Surang-sura na muli akong humakbang para sundan si Kikoy. Umikot pa ako sa kabilang bakod at sumuot sa alambre. Hindi naman kasi ako makaakyat sa mataas na pader, tapos ganito pa ang aking paa at hirap akong ihakbang.
Hindi tuloy maipinta ang mukha ko, nang makasuot ako sa alambre, maingat ang mga hakbang ko papalapit sa bahay ni Josh Marquez.
Sana lang ay hindi ako makita ng lalaki. Para tuloy akong magnanakaw ng mga oras na ito. Ngunit kailangan kong makita ang alaga kong pusa, lalo at dala-dala nito ang aking bra. Saka, hindi ko puwede pabayaan ang aking bra. Hindi na nga ako makabili ng bagong bra at panty, sobrang pasaway naman kasi ni Kikoy.
“Kikoy, na saan ka na ba? Ibalik muna sa akin ang bra ko, please! Maawa ka na sa akin…!” mahinang pagtawag ko sa aking pusang pasaway.
Ngunit, kahit anino nito ay wala talaga akong makita, kaya naman muli akong humakbang, ngunit payuko-yuko ako lalo na’t may madadaanan akong bintana. Abot-abot din ang panalangin ko na sana ay wala Josh Marquez akong makita o masalubong.
Hanggang sa may maamoy akong nagsisiga, mukhang naglilinis ng buong paligid si Josh. Naku naman! Paano na kaya ito? Baka kung saan dalhin ni Kikoy ang aking bra.
Hindi ko tuloy mapigilan ang hindi mapapadyak sa lupa, ngunit halos mapaiyak ako dahil biglang sumakit ang aking paa na may sugat.
Kuyom na lang ang mga kamao ko, hanggang sa muli kong hanapin si Kikoy na may dala-dala ng bra ko.
Maingat akong naglalakad upang hanapin kung saan nagsisiga. Mayamaya pa’y nakita ko si Kikoy mukhang may tinitingnan ito sa apoy na nagliliyab. Sinundan ko rin ng tingin kung sino ang tinitingnan ng aking pusa.
Nakita ko agad si Josh, nakasuot lang ito ng sando at short na hanggang tuhod ang haba kaya naman kitang-kita ang pawis na tumatagaktak sa katawan ng lalaki.
Ang hot nitong tingnan--- Naku! Hindi puwede ito. Kailangan kong alisin sa aking utak ang kahalayang sumasapi. Hanggang sa muli ko namang tiningnan kung anong ginagawa ng lalaki.
Inilalagay nito ang mga dahong winawalis sa apoy. Subalit--- Bigla akong napatingin sa apoy, teka parang bra ko yata iyon? Ngunit kalahati na lang ito at ang kalahati ay tinutupok na ng apoy.
Nagmamadali tuloy akong lumapit sa apoy upang tingnan kong aking bra ba iyon. Hanggang sa tuluyan akong manlumo dahil bra ko nga ang nasusunog. Bigla tuloy akong napatingin kay Josh.
Nakita kong nakatingin na pala ito sa akin. Nanlilisik tuloy ang mga mata ko habang nakatingin sa lalaki.
“Ikaw? Alam mo bang kung ilang dekada na akong pinagsisilbihan ng aking bra na iyan at siya ang kasa-kasama ko sa araw-araw, umulan man o bumagyo! Ta-Tapos, basta mo lang susunugin!” sigaw ko ay Josh na may kasamang hagulhol.
“What are you talking about? Are you crazy, woman?!”
Lalo namang kumulo ang aking dugo sa mga pinagsasabi ng lalaki. Hindi ba nito alam na sinunog nito ang aking bra? O, baka nagkukunwari lamang ito.
“Talaga lang na hindi mo alam na sinunog mo ang bra ko, na kanina lang ay dala-dala ng aking pusa? Paano naman nangyari na napunta sa apoy ang aking, bra, ha?!”
Hindi muna ito nagsalita, ngunit nakita ko bigla itong tumingin sa apoy. Napansin ko ring kumunot ng noo ng lalaki, hanggang sa kumuha ito ng patpat at sinungkit ang kaputol na bra.
“Oh! Kuhanin mo upang hindi ka na umatungal diyan. Hindi ko na kasalanan kung bakit nasunog ang bra. Ang sisihin mo ay ang pusa mo, malay ko bang bra mo iyan ang akala ko’y kalat lang,” umiiling na sagot ng lalaki sa akin. Habang binibigay nito sa aking ang kaputol na bra na may apoy-apoy pa sa gilid.
“Ikaw? Pinagloloko mo ba ako? Tingin mo masusuot ko pa ang bra na iyan? Ang dami na naming pinagsamahan ng bra ko na iyan tapos susunugin mo lang nang basta-basta!”
“Okay fine, papalitan ko na lang para tumahimik ka lamang, ano masaya ka na ba, Medina!” asar rin na sagot nito sa akin.
“Ano? Papalitan mo? Tingin mo ganoon lang kadali iyon! Alam mo bang mahirap bitawan ang isang bagay lalo na kapag napamahal na sa akin! Ang sakit lang na basta mo na lang sinunog ang aking bra na ilang dekada kong kasama, walang kang puso’t kaluluwa, Josh Marquez!” pasigaw na sabi ko sa lalaki.
“Nababaliw ka na naman, Medina. Hindi ko alam kung kumain ka na ng umagahan, puwede namang palitan ang bra.” Sabay talikod sa akin ni Josh para pumasok sa loob ng bahay nito.
Asar na asar tuloy ako na sinundan ko ng tingin ang lalaki. Ang sarap nitong lagyan ng apoy sa bibig niya. Hanggang sa umikot ang mga mata ko sa buong paligid. Nakita kong may apat na pirasong boxer ang nakasampay rito sa labas ng bahay.
Mukhang bagong laba ang boxer. Kqya naman kahit paika-ika akong maglakad ay nagpumilit akong makalapit sa sampayan. Mabilis kong kinuha ang dalawang boxer, sabay bato ko sa apoy na hanggang ngayon ay nagliliyab pa rin.
Dali-dali naman akong umalis sa bahay ni Josh nang makita kong unti-unti nang nilalamon ng apoy ang dalawang pirasong boxer ni Josh. Mabuti nga nagtira pa ko at hindi ko nilahat.
Pagdating sa aking bahay ay nakita ko na si Kikoy. Inis na inis akong lumapit sa aking pusa.
“Hindi ka kakain mamayang tanghali, dahil sa ginagawa mo na bawasan na naman ako ng bra!” bulalas ko habang panay ang sermon ko sa aking agalang pusa.
“Meow, meow, meow!”
“Iwan ko sa ‘yo, Kikoy! Galit pa rin ako sa ‘yo, lalo na sa lalaking iyon na parang ulo ng pusit! Hindi ko pa rin matanggap na nawalan na naman ako ng bra!” palatak kong muli.
Nagdesisyon na lamang akong pumunta sa kusina para kumain. Lalo at gutom na ako. Ngunit bigla akong napatingin sa aking pusa, nakasunod ito sa akin.
“Sinabi ko bang sumunod ka sa akin? Hindi talaga kita pakakainin dahil nagkaroon ka ng kasalanan sa akin, Kikoy. Iyan ang parusa ko sa ‘yo---”
Bigla naman akong napatingin sa pinto ng bahay namin dahil may kumakatok doon. Maingat naman akong humakbang para buksan ang pinto.
”Ilabas mo ang aking boxer ko, Medina!”