Four years ago...
“PUNONG-PUNO na ako sa kamalasang dinadala mo sa pamilyang ito, Summer! I've had enough!"
Halos mabingi si Summer sa lakas ng sigaw na iyon ng kaniyang ama habang pinapagalitan siya. Samantalang nakayuko lang siya at tahimik na nakaupo sa wheelchair at tumutulo ang mga luha. Anim na buwan na simula nang masangkot siya sa car accident na hindi naman niya sinasadya. Papunta siya noon sa isang Art Fair para i-showcase ang isa sa mga obra niya sa kauna-unahang pagkakataon. Pero bago pa man siya makarating, nabunggo ng isang humaharurot na pick-up truck ang minamaneho niyang kotse habang nakahinto siya sa stop light. Tumaob ang sasakyan ni Summer pero masuwerteng nakaligtas siya pagkatapos ng matinding pinsala. Iyon nga lang, nalumpo naman siya at nawala ang kaniyang paningin.
Ang mas masaklap, tinakbuhan siya ng driver ng pick-up truck na iyon imbes na tulungan. At hanggang ngayon ay patuloy daw na pinaghahanap ng mga pulis na nilapitan nilang mag-ama.
Pero kung si Summer ang tatanungin, gusto niyang ipaubaya na lang sa Diyos ang salarin. Ilang buwan na rin silang humihingi ng hustisya pero kahit pagkakilanlan ng driver na iyon ay hindi pa rin nila alam. Naniniwala siya na baka mayaman iyon at may malakas na kapit sa batas kaya hanggang ngayon ay bigo pa rin sila. Wala rin daw tumutugma sa mukha ng driver na inilalarawan niya sa mga ito, dahil nakita pa niya bago siya tuluyang nawalan ng paningin sa aksidenteng iyon.
Sa edad na bente tres, sanay naman na ang dalaga sa mga kamalasang nangyayari sa buhay niya.
Ang hindi kaya ni Summer ay ang marinig ang araw-araw na galit ng kaniyang ama na anim na buwan na raw nito ang nasasayang sa paghahanap ng hustisya at pag-aalaga sa kaniya.
“Wala ka na ngang silbi sa pamilyang ito, eh!” patuloy na litaniya ng daddy niya habang pataas nang pataas ang boses. “Pinagtapos kita sa mamahaling unibersidad para ano? Para magpinta? Kahit nga pambili ng mga art material mo, sa’kin mo pa hinihingi. Hindi mo gayahin ang kakambal mo. Simula nang ipinaubaya ko sa kaniya ang Twinnie, mas naging maunlad pa. Kung gaano karami ang suwerte na ipinapasok ni Rhaine sa pamilyang ito, doble naman ang kamalasang ibinibigay mo.”
Ang Twinnie ay isa sa mga kilalang clothing line sa bansa na pag-aari ng kanilang pamilya. Ang mommy niya ang nagpundar at nagpalago niyon. Ipinagpatuloy lang ng kaniyang ama nang yumao ito, eighteen years ago. Nakaraang taon lang nang mag-retiro ang daddy ni Summer. Ipinagkatiwala nito ang pamamalakad sa nag-iisang kapatid at kakambal niyang si Rhaine na nagtapos naman ng Business Management sa London.
Wala raw kasing pag-asa kung si Summer ang mamamahala. Nakapagtapos naman siya ng parehong kurso sa isa pinaka-prestihiyosong unibersidad sa bansa. Dahil na rin sa kagustuhan ng daddy niya. Bilang isang masunuring anak kaya pinilit niyang tapusin ang Business Management. Isinantabi niya ang pangarap na makilala sa larangan ng sining.
Bata pa lang si Summer ay mahilig na siyang mag-pinta at suportado iyon ng yumaong ina. Kaya nga bata pa lang din, Fine Arts na ang gusto niyang kunin. Pero ayon sa kaniyang ama, wala raw siyang kinabukasan kung ang pangarap niyang iyon ang susundin ng dalaga. Isang taon din siyang nagtrabaho sa Twinnie para patuloy na sundin ang kagustuhan ng daddy niya.
Nakaraang taon lang nang makilala ni Summer ang boyfriend niya na isa ring painter. At ito ang naghikayat sa kaniya na umalis sa Twinnie at sundin ang totoong pangarap. Bukod sa nahihirapan siya sa trabaho niya sa kumpanya nila, mahal na mahal din ni Summer ang nobyo kaya sinunod niya ito. At doon na lalong nagalit ang daddy niya.
“At ‘yong lalaki na pinili mo kaysa sa’kin? Where is he now, huh?” Narinig niya ang nakakalokong pagtawa ng ama. “Nagpakita na ba siya sa’yo simula nang malaman niya na nalumpo at nabulag ka na? I’m sure na pati ang pag-text sa’yo, kinalimutan na rin niya. Iniwanan ka na niya dahil ayaw niyang madamay sa kamalasan mo!”
Kinagat ni Summer ang ibabang labi para pigilan ang paghikbi. Sobrang nasasaktan na siya sa mga sinasabi ng ama. Ngunit wala siyang lakas ng loob na sumagot dahil totoo naman lahat ng sinasabi nito.
Wala naman talaga siyang napala sa pagpipinta maliban sa naging masaya siya. Ang dami nga niyang naging obra pero kahit isa man sa mga iyon ay hindi pumatok. May pailan-ilan naman siyang naibenta sa online at sa mga kakilala niya. Tinulungan din siya noon ng boyfriend niya. Pero kung bibilangin ni Summer lahat ng mga nagastos niya sa mga obrang iyon, baka wala pa sa kalahati ang mga kinita niya. Kahit sa mga competition na sinalihan niya noon ay hindi rin sinuwerte ang dalaga. Gayon man ay hindi iyon naging hadlang para mawalan siya ng pag-asa at maniwala sa madalas na sinasabi ng ama na ‘malas’ daw siya.
Summer was still hopeful until that accident happened.
Hindi na rin siya umaasa na magpapakita pa sa kaniya ang nobyo. Her dad was right. Huling pag-uusap nila ay noong nasa ospital pa siya at tinapat na ng doctor na hindi na muling makakalakad at makakakita pa. Maliban na lamang kung may makukuha silang eye donor. Simula noon, kahit tawag o text mula sa nobyo ay wala ng natanggap si Summer.
“Pagod na pagod na ako sa’yo, Summer. Hindi ko na kayang mabuhay na kasama ka…” Naramdaman niya ang pag-upo ng ama sa sofa na katapat ng wheelchair niya. Bahagyang bumaba ang tono ng pananalita nito ngunit punong-puno naman iyon ng pait. Narinig din niya ang mga yapak mula sa kaniyang likuran hanggang sa naamoy niya ang pamilyar na pabango ng kakambal. “Nawala na nga ang Mommy mo nang dahil sa’yo. Tapos ngayon, magiging alagain pa kita habang buhay? Mabuti pa siguro na doon ka na muna sa Lola mo sa Batanes. I’m done!”
“Dad!” anang boses na kapareho ng boses ni Summer mula sa kaniyang likuran, bago pa man siya makapagsalita. “Huwag n’yo namang gawin ‘yan kay Ate Summer. Hindi na kayo naawa sa kaniya. Sino ang mag-aalaga sa kaniya sa Batanes? Eh, matanda na nga si Lola, ‘di ba?” Ina ng mommy nila ang pinag-uusapan ng mga ito.
Muling nakagat ni Summer ang ibabang labi nang marinig ang pagtatanggol sa kaniya ni Rhaine. Kahit spoiled ito ng kanilang ama at may pagka-maldita, malambot naman ang puso nito pagdating sa kaniya. Lalo na kapag pinapagalitan siya nang ganoon ng daddy nila. Sabagay, spoiled din naman ito kay Summer. Halos lahat nga ng pagkakamali nito ay inaako niya. Huwag lang itong masira sa daddy nila. Nauna siyang ilabas ng kanilang ina kaya siya ang itinuturing na ate.
“I've made up my mind,” sa halip ay puno ng pinalidad na sagot ng kanilang ama. “Kung gusto mong samahan siya sa Batanes, fine! Basta ayaw ko nang makita at makasama sa bahay ang babaeng ‘yan. Mamamatay ako sa kunsumisyon!” Iyon lang at narinig na ni Summer ang pag-alis nito sa harapan niya.
Mayamaya lang ay malalakas na hakbang paakyat sa hagdan ang kaniyang narinig.
Pinunasan ni Summer ang mga luhang pumatak sa magkabilang pisngi niya nang maramdaman niya ang pagluhod ni Rhaine sa harapan niya. Ngunit nawalan din ng saysay ang pagtuyo niya sa mga luhang iyon nang sapuin nito ang kaniyang mukha at muling namalisbis ang maiinit na likido sa kaniyang mga mata.
“I’m sorry, Ate Summer. Ayaw kong umalis ka dito pero hindi naman kita kayang alagaan dahil alam mo kung gaano ka-hectic ang schedules ko,” malungkot na saad ni Rhaine kapagkuwan. “Alam din natin na mahirap ng baliin ang desisyon ni Dad kapag final na. Gusto kitang samahan sa Batanes but you know I can’t. Bukod sa hindi ko kayang iwanan ang Twinnie dahil hindi ko kayang biguin sina Mom at Dad, alam mong nandito sa Manila ang buhay ko. Yes, I love visiting Batanes because it’s a beautiful place, but I couldn't live there.” Masuyong tinuyo pa nito ang mga luha niya. “I love you so much, Ate. But Batanes is too rural for me. I hope you understand.”
Puno ng pag-unawa na nginitian ni Summer ang kakambal sa kabila ng kaniyang pagluha. Hinagilap niya ang mukha nito at saka sinapo ng dalawang palad niya. “Kailan pa ba kita hindi inintindi, ha? Mahal na mahal ka rin ni Ate kaya palagi kong pipiliin ang ikakasiya mo, Rhaine. Hindi rin naman ako papayag na sasama ka sa’kin sa Batanes dahil ayaw kong sirain ang buhay mo. Kahit si Dad, naiintindihan ko ang desisyon niya. He’s right. Hindi tama na magpaalaga ako sa kaniya habambuhay. He's too old to take care of me. Kaya nga siya nag-retire bilang CEO ng Twinnie para makapagpahinga, ‘di ba?”
“Pero paano ka naman, Ate? Matanda na rin si Lola. Noong huling dalaw nga natin sa kaniya last December, may sakit siya, ‘di ba? Paano ka pa niya maalagaan kung siya nga, umaasa na lang din sa nurse niya?”
Muling sinupil ni Summer ang mga luha at mas nginitian pa ang kapatid para hindi na ito lalong mag-alala pa. “Nando’n naman si Tita Aurora. For sure, hindi niya ako pababayaan kasi favorite niece nga niya ako, ‘di ba?” biro niya. Nakababatang kapatid ng mommy niya si Tita Aurora at isang matandang dalaga. “At saka, kayang-kaya ko naman ang sarili ko. Para namang hindi mo alam ‘yon.”
“Pero iba ngayon, Ate. Dahil…”
“Dahil bulag at lumpo na ako?” She smiled at her twin sister again. Pilit niyang itinago ang lungkot sa nagbabadya nilang paghihiwalay. Ngayon na nga lang uli sila nagkakasama dahil ilang taon din itong nanirahan sa London noong nag-aaral pa. “Wala ka bang tiwala kay Ate? Six months na akong ganito pero kahit minsan, hindi naman ako nagkamali ng paggamit ng kutsara at tinidor. Nakakapag-lipstick pa naman ako nang hindi lumalampas.”
“Si Ate talaga, nagagawa pang magbiro. Siyempre, basic lang ‘yon, eh. Paano naman—”
“Sshhh…” agad niyang pinutol ang iba pa nitong sasabihin. “Basta kaya ni Ate ‘to, okay? Just trust me.”
Narinig niya ang nanlulumo na pagbuntong-hininga ni Rhaine. Ngunit bandang huli ay nakumbinse na rin niya ito.
“Promise, Ate. Dadalawin kita palagi sa Batanes, okay? Isasama ko si Daddy para naman hindi mo kami gaanong ma-miss.”
Ngumiti siya na hindi na naman umabot sa kaniyang mga mata. Dahil batid ni Summer na malabong mangyari ang huling sinabi ng kapatid. Gayon man ay hindi na lamang niya iyon isinatinig pa. Hangga’t maaari, ayaw ng dalaga na makaramdam ito ng sama ng loob sa ama nila. “Basta ikaw na ang bahala dito kay Daddy, ha? Alagaan mo siya at huwag masiyadong pasakitin ang ulo. Bawas-bawasan ang pagiging spoiled brat at pagiging maldita. Palagi mo ring tatandaan na mahal na mahal ka ni Ate. Tatawagan kita palagi, okay? At huwag kang magdalawang isip na magsabi sa’kin kapag may kailangan ka o kaya kapag kailangan mo ng tulong ko.”
Kahit hindi man nakikita, batid ni Summer na napangiti sa Rhaine sa mga tinuran niya. “I will, Ate. And I love you, too.” Hinalikan pa siya nito sa pisngi bago niya naramdaman ang pagyakap nito sa kaniya.
Nang gumanti siya ng mas mahigpit na yakap ay saka lang muling bumuhos ang mga luha ni Summer. Hindi man niya ipinapakita kay Rhaine…
Pero ngayon pa lang, sobrang nalulungkot na siya sa paghihiwalay na naman nila. Kahit ang daddy ni Summer na buong buhay niyang inaayawan siya, ngayon pa lang din ay nami-miss na ng dalaga.
At ano ang buhay na naghihintay sa kaniya sa Batanes?
Ang tanging konsolasyon na lang ngayon ni Summer, sa wakas, makakasama na rin niya nang matagal ang paboritong lola niya…