Masakit ang katawan ko, dahil siguro sa hindi maayos na pwesto sa kama.
Napatingin ako sa pinto nang mapansin ko ang bayolteng pagpihit doon. Saka pabalyang bumukas iyon. Agad akong napasiksik sa headboard ng kama nang tumambad si Atlas na mukhang lasing na lasing.
Sinubukan kong hilain ang kadena ngunit mahigpit iyon.
"Sinira mo ang buhay ko! Mamamatay tao ka." Galit na hiyaw nito. Mukhang nagtungo rito sa silid upang maglabas ng sama ng loob nito.
"Manay Welda! M-anay!" tawag ko sa matanda. Umaasang sasaklolo ito at pipigilan ang lasing na lalaki.
Nang hilain nito ang binti ko'y napatili ako sa labis na takot kasunod no'n ay ang paghagulgol ko nang iyak.
Pumatong ito sa akin.
"Sinira mo ang buhay ko. Hindi kita mapapatawad." Paulit-ulit nitong bulong sa akin. Pero habang umiiyak ako'y natigilan ako nang maramdaman ko ang pumatak na luha sa leeg ko. Umiiyak ang demonyong nakapatong ngayon sa akin. Dahan-dahan ko itong tinitigan. Ang unang tumambad sa akin ay ang mga mata nitong titig na titig ngayon sa akin.
Hindi galit ang nakikita ko sa kanya ngayon. Kung 'di labis na sakit at pangungulila.
Naramdaman ko ang pagluwag ng kadena sa kamay ko. Nang tignan ko iyon ay nakuha na pala nitong tanggalin iyon. Ang susi ay basta na lang ding binitiwan sa gilid ko.
"B-akit kailangan mong sirain ang masayang buhay na mayroon ako?" malungkot na tanong nito sa akin. Muling pumatak ang luha n'ya.
"A-tlas, hindi... nagkakamali ka." Mahinang tugon ko rito. Umalis ito sa pagkakadagan at humiga sa aking tabi. Amoy na amoy ko ang matapang na alak sa katawan ng lalaki.
"K-iller." Dinig kong ani nito. Hindi naman ako mamamatay tao. Hindi ko alam kung paanong ako ang inisip nitong killer at ang dahilan ng galit nito ngayon. Pero tiyak akong mali ito. Mali ito nang pinagbubuhusan ng galit nito.
Tiyak na nag-aalala na si Aqui sa akin. Lalo't hindi ako tumatawag dito, siguro sa mga oras na ito'y nakarating na rin ito sa resort at ipinapahanap ako.
Ang kaninang labis na takot sa biglang pagsulpot ng lasing na lalaki ay nawala. Napalitan iyon nang pagkahabag nang marinig ko ang pag-iyak nito. Galit ang palaging nakikita kong emosyon nito sa tuwing nasa wisyo ito. Kalungkutan naman kapag lasing ito.
Kung ano man ang pinagdaanan ni Atlas, siguro'y biktima lang din s'ya kaya s'ya umabot sa puntong dinukot na n'ya ako. Gusto kong malaman kung ano ba talaga ang totoo.
Napatingin ako sa bukas na bintana. May naririnig akong tunog, parang tunog ng makina ng bangka. Sinulyapan ko si Atlas, nakatulog na ito pero luhaan pa rin ito. Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Dali-daling tumayo ako at lakad-takbo lumabas. Hindi ko nakita si Manay Welda, walang humarang at pumigil sa akin hanggang sa narating ko ang dalampasigan.
Nanlulumong napaupo ako sa buhanginan nang makita kong malayo na ang narating no'n. Pero nakuha ko pa ring tumayo at sinubukan tawagin pa iyon. Tumalon-talon at sumigaw pa ako.
Pero wala na, hanggang tanaw ko na lang ang napalampas kong oportunidad.
Napahikbi akong muli sa labis na panghihinayang.
"Halika na, Tabitha. Bumalik na tayo sa silid mo. Baka magising si Atlas at makitang wala ka roon." Si Manay Welda, nagpatong din ito ng jacket sa balikat ko saka ako inalalayan makatayo muli ng tuwid.
"Manay Welda, gusto ko na pong umuwi." Luhaang ani ko sa matanda.
"Wala akong magagawa sa bagay na iyan, hija. Dito ka lang, iyon ang gustong mangyari ni Atlas." Malungkot ang tinig ng matanda. Iginiya na ako nito pabalik sa mansion. Sa silid na inuukupa ko'y inabutan naming tulog pa rin si Atlas. Nang makapasok ako'y umalis na rin ang matanda. Ako naman ay nanlulumong napasiksik sa gilid ng kama. Doon umiyak nang umiyak sa labis na sama ng loob. Puro na lang ako iyak, pero wala naman akong magawa sa ganitong sitwasyon.
--
"MAMA, ANONG gagawin natin? Tiyak na magagalit sina Aquihiro sa atin kapag nalaman nilang sumama sa ibang lalaki si Tabitha? Ma, baka magkasira ang dalawang family kapag umabot iyon sa gano'n." Ipinatong ko sa table ng aking ina ang gamit ng kapatid ko na dinala ng tauhan dito sa bahay. Nakausap ko na sila walang ibang pagsasabihan nang nangyari. Tiyak na masasaktan ang nobyo ng kakambal ko kapag nalaman n'yang ang napakabait n'yang girlfriend ay sumama sa lalaking nakilala lang sa resort. Well, iyon ang gusto kong isipin ng lahat.
"Hindi iyon mangyayari. Ipahahanap ko ang kakambal mo. Hindi ako papayag na dudungisan n'ya lang ang pangalan ng pamilya natin dahil sa kalandian n'ya."
"That's right, Ma. Pero kailangan nating magawan ng paraan ito. Tiyak na hahanapin ni Aquihiro si Tabitha. I think kailangan ko munang magpanggap na ako si Tabitha. Ma, concern lang ako sa family natin at kay Tabitha na rin. Hindi ko alam kung bakit umabot sa point na kailangan n'ya pang makipagtanan. Bakit hindi na lang n'ya kinausap si Aquihiro para wala sanang problema." Nakangusong ani ko. Kinukuha ang simpatya ng ina na tahimik at waring nag-iisip.
"Gawin mo ang nasa isip mo, Matilda. Tiyakin mo lang na hindi ka mabubuko ni Aqui. Habang ipinapahanap ang kapatid mo." Mariin nitong sabi.
"Noted, Ma. Kapag hinanap naman ako ni Papa sabihin mo nag-out of town ha." Nakangiti nang ani ko sa ina na sumenyas lang na umalis na ako. Dinampot ko ang mga gamit na inilapag ko kanina.
"Kakailanganin ko ito, Ma. For now, ako muna si Tabitha habang wala pa ang kakambal kong sumama sa ibang lalaki." Tumango lang ito. Bitbit ang gamit na lumabas ako nang opisina nito rito sa bahay. Imbes na dumeretso sa kwarto ay bitbit ang ang mga iyon na nagtungo ako sa kwarto ng kapatid ko.
Pagdating ko roon ay dali-daling nag-shower ako. Naka-robe lang ako na nagtungo sa cellphone ng kapatid ko na inihagis ko lang sa gitnang kama. Tamang-tama na tumatawag si Aqui.
Dali-daling sinagot ko iyon.
"Babe!" parang na gulat pa si Aqui sa tumambad ditong ayos ko. Of course, magugulat talaga s'ya. Boring si Tabitha, sobrang simple. Tiyak na ang pagsuot ng robe sa harap ni Aqui ay ikahihiya pa nito.
"Babe!" magiliw na ani ko sa lalaki. Tunog Tabitha, ngiting Tabitha. Hindi ko akalain ang ilang taong pagbibirong panggagaya ko sa kakambal ko'y magagamit ko pala ngayon.