Naalimpungatan ako nang tumama ang sinasakyan kong karwahe sa isang malubak na daan. Inaantok na kinusot ko pa ang aking mga mata habang tinitignan ang aking paligid.
"Oh gising ka na pala." Nakangiting pagbati sa akin ni Mang Rubert, isa sa mga negosyanteng kaibigan ni Ina.
Siya ang inarkila ni Lenna para maghatid sa akin sa kapital. Malaki ang pasasalamat ko kay Lenna dahil mapayapa ako nakaalis sa kanilang manor na hindi namamalayan ni Tito Roy. Planado niya na ang lahat. Siya na rin ang naghanda o nag-ayos ng aking mga gamit at nag-abot nito kay Mang Hubert. Nagulat na lang ako na makita sila sa labasan ng sementeryo at inaantay ako roon.
"Nakakapagtaka na gusto mong umalis sa manor ni Don Roy." Kunot noong komento niya. "Marami akong kilalang tao na may gustong manilbihan sa kanila dahil na rin sa mataas sila magpasahod."
"May natanggap po kasi akong scholarship doon sa kapital para makapag-aral po ako." Pagsisinungaling ko.
"Ay ganoon ba?" Nauunawaang sambit ni Mang Hubert. "Sabagay, bata ka pa at mas mabuting kumuha ka ng sapat na edukasyon. Huwag kang tumulad sa amin na hindi man lang nakapasok sa ekswelahan at hanggang ganitong trabaho lang ang kanyang gawin sa buhay."
"Marangal naman po ang trabaho niyo. Mayroon nga po na mga nakapag-aral pero sa masasamang trabaho nila ginagamit ang talino nila." Pagtatanggol ko sa kanyang estado. "Hindi niyo po kailangan ibaba ang sarili niyo dahil sa hindi kayo nakapag-aral."
"Napakabuti mo talagang bata, Prima." Humahangang sambit ni Mang Hubert. "Nakakapanghinayang na marahil ito ang huling beses na magkita tayo."
"Hindi naman po siguro." Umaasa kong sambit.
Nagpatuloy ang aming kwentuhan ni Mang Hubert habang naglalakbay patungo sa kapital. Marami siya naikwento sa akin lalo na sa kanyang pamilya. Doon ko lang rin nalaman na may anak siyang babae na nag-aaral sa isang kilalang ekswelahan sa kapital.
Marami rin siyang ibinigay na bilin sa akin kapag nasa kapital na kami. Kailangan ko raw mag-ingat dahil maraming mandurukot roon at iba't ibang klase ng krimen ang nagaganap sa araw araw. Kahit na nasa norte ng kapital ang kinalalagyan ng palasyo ay laganap pa rin roon ang mga ganoong gawain. Dahil na rin may mga malalaking opisyal na sumusuporta sa mga grupo ng sindikato na namamalagi sa paligid ng palasyo.
Dapit hapon nang matanaw ko sa hindi kalayuan ang isang malaking tarangkahan na gawa sa makakapal na bato. Sa ibabaw ng tarangkahan ay may nakasabit na malaking bandera na sumisimbilo sa kaharian ng Calareta. Ang simbolo ay nagtataglay ng isang dragon na may dalawang naka-ekis espada at isang malaking panangga. Habang sa harapan naman ng tarangkahan ay may nagkalat na mga kawal na masuring nag-iinspeksyon ng bawat karwahe na pumapasok at lumalabas ng kapital.
Nang dumating ang karwahe ni Mang Hubert sa harapan ng mga kawal ay may pinakita siya na kapirasong kahoy magbibigay sa kanya ng pahintulot na pumasok sa loob ng tarangkahan. Inalisa nila ang katunayan ng kapirasong kahoy at sinuro ang nilalaman ng karwahe bago nagbigay ng senyales kay Mang Hubert na maaari na siyang pumasok. Kaya agad na sinimulan ni Mang Hubert paandarin muli ang kanyang karwahe papasok sa tarangkahan.
Nagtungo kami sa palengke ng kapital. Doon kasi ang kanyang patutunguhan para ibaba ang ilang ibebentang paninda at doon rin ang aming napag-usapan kung saan kami magkakahiwalay na dalawa. Nang makababa ako ay inabutan ko ng pambayad si Mang Hubert mula sa kaunti ko naipon pero tinanggihan niya iyon at gamitin ko na lang raw sa pamamalagi ko rito. Wala ako nagawa kundi taos pusong pasalamatan siya sa pagtulong niya sa akin na makarating ng matiwasay sa kapital.
Binuhat ko ang hindi kalakihang bag at sinukbit iyon paikot sa aking katawan. Wala naman ako ganoong karaming gamit kaya alam ko na magiging ligtas ako sa mga mata ng mga mandurukot rito. Ngayon ay kailangan ko maghanap ng mapapasukan na trabaho at maaaring matirhan. Kailangan ko makapagsimula ng panibagong buhay.
Tuluyan na ako nagpaalam kay Mang Hubert. Nilakbay ko ang diretsong sementong daan patungo sa gitna ng kapital.
Hindi ko maiwasang mamangha habang nililibot ang tingin sa paligid dahil ibang iba ang kapaligiran ng kapital kumpara sa aking pinagmulang bayan. Hanggang sa napatigil ako dahil sa matatanaw sa aking kinatatayuan ang kabuuan ng palasyo.
Ang palasyo ng pamilyang Calareta.
Ang kaharian ng Calareta na siyang namumuno at sumasakop sa lupaing ito.
Akala ko ay hanggang libro ko lang makikita ang palasyong ito. Hindi ko inaasahan na darating araw na makikita ko ito nang harapan. Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung gaano kaganda ang palasyo kapag nasa loob ka nito. Napaka-swerte siguro ng mga taong ipinanganak bilang parte ng pamilyang Calareta. Hindi katulad ko na minalas na ipinanganak na isang bastarda.
Nakarinig ako ng isang malakas na halakhak kaya nabaling ang tingin ko sa pinagmumulan nito. Nakita ko ang isang kasing edaran kong lalaki na may balat na ekis sa kanyang kanang pisngi. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at medyo may kahabaan ang maitim niyang buhok.
"Bago ka lang rito 'no." Tumatawang sambit niya bago unti unti lumapit sa aking kinatatayuan. "Mga bagong santa lang naman ang humahanga sa itsura ng palasyo."
Napahigpit ang hawak ko sa aking bag. Ayoko siya paghinalaan ng masama pero mas mabuti na mag-ingat pa rin ako sa kanya lalo na hindi ko alam ang pakay niya para lumapit sa akin.
Napasipol siya nang mapansin na handa ako sa anumang binabalak niya. "Akala ko isa kang hangal na santa na naligaw rito pero mukhang alam mo na kung anong klaseng lugar ang tinatapakan mo ngayon." Nakangising komento niya. "By the way, I'm Dervis." Pagpapakilala niya.
"P-Prima." Napipilitang pagpapakilala ko sa aking sarili at bahagyang umatras palayo sa kanya.
Napakunot siya ng noo at biglang pinasadahan niya ng tingin ang aking kabuuan. Matalim na tingin naman ang ibinigay ko sa kanya dahil hindi ko nagustuhan ang kanyang ginagawa.
"My bad! Hindi ko lang inakalang isa kang babae!" Pag-amin niya. "Pormang panlalaki kasi ang suot mo kaya akala ko kanina ay lalaki ka."
Napatingin naman ako sa aking suot na mga damit. Alam ko na panlalaki ang mga ito dahil binigay sa akin ito ng mga kapwa ko nagtratrabaho sa manor ni Tito Roy. Pagkaalam kasi nila ay wala akong kakayahan na makabili ng aking damit kaya binigay nila ang mga pinaglumaan ng kanilang mga anak.
"May problema ba kung babae ako?" Taas kilay na pagtatanong ko sa kanya.
"Mas pinupuntirya kasi ng mga tao rito ang mga babae. Minsan hinuhuli sila para ibenta sa prostitusyon." Seryosong sambit niya. "Kaya kung ayaw mong maging biktima ng mga sindikato ay mas mabuti pa na ngayon pa lang ay umalis ka na."
Iniling ko ang aking ulo at pinirmi ang aking mga paa sa lupang aking kinatatayuan. "Wala na akong ibang mapupuntahan." Seryosong sambit ko habang pinipigilan ang pangingilid ng luha sa aking mga mata.
Napahawak sa kanyang baba si Dervis at tila malalim na napaisip. Saglit na tinignan niya muli ako bago napatapik ng kanyang kanang paa.
Pagkatapos ng ilang sandali ay nameywang siya sa aking harapan. "Fine. Tutulungan kita." Sambit niya saka tinuro ako. "Pero ipangako mo na magpapanggap ka na isang lalaki. Ayokong madamay sa gulo kapag may mga tao ng sindikato na magkainteres sa iyo dahil sa babae ka."
"Sigurado ka?" Paniniguro ko sa inaalok niyang tulong. "Hindi mo pa ako lubusan na kilala para tulungan ako di ba?"
Ngumisi siya. "Ikaw naman ang bahala kung pagkakatiwalaan mo ko eh." Pagdadahilan niya. "Nasa iyo ang desisyon kung tatanggapin mo ang tulong ko o hindi."