Hindi ako ngumingiti habang nagpapatuloy kami sa pagroronda. Nanghihinayang pa rin kasi ako dahil pinlampas ko ang napakadalang na pagkakataon na makita ang isang Calareta. Napakaunti lang kasi ng pagkakataon na lumalabas sila ng palasyo.
"Uy nagtatampo ka na niyan?" Natatawang sambit ni Red at nang-aasar na siniko ako sa aking tagiliran. "Ano naman ngayon kung hindi mo nakita si Prinsipe Orion? Nakatira ka na sa kapital kaya magkakaroon ka pa ng mas maraming pagkakataon na makita sila."
Napahawak ako sa aking baba at pinag-isipan mabuti ang sinabi ni Red. Wala naman mali sa kanyang sinabi pero gayun pa man ay hindi mawala ang aking matinding paghihinayang dahil hindi ko sila nakita.
"Bakit ba gustong gusto mo sila na makita?" Hindi maunawaang tanong sa akin ni Gyro. "Hindi naman sila ganoong mga espesyal na mga tao. Sabihin na natin na mas nakakaangat sila sa pisikal na anyo." Makahulugang dagdag pa niya at ramdam na ramdam ko sa kanyang tono ang kakaibang galit sa maharlikang pamilya.
Natigilan ako sa hindi malaman na dahilan. Sa totoo lang ay hindi ko rin maipaliwanag ang aking damdamin kung bakit ganoon na lang kalaki ang aking kagustuhan na makita sila.
"Paanong naiiba sila sa pisikal na anyo?" Pagtatanong ko pa kay Blake na punung puno ng kuryosidad.
Napakamot naman ng batok si Blake at tila napipilitan na sagutin ang tanong ko. "Marami ang nagsasabi na nalalapit ang kanilang itsura sa isang Diyos." Napakaikling paglalarawan ni Blake saka naghalukipkip ng kanyang braso.
Iyon na iyon? Eh hindi ko nga alam ang itsura ng Diyos para ikumpara sila roon.
Humalakhak si Red sa nabitin kong reaksyon mula sa sinabi ni Blake. "Hahaha! Ayaw na ayaw kasi ni Blake na pinag-uusapan ang itsura ng isang Calareta." Pagpapaliwanag sa akin ni Red. "Dati kasi nakatabi niya ang ikatlong prinsipe na si Prinsipe Narcissus at ang masaklap pinagkumpara ng mga babae ang itsura nilang dalawa."
Napatakip ako ng bibig dahil muntikan na ako matawa sa aking nalaman. Ngayon naiitindihan ko na kung bakit ganoon na lang kasama ang kanyang timpla ng ipalarawan ko sa kanya ang itsura ng mga Calareta.
Sinamaan naman ako ng tingin ni Blake habang inaayos ang pagkasuot niya sa salamin sa mata. "Pero nakapagtataka di ba ang mabilis na pagbabalik ni Prinsipe Orion sa palasyo." Biglang sambit ni Gyro. "Nang nakaraan buwan ay ipinadala siya bilang delegasyon ng mga Calareta patungo sa kaharian ng Peridon. Kung kakalkulahin ang paglalakbay niya ay dapat sa susunod na buwan pa siya makakabalik."
Napatigil sa kanyang paglalakad si Blake at seryosong hinarap niya kami. "May haka haka nitong nakaraan na nagsisimula na mabasag ang itlog ng dragon na inaalagaan ng mga Calareta." Pagpaliwanag ni Blake sa amin tungkol sa biglang pag-uwi ni Prinsipe Orion mula sa kaharian ng Peridon. "Kaya malaki ang posibilidad na makakapili na ng susunod na tagapagmana sa trono mula sa limang prinsipe."
Nanlaki ang mga mata nina Red at Gyro sa sinabi ni Blake. "Seryoso? Totoo ba iyan?" Magkasabay pa nilang sambit.
Naguguluhang nagpalipat lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo dahil hindi na ako nakakasunod sa kanilang pinag-uusapan.
Tama ba ang narinig ko na may binanggit na itlog ng dragon si Blake na malapit nang mapisa?
Ano naman kaya ang kinalaman ng pagpisa ng itlog sa pagpili ng magmamana ng trono?
"T-T-Teka! I-Itlog? D-Dragon?" Nalilitong kong bulalas sa mga sinabi ni Blake. "Tama ba ang narinig ko?"
Nilingon nila ako na para bang napaka-inosente kong tao at hindi alam ang tungkol sa pinag-uusapan nila. "Primo, seryoso ka?" Kunot noong pagtatanong sa akin ni Red. "Kanina hindi mo alam ang itsura nila tapos ngayon hindi mo rin alam ang tungkol sa itlog ng dragon? Pagkaalam ko ay ako ang pinakabata rito ah!"
"Hindi mo alam kung paano pinapasa ang trono sa pamilya ng mga Calareta?" Gulat na gulat na sambit ni Gyro habang nakaturo sa akin. "Saan lupalop ka ba ng mundo na tumira noon?"
Napanguso naman ako dahil sa kakulangan ko ng impormasyon tungkol sa maharlikang pamilya. Agad kasi pinapasunog ni Tito Roy ang libro o dyaryo na naglalaman ng impormasyon tungkol sa kanila. Kaya hanggang emblem lang ang nalalaman ko tungkol sa kanila
Napahilot ng ulo si Blake na tila hindi niya inaasahan na makakatagpo siya ng taong katulad ko. "Fine. Ipapaliwanag ko sa iyo." Napipilitan muli niyang sambit. "Nakita mo naman siguro ang simbolong ginagamit ng kanilang pamilya."
Mabilis na tumango ako. "Oo. Isang dragon, dalawang naka-ekis na espada at isang panangga." Sagot ko.
Nakahinga sila nang maluwag na alam ko naman ang simbolo na ginagamit ng mga Calareta. "Noon pa man ay usap usapan na ang angkan ng mga Calareta ay nagtataglay ng dugo ng isang Diyos kaya sila lang ang natatanging mga tao na nagtataglay ng kakaibang abilidad. Hindi ko masasabi kung anong klaseng abilidad iyon dahil mahigpit na sinisikreto iyon ng kanilang pamilya. Gayun pa man ay kilala siya bilang tagapangalaga ng isang maalamat na dragon. Sa bawat henerasyon sa kanilang pamilya ay may isang dragon na ipinapanganak at sa oras na mapisa ang itlog nito ay pumipili siya ng karapat dapat na tagapagmana sa trono." Mahabang pagsasalaysay sa akin ni Blake sa importansya ng dragon sa simbolo ng mga Calareta. "Ngunit dalawang dekada na rin ang lumipas simula nang magkaroon ng panibagong itlog sa kanilang pamilya. Sa tagal ng panahon ay hindi ito napisa o nakitaan ng buhay kaya pinagkamalan ng lahat na namatay ang dragon na sumisimbolo at pumo-protekta sa kanilang pamilya. Dahil rito ay unti unti nabawasan ang kapangyarihan at tiwala sa mga Calareta na mamuno sa buong kaharian kaya naging laganap ang krimen at illegal na trabaho ng ilang mapasamantalang opisyales sa kapital at ilan pang bayan."
Napanganga ako sa wala ako kaalam alam sa nilalamang historya ng pamilya ng mga Calareta. Iyon pala ang dahilan kung bakit naging sentro pa rin ng mga krimen ang kapital kahit napakalapit lang nito sa palasyo. Napakuyom ako ng aking kamay at nagpuyos sa sobrang galit dahil masyadong sinamantala ng mga kurakot na opisyal ang kakulangan sa kapangyarihan ng maharlikang pamilya.
Kung may magagawa lang sana ako para ibalik sa dating ayos ang buong kaharian...
"Ngunit kung totoo na unti unti napipisa na ang itlog ay ibig sabihin nito, maaaring bumalik ang buong kapangyarihan ng mga Calareta na mamuno muli." Nakangiti na pagpapakalma sa akin ni Gyro na punung puno ng pag-asa sa kanyang tono.
"Ganoon na nga." Sang-ayon ni Blake at inayos muli ang suot niyang salamin. "Malaki maitutulong nito para isiayos muli ang pamamalakad ng kapital. Kaya kung totoo ito ay napakagandang balita nito para sa atin."
Nagtaas naman ng kanyang kanang kamay si Red na akala mo isang estudyante na gusto magtanong sa tinuro ng aming guro. "Pero bakit ngayon lang napisa ang itlog?" Pagtatanong ni Red na ikinataka ko rin. "Posible kaya na may panibagong Calareta na ipapanganak ngayon?"
Isang kibit balikat lang ang isinagot ni Blake sa katanungan ni Red. Dahil mga pribadong tao ang mga Calareta ay walang kasiguraduhan na may panibagong miyembro nga ang pamilya nila.
***
Nang matapos kami sa pagroronda ay agad rin kami bumalik sa aming kuta. Napag-alaman namin na nakabalik na pala sina Dervis at Zion mula sa kanilang pangangalap ng impormasyon sa black market.
Kapansin pansin ang hindi maipintang nilang mga reaksyon habang nakaupo sa kani-kanilang tambayan. Naninigarilyo na nakatingala at nakasuksok ang kamay sa kanyang magkabilang bulsa si Zion habang seryosong seryoso naman na naglilinis ng kanyang espada si Dervis.
Palagay ko ay maaaring napaaway sila sa labas o kaya may masamang balita silang ihahatid sa aming lahat. Hindi ko tuloy maiwasang makaramdam ng kaba sa kanilang kakaibang inaakto.
"B-Boss!" Kinakabahang pagbati nina Gyro kay Dervis ngunit nilingon lang niya ang mga kaibigan bago nagpakaabala muli sa paglilinis ng kanyang espada.
Nakatinginan naman kami sa isa't isa ni Red dahil sa inakto ni Dervis. Maingat naman na lumapit sa amin si Frolan na siyang naiwan rito sa kut kanina.
"Buti nakabalik na kayo." Nakahingang bulong ni Frolan sa amin. "Nang dumating sila ay ganyan na sila, walang mga imik at malalim na nag-iisip." Kinakabahang dagdag niya
Napalunok sina Red at Gyro mula sa sinambit ni Frolan. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago lakas loob na humakbang patungo sa kinauupuan ni Dervis. Sakto pa na tumigil ako sa harapan niya.
"M-May problema ba?" Pagtatanong ko kay Dervis.
Napalunok naman ako ng mag-angat ng tingin si Dervis at ibinaba ang nililinis niyang espada. Tinitigan niya muna ako sa aking mga mata bago nagbuga ng isang napakalalim na hininga na akala mo pasan niya ngayon ang mundo.
Naramdaman ko naman ang pagkilos ni Zion sa kanyang uupuan para tanggalin ang sigarilyong nakapasak sa kanyang bibig. "May dalawang dinakip na babaeng anak kay Mang Victor noong nakaraang linggo pa." Pagbibigay alam sa amin ni Zion saka binuga ang usok sa kanyang ilong. "At ang grupo nina Klaus ang pumasok sa teritoryo natin. Tinakot at binugbog pa nila si Mang Victor para hindi makapagsumbong sa atin." Dagdag niya bago pinasak muli sa kanyang bibig ang kanyang sinding sigarilyo.
Dinakip? Mga babae?
"f**k those rascals!" Biglang pagmumura ni Gyro sa narinig. “Tingin ba nila ay hindi natin malalaman ito?!"
"Susugurin na ba natin sila? Marahil ay hindi pa nila naibebenta ang mga babae di ba? Maililigtas pa natin sila!" Sunud sunod naman na pagtatanong ni Red sa kanilang gagawin.
Namayani ang mahabang katahimikan sa paligid. Dahan dahan na napailing ng ulo si Zion na parang sinasabi niya hindi na nila ililigtas ang mga babaeng nadakip.
"Eh? Hindi tayo kikilos?" Napasimangot na sambit ni Red kina Dervis.
Binuga muli ni Zion ang usok mula sa kanyang hinihithit na sigarilyo. "Paano tayo kikilos kung si Mang Victor mismo ay hindi naman humingi ng tulong sa atin?" Pangangatwiran niya sa kanyang dahilan. "Kapag sumugod tayo roon ay para tayo pa ang nagdeklara ng away sa kanila."
Tumango si Blake na tila tama ang lohika ng desisyon ni Zion na huwag iligtas ang mga dinakip na anak ni Mang Victor. "Naririnig ko rin na maraming dumagdag sa grupo ni Klaus nitong nakaraang linggo at nasa ilalim na sila ngayon ng kapangyarihan ng isang malaking sindikato rito sa kapital." Seryosong sambit ni Blake bago nagtungo sa kanyang tambayan para maupo. "Tingin ko sa ginawa nila ay gusto nilang gumawa ng giyera laban sa atin. At bilang utak ng grupo ay sinasabi ko sa inyo na kahit saanman anggulong tignan ay isa itong trap para mapabagsak ang grupo natin. Kaya mas nakakabuti kung hindi tayo kikilos laban sa grupo nila."
"Tss!" Galit na galit na bulalas ni Gyro mula sa paliwanag ni Blake at lohika ng desisyon ni Zion. "Lohika? Utak? Katalinuhan? Wala ako ng mga iyan pero ano pa ba ang mas importante kaysa iligtas ang buhay ng mga babaeng iyon? Mayroon naman tayong lakas para iligtas sila kaya bakit kailangan pa niyo pag-isipan?"
Tinignan ko sila bawat isa at batay sa kanilang reaksyon ay wala na silang magagawa para tulungan ang mga binihag na babae. Isang malaking sindikato ang kalaban nila sa oras na ito at isang suicide itong kung nagkamali sila ng hakbang para ipagpapatuloy ang plano na pagkuha sa mga bihag.
Napakagat labi ako. Naiitindihan ko kung gaano kadelikado ito pero hindi yata kakayanin ng konsensiya ko na maupo rito nang walang ginawa para tulungan sila.
"Primo, ano sa tingin mo ang dapat gawin?" Biglang pagtatanong sa akin ni Dervis at seryoso ako tinignan sa aking mga mata. "Gusto mo ba iligtas ang mga babaeng binihag nila?"
Nabaling ang tingin nilang lahat sa aking direksyon. Tingin ko sa aking sagot ibabase nila ang kanilang magiging pinal desisyon.
"N-Nais ko silang iligtas." Matapat kong sagot sa katanungan ni Dervis dahil katulad ko ay babae sila. Hindi ko kayang hayaan na madala sila sa institusyon ng prostitusyon bilang parausan ng mga hayok sa laman na opisyales.
Namayani ang mahabang katahimikan kaya kinakabahan na tinignan ko sila. Nagagalit kaya sila sa deisyon ko na tulungan ang mga babae?
Tumayo si Dervis sa kanyang kinauupuan at biglang napangisi mula sa nakuhang sagot sa akin. "Narinig niyo naman siguro iyon?" Pagtatanong niya sa lahat na sinagot lang nila ng malalakas na halakhak.
"Wala talo tayo rito." Iiling at tumatawa na komento ni Zion saka tinapon ang upos ng sigarilyo at inapaakan ito ng kanya paa.
Nagsimulang hubarin ni Blake ang kanyang salamin. Habang tumayo naman si Gyro sa kinauupuan at may kinuha sa likuran ng kanyang mga gamit. Nakita ko na lang na nagsusukbit siya ng mga baril sa kanyang tagiliran at nag-iipit ng ilang bala sa kanyang mga bulsa. Si Zion naman ay naglaro ng mga patalim sa kanyang mga kamay habang nakapaskil na nakakatakot na ngisi sa kanyang labi.
Nang matapos ang paghahanda ng kani-kanilang mga armas na dadalhin ay nilingon nila si Dervis. "This is war." Anunsyo ni Dervis saka tumingin sa aking gawi. "Ito ang kauna unahang labanan na gagawin natin kasama si Primo. He will show us kung karapat dapat ba siya maging ika-pitong miyembro ng ating gang."
Nilahad ni Dervis ang kamay sa gitna naming lahat kaya sunud sunod na nagpatong ng kamay roon sina Blake, Zion, Gyro, Red at Frolan. Nagtataka pa nga ako sa ginagawa nila nang biglang kuhanin ni Dervis ang aking kanang kamay at ipinatong rin roon sa kanilang mga kamay saka sabay sabay sila sumigaw nang napakalakas na akala mong mga kawal na sasabak sa isang madugong giyera.