MULA sa may bulsa ay kinuha ni Reighn ang papel na pinunit ni Zoe dahil sa matinding selos na naramdaman niya kanina. Nagulat man si Zoe ay hindi niya ito ipinahalata sa babaeng nasa harapan, na kung makatingin sa kaniya ay parang lalamunin na siya ng buo at buhay. Magsasalita pa sana si Zoe para ipaliwanag ang nangyari nang bigla siyang sigawan ni Reighn.
"What the hell is wrong with you, b***h?!" tanong ni Reighn na may gigil sa boses at pinanlakihan pa niya ng mga mata si Zoe. Kung may laman pa iyong baso niya ng juice na nasa harapan ay paniguradong nasabuyan na niya si Reighn ngayon dahil sa pinakitang ugali.
"What the hell is wrong with me?" Itinuro pa ni Zoe ang kaniyang sarili habang nagtatanong dito. Tumayo na rin siya at nakipagtaasan ng kilay kay Reighn. Naagaw na nila ang atensiyon ng mga estudyante na nasa loob ng cafeteria. Kabi-kabilang bulungan ang naririnig ni Zoe na lalong nagbibigay sa kaniya ng init ng ulo.
"May problema ka ba sa akin, b***h?!" mahina lang, pero alam niyang narinig iyon ng kaharap. Para na itong bulkan na sasabog ng anumang oras. Kung hindi lang siya pinakitaan ng ganoong ugali ay baka pinaglagpas niya pa ang nangyari ngayon.
"Nakuha mo pa talagang magtanong ng ganiyan, ha? Bakit? Sino ka ba sa akala mo para manira ng bagay na hindi naman sa'yo ibinigay? Gusto ko lang ipaalam sa'yo na kay Dylan ko ibinigay itong sulat at hindi sa'yo!" nanggigil na sabi ni Reighn.
Gustong matawa ni Zoe sa hitsura nito, pero mas nangingibabaw ang inis niya rito at sa tingin niya isang kalabit lang ay mauupos na ang pasensiya nito. Inakala niya talaga kanina na isa itong mahinhin at mabait na dalaga, pero dahil sa eskandalong ginawa nito ngayon ay napatunayan niyang hindi ito puwedeng makalapit nang tuluyan sa Dylan niya.
"Tapos ka na? Katamad kang kausapin!" wika ng dalaga.
Ayaw niyang mapahiya nang tuluyan sa mga kapwa niya estudiyante kaya nagpasya siyang umalis. Tatalikod na sana siya nang biglang hablutin ni Reighn ang buhok niya kaya muntik na siyang ma-out of balance sa ginawa ng babae sa kaniya.
"Huwag mo akong talikuran kapag kinakausap kita, ah!" Napahawak si Zoe sa kamay nito na pilit hinihila ang buhok niya. Gusto talaga ng babaeng ito na pasabugin siya. Puwes pagbibigyan niya ito. Hindi siya makapapayag na ganito ang mangyari sa kaniya.
Narinig niya ang mga tilian ng mga estudyante na nakatingin sa kanila. Nagdilim na ang paningin niya para dito. Hinarap niya si Reighn at walang ano-ano ay nakipaghilaan na rin ng buhok dito.
"Walang hiya ka! Wala kang karapatan na gawin sa akin ito. Baguhan ka lang dito, babae!" sigaw ni Zoe.
Humihiyaw si Reighn sa bawat hila ni Zoe na may lakas sa mga hibla ng buhok nito. Walang laban si Reighn sa kaniya dahil mas matangkad at mas malakas si Zoe. Dahil nakita na rin ito ng mga kaibigan ni Reighn ay tinulungan nila ang dalaga para saktan si Zoe.
Natigil lang sila sa kanilang ginagawa nang marinig nila ang boses ni Dylan na puno ng galit.
"Stop!" pagpapatigil ni Dylan sa kanilang dalawa.
Saglit na napatigil si Zoe sa paghihila ng buhok ni Reighn. Mabilis niyang tinapunan ng tingin si Dylan at nang magtagpo ang mata nila ay bigla niya itong nginisian.
Binalik niya ang tingin kay Reighn na sobrang gulo ng buhok at may mga kalmot sa mga braso at mukha. Nakita rin nito ang dalawang kaibigan ng dalaga na parang maamong pusa na nakatayo sa gilid.
Umalingawngaw sa loob ng canteen ang isang malakas na sampal na binigay ni Zoe kay Reighn.
"Serves you, b***h!" mataray na sabi ni Zoe.
Hindi na napigilan ni Dylan ang kaniyang naramdaman nang makita ang ginawa ng kaibigan. Bigla niyang nilapitan si Zoe at tinulak ito palayo kay Reighn. Hindi napansin ng binata na napalakas pala ang tulak niya dahilan para mauntog ang likod ni Zoe sa dulo ng lamesa at napatumba ito sa sahig.
Nagsihiyawan naman ang mga nakakita sa nangyaring pagtulak, pero sa halip na tulungan si Zoe sa pagtayo ay walang tumulong sa kaniya. Ang lahat ay nagsipagtawanan sa nangyari at inasar lang siya.
"Bagay lang 'yan sa kaniya."
"Masyado kasing mayabang."
"Pabida masyado."
"b***h!"
Iba't ibang bulungan ng mga estudyante dahilan ng pag-ismid at hindi pagpansin ni Zoe. Samantalang hindi naman makikitaan ng reaksyon sa mukha si Dylan. Parang hindi siya nakonsensiya dahil sa pagtulak niya nito ng malakas sa kaibigan. Mabilis namang nilapitan ni Dylan si Reighn at tinanong kung okay lang ba siya.
Masakit ang naramdaman ni Zoe sa malakas na pagtulak ni Dylan sa kaniya, pero mas nanaig pa rin iyong sakit na naramdaman ng puso niya nang mas pinili ni Dylan ang babae na iyon kaysa sa kaniya.
Napangisi si Zoe. Hindi niya alam kung si Dylan ba ang gumawa sa kaniya no'n. Hindi kailanman nagawa ni Dylan na saktan siya. Ngayon niya lang ginawa iyon at iyong babaeng nagngangalang Reighn pa ang dahilan.
Parang hindi nasaktan at tumayo si Zoe mula sa pagkakaupo. Hindi niya pinansin ang mga estudyanteng nakatingin ng masama sa kaniya. Ramdam niya ang pagsakit at pagkirot ng parte ng likod niya na tumama sa kanto ng lamesa, pero ininda niya lang ito.
Napatingin siya sa kanila nina Dylan at Reighn. Nakita niya pa ang sekretong pagngisi ni Reighn sa kaniya, pero hindi siya nagpatinag at sa abot ng makakaya niya ay tinaasan niya ito ng kilay.
'Tsk. Hindi pa tayo tapos, babae!' sabi ni Zoe sa kaniyang isip at 'saka tumalikod.
Habang nakatalikod si Zoe at naglalakad palayo ay napansin ni Dylan ang dugo sa likod nito na siyang parami nang parami. Hindi niya mapigilang makonsensya dahil sa ginawa.
Maglalakad na sana siya para habulin si Zoe nang marinig niya ang pagdaing ng babaeng kasama niya kaya mas pinili niya munang gamutin ang sugat ng babaeng iyon. Pagkatapos ay pupuntahan niya na lang ang kaniyang kaibigan mamaya.
Nawalan na ng gana si Zoe na pumasok sa huling subject nila. Iyong ibang mga estudiyante na nadadaanan niya ay napapatingin sa kaniya. May iba na may pag-aalala sa mga mukha ang makikita at itong iba naman ay makikitaan ng inis at tuwa dahil sa nangyari sa kaniya.
Wala ring naglakas ng loob na lapitan siya. Zoe doesn't even care kung ano man ang mga naiisip ng nakakakita sa kaniya.
May naramdaman siyang init na likido sa kaniyang likuran, pero sa isip niya pawis lang siguro iyon. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa bigla na lang ang panlalabo ng paningin niya. Pakiramdam niya ay matutumba siya anumang oras. Huminto siya saglit at kinuha ang panyo niya sa kaniyang bulsa. Pinunasan niya ang kaniyang pawis sa mukha.
"Zoe!" Alam niya kung sinong nagmamay-ari ng boses na iyon. Napangiti siya at nilingon ito. Nakita niya ang paghakbang nito patungo sa direksiyon niya, pero bago pa man ito makalapit ay tuluyan nang nagdilim ang paningin niya.
Sa kabilang banda, pagkatapos gamutin ni Dylan ang mga galos at kalmot sa katawan ni Reighn ay nagpaalam na siya rito. Kailangan niya munang hanapin si Zoe. Alam niyang nasaktan niya si Zoe sa ginawa niyang pagtulak dito, pero hindi niya iyon sinadya.
"Tinanong ko lang naman siya kung bakit niya pinunit iyong sulat na ibinigay ko sa'yo. Tapos bigla na lang niya akong inaway."
Iyon ang sabi ni Reighn sa kaniya kanina. Nakita pala nito ang ginawa ni Zoe sa papel na binigay nito at nasaktan iyong dalaga nang makitang pinunit ito ng kaibigan niya. Gusto niyang kausapin si Zoe para malaman kung bakit niya ginawa iyon kay Reighn.
Nagpasya siyang habulin si Zoe para humingi na rin ng tawad sa kasalanang nagawa niya. Nang mahanap niya ito ay nabahala siya nang makita ang maraming dugo sa likurang bahagi ng damit ng dalaga.
"Zoe!" tawag niya sa dalaga. Nakita pa niyang ngumiti si zoe sa kaniya nang lingunin siya nito. Ngunit bigla na lamang nawalan ng malay ang dalaga pagkatapos ng ngiti na ‘yon.
Agad niyang tinakbo ang kinaroroonan ni Zoe. Nang makita niya ang dalaga ay sobrang putla ng mukha nito. Binuhat at itinakbo niya si Zoe sa kaniyang sasakyan. Dadalhin niya ito sa malapit na hospital ng kanilang paaralan. Ayaw niyang dalhin ito sa clinic ng kanilang school dahil paniguradong pag-uusapan sila ng mga tao roon.
Nanginginig ang kamay niya nang haplusin ang mukha ng kaibigan. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya habang patuloy na tumatakbo buhat ang dalaga. Nang makarating sila sa kotse ay mabilis niyang ipinasok si Zoe sa loob at pinaandar ito.
"Please, wake up, Zoe," usal ni Dylan habang mabilis na nagmamaneho papuntang hospital.