HINDI mapakali si Zoe habang nakatingin sa kaniya si Ira. Nagdadalawang isip pa ang dalaga kung sasabihin niya ba ito sa hindi niya kakilalang babae, pero katulad nga ng sinabi nito ay wala namang masama na magsabi sa stranger. Lalo na at hindi nila huhusgahan ang pagkatao mo.
"Tsk," singhal ni Zoe dahil mukhang ayaw tumigil ng babae sa pamimilit sa kaniya. Bago nagsimula sa pagsasalita si Zoe ay kinuha niya muna ang bagong bukas na beer sa lamesa at bumuntong hininga. "Matagal na akong may gusto sa kaibigan ko."
"And then?"
"Okay na sana ang lahat hanggang sa dumating siya. Nagustuhan ng kaibigan ko 'yong babae na 'yon kaya unti-unti na siyang walang pakialam sa akin hanggang sa naging sila na. To make the story short ay birthday ng kapatid niyang babae. Lasing ako noong gabing 'yon at may nangyari sa aming dalawa ng kaibigan ko."
Tumigil si Zoe sa pagsasalita at hinihintay kung lalaitin siya ni Ira, pero nanatili lang itong tahimik kaya naman pinagpatuloy niya na ang pagkuwento.
"Alam kong mali 'yong ginawa ko kaya ako na ang umiwas. Pumunta ako ng ibang bansa kasi akala ko 'yon ang magiging sagot sa lahat ng problema ko, pero hindi. Pinatunayan ko lang sa sarili ko na napakaduwag ko dahil tinakasan ko lang 'yong pagkakamaling ginawa ko. Hanggang sa nagbunga 'yong nangyari sa aming dalawa. Nabuntis ako at siya ang ama."
Napahinto si Zoe sa pagsasalita at bumuntong hininga. Naalala niya 'yong mga pangyayari noong nasa ibang bansa siya. Nilingon ni Zoe ang mga tao sa may loob ng club habang nagkakasiyahan habang siya ay patuloy pa rin sa paglutas ng kaniyang problema. Sana ganoon na lang kadali ang buhay na mayroon siya ngayon.
"Noong bumalik ako sa Pilipinas ay hindi ko sinabi sa kaniya ang tungkol sa anak namin. Nagkikita pa rin kami at hindi 'yon alam ng girlfriend niya. Nalaman kong hindi mabuntis ang girlfriend niya at dahil sa kagustuhan niya magkaanak ay nagkaroon kami ng kasunduan."
"Kasunduan?" naguguluhang tanong ni Ira. Nilingon siya ni Zoe at tumango.
"Akala ko makukuha ko na ulit siya sa kasunduan namin, pero nagkamali ako. Nadagdagan ko lang ang mali ng isa pang pagkakamali. Hindi ko alam na may nadadamay na pala akong ibang tao at pati ang anak ko ay naiipit na dahil sa akin. Natatakot lang naman ako na baka mawala ulit sa akin ang lahat." Napapunas si Zoe ng kaniyang luha nang pumatak ito sa pisngi niya at bago pa siya muling magsalita ay nagulat ito nang bigla siyang yakapin ni Ira.
"Naiintindihan kita," wika ni Ira.
Nagpatuloy ang pagbuhos ng luha ni Zoe nang marinig 'yon galing sa hindi niyang inaasahang tao. Para bang sa unang beses ay nakahanap ang dalaga ng kakampi o ng taong nakakaintindi sa kaniya. Hindi niya man ito talagang kilala, pero mukhang nahanap niya ang tunay na kalinga ng iba.
"Huwag kang magalit, ah?" Napakunot ang noo ni Zoe at lumayo sa pagkakayakap sa babae. Napatigil din sa pagluha ang kaniyang mga mata. "Naiintindihan ko rin 'yong side ng babae dahil una pa lang ay siya na ang biktima rito. Sabihin nating may karapatan ka sa kaniya dahil tatay ng anak mo 'yon, pero mas may karapatan siya dahil una pa lang ay sila na."
Alam ni Zoe kung ano ang pino-point ng babaeng kaharap niya at naiintindihan niya ang sinabi nito. Kaya nga siya problemado ngayon ay dahil na rin doon.
"Kaya nga tumigil na ako para hindi na lumaki 'yong gulo," sagot ni Zoe.
"Alam ba ng babae na 'yong tatay ng anak mo ay boyfriend niya?" Nagkibit-balikat si Zoe sa tanong nito. Naalala ni Zoe 'yong sinabi ni Reighn sa kaniya kanina. Paano nito nalaman na may anak na ang dalaga kung hindi niya naman ito sinasabi sa kaniya? Ayon lang naman ang unang beses na nagkita silang dalawa.
"Hindi ko alam."
"See? Kawawa rin siya. Kaya tama lang 'yong ginawa mong pag-iwas sa lalaki para na rin sa kapakanan ng anak mo." Malalim na huminga si Zoe at kahit papaano ay nabawasan ang tinik sa dibdib niya.
"Love!" Parehas silang natigilan sa pag-uusap nang may tumawag sa dalagang kausap niya na lalaki. Nakita ni Zoe ang reaksyon ng dalaga sa harapan nito nang makilala ng babae ang lalaking papalapit sa kanila.
Lumapit naman si Ira kay Zoe at bumulong. "Siya 'yong gagong lalaki na tinutukoy ko kanina."
"Love, what are you doing here?" tanong ng lalaki na makalapit ito sa kanila. Pinagmasdan ni Zoe ang itsura nito. May itsura, maputi at halatang mayaman. Bukod pa roon ay halos magkasing tangkad lang din sila ni Dylan. Napailing si Zoe sa naisip dahil hanggang dito ba naman ay 'yong lalaki pa rin na 'yon ang naaalala niya.
She should have celebrating right now because finally she already free. Iyon naman talaga ang dahilan ng pagpunta niya rito o sadyang iniiba niya lang para hindi masakit para sa kaniya.
Hinawakan ng lalaki si Ira, pero tinulak lamang siya ng dalaga at umayos ng upo. Nagtama ang paningin ng binata at ni Zoe. Sa paraan ng pagtingin nito sa kaniya ay ramdam ng dalaga na nag-aalala lang ito sa kasama.
"Don't be so stubborn, Ira. Pinapahirapan mo lang ang sarili mo," wika ng binata sa dalaga at inaalalayang tumayo. Mukhang ayaw magpaawat ni Ira sa pag-inom ng alak dahil hindi siya nagpapahila sa binata.
"Bakit ka ba kasi nandito? Doon ka na sa babae mong impokrita!" may diing sambit ni Ira nang makaharap ang binata.
"You're such a jealous person, Ira. Let's go home," mahinahong sagot ng binata at pinipigilan na huwag puwersahang hilahin ang kasama. Samantalang habang nagbabangayan ang dalawa ay tahimik lamang na umiinom ng alak sa gilid si Zoe at nagmamasid sa kanila.
"I don't want to come home, okay? Iwan mo na ako rito!"
"Love!" pag-awat ng binata sa kaniya at para bang sasabog na ito sa inis sa kasama.
"W-What? What?!" sigaw ni Ira. Patuloy namang kinukuha ng binata ang kamay ni Ira para pigilan sa pag-inom ng alak. "Huwag mo sabi akong hawakan, e!"
"Umuwi na kasi tayo."
"Ayoko! Umuwi ka mag-isa mo!"
Napapailing na lang sa gilid si Zoe dahil naaalala niya ang sarili noong magkalapit pa silang dalawa ni Dylan noon. Halos ang binata lang din ang may lakas na loob na patigilin siya sa isang bagay. Hindi niya maipagkakaakila na nami-miss niya rin ang ganoong klaseng pakiramdam.
"Hinahanap ka na ni Riley." Napatigil si Ira sa ginagawang pag-iwas at tinitigan ang lalaki ng masama. Wala itong nagawa kung hindi ang mapasuko nang marinig niya ang pangalan na sinambit ng binata.
"Psh!" singhal ni Ira. Lumapit ito kay Zoe at tinapik ang kanang balikat nito. "Go and live your life, girl."
Pagkatapos nitong sabihin ay naglakad na palabas ng bar si Ira habang pagewang-gewang. Hinabol naman siya ng lalaki para alalayan mula sa likuran. Napailing na lang si Zoe at pinagpatuloy ang kaniyang pag-inom.
Hindi mapigilan ni Zoe tignan ang exit kung saan dumaan ang babaeng nakausap niya. Hindi niya man lang nagawang magpasalamat dahil kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya. Kahit unang beses niya lang ginawa ang mag-open sa hindi kakilala ay hindi niya rin mapigilang maging masaya. Lalo na at nakagagaan din ito sa kaniyang pakiramdam.
Nang makaramdam si Zoe ng pagkayamot ay kinuha niya ang cellphone sa kaniyang bulsa at agad niyang nakita ang magkakasunod na missed calls na galing kina Abby at Alfred. Tumakas lang kasi si Zoe kanina noong natutulog sila. Hindi niya sinabi ang dahilan dahil ayaw niya nang mag-isip pa ang pamilya sa problema niya. Bukod pa roon ay kilala nila 'yong taong kikitain ni Zoe kaya naman maingat din ito sa mga galawan niya.
Hindi niya rin nasagot ang mga tawag dahil naka-silent ang kaniyang phone. Kinalma niya muna ang sarili at umayos ng upo. Pagkatapos ay tinawagan niya ang number ng kaniyang nanay. Ilang segundo itong naghintay bago ito sagutin ng kabilang linya.
"Z-Zoe," pagtawag ni Abby. "Nasaan ka, anak?"
"Nasa restaurant po. May band lang pong nagpapatugtog kaya maingay," pagsisinungaling ng dalaga at inunahan na ang ina bago pa ito makapagtanong pa. Hindi niya kasi maaaring sabihin sa nanay niya na nasa bar siya at baka mag-alala ito.
Hindi naman sumagot ang nanay niya sa kabilang linya at tanging paghinga lamang ang naririnig nito. Kaya siya na lamang ang nagsalita at kinamusta ang kaniyang anak.
"Si Dykeil po ba napaliguan na?" pag-iba ni Zoe ng topic upang hindi mabaling ang atensyon sa kaniya. Madalas kasi ay siya ang nagpapaligo kay Dykeil kapag nandiyan siya. Hindi narinig ni Zoe ang sagot ni Abby. Tinignan niya pa ang screen ng phone dahil baka naka-end call na, pero hindi naman.
"Tita, kailangan daw pong sagutan 'to sabi ng doctor." Narinig ni Zoe ang boses ni Alfred sa kabilang linya at kahit na maingay kung nasaan siya ngayon ay napakalinaw ng pagkakarinig niya rito. Hindi mapigilang mapakunot noo si Zoe at iniisip kung bakit ganoon ang sinabi ni Alfred. Para saan ang sasagutan nila?
"M-Mom?" nauutal na tawag ni Zoe sa kaniyang ina. Hindi na siya mapakali kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. "May narinig akong sinabi ni Alfred kanina. Anong pinapasagot ng doctor sa inyo?"
Hindi sumagot ang ina ni Zoe kaya naman mas lalong nakadagdag sa isipan niya kung ano ang nangyayari. Para bang nawala ang pagkahilo niya kahit na nakarami na siya ng inom. Mas lalong sumibol ang kaba sa kaniyang dibdib.
"Mom, n-nasaan po kayo? Ano ba talagang nangyayari?"
"N-Nasa hospital kami," sagot ni Abby. Sa gulat dahil sa narinig ay napatayo agad si Zoe. Walang pumapasok sa isipan niya kung hindi blangko lang. Sinikap niyang tumayo ng tuwid kahit na ilang beses siyang natumba dahil na rin sa panghihina ng kaniyang mga tuhod.
Kung may isa siyang iniisip ngayon ay iyon ang kung sino ang sinugod sa hospital. Nananalangin siya na sana walang malalang nangyari sa mga taong mahal niya dahil alam niyang hindi niya kakayanin ito.
Mabilis na naglakad si Zoe papunta sa exit, pero mabilis din siyang hinabol ng barista kanina na nag-serve sa kaniya ng inumin.
"Ma'am, 'yong bill niyo po," wika ng barista.
Nawala na sa isip ni Zoe ang nangyayari sa paligid niya. Ang gusto niya lang ay makarating sa hospital kung nasaan ang pamilya niya ngayon. Kung hindi lang siya hinabol ng barista para makapagbayad ay paniguradong matatakasan niya lang ang kaniyang mga ininom.
Nanginginig ang mga kamay ni Zoe nang kunin ang kaniyang atm card sa kaniyang wallet at inabot sa lalaking nag-aabang sa kaniya. Mabilis naman itong kinuha ng barista para ibigay sa counter at mabayaran ang mga nainom ni Zoe at 'saka mabilis din na buumalik para maibalik ang card sa dalaga.
Saktong pagkaabot ng kaniyang card ay biglang lumakas ang tugtugan kasabay rin nito ay ang pagpasok ng grupo ng mga lalaki sa loob. Hindi na nagsayang pa si Zoe ng pagkakataon para mabilis na lumabas at ipagpatuloy ang pag-uusap ng kaniyang ina sa mas tahimik na lugar.
"Nasa bar ka ba?" tanong ni Abby sa kaniyang anak, pero sa halip na sagutin ito ni Zoe ay sinagot niya lang ito ng isa pang tanong.
"Mom, bakit kayo nasa hospital?"
"Nakainom ka ba? Ipapasundo kita kay Al---"
"Mom!" pagpigil ni Zoe kasabay ng pagtigil niya sa paglalakad papunta sa kaniyang kotse. "Anong ginagawa niyo sa hospital? Nasaan si Dykeil? Nasaan 'yong anak ko?"
"Please, kumalma ka muna, Zoe. Nasaan ka ngayon at ipapasundo kita kay Alfred." Huminga ng malalim si Zoe dahil kung ano-ano na ang pumapasok sa isip niya. She wants to cry, she wants to scream, she wants to lessen her burden, but she can't do anything of that.
"Kaya ko pa ang sarili ko, mom. Nasaang hospital kayo?"
"Zoe!" sigaw ni Abby kasunod nito ay ang pag-break down at paghina ng kaniyang boses. "Ipapasundo kita kay Alfred."
Naramdaman ni Zoe kung ano man ang dinadala ng kaniyang ina. Kahit anong kagustuhan niya na sundin ang kaniyang naiisip ay alam niyang dadalhin lang din siya nito sa kaniyang ikapapahamak. Mas mabuti kung sumunod na lang din muna siya lalo na at alam niya sa sarili na nakainom ito ng marami.
"S-Sige po nasa may quezon ako." Napalingon si Zoe sa pangalan ng bar kung nasaan siya ngayon at agad na sinabi sa ina. "Sa may VL's bar po."
"Hintayin mo si Alfred---"
Alam ni Zoe na pagkatapos itong sabihin sa kaniya ay papatayin na kaagad ang tawag. Kaya hindi na siya nagdalawang isip pa na hanapin ang anak para lang mabawasan ang kanina pang kaba sa kaniyang dibdib.
"Si Dykeil po?"
"Kasama namin."
"Kausapin ko po sana, mom," pakiusap ni Zoe dahilan ng pagtahimik sa kabilang linya. Hindi niya mapigilan ang panginginig nang hindi sumagot ang kaniyang ina. Mayamaya pa ay narinig ni Zoe ang mga boses na tumatawag ng doctor at ilang mga machines na parang may kakaibang nangyayari na kung nasaan ang kaniyang ina.
"Mom, si Dykeil?"
Tumulo ang mga luha ni Zoe kahit na hindi niya pa nalalaman ang totoo. Nanlalambot na ang mga tuhod niya sa posibleng malaman, pero hindi niya puwedeng patayin ang tawag na ito hangga't hindi niya naririnig ang boses ng kaniyang anak.
Narinig ni Zoe ang malalim na pagbuntong hininga ng kaniyang nanay sa kabilang linya. Kahit siya ay ganoon din ang ginagawa, pero para bang nauubusan pa rin siya ng hangin sa katawan.
"Please, huwag kang mabibigla. Hintayin mo si Alfred d'yan. Nasa emergency room si Dykeil ngayon, Zoe. Ang taas ng lagnat niya at na-convulsion siya kaya sinugod namin siya agad dito sa hospital."
"P-Po?" natulalang tanong ni Zoe. "Oh my God!"
Napatakip si Zoe sa kaniyang bibig nang mapagtanto ang sinabi ng kaniyang ina. Kasabay nito ay napatumba siya sa kaniyang kinatatayuan at napaupo na lamang sa sahig. Sa lahat ng kinatatakutan niya ay ang mawala sa kaniya si Dykeil. Iyon na lamang ang tanging kayamanan na meron siya kaya naman hindi siya makakapayag na may masamang mangyari sa kaniyang anak.
"Nasaang hospital kayo, mom? Please, kahit ito na lang sabihin niyo sa akin. Ina rin kayo at alam niyo kung ano ang nararamdaman ko," pakiusap ni Zoe at wala ng nagawa si Abby kung hindi ang sagutin ang anak.
"Nasa Fabella Hospital kami." Huminga ng malalim si Zoe at tumayo. Tinatagal niya ang kaniyang loob at dali-daling pumasok sa kaniyang sasakyan.
"Papunta na po ako. Mom, huwag niyo pong pabayaan si Dykeil." Kinuha ni Zoe ang susi sa kaniyang bulsa at hindi na nagdalawang isip pa na paandarin ang sasakyan. Pagkatapos patayin ang tawag ay alam niya na kaagad kung saang direksiyon siya pupunta. Walang pakialam si Zoe kung mabilis man ang pagtakbo niya ng sasakyan basta lang mabilis na makarating kung nasaan ang anak niya.
Napakagat labi si Zoe sa kaba. Nasa malapit na si Zoe sa intersection road nang makita niya 'yong countdown sa traffic light na nasa limang segundo na lamang at katulad ng ginawa niya sa mga nadaanan niya ay hindi na siya nagdalawang isip pa na uliting tapakan nang madiin ang pedal gas para makaabot sa kabilang kalsada.
Napangiti si Zoee nang malapit na siya sa kabila, pero isang nakakabinging busina ng truck ang narinig niya mula sa labas. Kasunod nito ay ang malakas na impact na tumama sa kaniyang sinasakyan. Para bang bumagal ang kaniyang paligid. Naramdaman niya ang pag-untog ng kaniyang ulo sa wind shield ng sasakyan at pag-ikot ng kaniyang paningin.
Sobrang rinig niya ang malakas na pagbagsak ng kaniyang sasakyan sa sahig at muli pang pagtama ng kaniyang ulo. Hindi niya na naramdaman pa ang ilang bahagi ng kaniyang katawan at tanging pamamanhid na lamang. Kasabay nito ay ang pagbigat ng mga talukap ng kaniyang mata, pero bago niya pa maipikit ito ay nakita niya ang picture nilang dalawa ni Dykeil na nakasabit sa basag basag na rear view mirror at nabalutan na lamang ng kaniyang mga dugo.
Isang patak ng luha ang kumawala sa mata ni Zoe bago ito tuluyang mawalan ng malay.