"Do you want to lose your job?" pagbabanta ni Owen dito.
"H-Hindi po Sir." alma nitong sabi sabay lunok, pagkatapos ay nagbaba ng tingin sa kanya.
"Then, go back to your work. Iti-take- out namin lahat ang in-order naming pagkain. Pakibilisan para makaalis na kami," inis niyang sabi saka pabagsak na hinila ang upuan. Iniwan na sila ng Waiter at masakit na tingin ang ipinukol ni Owen kay Madice. "Halatang nag-enjoy ka sa pakikipagngitihan doon sa Waiter 'no?" walang preno-prenong wika niya sa kaharap na dalaga ngunit hindi na lang ito sumagot sa biglaang pagbabago ng mood niya. "Ganoon ba ang gusto mo? Iyong laging nakatitig at ngiti nang ngiti sa 'yo ang lalaki?" sermon pa niya at sumandal sa upuan sabay halukipkip ng mga braso. Bumuntong-hininga na lang ang dalaga sa inaasta ng lalaki. "Ba't ayaw mong magsalita? Nagbago na naman ba ang mood mo?"
Napataas ang isang kilay ni Madice sa mga sinabi sa kanya ni Owen. "Hay naku! Sino ba sa atin ang pabago-bago ng mood? Hindi ba't ikaw? Kanina lang, okay ka pa. Saka, ba't hindi ka um-order ng pagkain mo? Sabi mo, kakain tayo rito. Pinapili mo ako, tapos wala sa 'yo. Pinatake-out mo naman lahat," reklamo niya. Nangalumbaba siya at pinandilatan niya ng mata ang binata.
"Pinatake-out ko na lahat para makaalis na tayo 't maihatid na kita. Hindi na rin ako um-order kasi naaasiwa ako roon sa Waiter."
"Naaasiwa? Wala namang ginawang masama 'yong tao," pagtatanggol niya sa lalaking Waiter.
"Anong wala?" sambit niyang pabagsak na ipinatong ang kamay sa mesa. Nagulat naman si Madice sa inakto ng lalaki. "He looks at you, every time he asks me. And I was disgusted with what he did earlier. Iyon ba 'yong walang ginawa? At pinagtatanggol mo pa. Tssk!" galit nitong sabi saka tumayo sabay dukot sa bulsa. "Here's my credit card. Pakibigay ro'n sa Waiter, sakaling gusto mo pa siyang kangitihan. I'll go out and I'll just wait for you in the car," dugtong pa niya na inilapag ang credit card sa mesa saka dali-daling umalis doon.
Naiwan namang napapailing ang dalaga. Buti na lang, nasa sulok sila at kumaunti na rin ang mga kumakain doon kaya hindi naririnig ang boses nilang dalawa. Nagtataka naman ang mga staff sa ginawang pagwalk-out ni Owen.
"Ang moody ng lalaking 'yon. Kanina lang nagbibiro pa siya. Anong nangyari? Ako pa 'tong pagbabayarin niya. Hindi na lang niya idinaan 'tong credit card na ito. Kainis ka Owen De Jesus. Pati, Waiter kinakainisan mo na. Wala namang ginawa 'yong mama sa 'yo. Saka, anong pagsesenti ang ginagawa niya? Everytime raw? eh, minsan lang naman nagtanong 'yong Waiter. First date, este meeting namin tapos ganito pala ang ugali niya. Sumama ka kasi sa kanya Madice, eh. Tinanggihan mo na nga, pero ano? Nandito ka at iyong nag-aya sa 'yo, iniwan ka dahil nainis sa Waiter," pabulong na sermon niya sa kanyang sarili at tumingin sa labas. Natanaw niya na may kausap ang lalaki sa telepono nito.
"Yes, Ma. I'm here in my condo," pagsisinungaling nito na ibinulsa ang isang kamay sa kanyang trouser pants.
"Is that true, Owen? But one of my source informed me na hindi ka raw pumunta sa party ng amiga ko kanina," imporma ng ginang sa kabila ng linya. "Baka kung saan-saan ka pumupunta at may iba kang pinagkakaabalahan diyan na hindi namin alam ng iyong papa."
"Ma, I'm not a child anymore na kailangan pang magpaalam kung saan ako pupunta. At inaasikaso ko rito ang negosyo na ginusto ko. Nasa tamang edad na rin ako and I want to stand on my own feet."
"I told you before, Owen. Ayoko na gumagawa ka ng bagay na hindi ko alam. Pumayag ako na mag-aral ka riyan, pero hindi ako pumayag na ang De Super Market ang hahawakan mo na negosyo. Ang papa mo lang ang may gusto, kaya sumunod ka sa akin," galit nitong sabi sa kabilang linya.
"Okay, Mama. Wala na po ba kayong sasabihin? Kung wala na ay ibababa ko na 'tong phone," aniyang ibinaba nga ang telepono at hindi na pinatapos pang magsalita ang kanyang ina sa kabilang linya. Ayaw niya na ring makipagtalo rito, kaya sumasagot na lang siya kahit labag sa loob niya. Pero hindi niya alam kung hanggang kelan siya pakikialaman ng ina.
Humugot siya ng malalim na hininga at tinanaw niya ang loob ng Mexican restaurant, nakita niyang nakangiti ang lalaking Waiter kay Madice habang inaabot nito ang in-order nila, kaya dali-dali siyang pumasok sa loob at naabutan niyang magkahawak-kamay na ang mga ito. Gumalaw ang kanyang panga sa nadatnan kasabay ng pagkuyom ng kanyang mga kamay.
"Madice," tawag niya na ikinalingon ng dalaga at ng Waiter. "Anong ginagawa niyo?" tanong niyang nagsalubong ang mga kilay at palipat-lipat ng tingin sa dalawa.
"Nakipagkilala lang ho ako, Sir sa magandang binibining kasama niyo," sagot ng waiter na binitiwan ang kamay ng dalaga at nagyuko ito ng ulo.
"Nang-iinsulto ka ba? Gusto mo pala siyang makilala, sana, ginawa mo na kanina. Hindi 'yong hinintay mo pa akong lumabas," diin niyang sabi rito na tinignan ng matalim ang lalaking Waiter.
"Pasensya na ho Sir, ngayon ko lang kasi naalala nang makita kong walang kasama si Miss Beautiful," sambit nitong sumulyap kay Madice sabay ngiti rito. Gumanti rin ng ngiti ang dalaga kaya lalong nagngitngit sa inis si Owen. Napansin ng mga ibang staff ang tensyon sa pagitan ng dalawa, kaya naman lumapit ang mga ito.
"May problema ho ba, Mr. De Jesus?"
"Wala. Gusto ko lang na pagsabihan niyo 'tong Waiter ninyo, masyado kasing mabilis. Nalingat lang ako, para na siyang kabuteng biglang sumulpot. At may nakasungkit na nga, sinusungkit pa niya," galit na wika sabay tingin sa dalaga kaya iniyuko tuloy nito ang ulo.
"Pero Sir, ibinigay ko lang ho iyong ipinabalot niyo kan—"
"I don't need your explanation," agaw niyang sambit na gumalaw ang panga na tila gustong manuntok ng tao. Pinukulan niya ito ng masamang tingin. "Do your job at tignan mo kung saan ka lulugar. . . Klent," baling niya sa isang staff. "Tell to your Manager that I want to talk to him tomorrow at sharp eight."
"Makakaasa ho kayo Mr. De Jesus," sagot nito kay Owen.
"Okay. Let's go Madice, so we can get home early," aniya sa malamig na boses sabay kuha ng mga itinake-out na pagkain sa mesa at hinila sa braso ang dalaga palabas ng restaurant. Agaw pansin tuloy ang boses ng lalaki, kaya napapatingin ang mga ibang kumakain doon sa kanila, samantalang napapailing na lang ang mga ibang staff na nakakita sa ginawa ni Owen.
Nang makasakay na sila sa kotse, pabalyang isinarado ng lalaki ang pinto ng sasakyan nito. Hindi naman pinahalata ni Madice na nagulat siya sa ginawa ng binata kaya hindi na lang siya umimik dahil mukhang nainis ito kanina.
"Damn him!" sigaw ni Owen na sinuntok ang manibela ng kotse kaya napapitlag tuloy ang dalaga sa ginawa nito. "Akala mo kung sino! Ang tapang pang sumagot," pagalit nitong wika kaya hindi nakatiis si Madice na hindi ito kausapin.
"Uhm, ba't ka ba nagagalit, Owen? wala namang ginawa iyong Waiter, 'di ba?"
"Anong wala? Hinawakan niya ang kamay mo."
"Nakipagkilala lang 'yong tao. Narinig mo naman ang sinabi niya sa 'yo kanina."
"I don't care what he's talking about. Hindi niya dapat hinawakan ang kamay mo."
"Ano ba'ng problema mo kung hinawakan niya ang kamay ko? Natural lang naman iyon dahil nakipagkilala nga siya sa akin. Paggalang iyon."
"Paggalang? Paggalang ba iyong nanghawak ng kamay? Alam niya na may kasama kang lalaki, paggalang 'yon? Dapat alam niya kung saan siya lulugar."
"Teka lang ha," sambit niya na umayos ng pagkakaupo sabay singhap at humarap sa lalaki. "Bakit parang apektado ka? ngayon lang tayo nagkakilala pero gan'yan ka na kung makaasta."
"Ano'ng magagawa ko kung hindi ko mapigilan ang sarili ko. This is me, Madice. This is real me. At ayoko sa lahat, eh, iyong harap-harapan akong niloloko dahil matindi akong mag-selos," seryoso niyang sabi na tumitig kay Madice. Napalunok naman ng laway ang dalaga sa huling sinabi ng lalaki kaya iniiwas niya ang tingin dito. "Ihahatid na kita. Baka gutom na rin 'yong mga kapatid mo. Ituro mo na lang kung saan ang daan pauwi sa inyo," dugtong pa nitong sabi na in-start ang makina at nilisan na ang lugar na iyon.
Binaybay nila ang daan na wala silang imikan sa loob ng sasakyan at kensi minutos lang nang marating nila ang lugar kung saan nakatira si Madice. Buti na lang at hindi traffic. Dahil masikip ang daan papunta sa kanila, iniwan na lang ni Owen ang kotse sa iskinitang malapit sa tinitirahan ng dalaga kaya nagsisitinginan sa kanila ang mga taong napapadaan doon. Tinawid nilang dalawa ang daan, at dahil hindi naman alam ng lalaki ang papunta sa bahay ni Madice, kung kaya't ang dalaga na ang nagpatiunang bagtasin ang daan.
"Hindi ka ba natatakot umuwi nang mag-isa rito?" Hindi mapigilang tanong ng lalaki habang palinga-linga sa madilim na iskinita. Kulang na lang ay magkakabanggaan na ang dalawang taong magkakasalubong sa daan na 'yon.
"Sanay na ako rito."
"Sanay ka na? Pa'no kung may makasalubong kang loko-loko?"
"Tatakbo ako," matapang nitong sagot.
"Makatatakbo ka pa ba sa sikip ng iskinitang 'to? At napakadilim pa! halos
'di kita makita sa dilim ng daan, oh," reklamo nito.
"Hindi ka kasi sanay, kaya ganiyan ka kung magsalita."
"Sinasabi ko lang ang totoo. Babae ka pa naman. Teka, ilan ba kayong magkapatid?"
"Apat kami at puro babae."
"Ah, okay. Pumapasok ba lahat?"
"Uhm, Oo."
"That's good. Uhm, ba't ka nga pala nagtatrabaho habang nag-aaral?"
"Ulila na kasi kami," sagot niya na lumungkot bigla ang tinig. "Kaya kailangan kong magtrabaho. Ako kasi ang panganay," dugtong pa niya na nagpatahimik sa lalaking nasa kanyang likuran. "Malapit na tayo. Hayon ang bahay namin. Naku! Iyong mga kapatid ko, nasa labas pa," aniyang binilisan ang hakbang, kaya sumunod na lang sa kanya ang lalaki at tinawag ang mga kapatid nito. "Marina! Mayumi! Mikal!"
Nang marinig siya ng kanyang mga kapatid, ay patakbong lumapit ang pitong taong gulang na bunso na si Mikal, kasunod nito ang dalawa.
"Ate!" sigaw nito na yumakap kay Madice at bumitiw rin. Napansin niyang may kasama ang kanilang panganay na kapatid kaya nagtanong ito. "Sino siya Ate?"
"Kaibigan ko, bunso. Si Kuya Owen mo. Uhm, ba't nasa labas pa kayo?" baling niyang tanong sa kararating na si Marina at Mayumi.
"Hinihintay ka kasi namin Ate, eh," sagot naman ni Mayumi saka bumaling kay Owen. "Sino siya Ate? Boyfriend mo ba?"
"H-Ha? H-Hindi. Kaibigan ko lang," alma niyang sabi na tinignan ng masakit si Mayumi. Ngunit nang maramdaman niyang may lumapit na kung ano sa kanyang tainga ay bigla siyang napalingon, kung kaya't dumikit ang pisngi niya sa labi ng lalaki kaya pareho silang nagulat. Mabuti na lang at madilim sa parte na iyon kaya hindi nakita ng mga kapatid niya ang nangyari. "Uhm, d-doon na tayo s-sa bahay," utal-utal niyang sabi na umakbay sa kanyang bunsong kapatid kaya sumunod na lang ang dalawa at ang napapangiting si Owen.