo, sa makalawa pa ang balik nito kaya naman sasamantalahin niyang makipagkita sa mga kaibigan habang wala ang kaniyang ama.