Jessa's POV
NASA HAGDAN pa lang si Jessa may naamoy na siyang nasusunog. May itim ding usok na lumalabas mula sa pinto ng kusina.
Malakas na binundol ng kaba ang dibdib niya. Nagmamadaling bumaba siya ng hagdan at mabilis na tumakbo siya papasok sa kusina habang sumisigaw.
"Sunog! Manang! Papa! Ghaad! sunog!"
Sumalubong sa kanya ang maitim na usok. Napaubo siya dahil nalanghap niya iyon.
"Papa!" tawag niya sa ama nang makita niya itong nasa harapan ng stove at hindi mankandatuto kung paano papatayin ang apoy doon.
"Anak, labas ka 'ron, mausok!" balik sigaw ng ama niya.
Naipaikot niya ang eyeballs niya, obvious na obvious naman na makapal ang usok mukha na ngang masusunog na sila!
Agad siyang kumilos at kinuha ang fire extinguisher na nakasabit sa likod ng pintuan. Dali-dali siyang lumapit sa stove at itinutok ang host ng fire extinguisher saka hinila ang pin at pinisil ang lever. Lumabas ang puting chemical at unti-unti nitong napatay ang apoy.
Malakas na napabuga siya ng hagin ng matapos siya. Pasalampak na naupo siya sa sahig.
"Tsk, na-over cooked!" palatak ng Papa niya.
Matalim na sinulyapan niya ang ama. Nasa singkuwenta na ito pero papasa pang forties. Maputi kasi ito at maliit. Nasa 4'11 lang ata ang Papa niya. Mataba rin ito at singkit ang mga mata. Nangingintab ang ulo nito. Skin head ito na siyang kinalakihan niya na. Hindi niya natandaang tinubuan ng kahit isang buhok ang Papa niya sa ulo kahit kailan. Mas mukha itong komedyante kaysa sa negosyante. Mataba ito at nangunguna ang tiyan nitong bilog na bilog sa laki.
"Over cooked?! Pa, muntik munang masunog ang buong bahay!" talak niya dito.
Napangiwi ito at saka hinimas ang ulo nitong nagmamantika na dahil sa pawis. Napailing na lang siya sa itsura ng Papa niya. Nangingitim ang butas ng ilong nito at pawis na pawis.
"Asan ba si Manang bakit ikaw ang nagluluto?" Tumayo na siya at ginilid ang fire extinguisher sa ibaba ng kitchen island saka lumapit sa stove. Napangiwi siya ng makitang may anim na pirasong sunog na sunog na hugis isda na kasing haba lang ata ng daliri niya at may lapad na one inches.
"Ano to?" Nilingon niya ang ama.
"Tuyo?" patanong din na sagot nito.
"Tuyo? Kailan ka pa natutong kumain ng tuyo, Pa?" kunot-noong tanong niya dito. "Saka nasaan ba si Manang? Manang!" tawag niya sa matandang katulong na tanging natitirang katulong nila. Mayroon silang apat na katulong pero last week lang nag-deklara ang Papa niya na kailangan nilang magtipid. Kaya sinesante nito ang tatlong katulong at iniwan si Manang na katulong na nila noon pang bata pa lang siya.
"Eh... P-Pinag r-resign ko na din, anak," nahihiyang ani ng Papa niya.
Marahas na nilingon niya ito.
"What?!"
Napangiwi ito dahil sa malakas na sigaw niya.
"Pa, naman! Pareho tayong hindi marunong magluto tapos pinag-resign mo si Manang?!" gigil na talak niya sa ama. Para itong bata habang nakayuko at nilalaro ang kamay. Napabuntong-hininga siya dahil sa sobrang inis. Daig niya pa ang may alagaing bata sa asta ng Papa niya.
"Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Pa! Nalugi na rin ba ang hardware?" Tukoy niya sa kahuli-hulihang negosyong naipundar ng Mama niya nang nabubuhay pa ito.
Two years ago meron silang limang sangay ng spa and wellness sa buong ka-Maynilaan, daang ektaryang palayan sa probinsiya ng Quezon, auto repair shop, junk shop at hardware.
Pero ng mamatay ang Mama niya two years ago nag-umpisa nang malugi isa-isa ang mga negosyo nila at ang hardware na lang ang natitira sa kanila, at tanging bumubuhay sa kanilang mag-ama.
Pero mukhang tagilid na rin ang hardware nila.
Kung gaano kasi ka-utak at ka-diskarte ang Mama niya sa negosyo kabaligtaran naman no'n ang Papa niya. Madali itong mauto kaya naman madalas na samantalahin ito ng mga taong nakapaligid dito.
"Hindi pa naman, anak... " mahinang bulong nito.
Makakahinga na sana siya ng maluwag nang dugtungan nito ang sinabi.
"Malulugi pa lang..."
"Iiiihhhh! Papa, naman!" Inis na nagpapapadyak siya sa harapan ng ama. Saan na lang sila pupuluting mag-ama kung pati ang hardware ay mawawala? Saan sila kukuha ng kakainin at ipangbabayad sa mga bills?
"G-ginagawa n-naman ng paraan ni Papa, Anak..."
Nakaramdam naman siya ng awa sa ama sa nakikitang lungkot nito. Napakagat labi na lang siya saka inis na dinampot ang bag niya na nasa sahig.
"Aalis na 'ko," mahinang aniya dito saka lumapit dito at hinalikan ito sa noo. "Maligo kana, Pa, amoy kinulob ka na."
Nginitian lang siya nito at tumango ng sunod-sunod. Iiling-iling na lumabas na lang siya ng kusina.
"Ingat ka, anak!" narinig niya pang sigaw ng Papa niya.
Noon nakasakay siya sa service car at may driver pa kapag pumapasok sa school, hindi niya kailangang maglakad ng ilang kilometro palabas ng village na kinatitirikan ng bahay nila bago makasakay ng Jeep papuntang University. Pero noon iyon, iba na ngayon. Hindi na nila afford ang kumuha ng driver at wala na rin naman na silang kotse dahil naibenta na rin.
Tanging ang bahay at hardware na lang ang natitira sa kanila. Pati nga kaibigan nawala na din. Ni hindi na nga ata sila kilala ng mga kamag-anak nila.
Nang mawala kasi isa-isa ang mga negosyo at pera nila, isa-isa na ring nawala ang taong nakapaligid sa kanila. Pasalamat na nga lang siya dahil kahit papaano nakuhanan siya ng educational plan ng Mama niya kaya hanggang ngayon nakakapag patuloy pa rin siya sa pag-aaral.
Minsan gusto niyang iyakan ang nangyari sa kanila. Lalo na kapag nakikita niyang nahihirapan ang Papa niya. Kaya lang masyado siyang ma-pride. Ayaw niyang ipakita sa tadhana na talo na siya! Dahil para sa kanya hangga't humihinga siya may pag-asa pa rin siya!
Nagpunas siya ng pawis habang nakatayo sa gilid ng daan kung saan madalas na may dumaraang Jeep na dumaraan naman sa labas ng University na pinapasukan niya.
Alas otso pa lang ng umaga pero ang dami ng tao na nag-aabang ng jeep.
Araw-araw ganito ang buhay niya pagpasok sa school. Makikipag siksikan at tulakan makasakay lang.
Alas nueve pa naman ang pasok niya. Talagang inaagahan niya lang dahil nagpapalit pa siya ng damit sa school restroom para naman fresh pa rin siya pagpasok ng classroom.
Saktong eight thirty nasa loob na siya ng restroom at nagpapalit ng damit. Pagkatapos ay lumabas na siya at lumakad papunta naman sa canteen. Gutom na siya dahil hindi naman siya nag-almusal.
Nakasalubong niya sa hallway si Ycos. Isang engineering student.
Ang ultimate crush niya freshman pa lang siya.
"Hi, Jes," anito sa kanya nang nakangiti labas ang pantay-pantay at mapuputing ngipin nito.
Napa- haay... Na lang siya sa isip sabay ngiti ng tipid dito. Nang makalampas ito sa kanya bahagya niya pang sininghot ang amoy nito.
Buo na agad ang araw niya makita pa lang si Ycos. Bet na bet niya talaga si Ycos noon pa mang makilala at makasama niya ito sa isang club na sinalihan niya sa School. Mabait ito at tahimik. Hindi ito kagaya ng ibang lalaki na maangas at mayayabang na puro porma lang ang alam. Scholar si Ycos at popular sa University nila pero nanatiling hamble ito at laging may ngiti sa lahat. Kaya kapag may pagkakataon pasimple siyang nagpapa-cute dito.
Pumila siya agad sa cafeteria ng makarating siya doon. Gusto niya sana nung sausage at bacon at black coffee kaya lang di na aabot ang budget niya, kaya isang sanwich at troficana na lang ang binili niya.
Next week pa ang sahod niya mula sa café na pinagtatrabahuan niya. Hindi na kasi siya humihingi ng allowance sa Papa niya dahil alam niyang problemado rin ito sa pera.
Pagkakuha sa sukli niya dinampot niya na ang tray niya saka tumalikod sa cashier. Sakto namang pagbalikwas niya ay may tao sa likod niya. Tumama dito ang tray at tumapon ang troficana sa damit nito. Nabasag ang bote ng troficana sa paanan nila ng bumagsak ito.
"Hala! Sorry... Sorry... " mabilis na hingi niya ng paumanhin saka dali-daling kinalkal ang bag niya at kinuha ang panyo niya saka mabilis na pinunasan ang damit nito na nabasa. "Sorry talaga di ko sinasadya," aniya saka tiningala ang natapunan niya.
Napatakip siya ng bibig at malakas na napasinghap ng makilala kung sino ang natapunan niya.
Of all people si Xyrius Dale Smith pa!
Ang pinaka-worst, pinakamayabang at pinaka-bully sa lahat ng bully na kilala niya. Wala itong patawad. Kahit sino pinagtitripan nito kapag naisipan nito. Marami na ngang professor ang nag-resign dahil sa kalokohan nito at may nabalita rin na nagpakamatay dahil di na kinaya ang pangbu-bully nito.
Nanginig na ata pati ang esophagus at small intestines niya ng makitang magkasalubong ang kilay nito at matiim na nakatingin sa kanya.
"S-s-s-sorry..." Daig niya pa ang binuhusan ng isang timbang yelo sa panginginig ng baba niya sa sobrang kaba.
Ang pinaka-iiwasan niya sa lahat ay ito. Sa loob ng dalawang taon niya sa Westwood lagi siyang lumiliko ng daan kapag makakasalubong niya ito.
Ni Hindi niya nga ito masalubog ng tingin o matignan man lang sa takot na mahuli siya nito at mapag-initan. Pero ngayon nakatitigan niya na ang mata nito, para namang ayaw niya ng tigilan.
Napakaganda pala ang kulay ng mga mata nito, kulay abo. Malalantik ang pilik nito na parang sa Sto. Nino ni Manang sa kuwarto nito. Matangos ang ilong nito at makapal ang labi na halatang natural ang pagkapula.
Namit...
Tumaas ang dalawang kamay nito at sinumulang tanggalin ang butones ng suot nitong longsleeve na itim.
Para namang slow-mo ito sa paningin niya, bawat butones na nabubuksan nagpapa nga-nga sa kanya. Dahil unti-unting nahahantad sa virgin niyang mata ang makasalanang katawan nito. Napalunok siya at wala sa loob na nakagat niya ang handle ng shoulder bag niya. Nakakagigil. Ang sarap sigurong haplusin ng dibdib nito pababa sa... 1, 2, 3, 4, 5, 6 ay shet 8-pack-abs nito na may tumutulo pang juice. Parang commercial model ang loko. Pang beach body ang katawan.
"Dry clean it," anito sabay bato ng polo sa mukha niya.
Napapikit pa siya ng maamoy ang polo nito.
Heaven...
Nagulat pa siya ng itulak siya nito at pumila ito sa cashier kahit nakahubad-baro.
Yun na yon?
Walang pag-aamok? Walang stupid mother f*****g father chu chu?
Naipilig niya ang ulo. Ano ba namang isip mayroon siya? Dapat matuwa siya na mukhang good mood si Xyrius at walang balak gantihan siya.
Dahan-dahan siyang humakbang paatras para tahimik na makaalis. Nakahinga lang siya ng maluwag ng makalabas siya ng cafeteria. Napatingin siya sa longsleeve ni Xyrius na nasa kamay niya.
"Haay, kamalas malasan nga naman! Imbis na almusal, labada ang nakuha ko!" himutok niya saka isinuksok sa bag ang longsleeve at naglakad na papunta sa building nila. Maaga pa kaya pagdating sa room wala pa ang professor at magilan-ngilan pa lang ang mga studyante. Naupo siya at ini-unan ang bag niya sa lamesa. Iidlip muna siya para makalimutan niya ang gutom. Mamayang lunch na lang siya kakain dahil sakto na lang ang pera niya.
Nagising lang siya ng maramdamang may maupo sa tabi niya. Si Mina. Nakangiti ito sa kanya kaya ginantihan niya din ng ngiti kahit inaantok pa siya.
"Nandyan na ba si Prof?" tanong niya saka naghikab.
"Wala pa," kiming sagot nito saka kinuha ang notebook sa bag at nagbasa. Nangalumbaba siya at pinanood lang ito sa ginagawa.
Maganda si Mina, naiinggit nga siya sa kutis nito. Simple lang ito manamit pero kapansin-pansin pa rin ang taglay na ganda. Napaka-amo ng mukha nito at ang pupungay ng mga mata na parang laging maiiyak. Natural na mapula rin ang labi nitong maninipis. Napahawak siya sa sariling labi na may kakapalan. Nakaramdam siyang nang inggit.
Lumingon ito sa kanya at naiilang na ngumiti.
"Bakit?" tanong nito.
Ngumisi siya. "May sandwich ka?" tanong niya dito. Lagi kasi itong may baong sandwich at madalas na hatian siya nito. Nakangiting tumango ito at kinalkal uli ang bag saka inabot sa kanya ang sandwich. "'Da best ka talaga, salamat!" aniya at masayang nilantakan ang sandwich.
Nagpatuloy na uli ito sa pagsusulat. Ito lang ang nag-iisang itinuring niyang bestfriend simula ng nag-college siya. Nakilala niya ito sa isang club na sinalihan niya at naging magkaibigan na sila simula no'n.
Mabait si Mina, tahimik at parang may sariling mundo. Galing ito sa isang buena famillia pero kahit kailan hindi niya ito nakitaan ng kasosyalan o kaartehan. Hindi kagaya ng mga bestfriend niya nung highschool na nang malamang naghihirap na sila bigla na lang siyang nilayuan.
To be continued...