Jessa's POV
GABI NA nang makauwi siya sa kanila. Kinailangan niya kasing magbabad sa library para makigamit ng computer para sa thesis niya. Nasira kasi ang laptop niya at hindi niya pa mapa-ayos.
May dalawang van na nakaparada sa labas ng bahay nila at may mga lalaking malalaki ang katawan na mukhang mga goons ang nakatayo sa may gate. Napabilis ang lakad niya dahil binundol siya ng kaba. Ang papa niya agad ang una niyang naisip.
"E-Excuse me ho... Makikiraan..." aniya sa Mamang nakatayo sa gate nila. Napalunok siya nang kumunot ang noo nito at balingan siya ng tingin. "D-Diyan ho ako nakatira FYI..." aniya sabay ngiti na nauwi sa ngiwi. Umusog naman ang lalaki at pinadaan siya. Pagpasok niya sa loob nakita niya ang Papa niya na nakaluhod sa sahig. May black eye ito sa mata, putok ang labi at duguan ang ilong.
Sa harap nito ay isang matandang lalaki na naka-amerikana at fedora. Nakadekwatro ito habang pinaglalaruan ang baston nito na may ulo ng dragon na nagsisilbing hawakan. May tabako ito sa bibig na walang sindi. Mukha itong Espanyol base sa aristokratong tangos ng ilong nito. Sa likod nito ay apat na lalaking mga mukhang bouncer sa club. Ang tatangkad at ang lalaki ng katawan at kahit hindi pa man nagfe-flex litaw na litaw ang mga ugat sa braso at leeg. Napalunok siya at dahan-dahang lumapit sa Papa niya na agad na umiyak nang makita siya.
Nag-init din ang sulok ng mata niya sa pagka-awa sa Papa niya.
"P-papa... "
"You have a very lovely daugther, Chongson," ani ng matandang lalaki na nakatingin sa kanya at para siyang isang bagay na kinikilatis nito.
Mabilis na niyakap niya ang Papa niya.
"P-Pa, s-sino sila?" bulong niya sa ama pero ang mga mata ay nasa matandang kaharap nila.
"Ako si Guiller, hija. Kaibigan ako ng iyong Papà," ani ng matanda.
Tinignan niya ito ng masama. "Anong kailangan niyo sa papa ko?" matapang na tanong niya dito.
Ngumiti ito at lumitaw ang gintong ngipin nito. "Mayroon kasing pagkakautang ang papa mo, hija," malumanay na anito. Parang nakikipag-usap sa isang batang paslit.
Bumaling ang tingin niya sa papa niya. Napayuko naman ito.
"May utang ka, Pa?" tanong niya dito. At para siyang naubusan ng lakas ng tumango ito. "M-Magkano?" nanghihinang tanong niya.
"Ten million hindi pa kasama anginteres," ang matanda ang sumagot sa tanong niya.
"Sampung milyon?!" malakas na bulalas niya.
Biglang nawala ang awa na nararamdaman niya sa Papa niya. May utang na sampung milyon ang Papa niya at hindi pa kasama do'n ang interes? Ngayon pa lang ayaw na niyang marinig kung magkano ang interes. Sa itsura ng mga ito hindi na siya magugulat kung magiging doble ang utang ng Papa niya. "Saan mo ginamit ang sampung milyon, Pa?" hindi niya mapigilan ang mapataas ang boses.
"N-nag-invest ako a-anak," sagot ng Papa niya na nanatiling nakayuko.
"Saan ka nag-invest?" Nanghihinang napaupo na rin siya sa sahig. Para kasing alam na niya ang nangyari sa pera na in-invest nito.
"Sa OrangeCoin.co anak, y-yung sinalihan din ni Ninong Albert mo... Kaya lang nalugi daw ang investment."
Napapikit siya ng mariin. Last month lang napabalitang sangkot sa isang pyramiding scam ang tinutukoy nitong Ninong Albert niya, na ngayon ay nagtatago na dahil marami nang nagdemanda dito. Wala siyang kamalay-malay na isa pala ang Papa niya sa mga na-scam ng Ninong niya. Samantalang nang mabalita iyon, pinangaralan niya pa ang Papa niya na lumayo sa Ninong niya. Yun pala nabiktima na rin ang Papa niya.
"Pa, naman..." aniya na puno ng hinanakit na tinignan ito. "Bakit naman nagpa-uto ka sa Ninong? Sinabihan na kita di ba?" umiiyak na sermon niya sa ama.
Hindi sumagot ang Papa niya yumuko lang ito at humagulgol nang iyak. Gusto niya mang maawa dito pero hindi niya naman magawa. Naiinis siya dito dahil pinairal na naman nito ang pagiging uto-uto.
Madali itong masilaw sa isang bagay at mahilig magdesisyon ng pabigla-bigla na lagi na lang nagreresulta sa problema. At ngayon, napakalaking problema ang kinakaharap nila. Saan naman nila kukunin ang ten million? Wala na silang ipon at ang kakarampot na kita na lang sa hardware ang inaasahan nilang pangkain araw-araw at pangbayad sa mga bills, minsan nga kapos pa.
"Kung hindi mababayaran ng papa mo ang pagkakautang niya, mapipilitan akong kuhanin ang mga internal organs niya para makabayad kayo."
Nangilabot siya sa sinabi ng matanda. Anong akala ng mga ito sa Papa niya, hayop? Na pwedeng katayin at kukuhanin ang mga laman loob?
"M-Magbabayad kami!" aniya dito. At sa isip pa lang naghahagilap na siya ng mga pwedeng mautangan.
"Good," sangayon ng matanda. "I'm giving you a week," anito na nagpanga-nga sa kanya.
One week? Saang kamay ng panginoon siya kukuha ng sampung milyon sa loob ng isang linggo?
"At wag niyong tangkaing tumakas. Masama akong magalit," banta nito. Tumayo ito at may dinukot sa bulsa. Isang tarheta. Iniabot nito iyon sa kanya. "Tawagan mo ako kapag may pambayad ka na. One week, hija. Hanggang du'n lang ang kaya kong ibigay."
Wala sa loob na inabot niya ang tarheta. Kulay itim iyon at glossy. Nakalagay roon ang pangalan nito na kulay ginto ang pagkakasulat.
Guiller Moretti. CEO-President of black enterprise. May contact number din doon at address. Natawa siya ng mapakla ng makitang may sss page pang nakalagay.
Sinong sindikato ang gagawa ng sss page?
Nasundan niya na lang ang mga ito ng tingin habang papalabas ng pinto. Huminto ito ng nasa pintuan na ito at lumingon sa kanya.
"I also have a proposal to you, I can give you a job as well..." anito at bahagya pang itinaas ang suot nitong fedora saka tuluyang tumalikod.
To be continued...