MABABAKAS sa mukha nina Reighn at Dylan na parehong inlove ang mga ito sa isa't-isa. Nakaguhit sa bawat labi nila ang matatamis na ngiti habang nagkatitigan at magkahawak ang mga kamay. Nasasaktan si Zoe sa nakikita kaya ipinikit niya sandali ang kaniyang mga mata.
'Kalma ka lang Zoe!' sabi ng kaniyang isipan at dahan-dahan ulit niyang binuksan ang kaniyang mga mata. Pero napamura na lang siya nang makita na nakayakap na ang mga braso ni Dylan sa maliit na baywang ni Reighn at ang kamay naman ng dalaga ay nakalingkis sa mismong batok ng binata.
"s**t! s**t!" mura niya. Pakiramdam niya ay sinasaksak ang puso niya nang paulit-ulit dahil sa natunghayan niya. Agad niyang kinuha ang isang basong alak na nasa kaniyang tabi at inubos ng diretso ang laman nito. Uminit ang lalamunan niya bigla at rumihestro sa mukha niya ang pait dulot ng lasa ng ininom niya.
Nakita niyang napatingin sa gawi niya si Reighn at sandali siya nitong tinititigan na para bang kinikilala kung sino siya. Hindi agad makilala si Zoe ng iba sa unang tingin lang.
Agad itong ngumisi sa kaniya nang mapagtanto kung sino ito. Mas lalo nitong inilapit ang katawan kay Dylan dahilan para ang dibdib nito ay mapadikit nang husto sa katawan ni Dylan. Lalong nag-init si Zoe sa nakita at pinaningkitan niya ito ng mga mata.
Gusto niyang sugurin si Reighn sa gitna ng bulwagan at kuhanin si Dylan mula rito. Hindi niya gusto ang atensiyon na ibinibigay ni Dylan para kay Reighn. Gusto niyang agawin si Dylan. Gusto niyang ibalik ang lahat sa dati, pero nalalabuan na siya sa nangyayari ngayon. Parang lumalayo na nang tuluyan si Dylan sa kaniya.
Dapat nga ay dadaanan siya nito sa kanilang bahay kanina, pero mukhang nakalimutan siya ng binata at dumiretso na ito sa mismong party. Ang sakit isipin na dahil kay Reighn ay nakalimutan na nito ang pagkakaibigan nilang dalawa.
Walang ibang magawa si Zoe kung hindi ang maghintay na pulikatin si Reighn sa gitna ng dance floor at matapos na iyong sayawan. Alam niyang iniiwasan ni Reighn na makita siya ni Dylan kaya panay ang pakikipagtitigan nito sa binata at kapag lilihis ito ng tingin papunta sa direksiyon niya ay agad nitong hinahaplos ang mukha ng binata para bumalik ang atensiyon nito sa kaniya. Gusto niyang makita siya ni Dylan at makita ang reaksiyon ng mukha nito.
May dumaan na isang waiter na may dalang isang tray na laman ay mga alak. Tinawag ito ni Zoe at kumuha siya ng dalawang glass.
"Thank you," nakangiting sabi niya rito. Hindi agad nakasagot ang lalaki at nakatitig lang sa mukha niya. Iyong inis niya tuloy ay mas dumoble. "Don't look at me that way! Nakakairita! Alis na!" pagtataboy niya sa lalaki. Parang natauhan naman ito at humingi pa ng tawad bago umalis.
"Tsk!" singhal ni Zoe.
Wala siyang pakialam kung tinitingnan siya ng mga ilang panauhin na nandoon. Kahit ang paglalasing niya ay dapat walang mangi-alam. Nakita siya ni Hayden na masayang naglalakad patungo sa direksiyon niya. Kumaway si Hayden ditto, pero hindi niya makuhang ngumiti dahil sa naramdaman niyang selos para kay Dylan at sa kapatid nito. Agad niyang inilagay ang baso ng alak sa labi niya at diretsong inubos ang laman nito.
"Hello, beautiful. Puwede ba kitang maisayaw?" sabi ni Hayden habang nakatunghay sa kagandahan niya. Tumingin siya sa nakalahad nitong palad.
Sinabi niya kanina na ayaw niyang sumayaw hangga't hindi pa siya sinasayaw ni Dylan, pero mukhang kailangan niya munang ibaling ang atensiyon sa ibang bagay para hindi tuluyang mawala ang mood niya ngayong gabi.
"Sure!" Hinawakan niya ang kamay ni Hayden at pumunta sila sa gitna para sumayaw. "Happy birthday, Hayden."
Inilagay ng dalaga ang kaniyang mga kamay sa magkabilang balikat ng binata.
"Thank you, Zoe. Hindi kita agad nakilala. You look so beautiful tonight." Naramdaman niya ang magaang paghawak ni Hayden sa maliit niyang baywang.
May itsura itong si Hayden at marami ring nagkakandarapang mga babae sa school nila, pero hindi niya ito gusto kahit pa sinabi nito noon na may gusto ito sa kaniya. Nakaukit na kasi sa puso niya ang pangalan ni Dylan. Tanging si Dylan lang at wala ng iba.
"Thank you, Hayden. Ang guwapo mo rin ngayong gabi," walang kagatol-gatol niyang saad dito.
"Kanina ko pa napapansin," ani ni Hayden. Matangkad si Hayden kaya tumingala pa siya para matitigan ang mga mata nito. Nakangisi na ito sa kaniya ngayon. Kumunot tuloy ang noo niya. Ipinilig nito ang ulo at alam niya kung sino ang tinitingnan nito.
"Nakatingin ka lang kay Dylan at Reighn simula pa kanina. Anong nasa isip mo, Zoe?" bigla nitong tanong na ikinatigil ng kaniyang paghinga saglit.
"Anong ibig mong sabihin, Hayden?" tanong niya pabalik dito. Ngumiti ito sa kaniya.
"Nagseselos ka sa kapatid ko, hindi ba? Nakikita ko sa mga mata mo, Zoe," sabi nito na seryoso ang mukha.
Ano ba ang sasabihin niya? Sasabihin ba niyang tama ito at nagseselos nga siya at nagagalit kay Reighn? Alam niyang kagaya ni Dylan ay poprotektahan nito si Reighn mula sa kaniya dahil kapatid niya ito.
"Nagkakamali ka ng iniisip, Hayden. Masaya ako para sa kanilang dalawa," pagsisinungaling ni Zoe.
Hindi niya puwedeng sabihin dito ang tunay niyang nararamdaman. Nakatitig lang ito sa mga mata niya nang ilang segundo tapos ngumiti sa kaniya.
"Masaya ako ngayon kasi nakikita ko ang kapatid ko na masaya kasama si Dylan. Ilang taon ring hindi ko siya nakita na ganiyan siya kasaya. Mula noong maghiwalay ang parents namin at dalhin siya ni Mommy sa America ay hindi ko ulit narinig ang kasiyahan sa boses niya---"
"Anong gusto mong iparating sa akin, Hayden? Diretsuhin mo ako." Tila ba pinipiga ang puso ni Zoe sa loob habang kinukuwento ni Hayden ang tungkol sa kapatid niya.
"I love my sister so much, Zoe. Sana maging masaya ka rin sa kanilang dalawa at suportahan mo na lang si Dylan. I know it's hard for you right now to accept it, pero kailangan mong tanggapin na hindi na ikaw iyong priority ni Dylan kung hindi ang kapatid ko na," sabi ni Hayden na kakikitaan ng sobrang seryosong mukha.
Gustong magsusumigaw ni Zoe. Gusto niyang sabihin dito na sa kaniya lang si Dylan at hindi niya ito tuluyang ibibigay sa kapatid nito. Parang may kung anong bumara sa lalamunan ni Zoe nang marinig iyon. Napahigpit ang hawak niya sa balikat ni Hayden. Gusto niyang umiyak, pero hindi sa harap ng lalaking ito.
Paano ba siya magiging masaya kung ang kasiyahan niya ay pagmamay-ari na ng iba?
"I'm trying, okay? H-hindi ganoon kadali ang lahat, Hayden. Nasanay ako na laging katabi ko si Dylan. Hindi man siya masaya sa akin, pero natitiis niya ako... T-tapos ngayon---" Hindi niya napigilan ang boses niya na pumiyok. Kinagat niya na lang ang kaniyang labi para pigilan ang nararamdaman niya at ang luha na nagbabadyang tumulo sa mga mata niya.
Naramdaman niya ang marahang paghawak ni Hayden sa ulo niya. Napapikit na lang siya nang mapagtanto niya ang ginawa ni Hayden. Inilagay nito ang ulo niya sa dibdib nito. Doon kusang tumulo ang mga luha niya. Kung alam lang ni Hayden ang tunay na nararamdam niya para kay Dylan ay malamang magagalit na ito sa kaniya at hindi na siya kakausapin pa.
Ilang minuto ang nagdaan at nagpasya na silang dalawa ni Hayden na maupo muna. Nakita nila sina Dylan at Reighn na kasama ang mga ilang kakilala nila.
"Kuya!" tawag ni Reighn sa kapatid nang makita ito. Agad nabaling ang tingin ni Zoe kay Dylan na nakatitig sa kanilang dalawa ni Hayden. Bumaba ang tingin nito papunta sa kamay ni Hayden na nakahawak sa kaniyang baywang.
"Nag-e-enjoy ba kayong lahat sa party ko?" nakangiting tanong ni Hayden sa mga kaibigan niya. Sumagot ang mga ito at ang iba naman ay tumango lang.
Hindi maiwasan ni Zoe na mapasulyap sa gawi ni Dylan. Hindi man lang sila mabigyan ng pagkakataon na makapag-usap. Laging nakakapit ang mga kamay ni Reighn sa braso ni Dylan. Matindi na talaga ang selos na nararamdaman niya. Mukhang wala namang balak na pansinin pa siya ni Dylan kaya binuhos niya lahat ang selos na nararamdaman sa pag-inom ng alak.