Dahil wala naman rin akong plano at patutunguhan ay wala naman masama kung pagkakatiwalaan ko si Dervis. Siya ang unang nakilala ko rito sa kapital. Mas alam niya ang hirap ng buhay rito at takbo ng pamamalakad sa kapital. Mas magiging ligtas ako sa tulong niya kaysa magpatuloy na magpagala gala rito.
"Sige. Pumapayag na ako." Sang-ayon ko.
Ngumisi siya at nilahad ang kanyang kanang kamay. "Nagagalak kita makilala Prima or I must say you are now Primo. Welcome here in the capital. Ang lugar na pinaliligiran at pinamumugaran ng mga masasamang loob." Magalang na pagbati niya sa akin na may kakaibang ngising nakapaskil sa kanyang labi.
Napalunok ako bago nakipagkamay sa kanyang kamay na akala mo nagsara kami ng isang importanteng deal. "Ano? Tara na?" Pagyaya niya at biglang inakbayan ako. "Gusto mo ba makita ang magiging panibagong tirahan mo?"
Napakagat labi muna ako bago dahan dahang binigyan siya ng isang tango. Bumitaw naman siya sa pagkaka-akbay sa akin bago nakapamulsa na nagpauna sa aming paglalakad. Humugot muna ako ng malalim na hininga at malakas na pinakawalan iyon bago sinundan si Dervis sa direksyon na kanyang pinatutunguhan. Nang tumagal ay hindi ko maiwasang kabahan ng dumaan kami sa ilang masisikip na eskinita. Maraming tambay roon na bumabati kay Dervis tuwing napapadaan kami.
"S-Sikat ka yata rito." Pagpuna ko.
"Hindi naman masyado." Pagtanggi niya sabay nagkibit balikat lang.
Hanggang sa tumigil siya sa harapan ng isang tila abandonadong bodega. Napaisip muli ako kung tama ba ang desisyon ko na sumama sa kanya. Maaari rin na miyembro siya ng isang sindikato rito at ikalulong niya ako.
"Come on! Nasa loob na ang iba." Natatawang sambit ni Dervis nang mapansin ang pagdadalawang isip ko at tinulak pa ako sa likuran papasok sa bodegang iyon.
Pagpasok namin ay may naabutan kami na limang lalaki naroroon. May kanya kanya silang kinaabalahan at tila hindi alintana ang aming pagdating. Malakas na tumikhim naman si Dervis kaya nakuha nito ang atensyon nila at dali dali sila tumayo saka nagbigay ng saludo kay Dervis.
"Welcome back, boss!" Malakas nilang pagbati kay Dervis ngunit nang mapansin nila na hindi ito nag-iisa ay agaran nabaling ang tingin nila sa akin.
"B-B-Boss?" Kunot noo at kinakabahang pag-ulit ko sa tinawag nila kay Dervis.
Napakamot ng batok si Dervis. "Hindi ko nga pala nasabi sa iyo na pinuno ako ng isang gang rito." Nakangiwing sambit ni Dervis saka naupo sa isa sa mga tambak ng kahoy rito. "At sila ang mga miyembro ng gang ko."
"Bagong recruit mo, boss?" Pagtatanong ng pinakabata sa grupo niya at palagay ko ay nasa mga sampung taon gulang pa lang siya.
"Yeah." Sang-ayon naman ni Dervis sa sinabi ng bata bago nahiga sa ibabaw ng mga kahoy na iyon. "Treat him well."
Inis na binalingan ko ng tingin si Dervis. "Teka! Wala sa pinag-usapan natin ito ah!" Pag-angal ko.
"Makikitira ka di ba? Dito kami nakatira." Pagpapaliwanag naman ni Dervis at muling nilingon ako. "Welcome to our gang family."
Napahilot ako ng aking sintido dahil tila napahamak ako sa mabilis na pagde-desisyon ko. Narinig ko ang paghalakhak ng mga ka-gang niya. Marahil katulad ko ay naranasan nila ang hindi detalyadong pakikipag-deal kay Dervis. Napabuga ako ng malalim na hininga at pilit tinanggap na lang ang sitwasyon.
"Hi. Welcome." Sambit ng matangkad at matipunong lalaki na balot ng tattoo ang kanyang magkabilang braso. Hindi ko tuloy maiwasang matakot sa kanyang kaanyuan habang nakatingala sa kanya. "Ako nga pala si Gyro. Pinaka-matanda sa grupo."
"P-Pri... m-mo..." Nauutal na pagpapakilala ko sa kanila.
Saglit na tinitigan ako ni Gyro bago ikinakibit balikat na lang iyon. "He's Zion..." Pakilala niya sa lalaking humihithit ng sigarilyo. "That's Frolan..." Turo naman niya sa lalaking naka-leather jacket at nagtaas ng kanang kamay. "This youngest one is Red..." Pakilala niya sa pinakabata. "And lastly Blake..." Tukoy naman niya sa lalaking nakasalamin at may hawak na libro.
"H-Hello..." Kinakabahang pagbati ko sa kanila at bahagyang yumuko.
Yumakap naman sa braso ko si Red. "Huwag kang mag-alala. Kahit mga mukhang mamatay tao iyan sina Gyro. Mababait ang mga iyan." Pagpapalubag niya ng aking loob.
Hinawakan naman sa ulunan ni Gyro si Red. "Aw!" Humihiyaw na sambit niya at pilit kumakawala sa hawak ni Gyro.
"Sinong mukhang mamatay tao?" Nagbabantang pagtatanong pa ni Gyro.
Nang makawala si Red ay agaran siya nagtago sa aking likuran at nag-aasar pang naglabas ng kanyang dila sa direksyon ni Gyro. Pinabayaan na lang ni Gyro si Red ay nagtungo sa kanyang kinauupuan kanina.
Tumatawang hinila naman ako ni Red patungo sa sulok na pinaggalingan niya. Nilibot ko ang tingin at masasabi ko na wala masyado kagamit gamit rito para masabing na tirahan nila ito.
Inabutan pa ako ni Red ng isang tinapay at doon ko lang naramdaman na kumakalam na ang aking tiyan. "Bakit ka nagpunta rito sa kapital?" Interesadong pagtatanong sa akin ni Red.
Pansin ko na nakuha ng tanong iyon ang atensyon ng lahat. Lahat sila ay nag-aabang sa aking dahilan para sumabak ako sa isang napaka-delikadong lugar.
"Bastardang anak ako ng aking Ina. Namatay siya nitong tatlong araw na nakakaraan at nalaman ko na binabalak ako ibenta ng kanyang asawa sa ibang kaharian para maging alipin." Pagsasalaysay ko sa nangyari sa akin kaya napag-isipan ko magtungo rito.
"Nagpunta ka rito para takasan ang iyong tiyuhin." Seryosong sambit ni Blake at inayos ang suot niyang salamin. "Ngunit hindi ka ba aware na mas mapapahamak ka sa pagpunta mo rito?"
Tumango si Red. "Oo, mas malala ang mga maaaring mangyari sa iyo rito!" Sang-ayon niya. "Kung ibebenta ka lang na alipin sa ibang kaharian, dito naman ay maaaring pagpiyestahan ang mga laman loob mo para ibenta sa black market." Pananakot pa niya.
"Mas mabuti na bumalik ka na lang sa iyong pinagmulan, Primo."
Mungkahi ni Zion pagkatapos magbuga ng usok mula sa kanyang hinihithit na sigarilyo. "Bawal ang mahina at hindi marunong makipaglaban sa lugar na ito."
Mahigpit na napakuyom ako ng aking mga kamay. "May iba pa akong dahilan kaya nagpunta ako rito." Seryosong sambit ko.
Nalumbaba naman si Red sa akin harapan at hinihintay ang pangalawang dahilan ng aking pagpunta sa kapital. "Gusto ko hanapin ang tunay kong Ama." Sambit ko sa pangalawang dahilan ko. "Ayon kay Ina ay dito ko siya mahahanap."
Humalakhak si Dervis na tila nasisiraan na ako ng ulo. "Bwahaha! Seryoso ka?" Hindi niya makapaniwalang sambit. "Sa laki ng kapital ay tingin mo kaya mo mahanap siya rito?"
Naiiling na naghalukipkip ng kanyang braso si Frolan. "Give up." Komento niya. "Kahit makita mo ang iyong ama ay palagay mo tatanggapin ka niya? Hindi ka nga natanggap ng pamilya ng iyong Ina. Paano pa kaya ang pamilya ng iyong Ama?"
Para ako binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang sinabi ni Frolan. Tama siya. Kahit makita ko ang aking Ama ay hindi mababago na isa akong bastarda.