Chapter 15

2081 Words
HINDI mapakali si Zoe sa kaniyang kinauupuan habang pabalik-balik ang tingin sa kaniyang relo. Nasa isang restaurant siya kung saan sila magkikita ni Reighn. Noong tumawag si Reighn sa kaniya noong gabing iwan siya ni Dylan ay nakadagdag pa iyon sa iniisip niya ngayon. Wala siyang ideya kung bakit at kung saan nito nakuha ang number niya. Hindi niya rin alam kung para saan ang pagkikita na ito at kung bakit pumayag pa siya. Sa anim na taong wala si Zoe sa Pilipinas ay ngayon niya na lang ulit ito makikita at makakausap sa personal. Alam niyang hindi naging maganda ang kanilang nakaraan noong iwan niya ang magkasintahan sa Pilipinas. Naramdaman ni Zoe ang panginginig ng kaniyang mga tuhod at panlalamig ng mga kamay dahil sa kaba. Mahigit kalahating oras na rin siyang naghihintay rito at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin nakikita kahit anino ni Reighn. Bakit ba kasi siya kinakabahan ng ganito? Magkikita lang naman sila at mag-uusap. Wala naman siyang dapat ikabahala dahil tapos na ang relasyon nito sa kaniyang kinakasama. Unless ay malaman ni Reighn ang sekretong kasunduan nila ni Dylan. Napatayo si Zoe sa kaniyang upuan nang makita niya si Reighn na papasok sa restaurant. She should act normal because Reighn is nothing to her, but she can't calm herself right now while looking at the girl that her man chose. Nakasuot ito ng red dress na above the knee. Hindi kapansin-pansin ang malaking tiyan nito katulad ng sinabi sa kaniya ni Dylan na buntis ito. Maririnig ang pagsayad ng suot nitong sandals kapag naglalakad kaya halos lahat ng tao sa may restaurant ay napapatingin sa kaniya. "Hello," simpleng pagbati ni Zoe nang magkaharap sila. Kahit na hindi naging maganda ang nakaraan ay nagpakita pa rin siya ng respeto sa dalagang kaharap. Wala rin naman siyang karapatang magalit kay Reighn dahil siya ang pinili ni Dylan. Hindi naman sumagot si Reighn at nanatiling nakatayo sa kaniyang puwesto. Wala rin namang nagawa si Zoe kung hindi ang sabayan ito sa pagtayo. Nawala ang ngiti sa labi ni Zoe nang mapansin niya ang pagngisi at pagtaas ng isang kilay ng dalaga sa kaniyang harapan. Tinignan siya nito mula ulo hanggang paa bago binalik ang tingin sa mga mata ni Zoe na may panghuhusga. "Wala ka ba talagang balak na sumuko, Zoe? Hanggang kailan ka lalaban?" may diing sabi ni Reighn na para bang may pinanghuhugutan ang galit nito. May pumapasok na sa utak ni Zoe kung ano ang tinutukoy ng dalaga, pero pinipilit niya ang sarili na parang walang nangyari. Bukod pa roon ay gusto nang kalimutan ni Zoe ang lahat ng ugnayan niya kay Dylan. Simula noong huling nagkaharap sila ay pinutol niya na rin ang koneksyon sa binata. Zoe's forehead creased. "What do you mean?" "Don't act like you didn't know anything!" sigaw ni Reighn na nakapagpatigil kay Zoe. Napatingin naman sa kanila ang mga tao dahil sa lakas ng boses ni Reighn at pinagbubulungan silang dalawa. "Dati pa ay ganiyan na talaga ang ugali mo, Zoe. Walang nagbago kahit pumunta ka ng ibang bansa." "R-Reighn," pagtawag ni Zoe sa kaniyang pangalan. Naramdaman niya na ang kahihiyan nang makita ang mga reaksyon ng tao sa paligid nila. "Please, huwag naman dito. Sa labas na lang tayo mag-usap. Nakakahiya sa ibang customers." "Bakit ka naman mahihiya, Zoe? Eh, ugali mo na talaga ang manggulo sa buhay ng ibang tao." Pilit inaabot ni Zoe ang kamay ni Reighn para pakalmahin, pero kusa na itong lumalayo sa kaniya. "Tigilan mo na nga ang paglalandi sa asawa ko. Tigilan mo na ang paghahabol sa kaniya." Napahinto si Zoe sa kaniyang ginagawa nang marinig 'yon at dahan-dahang tinignan sa mga mata si Reighn. Hindi maibuka ni Zoe ang kaniyang bibig para makapagsalita. Hindi niya magawang ipagtanggol sa sarili dahil alam niyang totoo ang sinasabi nito. Ito ba ang dahilan kung bakit gustong makipagkita ni Reighn sa kaniya? Para ipamukha sa dalaga na wala na itong hawak sa buhay ng lalaking mahal niya? Kung ganoon nga ay paano rin nalaman ni Reighn na nakikipagkita pa si Dylan kay Zoe? Pagkatapos noong gabi na nakausap ni Zoe si Dylan ay sunod-sunod na ang pagtawag ng binata sa kaniya, pero hindi niya na ito sinagot pa. Alam ni Zoe kung kailan siya hihinto dahil hindi sa lahat ng oras ay aayon sa kaniya ang panahon. "Wake up, Zoe! Kahit kailan ay hindi ka kayang mahalin ni Dylan." Tumawa si Reighn at napatingin sa reaksyon ni Zoe. "Akala mo ba tanga ako at hindi ko malalaman ang lahat? Alam kong una pa lang ay patay na patay ka na sa asawa ko. Sa pangalawang beses ay hindi na ako magpapakatanga." Napansin ni Zoe ang pagkuha ni Reighn ng papel sa loob na hawak nitong purse at padabog na nilagay ito sa lamesa. Kahit hindi niya kunin ito ay alam niyang papel 'yon na nagpapatunay na may laman nga ang sinasapunan nito... na buntis si Reighn. "Hindi ka ba nahihiya, Zoe? Buntis ako, pero nakuha mo pang landiin ang tatay ng anak ko." Hindi mapigilan ni Zoe ang mapayuko sa sinabi ng dalaga. Alam niyang sa sitwasyon na ito ay talo siya at alam niya ang pagkakamali na ginawa niya. Hindi naman niya pinagsisihan ang nangyari sa kanila ni Dylan dahil aminin niya man o hindi ay naging masaya rin siya sa panahong 'yon. Gusto mang magpaliwanag ni Zoe, pero natatakot siya na baka mas lalo pang gumulo. Kaya mas minabuti niya na lang ang tumahimik at tanggapin ang masasakit na naririnig niya sa dalagang kaharap at sa mga taong nasa paligid niya. "Ganiyan ba ang natutunan mo sa ibang bansa... ang makisawsaw sa buhay ng may asawa? Hindi na talaga ako magtataka kung bakit hindi ka niya kayang mahalin. Ugali mo pa lang ay basura na." "I'm s-sorry," pag-aako ni Zoe sa kaniyang kasalanan. Alam ni Zoe ang pagkakamali niya. Alam niyang mali ang kunsintihin pa ang kagustuhan ni Dylan noon, pero hindi ba mas mali si Reighn na pahiyain si Zoe sa maraming tao? Bakit ito pa ang napili ni Reighn na lugar? Bakit hindi na lang siya nakipagkita in private kung saan walang tao. Gusto niya ba ay 'yong mas maliitin pa si Zoe at marinig kung paano rin siya laitin ng ibang tao? Dahil kung ganoon nga ang kagustuhan niya ay p'wes, nagwagi siya. "Hindi na ako magtataka na ganiyan din ang ituturo mo sa anak mo," nakangising sabi ni Reighn na ikinatigil ni Zoe. Anong karapatan nito na idamay ang anak ni Zoe? Ano ba ang alam ni Reighn sa buhay niya? Hindi nito alam kung ano ang pinagdaanan niya sa ibang bansa sa anim na taong namalagi siya roon. Magsasalita pa sana si Zoe para ipagtanggol ang kaniyang anak nang mabilis na kinuha ni Reighn ang baso sa lamesa. Itinapon nito ang laman na malamig na tubig sa mukha ni Zoe. Hindi mapigilan ni Zoe ang mapasinghap dahil sa bilis ng pangyayari. Kahit ang mga tao ay nagulat din sa ginawa ni Reighn sa dalaga. "This is a warning, Zoe. Layuan mo ang asawa ko at kung hindi ay higit pa r'yan ang gagawin ko sa iyo!" may pagbabantang wika ni Reighn. Pagkatapos nitong magsalita ay naglakad siya palabas ng restaurant na parang walang nangyari at hindi na nilingon pa si Zoe na basing-basa dahil sa tubig na binuhos nito. Napahilamos si Zoe sa kaniyang mukha at napaupo na lang sa kaniyang kinauupuan. "Ma'am, are you okay?" nag-aalalang sambit ng isang waitress na lumapit sa kaniya at inabutan ito ng malinis na towel. Nginitian lamang ito ni Zoe bilang sagot kahit na nararamdaman nang dalaga na parang sasabog na siya dahil sa inis. Mabuti na lang at marunong siyang magtimpi. "I'm sorry about the mess. I'll pay the damages," sagot ni Zoe at kinuha ang card sa kaniyang pouch at 'saka inabot sa waitress. Wala namang nagawa ang isang crew nang ipagpilitan ni Zoe na bayaran ang nangyaring gulo. Nang matapos ay umalis na siya sa restaurant na 'yon. Alam niyang wala na siyang maihaharap sa mga taong nakasaksi ng pangyayari. Agad siyang sumakay sa loob ng kotse at nanatiling nakaupo roon habang nakatingin sa reflection ng salamin ng kaniyang rear-view mirror. Hindi niya na alam kung ano ang nangyayari sa kaniya. Iyong akala niyang matapang at palaban na babae ay parang walang nangyari. Akala niya ay mababawi niya ang lahat nang makabalik siya sa Pilipinas, pero anong nangyari? Nasaan ang tapang na matagal niya nang inipon sa ibang bansa? Hinampas niya ang steering wheel ng sasakyan dahilan ng sunod-sunod ng pagbusina at malakas na sumigaw sa loob. Kahit sa pagsigaw ay mabuhos niya ang lahat ng galit at pagtitimpi na ginawa niya kanina. Ayaw niyang makasakit kaya ito na lamang ang tangi niyang paraan. Pinaandar niya ang sasakyan at pumunta sa may pinakamalapit na bar na madadaanan niya. Dahil masyado pang maaga ay nahirapan siyang makahanap dahil nakasara pa ang ilan sa mga ito. Mabuti na lang at may nakita siya sa hindi kalayuan. Mabilis naman siyang nag-park at pumasok na sa loob. Nang makapasok ay wala siyang nadatnan na maraming tao katulad ng inaasahan niya. Kung meron man ay bilang lang. Hindi rin ganoon kalakas ang ingay ng sound. Agad naman siyang dumiretso sa may counter para bumili ng alak na maiinom niya. "Beer nga," diretsong sabi nito sa barista sa kaniyang harapan. Dali-dali naman itong kumuha ng in-order ni Zoe at binigay sa kaniya. Nang mailapag ang alak sa lamesa ay kinuha agad ito ng dalaga at diretso itong tinungga. Nanlaki ang mga mata ng tao sa kaniyang harapan nang mailapag niya ito sa lamesa na saglitan niya lang nainom na wala ng laman. "Isa pa," utos nito. Mabilis muling kumuha ang barista at binigay sa kaniya. Parang tubig lang kung inumin ito ni Zoe hanggang sa maubos niya ito. Kung sa ganitong klaseng alak ay hindi talaga siya malalasing dito. "Bigyan mo ako ng matapang niyong alak." "S-Sure po ba kayo?" nag-aalalangang tanong nito. "Bigyan mo na, Emman," ani ng babae sa tabi ni Zoe nang mapansin nitong hindi kumikilos ang lalaking nasa harapan niya. Napakunot ang noo ni Zoe nang makita ang babae na mukhang kanina pa umiinom ng alak, pero pinipilit pa ring uminom. "Lalaki?" tanong ng dalaga kay Zoe habang ang mga mata niya ay papikit na. Inabot nito ang alak sa lamesa at uminom. "Gago talaga 'yong mga lalaki na 'yon." "Here's your drink, Ma'am." Napalingon naman si Zoe sa bartender nang inabot nito ang alak at parang wala lang nang diretso itong inumin ni Zoe. Gumuhit kaagad ang alak sa kaniyang lalamunan at ramdam niya ang pait no'n. "Hindi ko alam na ipagpapalit niya lang ako sa impokritang babaeng 'yon. Napakalandi rin kasi ng Allen na 'yon akala mo naman ay ikinapogi niya," nakangusong reklamo ng babaeng katabi ni Zoe. Napalingon naman siya sa bartender at humingi pa ng panibagong alak. "Emman, isa pa nga." "Tama na 'yan, Ira. Kanina ka pa umiinom." Nakikinig lamang si Zoe sa kadramahan ng babaeng katabi nito. Mukhang lagi itong nasa bar dahil kilala niya 'yong lalaking nagse-serve sa kanila. "Pssh," pagtigil ni Ira at inilagay ang hintuturo niya sa labi ng lalaki para patigilin ito sa pagsasalita. "Dali na kasi, Emman. Bigyan mo na ako." "Malalagot talaga ako kay Allen nito." "Mas malalagot ka sa akin kapag hindi mo ako binigyan." Napailing na lang si Emman at kumuha ng inumin na hinihingi ng dalaga sa kaniya. Habang naghihintay si Ira sa kaniyang inumin ay nilingon niya si Zoe. Kahit si Zoe ay nagulat nang magtama ang mga mata nilang dalawa. "I-Ikaw?" tanong ng babae kay Zoe. "Ngayon lang kita nakita rito. Anong dahilan mo?" "Do I know you?" nakataas na kilay na tanong ni Zoe. Kanina pa siya kinakausap ng babae, pero ngayon niya lang naisipan na sagutin ito. "Bakit naman ako magku-kuwento sa'yo." Tumawa nang malakas si Ira at napapailing. "Y-You know---" Napahinto si Ira at mabilis na hinawakan ang bibig niya na para bang masusuka. Nang maging okay na ito ay mabilis siyang humarap kay Zoe at napangiti. "Mas masarap magkuwento sa stranger. Hindi ka nila agad iju-judge." Tumayo si Ira at nilapit ang high chair kay Zoe. Para bang handa na itong makinig kahit wala siyang kasiguraduhan na magku-kuwento talaga sa kaniya ang dalaga. "So, what's the story?" parang batang tanong ni Ira at 'saka nag-puppy eyes sa harap ni Zoe. Nakatingin ito sa kaniya at nagmamakaawa na ikuwento na ang dahilan ng pagpunta ni Zoe sa bar na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD