Chapter 2

2421 Words
“KUYA MARK!” Itinigil ni Mark Anthony ang pagtitipa sa laptop nang marinig ang boses ng walong taong gulang na kapatid na si Mia. Nasa terrace siya ng kanilang resthouse sa Batanes, sa mismong beach resort na pag-aari niya. Tinanaw niya ang kapatid na nasa bakuran habang nakasilip ito sa labas ng gate at tila nakikiusyuso sa bungalow house na nakatayo sa katabi nilang lupain. “What’s wrong, baby sis?” tanong niya sa kapatid. Walong taon ang tanda ni Mark Anthony sa bunsong kapatid kaya ‘baby’ pa rin kung ituring niya. Anak na ito ng kaniyang ina sa pangalawang asawa kaya ganoon kalayo ang kanilang age gap. Matagal ng patay ang ama niya nang muling ma-in love ang Mommy niya at si Mia ang naging bunga. “Kuya Mark, dumating na po yata ang apo ni Lola Margaret galing Manila!” pasigaw na sagot ni Mia para marinig siya nito. Bakas sa boses nito ang excitement. “Ang sabi kasi ni Tita Aurora kahapon, ngayon daw po ang dating ng pamangkin niya. May nakita po akong kotse na pumasok sa bakuran nila.” Naiiling na pinatay at tiniklop ni Mark Anthony ang laptop. Ngingiti-ngiti na pinuntahan niya ang kapatid at ginulo ang buhok nito. “Bakit ka ba excited sa pagdating ng apo ni Lola Margaret? Baka isipin pa nila na tsismosa ka,” biro lang niya iyon sa kapatid. Dahil alam naman niya na atat itong magkaroon ng ate kaya gustong-gusto makita ang apo ng matandang kapitbahay na ka-close na rin nila simula nang dumating sila sa Batanes. Isang taon na rin simula nang pansamantalang manirahan sina Mark Anthony at Mia sa resort na iyon. His little sister has been diagnosed with COPD or Chronic Obstructive Pulmonary Disease. Dahil bawal itong makalanghap ng mga usok, lalo na ng polusyon, alikabok, at matatapang na amoy kaya umalis muna sila sa Maynila habang nagpapagaling ito. Lumuluwas lang sila kapag may treatment na hindi available sa Batanes. Masiyadong abala ang mommy ni Mark Anthony sa paghahabol sa bagong asawa na nasa ibang bansa at gusto nang makipaghiwalay kaya napabayaan na ang kapatid niya. Pero hindi si Mark Anthony. Gaano man ka-busy ang buhay niya bilang CEO ng isang multinational major appliance and consumer electronics corporation na kilala sa buong mundo, ang Yap Electronics, kaya niya iyong i-sakripisyo alang-alang sa kapatid. Bukod sa Yap Electronics, marami pang pag-aari na negosyo si Mark Anthony. Ang iba ay minana pa niya sa yumaong ama na isang Filipino-Chinese billionaire. Ngunit karamihan ay itinayo at napalago ng binata sa sariling pagsisikap. At the age of twenty-eight, Mark Anthony was considered as a tycoon in business industry. A billionaire at a remarkably young age. Pero dahil hindi naman siya mahilig tumambay sa social media o humarap sa camera, marami ang hindi nakakaalam sa tunay na estado niya sa buhay. And it’s just right for him. Mahilig pa naman siyang mamasyal sa mga pampublikong lugar tulad ng park at mall para samahan si Mia, na hindi na madalas nagagawa ng kanilang ina. “Hindi na po kasi ako makapaghintay, Kuya. Ang sabi nila ni Tita Aurora, ipapakilala daw nila agad ko kay Ate Summer kapag dumating na.” Kumunot ang noo ng binata sa huling sinabi ng kapatid. “Summer?” Tumango ito. “Si Ate Summer po. Ang apo ni Lola Margaret.” Hindi niya alam kung bakit napangiti siya. Baka dahil sa pagka-amuse kay Mia o sa pangalan ng apo ng kapitbahay nila. It’s a unique name. Malayo pa ang literal na summer. But suddenly, he felt relief from colder months. Kapagkuwan ay ipinilig ni Mark Anthony ang ulo. Pati tuloy siya ay nahahawa na rin sa kakulitan ng kapatid. “Kuya,” untag sa kaniya ni Mia. Kinalabit siya nito sa kamay. “Is it okay if I go to Lola Margaret's now? I'd love to see Ate Summer.” Nagbaba siya ng tingin at masuyong hinawakan ang chin ng kapatid. “Of course, but not right now, baby sis. Kung totoo man na dumating na ang apo ni Lola Margaret, hayaan mo muna siyang makapagpahinga. Hindi biro ang naging biyahe niya from Manila. Nakakahiya kung iistorbohin mo agad siya,” mahinahong paliwanag ni Mark Antony sa kapatid. “Maybe tomorrow morning.” Dahil likas namang mabait at masunurin si Mia kaya agad itong tumango. “Sure, kuya. Basta po kapag nakapagpahinga na si Ate Summer, samahan mo ako kina Lola Margaret, ha? Magdala tayo ng pasalubong.” “Sounds like a plan! Magpapahatid ako ng maraming Payi kay Mang Danny. Dadalhan natin sina Lola Margaret at ang apo niya.” Lobster ang tinutukoy niya. It’s called Payi by the locals in Batanes. “Yay, can’t wait!” tuwang-tuwa na sigaw ni Mia na lalo lang ikinangiti ni Mark Anthony. Isa talaga sa nagpapasaya sa kaniya ang kapatid. He can't help but smile when he sees his sister happy. Pero bakit parang iba ang ngiti niya ngayon? Parang nahawa na rin siya sa excitement ni Mia na makita ang apo ng lolang kapitbahay nila. MALALIM na ang gabi pero gising pa si Mark Anthony. Katatapos lang niyang gawin ang mga trabaho na ipinapadala lang sa email ng secretary niya. Kung may kailangan siyang pirmahan, ipinapahatid lang niya gamit ang private chopper niya. Nakagawian na ng binata ang uminom muna ng wine bago matulog para mas mapahimbing siya. Paboritong tambayan niya ang terrace sa second-floor ng resthouse. Nakaharap kasi iyon sa dagat. Sa gilid naman niyon ang bahay ni Lola Margaret. Wala yatang umookupa sa kuwartong nakatapat sa kuwarto niya dahil palaging madilim tuwing gabi. But that night was different. Dahil nakita ng binata na nakabukas ang ilaw sa kuwartong iyon. Nakabukas din ang bintana hanggang sa nahagip ng kaniyang mga mata ang isang babae na nakaupo sa wheelchair. Naka-wheelchair din naman kung minsan si Lola Margaret. Ngunit sigurado siya na ang babaeng nakikita niya ngayon ay hindi ang matandang may-ari ng bahay na iyon. At saka hindi rin naman ganoon kalayo ang distansiya para magkamali siya. Napahawak sa hand rails ang binata nang humarap sa gawi niya ang babae—wearing pajamas, with long black hair, with feminine lips that every man couldn’t resist. Sa kabila ng kanilang distansiya, nagawa ni Mark Anthony na titigang mabuti ang babae. And she was so beautiful that it takes one’s breath away. Kahit parang ang layo-layo ng tingin nito, hindi pa rin niya maitanggi na magaganda ang pares ng mga mata nito. Siya kaya ang apo ni Lola Margaret? Ang ‘Ate Summer’ na tinutukoy ni Mia?At bakit kaya siya naka-wheelchair? Agad na ipinilig ni Mark Anthony ang ulo na baka nga iyon ang babaeng balak nilang dalawin ni Mia bukas. Wala naman kasi ibang tao sa bahay na iyon bukod kay Lola Margaret at sa anak nitong matandang dalaga, at nurse na nag-aalaga rito. Alam niya iyon dahil madalas niyang sunduin ang kapatid kapag napapasarap ang pakikipagkuwentuhan sa mag-ina. Ang binata rin ang tumutulong sa mga iyon kapag may kailangang ayusin na hindi kaya ng mga ito at hindi available ang mga tauhan niya sa resort. Nang dahil sa ideyang iyon kaya inihanda ni Mark Anthony ang matamis na ngiti sa mga labi niya at itinaas ang kanang kamay. Ngunit bago pa man siya makapagkaway sa babae, ginalaw na nito ang wheelchair at tumalikod sa kaniya. Inisip na lang niya na baka hindi siya nakita. Dahil kung nakita siya nito, imposibleng i-snob siya. Wala pa kayang babae ang hindi pumansin sa isang Mark Anthony Yap, kilala man siya o hindi. He was drop-dead gorgeous, with a smile that lit up the room. Walang diyosa ang hindi nabihag sa charming personality niya. Kapagkuwan ay napailing siya nang mapagtanto ang iniisip. Kailan pa siya nagbuhat ng sariling bangko? Nang makita ni Mark Anthony na nagsuklay ng buhok ang babae, may kung anong puwersa ang pumigil sa kaniya para umalis sa kinatatayuan. Hindi niya mapigilan ang sarili na sundan ng tingin ang bawat paghagod ng hair brush sa mahabang buhok nito na kasing dilim ng gabi. Ilang sandali pa ay iginalaw uli nito ang wheelchair at lumapit na sa bintana kaya mas natitigan niya itong mabuti. Kumaway siya uli pero wala man lang itong reaksiyon kahit magkaharap na silang dalawa. Saka lang niya napansin ang mga mata nito na walang emosyon. Was she blind? Kumaway uli si Mark Anthony at nang manatiling walang reaksiyon ang mga mata ng babae ay saka lang niya nasagot ang tanong niya kanina kung bakit hindi siya nito pinansin. At hindi niya maintindihan kung bakit pakiramdam niya ay bumibigat ang kaniyang dibdib sa ideyang iyon. Kaya pala wala siyang nababakas na buhay at pag-asa sa mga mata nito… Mayamaya ay napapitlag ang binata nang mapansin niya ang pagkunot ng noo ng babae habang nakatingin sa gawi niya. Naramdaman ba nito ang presensiya ni Mark Anthony? Lalo na ang pagtitig niya? Ang sabi kasi ng karamihan, kapag bulag daw, natural na matalas ang pandinig at pakiramdam. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakipagtitigan sa babae. Naramdaman na lang niya na bumilis ang t***k ng puso niya. Kinabahan ba siya na nahuli siya nito? Nakakunot pa rin ang noo bago mabagal na pinaggulong ng babae ang wheelchair. At nakasunod pa rin sa bawat galaw nito ang mga mata ni Mark Anthony. Isinara nito ang de-salaming bintana at pinatay ang ilaw hanggang sa tanging lamp shade na lang ang nagsilbing liwanag sa kuwartong iyon. Naaninag niya mula sa manipis na kurtina ang hirap sa pagbaba ng wheelchair at paghiga ng babae. Pakiramdam ng binata ay nadagdagan ng tanawing iyon ang bigat sa puso niya. Hindi siya umalis sa kinatatayuan at hindi rin inalis ang tingin sa babae hanggang sa tantiya niya ay nakatulog na. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, ginusto ni Mark Anthony na mag-alaga ng hindi niya kaano-ano. Dahil sa tingin niya, iyon lang ang tanging paraan para mawala ang bigat na nararamdaman niya sa puso sa mga sandaling iyon. “MAYAP UNGA, Summer.” Awtomatikong napangiti ang dalaga nang marinig ang malambing na boses ng kaniyang lola nang lumabas siya sa silid kinabukasan. Kahit papaano, nakakaintindi naman siya ng Ivatan dialect kaya ginantihan niya ito. “Good morning din po, lola.” Sinundan niya ang pinanggalingan ng boses nito at saka lumapit. Marahil ay sinalubong siya nito dahil narinig niya ang tungkod nito na nakadiin sa sahig. Seventy-five years old na ang lola ni Summer. Kaya paminsan-minsan, naka-wheelchair na rin ito. Lalo na kapag masiyadong malayo ang nilalakad. Motorized naman ang wheelchair na gamit niya kaya hindi na niya kailangan ng tulong para makalapit dito. Bagaman at hindi pa niya kabisado ang buong paligid, hindi katulad sa bahay nila sa Manila, kaya dahan-dahan muna ang bawat galaw niya. Maghapon din siyang inalalayan ng kaniyang Tita Aurora para kapain at kabisaduhin ang bawat parte ng bahay nang dumating siya kahapon. “Kumusta ang unang gabi mo rito? Nakatulog ka ba nang mahimbing?” tanong uli ng kaniyang abuela sa malamyos na boses. Katulad ng yumaong ina, soft-spoken din ang lola ni Summer na para bang hindi kayang magalit. “Okay naman po, Lola. Ang sarap nga ho ng tulog ko kasi ang tahimik ng paligid at ang lamig ng panahon,” nakangiting sagot ng dalaga. “Hindi ka naman ba namahay, hija?” boses naman iyon ng kaniyang tiyahin na sumulpot sa likuran niya. Halos ka-boses din ito ng mommy at lola niya. “Baka kasi hindi ka nakatulog agad.” Hindi agad nakasagot si Summer. Bigla niyang naalala ang pakiramdam na may nagmamasid sa kaniya kagabi habang nagpapahangin siya sa may bintana. Her auntie was right. Hindi nga siya nakatulog agad kagabi. Pero hindi dahil namahay siya kundi dahil nawili siya sa paglanghap sa sariwang hangin na hindi niya nagagawa noong sa Maynila pa siya. Simula nang mabulag siya, napansin ng dalaga na mas tumalas pa ang pandinig at pakiramdam niya. Kaunting kaluskos lang, naririnig niya agad. Madali rin niyang maramdaman kapag may nakatingin o nagmamasid sa kaniya. “Tita Aurora, ‘di ba po ang sabi n’yo, may kapitbahay tayo? Katapat lang ba iyon ng kuwarto ko?” hindi nakatiis na usisa ng dalaga. Hanggang ngayon kasi, damang-dama pa rin niya ang mga matang iyon na sigurado siyang pinagmasdan siya kagabi hanggang sa nakatulog siya. Hindi siya maaaring magkamali. Dahil kahit sa paggising niya kanina at pagbukas niya ng bintana ay naramdaman din ni Summer ang mga titig na iyon. “Yes, hija. Actually, resthouse ang kapitbahay natin. Sila ang may-ari ng resort sa tabi natin. At ‘yong silid na katapat ng kuwarto mo, iyo naman ang silid ni Ma—” “Lola Margaret! Tita Aurora! Good morning po!” anang matinis na boses sa labas na pumutol sa pagsasalita ng tiyahin ni Summer. Narinig niya ang marahang pagtawa ng tita niya. “Speaking of. Alam mo ba na ilang araw na iyang pabalik-balik dito para alamin kung nandito ka na raw? She’s dying to meet you, hija.” “Sino ho?” “Si Mia. Ang kapitbahay natin,” sabay na sagot ng kaniyang lola at tiyahin. “Halika, ipapakilala kita sa kaniya. Siguradong kasama niya ang kuya niya.” Hindi na muling nagtanong pa ang dalaga. Naramdaman na lang niya na itinulak ng tita niya ang wheelchair palabas ng bahay. Ang lola naman niya ay inalalayan ng nurse nito. Ilang sandali pa ay naramdaman na ni Summer na nasa labas na sila ng bakuran at may naramdaman na siyang ibang presensiya maliban sa kanilang apat. “Good morning, Mia. Ang aga mo yata?” narinig niya ang magiliw na tanong ng tiyahin niya sa kanilang bisita. “Dinalhan ko po kasi kayo ng Payi, Tita Aurora. Maraming dala si Mang Danny,” magalang na sagot ng boses bata. Naramdaman ni Summer ang pagtingin nito sa kaniya habang nakangiti. At sigurado ang dalaga na bukod kay Mia, may iba pa itong kasama. May naramdaman pa siyang ibang pares ng mga mata na nakatitig sa kaniya. At kung hindi siya nagkakamali, iyon din ang mga matang nagmasid sa kaniya kagabi. She can feel it. Iisa ang epekto niyon sa kaniya na para bang natutunaw ang puso niya. “Mayap unga, Lola Margaret, Tita Aurora. Pasensiya na ho kayo sa abala. Hindi lang talaga makapaghintay itong kapatid ko na makilala ang bisita n’yo. Hindi na nga yata natulog sa kahihintay mag-umaga,” anang baritonong boses na siguradong nagmamay-ari din ng mga matang kanina pa nakatitig kay Summer. At bakit parang musika sa pandinig niya ang boses na iyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD