Chapter 5

1532 Words
"Liam! Buksan mo na ang pinto, please!" panay ang katok ni Betty sa pintuan ng silid ni Liam ngunit hindi siya pinagbubuksan ng kaniyang alaga. "What's happening here?" kunot noong tanong ni Marcus. Pagkauwi nito ng bahay ay nabungaran agad niya ang kaniyang mga kasambahay na nagkakagulo at hindi malaman ang gagawin. Kaya naman pala walang sumalubong sa kaniya sa ibaba pagdating niya dahil nasa itaas ang mga ito. "Sir, si Liam po kasi ayaw lumabas ng kwarto niya. Kanina pa po siya nagkukulong. Hindi pa nga po siya kumakain hanggang ngayon," tugon ni Dina. "Bakit, ayaw niyang lumabas?" "Nagalit po kasi. Hinihingi po kasi niya sa akin ang laptop niya, hindi ko po ibinigay kasi ibinilin niyo sa akin na bawal siyang gumamit ng kahit na anong gadget. Ayon po, nag-tantrums na naman," pagsusumbong ni Betty. Ilang oras na siyang hindi lumalabas?" tanong niya. "Mga tatlong oras na po, Sir." Bumuntong hininga ng malalim si Marcus. "Betty, get the duplicate key, ako na ang magbubukas ng pinto." "Si-sige po, Sir," maagap na sagot ng inutusan, umalis agad ito para kunin ang susi. "Dina, ilagay mo sa kwarto ko itong mga gamit ko." Ibinigay niya sa kasambahay ang kaniyang bag na may lamang laptop at ilang papeles. Agad naman iyong kinuha ni Dina. Mga ilang minuto ang lumipas bago nakabalik si Betty, hiningi pa kasi niya ang susi sa kanilang mayordoma na si Aling Sonia, ito kasi ang may hawak at nangangalaga sa lahat nang susi sa bahay. "Sir, ito na po, ang mga susi!" Isang bungkos ng may kabigatang mga susi ang hawak ni Betty na inabot kay Marcus. Nangunot ang noo niya. "Huh! Where's the key of Liam's room here?" tanong niya. Sa dami ng susi ay hindi niya alam kung alin ba roon ang susi na para sa kwarto ng kaniyang anak. "Sir, may number po yung mga susi. Yung number four daw po ang susi sa kwarto ni Liam sabi ni Nana Sonia." Tiningnan niya isa-isa ang mga susi at napansin nga niyang may nakaukit na numero sa bawat susi. Sa dami niyon ay medyo natagalan pa siya na hanapin ang susi na may number 4. "There you are!" sabi niya ng sa wakas ay makita na rin ang hinahanap. Agad niyang ipinasak iyon sa doorknob, pinihit niya ang pinto at bumukas iyon. "Ay, ano ba 'yan ang gulo!" bulalas ni Betty. Lahat kasi ng mga laruan ni Liam, pati na ang mga unan at iba pang kasangkapan sa kwarto nito ay nakakalat sa sahig na tila ba ibinalibag lahat nang bata. Wala roon si Liam, kaya nakaramdam ng pagkabahala si Marcus. Agad niyang hinanap ang anak. "Liam, where are you?" tawag niya. Tumulong na rin si Betty sa paghahanap sa kaniyang alaga. Tiningnan ni Marcus ang banyo, ngunit hindi niya nakita roon ang anak. Lahat sa silid ay tiningnan na nila. Dumapa pa si Betty para silipin ang ilalalim ng kama, ngunit wala roon si Liam. Binuksan ni Marcus ang malaking closet, tiningnan na iyon ni Betty kanina ngunit hindi niya nakita ang bata. Sinubukan ulit niya na hanapin doon ang anak, hinawi niya ang lahat ng naka-hanger na mga damit at sa wakas ay natagpuan niya ang bata, naroon ito sa ibaba at mahimbing na natutulog. "Naku po, Liam, bakit diyan ka naman natulog?" bulalas ni Betty, may halong pag-aalala sa tono ng boses nito, napasalikop pa ito ng mga kamay. Nakahinga ito nang maluwag ng malaman na maayos naman ang kalagayan ng kaniyang alaga. Sa nakita ni Marcus ay nawala ang galit niya. Huminahon ang mukha niya, pinagmasdan niya ang maamong mukha ng anak. Yumuko siya at pinangko ang bata, binuhat niya ito at pagkatapos ay hinarap si Betty. "I want you to clean his room now!" utos niya sa kasambahay. "Opo, Sir, ako na po ang bahala na maglinis dito," mabilis na sagot naman nito. Lumakad siya at lumabas ng silid habang buhat-buhat pa rin ang kaniyang anak. Dinala niya ito sa kaniyang silid para doon na muna patulugin. Malaki ang kama niya, kahit limang katao ay kakasya. Maingat na inilapag niya ang bata sa higaan. Matagal na panahon na rin simula ng huling patulugin niya sa kaniyang silid ang anak. Naalala pa niya noong mga panahon na bata pa ito at takot pa sa kidlat sa tuwing umuulan nang malakas. Ngayon ay walong taong gulang na ito at nasanay nang mag-isa. Nag-half bath muna siya bago tumabi rito para matulog. Dahil pagod ay mabilis din siyang nakatulog. - Namulat ang mga mata ni Marcus dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Nakahawi ang kurtina na tumatabing sa bintana ng kaniyang silid kaya pumapasok ang araw. Napabalikwas siya ng bangon, tinanghali pala siya ng gising. Wala naman siyang masyadong trabaho ngayon ngunit hindi siya sanay na tanghali na nagigising. Napalingon siya sa kaniyang tabi, naalala niyang sa silid nga pala niya natulog ang anak kagabi. Wala na ito sa higaan. Bumaba siya sa kama, katulad ng nakagawain, pagkagising ay didiretso siya sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Parang antok pa siya kaya hindi niya masyadong maimulat ang mga mata. Nang lumapit siya sa lababo at mapatapat ang mukha niya sa salamin ay awtomatikong nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa gulat. Paano ba naman, nagmistula siyang isang clown. Wala siyang ibang pagbibintangansa nangyari sa kaniya kung hindi ang kaniyang anak. Ginawa nitong drawingan ang kaniyang mukha gamit ang lipstick at pulbo na hindi niya alam kung saan nito nakuha. "Liam! Grrr..." malakas na sigaw niya. Dahil sa sobrang galit ay hindi na niya naisip muna na maghilamos bago lumabas ng kaniyang silid. Dumaan siya sa kwarto ng bata, nakabukas iyon at wala roon ang kaniyang anak kaya naman dire-diretso siyang bumaba ng hagdan para hanapin ito. Habang bumababa ay panay ang tawag niya sa pangalan ni Liam. Nagulat ang mga kasambahay ng makita siya. Hindi napigilan ni Betty na mapabunghalit ng tawa. Mabilis naman itong siniko ni Dina, kaya natutop nito ang bibig. Nanigas ito sa kinatatayuan nang makita niya si Marcus na masama ang tingin sa kaniya. Huli na para mapagtanto niya na mali ang kaniyang ginawa na pagtawanan ang kaniyang amo. Paano ba naman sa araw-araw na nakikita niya ito na laging pormal, kung hindi nakasimangot ay napakaseryoso naman ng mukha, ni minsan hindi pumasok sa isip niya na makikita niya itong naka-make up na para bang isang clown. Kunot ang noo nito ngunit mistulang nakangiti dahil nga sa pagkaka-make up dito. Wala naman ibang mangangahas na gumawa ng ganun kung hindi ang pilyong alaga lamang niya na si Liam. Kaya naman pala nakita niya ito kaninang maagang-maaga na pinakikialaman ang bag ni Nana Sonia ay dahil kinuha pala nito ang lipstick ng kanilang mayordoma. "Where is Liam?" galit na tanong ni Marcus. Dahil sa pagkabigla ay hindi nakasagot si Betty kaya si Dina na ang sumagot. "Na-nasa eskwelahan na po, Sir. Pumasok na po si Liam." Napahilamos ng mukha si Marcus, huli na para ma-realize niya na puno nga pala ng lipstick ang mukha niya kaya agad na kumapit iyon sa kamay niya. "Oh, sh*t!" bulalas niya. "Linisin ninyo ang kwarto ko, palitan ninyo ng sapin ang higaan ko, ngayon din!" makapangyarihang utos niya. "O-opo, ngayon din po, Sir!" tarantang sagot ni Dina, muli ay siniko nito ang wala pa rin sa sariling si Betty. Napaigtad naman ito sa gulat. Bigla na lang itong sumigaw nang malakas at sumaludo. Si Dina naman ang nagulat ngayon at nahampas niya sa balikat si Betty. Napailing na lang si Marcus dahil sa labis na pagkadismaya. Umakyat siya at bumalik sa kaniyang silid, imbes na hindi pa siya maliligo ay ginawa na lamang niyang maligo para matanggal ang mga lipstick sa kaniyang mukha. Nakailang sabon din siya, para lang mawala ang kulay na pula. Malagkit kasi iyon at kumapit na ng husto sa kaniyang mukha. Nang matapos siyang maligo ay nagulat pa siya ng paglabas niya sa banyo ay mabungaran niya si Betty at Dina.Nakalimutan niyang inutusan nga pala niya ang mga ito na palitan ng sapin ang kaniyang kama. Natigil siya sa pagpupunas ng buhok gamit ang tuwalya. Hindi kasi niya mawari ang itsura ng kaniyang mga kasambahay. Natulala ang mga ito pagkakita sa kaniya, bigla na lamang tumigil ang mga ito sa ginagawa at parang mga wala sa sariling nakatingin lamang sa kaniya na para bang may pagnanasa. Nagsalubong ang mga kilay niya. Napatanong siya sa sarili kung ano ba ang problema ng mga ito. Hanggang sa mapatingin siya sa kaniyang ibaba at maalalang nakatapi nga lang pala siya ng tuwalya at walang saplot ang kaniyang pang-itaas na katawan. "Dina, may palaman ka ba d'yan? Ang daming pandesal, yummy!" parang wala sa sariling sabi ni Betty. "Huh! Ang tigas, parang bato. Ang sarap sigurong sumandal diyan," sabi naman ni Dina. Nagdilim ang mukha ni Marcus. Tila ba kasi pinagpapantasyahan siya ng kaniyang mga kasambahay. Kumuha na lamang siya ng damit sa cabinet at bumalik sa loob ng banyo para doon magbihis. Wala na siyang gana para pagalitan pa ang mga ito. Napapagod na siya sa kakulitan ng kaniyang mga tauhan. Kung hindi lang mahirap maghanap ng masisipag at mapagkakatiwalaan na mga kasambahay ay matagal na niyang pinalitan ang dalawang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD