PROLOGUE
Itutuloy ko ba o hindi? Iyon ang kanina pang tanong sa aking isipan. Kanina pa namamawis ang palad sa labis na kaba, araw ng kasal ko. Pero ang dating buong desisyon ko ay nahahati na ngayon. Noon, nai-imagine ko pa ang pagdating ng araw na ito, pero ibang-iba ang nararamdaman ko ngayon kaysa noon.
Sinulyapan ko ang aking ina na pormal ang expression ng mukha ngayon.
"Alalahanin mo ang responsibility mo sa pamilya natin. Hindi ko alam kung bakit biglang nag-doubt ka sa una mong desisyon. Pero nakasalalay ang magandang relasyon ng mga Reiz at Santiz sa kasalang ito. Kayong magnobyo ang bumuo nito, sinang-ayunan lang namin kayo. Huwag mo kaming ipahihiya, Tabitha. Napakarami ng bisita. Napapanood tayo sa buong Pilipinas. Tandaan mo iyan."
Mas humigpit ang hawak ko sa aking bouquet. Agad na ngumiti ang aking ina nang itutok ang camera sa aming dalawa. Nang buksan na ang bridal car ay parang mas lalong nangatog ang tuhod ko.
Bumaba rin si Mama at agad namang lumapit ang aking ama sa pwesto naming mag-ina. Natanaw ko si Matilda, ang aking kakambal, na agad kumaway sa akin nang makita akong nakatingin dito. Pilit ko ring sinuklian ang pagkaway nito.
"Ang aking bunso, mukhang kinakabahan. Ngumiti ka naman." Biro ng aking ama saka marahan akong niyakap. Gusto kong sabihin ditong hindi na buo ang loob ko, pero agad kong naramdaman ang bahagyang pagpisil ni Mama sa aking palad.
Oo nga pala, parang buong bansa ay nakaantabay sa kasal na ito. Hindi lang simpleng kasal sa pagitan ng Reiz at Santiz. Dahil ang kasal na ito'y ginastusan ng parehong pamilya.
Kasalukuyan ding napapanood sa buong bansa ngayon.
Nang sabihing magsisimula na ay agad nang lumayo si Papa. Hindi ko na nasabi pa sa kanya ang gusto kong sabihin. Higit kanino man, si Papa ang tanging tao na alam kong gagawin ang lahat para sa akin. Kahit pa sirain ang ganito kalaking event ay tiyak kong hindi ito magdadalawang isip.
Bumeso ang aking ina at bahagyang bumulong."Huwag kang magkakalat. Nanonood ang lahat sa iyo, naintindihan mo ba ako?" mukha lang nagbibilin si Mama, na sa akin lang n'ya tanging ipinaririnig pero puro naman iyon pagbabanta na ang tanging sagot ko lang ay tango.
Nang marinig na namin ang hudyat ay agad na itong lumayo. Naiwan ako sa kinatatayuan ko, mag-isa akong maglalakad sa aisle. Si Matilda ang maid of honor ko na agad kumindat nang makita pa rin ang tensyonado kong mukha.
Gusto ko nang tumakbo. Ang kaninang hating kalooban ay buong-buo nang nagnanais na huwag itong ituloy.
Ngunit ang mga katagang binitiwan ni Mama ang nagpaalala sa akin ng mga consequences kalakip ng magiging desisyon ko.
Narinig ko nang pumailanglang ang malamyos na tugtugin sa loob ng simbahan. Inihanda ang sarili sa muling pagbukas ng pinto para sa pagpasok ko.
Kailangan ko itong ituloy, hindi ko nga rin pala dapat biguin si Aquihiro. Si Aquihiro na s'yang kasintahan ko ng mahigit tatlong taon.
Nagsimula akong humakbang, mas humigpit ang hawak sa bouquet, pilit na ngumiti nang mapansin kong halos lahat ay malawak na nakangiti na pinagmamasdan akong maglakad papalapit sa altar.
Nakita ko ang aking ama na proud na proud at maluha-luha pang nakatitig sa akin. Si Mama... si Mama na alam kong peke ang ngiting nakalarawan sa kanyang labi. Si Aquihiro na malawak ang ngiti, pero maluha-luhang nakatitig sa akin.
Ito iyong pangarap namin noon pa man. Pangarap ito ng lalaki na maiharap ako sa altar at pakasalan.
Pangarap naming dalawa ito noon, pero ang laking pagtataksil kapag nalaman n'yang hindi na 'kami' ang magbubunyi sa kasal na ito. Wala ng saya sa puso ko.
Nang sabayan ako ng magulang ko na naghintay sa bandang gitna ng aisle ay kay Papa lang ako kumapit. Habang si Mama ay humawak sa braso ko. Sila ang naghatid sa akin palapit kay Aqui na nagpasalamat agad sa mga ito. Naluluhang pinagmasdan ko ang lalaki.
Pareho kaming naluluha, pero sa magkaibang dahilan.
Bahagya nitong pinisil ang palad ko. Waring nais ipabatid na magiging maayos din ang lahat.
Hindi ako tumakbo, kahit pa iyon ang nais kong gawin. Itinuloy ko ang kasal, sa isip ko'y itinanim na magiging maayos din ang lahat.
Magiging maayos ang lahat? Iyon ang akala ko.
Dahil iyon pala ang simula ng impyernong buhay na never pumasok sa isip ko.
Hindi ko ninais umabot sa puntong nagmamakaawa na ako para lang sa kalayaan ko, hindi pumasok sa isip kong daranasin ko ang impyerno sa kamay ng mga taong mahal ko. Hindi ko inakala... pero kailangan kong tanggapin. Ako ang unang nagkamali, ako ang unang bumigo kay Aqui.
Ako ang unang sumira ng pangako namin sa isa't isa. Pero hindi ko naman iyon ginusto. Naipit lang din ako sa sitwasyon pinaglagyan sa akin ng kakambal ko.
Oo, naipit lang ako dahil kay Matilda. Pero habang nasa miserable akong buhay, naging parte pa rin s'ya ng buhay na iyon. Habang ako'y luhaan, lihim s'yang nagbubunyi. Habang nakaluhod ako't nagmamakaawa, pinanonood n'ya ako habang nakakulong s'ya sa bisig ng asawa ko.