HINDI mapigilan ni Summer na makaramdam ng hiya nang dalhin uli siya ni Mark Anthony sa resort nito. At sa pagkakataong iyon ay ipinakilala na siya nito sa mga empleyado.
Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga ito sa dalaga. Lalo na at natatandaan din pala siya ng mga ito na apo ni Lola Margaret at suking bakasyunista sa resort na iyon. Isa nga raw siya sa pinakamabait na naging guest ng mga ito. Nakakamangha rin dahil doon napatunayan ni Summer na talagang mabuting tao si Mark Anthony. Nakita niya iyon kung paano ito respetuhin ng mga tauhan nito.
“Sa tingin n’yo, nililigawan kaya siya ni Sir Mark?” narinig ni Summer na tanong ng receptionist sa kasamahan nito habang naghihintay siya sa lobby ng hotel. Halos pabulong lang naman iyon pero sadyang malakas na talaga ang pandinig niya ngayon. Kanina ay kakuwentuhan lang niya ang mga ito. Nagpaalam sandali si Mark Anthony na kakausapin lang daw ang manager ng resort na iyon. “Kasi bagay na bagay silang dalawa, eh. Parehong mabait tapos guwapo at maganda pa. Sayang nga lang at nalumpo at nabulag si Ma’am Summer. Sigurado ako na mas maganda siya kung wala siyang kapansanan.”
“Hindi naman siguro siya isasama rito at ipapakilala sa atin ni Sir Mark kung hindi niya nililigawan si Ma’am Summer, ‘di ba?” sabi naman ng isa. “Nakita naman natin kung paano siya tratuhin at alagaan ng boss natin, ‘di ba? Hindi naman gano’n kung makipagkaibigan si Sir Mark.”
Lihim na napangiti ang dalaga. Aminado siya na lihim siyang kinikilig sa mga naririnig kahit hindi naman na totoo na nililigawan na siya ni Mark Anthony. Hindi pa sila umabot sa puntong iyon. Pero sa loob ng dalawang buwan, mas nakilala pa niya ang binata. At mas napalapit na ito sa puso ni Summer hindi bilang isang kaibigan lang.
“Pero sana hindi siya katulad ng iba na naging fling lang ni Sir Mark. Iyong iba nga, one-month lang tapos wala na agad. Parang tinikman lang niya.”
Noon unti-unting nabura ang ngiti sa isip ni Summer. Ang totoo niyan, simula nang dumating siya rito, may mga narinig na siya tungkol sa pagkakaroon ng iba’t ibang babae ni Mark Anthony daw noon. Hindi naman niya iyon direktang matanong sa binata dahil wala naman siyang karapatan.
Wala nga siyang karapatan pero sumisikip naman ang dibdib niya sa ideyang marami nang naging babae ang lalaki na inaamin niyang may espesyal na parte na sa kaniyang puso.
“Ano ka ba? Natural ‘yon sa aming mga lalaki,” pagtatanggol naman ng security guard sa boss ng mga ito. “Hindi porke’t may mga naging babae ay babaero na. Hindi gano’n si Sir Mark. Mabait ‘yon. Nagkataon lang siguro na hindi pa niya nahahanap ang tamang babae para sa kaniya kaya papalit-palit siya.”
Sabagay, may punto naman ang guwardiya. Si Summer nga na babae, naka-tatlong boyfriend na. Si Mark Anthony pa kaya na isang lalaki?
Mayamaya ay natahimik na ang mga empleyado. Iyon pala ay parating na ang boss ng mga ito.
“Sir, may parating daw po na bagyo sa susunod na linggo,” narinig ni Summer na sabi ng receptionist.
“Yeah, I know,” boses iyon ng binata. “Iyon ang pagme-meeting-an natin sa susunod na araw para sa mga outdoor activity na kailangan nating limitahan. For now, kayo na muna ang bahala rito.”
“No problem po, Sir Mark!” sabay-sabay na sagot ng mga ito na para bang ka-tropa lang ang kausap na boss. Siguro dahil hindi naman ipinaparamdam ni Mark Anthony ang estado nila sa buhay. “Kami na ho ang bahala rito. Basta mag-enjoy lang kayo ni Ma’am Summer,” biro pa ng guwaridya.
Muntik na tuloy umangat ang puwet ni Summer sa inuupuan niya.
“Sorry kung medyo natagalan ako. Nainip ka ba?” tanong ni Mark Anthony nang makalapit na ito sa kaniya.
Nag-angat siya ng tingin dito. “Hindi naman. Ikaw nga ang iniisip ko, eh. Mukhang kailangan ka dito sa resort para sa parating na bagyo. Puwede naman nating i-postpone ang pagpipinta ko. Asikasuhin mo muna itong business mo.”
Nangako kasi ang binata na sasamahan nito si Summer na pumunta sa isla na pag-aari din nito para doon siya magpinta dahil mas tahimik daw ang lugar na iyon. Ang totoo niyan, ilang obra na rin ang natapos ng dalaga gamit ang mga materyales na ibinigay sa kaniya ni Mark Anthony. Nakinig lang siya ng mga tutorial sa online kung paano gamitin ang mga iyon. Inalalayan din siya ng binata at ng Tita Aurora niya. Pero lahat ng mg natapos niya ay hindi muna niya ipinakita rito dahil nag-iipon pa lang siya ng lakas ng loob. Noon pa man ay may doubt na si Summer sa mga obra niya, dahil na rin siguro sa mga taong nangda-down sa kaniya, lalo na ang ama niya. Lalo na ngayon na baguhan siya sa Tactile Painting. Nag-alala siya na baka ma-disappoint lang si Mark Antony kapag nakita ang mga iyon bagaman at alam naman niyang hindi iyon ganoon. At ang Tita Aurora at Lola Margaret na rin niya mismo ang nagsabi na napakaganda ng gawa niya.
“Thanks for being so considerate, lady. Pero nagkausap na kami ng manager regarding sa bagyo. Kayang-kaya na niya iyong i-manage. Naka-set na rin sa ibang araw ang meeting namin sa mga empleyado. At saka isa pa, mas gusto kong makasama ka today at makita kang nagpipinta,” makahulugang wika nito.
Nagbaba ng mukha si Summer para ikubli ang pamumula ng kaniyang mukha nang maramdaman niya na titig na titig sa kaniya si Mark Anthony. She was so d*amn for acting like a teenager in front of him, “K-kung gano’n, tara na? Para makauwi tayo nang maaga. Magpapainom ka pa ng gamot kay Mia before dinner, ‘di ba?”
“Oo nga,” kaswal nitong sagot bago niya naramdaman ang masuyong pagtulak nito sa wheelchair niya. “From here, magkokotse na tayo. May yacht na naghihintay sa’tin papuntang isla.”
“Huwag ka na raw magdala ng foods. Maraming ipinabaon sa’kin sina Tita Aurora at Lola Margaret para sa lunch at merienda natin,” wika ni Summer habang patungo na sila ni Mark Anthony sa kotse nito.
Narinig niya ang marahang pagtawa nito. “Nakita ko nga. Mukhang ayaw na nilang pabalikin agad tayo. Gusto pa yata nila na solohin kita.”
“Loko ka! Ayaw lang talaga nila na malipasan tayo ng gutom,” namumulang depensa ni Summer dahil sa kapilyuhan na nabakas niya sa boses nito. “Alam kasi nila na wala ka ng time magluto kanina kasi nag-asikaso ka pa kay Mia.”
“Oo nga. Dumating kasi ang doctor niya at may kailangang i-checkup.”
“Kumusta na pala siya?” Dalawang araw na silang hindi nagkikita ng kapatid ni Mark Anthony dahil pinagbawalan raw muna ito ng doctor na lumabas at tumanggap ng bisita dahil sa treatment na ginagawa. “I miss your sister. Ang dami ko ng naipon na horror stories para panoorin namin.”
“Nami-miss ka na nga rin daw niya. But don’t worry, bukas lang, puwede na raw uli siyang lumabas o tumanggap ng bisita.”
Naramdaman ni Summer na pilit lang pinapasigla ni Mark Anthony ang boses nito ngunit ang totoo, sobra na rin itong nalulungkot para sa kalagayan ng kapatid. She tapped his hand and looked at to him. “Basta tiwala ka lang sa Diyos. Malalagpasan din ni Mia ang lahat ng ito.”
She felt his genuine smile. “Thank you, Summer. Hindi naman talaga ako puwedeng sumuko para sa kapatid ko. Hangga’t kaya ko at nakikita ko na lumalaban siya, hindi ko siya susukuan.”
Kung puwede nga lang siyang tumayo at abutin ang mukha ni Mark Anthony para haplusin at pagaanin ang loob nito. “Sorry for asking, pero nasaan na nga pala ang mga magulang n’yo?”
Sa mahigit dalawang buwan na pagkakakilala nila ng binata, never pa niyang narinig na binanggit nito ang sariling ina at stepfather. Kahit kay Mia, hindi pa niya iyon narinig. Hindi rin naman siya nag-uusisa kina Tita Aurora at Lola Margaret. Matagal na sana niyang gustong itanong ang bagay na iyon dahil naaawa na siya kay Mark Anthony dahil mag-isa lang nitong inaalagaan ang kapatid. Pati kay Mia ay naaawa na rin si Summer. Bata pa ito at dapat ay mga magulang, lalo na ina, ang dapat na kasama nito sa ganoon kahirap na sitwasyon.
Ang tanging alam lang ng dalaga, half sister lang ni Mark Anthony si Mia dahil matagal ng patay ang ama nito ayon na rin sa kuwento ng binata.
Hindi rin naman siguro kasing malas niya sa ama si Mia, ‘di ba? At mukhang hindi naman ulila sa ina ang mga ito.
“Si Mom?” sagot nito at may naramdaman siyang iritasyon sa tono ng pananalita nito. “Nasa Hawaii siya ngayon. Hinahabol niya ang daddy ni Mia na obviously, ayaw na sa kanila kasi may bagong pamilya na. Wala na siyang pake sa kapatid ko kaya hindi ko puwedeng pabayaan si Mia. I’m the only one she has.”
Naaawa na muli niyang tiningala si Mark Anthony bagaman at hindi siya sigurado kung kaya ba nitong basahin ang simpatiya na nakaguhit sa mga mata niya dahil sa kapansanan niya. “Kaya masuwerte sa’yo si Mia dahil mahal na mahal mo siya. At handa kang i-sakripisyo ang buhay na meron ka para sa kaniya.”
“Hindi lang para kay Mia. Kahit sa babaeng mahal ko, handa akong i-sakripisyo ang lahat, Summer. Lahat-lahat,” makahulugang wika uli nito.
Bahagyang bumuka ang bibig ng dalaga. Bakit parang naramdaman niya na titig na titig sa kaniya si Mark Anthony nang mga sandaling iyon at siya ang babaeng tinutukoy nito?
Huwag kang assuming, Summer. Huwag mong bigyan ng meaning ang kabaitan niya sa’yo.
‘Buti na lang at naramdaman na ni Summer na huminto na ang wheelchair niya kaya may dahilan siya para mag-iwas ng tingin bago pa man mabasa ni Mark Anthony ang tumatakbo sa isip niya sa mga oras na iyon. Narinig niya ang pagbukas nito ng pinto ng kotse.
Nagtaka pa siya nang bigla na lang siya nitong binuhat at isinakay sa passenger’s seat. Hindi rin ito pumayag na siya ang magsuot ng seatbelt niya. Pero dahil nakipag-unahan si Summer kaya nagbungguan ang mga noo nila ng binata. Batid niya na kapwa sila natigilan. Ramdam niya ang pagkakalapit ng kanilang mga labi dahil nasasamyo niya ang mainit at mabangong hininga ni Mark Anthony na humahaplos sa kaniyang mukha.
Magsasalita na sana ang dalaga para basagin ang nakakabinging katahimikan. Ngunit lalo lang siyang nanigas sa kinauupuan nang maramdaman niya ang paghapit ng binata sa baywang niya. Despite her blindness, hindi pa rin niya kayang tumingin kay Mark Anthony. Para siyang matutunaw dahi damang-dama niya ang matiim nitong tingin na animo’y tumatagos sa puso niya. Sa puso niya na parang nagwawala sa loob ng dibdib niya dahil sa sunod-sunod at malalakas na t***k nito.
“Ang kulit mo kasi. Sabi ko nga na ako na ang magkakabit nitong seatbelt mo,” wika nito at saka lang dumistansiya nang kaunti para isuot ang seatbelt ni Summer.
Gayon man ay hindi pa rin sapat ang pagkakaroon nila ng kaunting espasyo para mabawasan kahit kaunti ang pagkabog ng dibdib niya. “M-masiyado mo kasi akong bini-baby. Hindi naman mahirap magsuot ng seatbelt,” nangingiting katuwiran ni Summer pero hindi niya maitago ang pagkailang dahil nararamdaman pa rin niya ang mataman pa rin na pagtitig sa kaniya ni Mark Anthony.
At bakit feeling ko, sa lips ko siya nakatingin?
Napalunok si Summer sa ideyang iyon. Para siyang hihimatayin sa sobrang bilis ng t***k ng puso niya. She almost sucked her breath.
“M-may dumi ba ako sa mukha, Mark?” hindi nakatiis na tanong ng dalaga dahil kanina pa ito tahimik at nakakadagdag iyon sa kabang nadarama niya.
“Wala,” mahinang sambit nito.
“Kung gano’n, bakit kanina mo pa ako tinititigan?”
“Ang talas nga ng pakiramdam mo.” Ngumisi ito. “Wala ka namang dumi sa mukha. You're just pretty, and I can't look away.” Pagkasabi niyon ay naramdaman ni Summer ang paghawak nito sa leeg niya at ang unti-unting paglapit ng mukha nito sa mukha niya.
“M-Mark…” nauutal na tawag niya sa pangalan nito dahil lalo lang niyang naramdaman ang pagrigodon ng puso niya.
Gusto sana ng dalaga na umiwas ng mukha dahil nahuhulaan na niya ang sunod na gagawin ng binata. At dapat nga ay itinulak na niya ito. Nag-alala rin siya na baka nahalata na nito ang pagmala-kamatis ng buong mukha niya.
But Summer betrayed herself.
Namalayan na lang niya na unti-unti na niyang ipinikit ang mga mata. Hanggang sa naramdaman niya ang paglapat ng maiinit at malalambot na labi ni Mark Anthony sa mga labi niya.