Chapter Four
“Raphael,” tawag sa kanya ni Barachiel at kita niya ang dismayadong mukha ng kapwa anghel. “Bakit kayo lumabag sa utos ng Diyos?” tanong sa kanya at napangiti lang siya.
“Sa totoo lang hindi ko din alam. Wala sa hinagap ko na susuwayin ko ang Panginoon. Mayroon isang bagay ang batang iyon kaya nagawa naming ito,” sagot niya at kita niya ang pagtataka sa mukha ni Barachiel.
“At ano naman ito?”
“Busilak na puso. Sa lahat ng mortal na nakita ko, tanging siya lang ang malinis. Siya lang ang busilak ang puso,” sagot niya. Itinaas ni Barachiel ang kanyang kamay at binawi ang sibat na pinalipad niya kanina.
“Walang mortal na malinis, Raphael,” sabi nito sa kanya at mariin niya itong tinutulan. “Hindi mo alam sapagkat hindi mo nakita mismo ng iyong mga mata. Hindi mo nadama dahil hindi niyo binigyan si Roman ng pagkakataong makilala,” sagot niya at umiling ang anghel.
“Raphael, kahit ano pa ang inyong mga nakita sa mortal na iyon, hindi pa rin maipagkakaila na sumuway kayo sa Panginoon.” Naging alerto siya ng mag-apoy ng kulay pula ang sibat ni Barachiel. “Nawa’y pagsisihan mo ang iyong kasalanan.” Sabay bato ng sibat sa kanya. Agad siyang nakalipad pataas at ang sibat ay tumama sa pader na halos ikawasak na nito. Ito na ang hudyat para sa iba pang anghel na sugurin siya. Sabay-sabay na lumipad ang mga anghel at sinugod siya. Halos matabunan na siya ng mga anghel. Nakatingala at pinanunuod ni Barachiel ang mga pagsugod ng mga anghel.
Nalulungkot siya kung bakit nangyayari ito sa mga kapwa niya archangel ngunit wala na siyang magagawa pa. Napapikit siya ng biglang lumiwanag ang kalangitan at nagtalsikan ang mga anghel. Nang idilat na niya ang mga mata niya ay nakita niya si Raphael na may hawak na pana, ang mga dulo ng palaso niya ay may apoy na kulay dilaw.
“Barachiel, ngayon ko lang napag-isip isip na tayong mga anghel ay sunud-sunuran lamang sa Diyos. Nilalang lang ba niya tayo para maging taga-sunod niya? O para tayo ay makapag-isip ng tama at panindigan ang mga prinsipyo natin? Hindi kami sumuway para gumawa ng masama. Ang tanging hiling namin ay maiuwi ang mortal sa lupa,” sabi niya habang tinitingnan ang anghel.
“Mukhang nabulungan na kayo ng mortal, kaibigan. Pasensya na pero kailangan mong maparusahan.” Muli niyang kinuha ang kanyang sibat at muli itong ibinato kay Raphael. Mabilis na nakaiwas si Raphael at nakapagtago sa isang puno. Mula dito ay pinakawalan niya ang kanyang dalawang palaso, nabigla si Barachiel sa mabilis na pagsulpot ng mga palaso kaya natamaan siya ng isa sa kanyang balikat. Napangiwi siya sa kirot na dulot ng palasong ito. Pinilit niyang binunot ang palasong bumaon sa balikat niya, pinipigilan niya ang pagsigaw ngunit hindi niya ito matanggal. Parang asido na tumutunaw sa kanyang laman ang dulot ng apoy na mula sa dulo nito. Apoy na pakiramdam niya ay unti-unting gumagapang sa kanyang katawan.
“Raphael!” sigaw niya. Lumabas si Raphael sa kanyang pinagtataguan at muling hinarap si Barachiel. “Pagbabayaran mo ito! Kayo ng mga suwail na anghel!” sigaw sa kanya. Ibinaon ni Barachiel sa lupa ang kanyang sibat at pinagdikit ang dalawang palad. Napansin ni Raphael na unti-unting lumalabas ang kulay pula na apoy mula sa sibat. Umuusal ng munting panalangin si Barachiel at kinilabutan siya ng idilat nito ang mga mata at binigyan siya ng isang matalim na titig. “Angelus mori,” sabi nito kasabay ng pagkawala ng sibat na nakatarak sa lupa. Dito na siya nagtaka, hindi maintindihan kung nasaan napunta ang sibat. “Ack!” nanlalaki ang mata niya nang makita ang dugo mula sa kanyang dibdib. Nilingon niya ang likod at nakitang nakatusok na sa kanya ang sibat ni Barachiel.
“Ang lahat ng kasalanan ay dapat pagbayaran,” sabi ni Barachiel habang pinapanuod na bumabagsak mula sa itaas ang anghel na si Raphael.
“Panginoon!” nabigla ang Panginoon nang makita si Barachiel na humahangos at halos padapang lumuhod sa kanya.
“Masamang balita po!” sigaw nito sa kanya.
“Ano ba ang nangyayari, Barachiel?” tanong niya. Huminga muna ng ilang beses ang anghel bago siya sinagot. “May mortal pong nakapasok dito, Ama.” Napatayo siya sa narinig niyang balita. “Papaanong may mortal na nakapasok dito sa langit?” tanong niya. Tumingin sa kanya si Barachiel saka sumagot.
“Dinala ang batang mortal dito ni Michael. Magkakasama sila nila Raphael at Uriel.”
“Kaya pala pakiramdam ko ay may tinatago ang tatlong anghel na iyon. Hindi ba’t nasa batas ko na bawal magdala ng mortal dito? Dapat dumaan sa paghuhukom ang namatay! Papaanong nakapasok ang mortal dito?”
“Ama, sumuway sa iyong kautusan ang tatlong anghel. Sa ngayon ay hinaharangan sila ni Gabriel. Ano ba ang dapat nating gawin?” tanong ni Barachiel. Tumingin siya sa labas at nakita ang kulay berdeng kidlat na nanggagaling sa lumang silid-aklatan. Alam niyang kay Gabriel nagmula ang liwanag na iyon.
“Ano ang nasa isip ng mga anghel na ito at sinuway ang utos ko. Bakit sila sumuway?” tanong niya at wala naman siyang nakuhang sagot kay Barachiel. “Barachiel, dapat silang parusahan. Gawin niyo ang dapat gawin upang hindi na sila pamarisan pa ng iba pang anghel,” utos niya at sumang-ayon agad si Barachiel.
“Masusunod po, Panginoon,” agad na umalis si Barachiel at nagtawag ng hukbo ng mga anghel.
Napabuntong hininga ang Panginoon, “Pakitawag si Jegudiel,” utos niya sa isang anghel na nandoon.
“Masusunod po, Panginoon.”
“Michael!” sigaw ni Jegudiel at siya naman ay mas lalong nagtago. Alam niyang inutusan ng Panginoon si Jegudiel para parusahan siya.
“Michael! Lumabas ka na! huwag ka ng magtago pa!” sigaw nito. Sinilip niya mula sa kanyang pinagtataguan ang anghel, nakita niyang lumiwanag ang kamay nito na kulay lila at biglang lumabas ang dalawang pares ng baril. Nang mapagtanto ang gagawin ng anghel ay niyakap niyang mahigpit si Roman at tumakbo sila palayo, kasabay nito ng paulanan sila ng bala ni Jegudiel.
“Naku naman Michael, kailangan ko pang magsayang ng mga bala para lamang lumabas ka,” sabi sa kanya. Ibinaba niya si Roman na agad nagtago sa kanyang likuran.
“Jegudiel, hayaan mo lang akong ihatid sa lupa si Roman pagkatapos ay buong puso kong tatanggapin ang aking kaparusahan. Ibabalik ko lang sa lupa ang batang ito,” pakiusap niya at umiling si Jegudiel. “Michael, hindi ako tulad mo na sumusuway sa Panginoon. Ang utos niya ay ihatid sa inyong dalawa ang inyong kaparusahan,” sagot nito sa kanya.
“Jegudiel, pakiusap ihahatid ko lang si Roman!” ngunit bingi ang anghel sa kanyang pakiusap. Itinutok ulit sa kanila ang baril nito at muli na naman silang pinaulanan. Mabilis na kumilos si Michael at binitbit palayo para makailag sila.
“Ayaw ko man pero wala na akong magagawa pa,” sabi niya at may munting apoy na nagmula sa kanyang palad. Apoy na kulay kahel at mula dito ay lumabas ang kanyang espada. Ngumisi sa kanya si Jegudiel at muli na naman silang pinaulanan. Bawat bala ay nasasalag ng kanyang espada ngunit hindi nagtagal ay hindi na niya ang sunod-sunod na pagputok nito. Iisa lang naman ang nasa isip niya, ang mabuksan ang Heaven’s Gate. Habang sinasalag ay nakatingin siya sa gate controller nito.
“Michael!” sigaw ni Jegudiel at ipapalo sana sa kanya ang baril nito pero mabilis niyang nasugatan ang braso nito. Napaatras si Jegudiel at hinawakan ang sugatan niyang braso. May mga munting kahel na apoy ang pumapasok sa kanyang sugat dahilan para mamanhid ang kanyang braso. Sinamantala ito ni Michael at agad pinindot ang code para bumukas ang gate.
“Mabuti na lamang ay nakita ko kung ano ang code,” sabi niya. Ilang sandal lang ay unti-unti ng bumukas ang gate.
“Roman! Lumabas ka na!” sogaw niya sa bata at umiling-iling naman ito.
“Ayoko! Magkasama tayong lalabas dito, Michael! Hindi ako lalabas at iiwan ka!” sigaw sa kanya ng bata.
“Sige na! Takbo na Roman!” sigaw niya ngunit hindi talaga siya sinunod ng bata. “Hindi ko kayo hahayaang makaalis dito!” sigaw ni Jegudiel at binaril ang gate controller dahilan para masira ito at dahan-dahang sumasara ang Heaven’s Gate.
“Hindi!” sigaw niya at muling sinugod si Jegudiel. Natadyakan niya ang anghel dahilan para lumipad ito ng ilang metro.
“Roman! Tara na!” sigaw niya at agad tumakbo sa kanya ang bata. Magkahawak-kamay silang tumatakbo papalabas ng gate. “Michael!” dinig nilang sigaw ni Jegudiel at nakarinig sila ng dalawang putok ng baril. Nabigla si Roman ng itulak siya ni Michael palabas ng gate. “Michael!” sigaw niya ng makalabas siya, purong dilim ang nakikita niya. Nagtaka siya ng walang sumagot sa kanyang tawah. Dito na siya lumingon at nagimbal sa kanyang nakita.
“M-michael?” tawag niya. Naipit ng Heaven’s Gate ang katawan ni Michael, nakita niyang may tama din ito sa balikat at leeg. Kahit hirap ay inangat ni Michael ang kanyang ulo para titigan si Roman na puno na ng luha ang mukha.
“Roman, bumalik ka na sa lupa. Mamuhay ka ng tahimik. Gamitin mo ito sa iyong pagbaba,” sabi niya at may isang balahibo ng pakpak niya ang lumitaw sa kamay ng bata. “Hindi, hindi kita iiwan dito. Sabay tayong bababa sa lupa. Hindi kita iiwan,” umiiyak na sabi ni Roman. Ngumiti na lamang si Michael saka siya binawian ng buhay. Sa kanyang pagkamatay ay unti-unti siyang naging alikabok. “Hindi! Michael!” sigaw ni Roman. Inipon niya ang alikabok at hinawakan ito.
“Hindi ako aalis dito. Hindi ako aalis na wala kayong tatlo. Michael! Raphael! Uriel! Panginoon! Kung naririnig mo ako! Ibalik mo ang mga kaibigan ko! Bakit ba ayaw mo sa akin! Bakit pinahihirapan mo ako!” puno ng pait ang kanyang pagkakasabi. “Michael! Raphael! Uriel!” halos maghisterikal na siya at paulit-ulit na tinatawag ang mga pangalan ng mga kaibigan niyang anghel hanggang sa napagod na siya at dumapa sa harap mismo ng Heaven’s Gate.
“Panginoon, ano ang gagawin natin?” tanong ni Gabriel sa Panginoon ng magpulong sila sa bulwagan. Napabuntong-hininga ang Panginoo bago napasandal sa kanyang trono. Dalawang taon na ang lumipas simula ng maparusahan ang tatlong archangel at ang batang mortal ay nanatiling nakadapa sa Heaven’s Gate at wala na ring buhay. Ang pinagtataka ng lahat ay hindi nila nakita ang kaluluwa ng bata para sa paghuhukom.
“Seraphiel,” tawag ng Panginoon at agad naman lumapit ang anghel. “Hayaan mong bigyan ng isa pang pagkakataon ang batang mortal. Siguraduhin mong wala siyang maalala sa mga nangyari at naranasan niya dito sa langit,” utos niya at yumuko naman ang anghel. “Masusunod po, Ama.”
Nahabag si Seraphiel, ang anghel ng panalangin nang makita ang katawan ng batang mortal. Nakadapa ito at nanatiling hawak ang pakpak ng dating kasamahang si Michael. Nilapitan niya ito at lumuhod sa tabi nito. Pinagdikit niya ang kanyang dalawang palad at ipinikit ang kanyang mga mata.
“Pater, da ei nova vita sine dolore, dolor,” (Ama, bigyan mo siya ng panibagong buhay na walang pasakit at pighati) unti-unting lumiwanag ang kanyang kamay. Isang kulay indigo ang liwanag at nilapat niya ang kanyang isang palad sa likod ng mortal. “Renascitur,” huling banggit niya at nilamon ng liwanag ang katawan at tuluyan na itong naglaho. Tumayo na siya at tinanaw ang madilim na daanan patungong mundo.
“Nawa’y muli kayong magkita-kita ng iyong mga kaibigan,” tumalikod na siya at muling pumasok sa Heaven’s Gate.
“Ano kayang nangyayari sa taas 'no?” tanong ni Belphegor, ang demon of sloth. Nakahiga ito sa damuhan at pinagmamasdan ang itim na ulap. Mula dito ay tanaw niya ang bangin na maghahatid sa langit. “Mukhang may kaguluhan doon ah, panay ang kidlat ng kalangitan eh,” puna ni Levi, ang demon of envy. Itinapon ni Lucifer ang kanyang hinihithit na sigarilyo at tinanaw ang kalangitan na panay kidlat at kulog. Lumiliwanag din ang kalangitan ng mga iba’t ibang kulay. “Mukhang may mga anghel na kumalaban na naman sa kanya. Alam niyo naman iyon, ayaw na ayaw may kumakalaban sa kanila. Kawawa ang mga anghel na iyan, sunod-sunuran na lang sa kanya,” sagot niya sa mga kapwa niya demonyo.
“Hoy!” napatingin lahat sila kay Asmodeus na kakaahon lang mula sa lupa. “O bakit?” tanong ni Belphegor. “Bumalik na kayo. Hanap kayo ni Satan,” sagot nito at muling tumalon sa nangangalit na apoy. Agad naman silang sumunod at isa-isang tumalon sa dagat na apoy. Nang makatalon na silang lahat ay agad na nagsara ang lupa.